Chapter 10
Natanggap ni Leandro ang text mula kay Mindy at pinaandar na lang niya ang kotse upang ihatid ang dalaga pauwi sa may West Rembo. Napaisip tuloy siya ng maidadahilan kung saka-sakali.
“Shit! Hindi naman siguro ako mapagkakamalan ng mga magulang niyang bad influence nito?” sabi niya sa sarili habang nagmamaneho. Pasulyap-sulyap siya sa dalagang tulog pa rin dahil sa kalasingan. Bakit kasi naglasing ito at hindi pa nag-elaborate si Mindy?
‘Ano kaya ang masamang balita nito sa nobyo? May iba kayang babae at nalaman ni Estelle? Pero bakit may sinabi si Mindy na baka nagsaya ‘to?’
Napapilig siya ng ulo. Nalilito. Baka hindi naman iyon ang dahilan. Hindi naman sa lahat ng pagkakataon nambabae ang mga seaman. Depende naman iyon sa lalaki talaga. Kung matulis talaga, ganoon talaga. Kung loyal naman, kahit ilang taon pa ito mahihiwalay sa babaeng mahal ay wala talaga itong gagawin para magkasiraan ng relasyon at hahantong sa hiwalayan.
‘O kaya naman hindi siya malungkot kundi masaya? Baka nag-celebrate siya dahil uuwi na ang nobyo niya kaya niya ako tinawagan kanina.’
Kahit papaano ay may humiwa sa kaniyang puso nang maisip lang na uuwi ang nobyo ng dalaga at may mangyayari sa pagitan ng dalawa.
Napamura tuloy siya sa kaniyang sarili. Sinulyapan niya nang matalim ang babae.
‘Ako pa ang tinanong mo ng gano’n? How dare you! What did you say again? ‘Let my desires go wild and set my passion free?’ Huh!’
Naaasar siya sa isiping ito.
Humugot muna siya ng isang malalim na hininga bago umibis ng sasakyan nang nasa harap na siya ng bahay nina Estelle. Nakabukas ang ilaw sa harap. Sigurado siyang dahil hindi pa nakauwi ang dalaga kaya ganoon.
Hindi naka-lock ang gate kaya binuksan niya lang ito at kumatok sa pinto ng bahay. Binati niya ang may-edad na lalaking siyang nagbukas para sa kaniya. Nalilito itong nakatingin sa kaniya.
“Ako po si Leandro, kasamahan ni Estelle sa trabaho,” pakilala niya rito.
Napatingin ito sa likuran niya. Nakita nito ang kotse niya at malamang ang anak nitong nasa loob. Nakabukas kasi ang ilaw niya sa loob.
“A-ano’ng nangyari kay Estelle?” alalang tanong ng ginoo.
“Napasobra po yata ng inom, eh. Nag-inuman kasi sila ni Mindy at medyo lasing na rin si Mindy kaya… ako na po ang naghahatid sa anak n’yo,” magalang na aniya. Pinilit niya talagang mag-Tagalog at baka mag-i-Ingles siya nang wala sa oras.
Nilapitan nito ang kotse niya kaya sumunod siya. Binuksan nito ang pinto. “Estelle! Hoy, gumising ka, bata ka!”
“Ah… Ako na po ang bahala sa kaniya. Mukhang hindi po talaga ‘to magigising sa ngayon, eh,” sabi niya sabay abot ng seat belt para pakawalan ang dalaga. Binuhat niya ito at kinuha na lang ng ama nito ang bag ng anak. Sumunod ito sa kanila at nauna na para igiya siya kung saan ang kuwarto nito.
“Ano’ng nangyari, Daniel?” tanong ng may-edad na babae na napasulyap sa kaniya at sa anak na pinangko niya. Napasinghap ito sa nakita.
“Lasing na lasing ang anak natin, Nadia. Buti na lang at inihatid siya ng kasamahan niya sa trabaho, si Leandro,” sagot ng ama ng dalaga, sabay pakilala sa asawa.
“Hay, salamat. Leandro, ‘kamo?” anang maybahay.
“Opo.”
“Sige, ilapag mo na siya diyan. Hay naku! Naabala ka pa tuloy dahil sa iresponsableng batang ‘yan,” anang ina ni Estelle na nakasimangot sa pagkadisgusto sa ginawa ng anak.
“Wala pong anuman. Nagkataon lang pong ako ang tinawagan niya kaya… heto.” Napakibit na lang siya ng balikat pagkaturan.
Napataas ng kilay ang mga magulang ng dalaga. Klarong nagtataka ang mga ito kung bakit siya ang tinawagan ng anak ng mga ito gayong may nobyo ito. Sabagay nga naman, wala sa Pinas ang seaman nitong kasintahan.
Napatingin pa siyang muli kay Estelle na nakahiga na ngayon. Kinumutan ito ng ina.
“Kumain ka na ba? O gusto mo ng maiinom?” alok ng ama ng dalaga.
“Ah, ayos lang po ako. Salamat po sa pag-aalala,” magalang na tanggi niya.
“Sigurado ka ba, Leandro?”
Napilitan na lang siyang tanggapin ang pagiging hospitable ng mag-asawa. Uminom siya ng juice dahil magmamaneho pa man din siya pauwi. Kanina, kung hindi pa siya tinawagan ng dalaga ay napapainom sana siya ng beer at doon na matutulog sa bahay ng pinsan. Pero heto at nagkukuwentuhan sila ng ama ng dalaga. Ang okay rin pala nitong kausap.
***
Hirap si Estelle na idilat ang mga mata habang tumutunog ang kaniyang cell phone. Nasa loob ito ng kaniyang bag. Dinukot niya ito mula roon at napatingin kung sino ang maagang tumatawag.
“Mindy?” tamad na sagot niya. “Ba’t ang aga mong tumawag?”
“Anong maaga? Alas-onse na kaya, ‘no?”
“Ah, gano’n ba?” Napakislot siya. Mabigat ang pakiramdam niya at medyo masakit ang kaniyang ulo. Ang pait din ng kaniyang bibig at napakatuyo ng lalamunan niya.
“Spill it!” demand nito.
Napasimangot siyang napahiga nang patihaya. “Ang alin?” Hindi niya alam kung ano ang ibig nitong sabihin.
Napatawa ito sa kabilang linya. “May nangyari ba sa inyo ni Leandro?”
Bigla siyang napabalikwas nang marinig ang pangalan ng lalaki. “Ano? B-bakit mo naitanong ‘yan, ha?” Bigla siyang kinabahan. Napatingin siya sa sarili, hindi naman siya nakahubad at saka nakita niyang pamilyar ang silid na kinaroroonan niya kaya naman napahinga siya nang maluwag.
“Hmm… huwag mo nang itago,” kulit sa kaniya ng kaibigan.
“Ano ka ba? Wala, ‘no? Nandito ako sa kuwarto ko! Mag-isa!” Iginiit pa niya ang mga salita.
Narinig niyang napabuntong-hininga ang kaibigan. Tila dismayado ito sa narinig. “Oh, well… hindi ko talaga masasabing sayang naman o ang hina naman niya. Binigyan ko na siya ng pagkakataon, ah,” biro nito.
“Tigilan mo nga ako! Pero teka, bakit naitanong mo? Bakit ko naman kasama ang lalaking ‘yon, ha?” Nakasimangot pa rin siya saka tumulis ang nguso.
“Siya lang naman ang naghatid sa ‘yo pauwi, ‘no? Wala ka bang naaalala na ginawa mo kagabi, ha? Gusto mo bang ikuwento ko sa ‘yo? Aba, juicy ang nangyari, ano?” susog ng kaibigan.
Namilog ang mga mata niya. “H-ha? T-teka lang. Huwag mong sabihing…?” Napatigil siya sa pagsasalita habang unti-unting bumabalik sa isipan niya ang pagtawag niya sa lalaki at ang mga salitang binitiwan niya. Napasapo tuloy siya sa kaniyang noo. “Diyos ko po!” Ramdam niya ang pag-iinit ng kaniyang mukha.
Napatawa naman nang malutong si Mindy. Pagkatapos ng usapan nila ay tiningnan niya ang kaniyang call log. Ibinaon niya ang mukha sa kaniyang unan dahil sa pagkapahiya. Nandoon nga. Siya mismo ang tumawag sa lalaki at hindi baliktad.