Chapter 71
"I have done a series of test to your wife. I will update you soon the result is out. But don't take it seriously, wala naman akong nakitang dapat mong ipag-alala. Mukhang nawalan lang siya ng malay dahil sa stress." Tila naririnig pa ni Damielle Astin ang tinuran ng doktorang sumuri kay Raya Fae.
Buntong-hininga siyang napahilamos sa sink ng kanilang banyo. Mabigat ang kanyang pakiramdaman at umaasa siyang kahit sa paghilamos man lamang ay gumaan kahit kaunti ang kanyang dinadala. Nagbabasakali siyang matatangay ng tubig ang bigat ng kanyang damdamin. Nag-angat siya ng tingin at tumitig sa sarili niyang repleksiyon. Hindi nakaligtas sa kanyang paningin ang problemado niyang mukha.
Nabuga siya ng hangin. Nawawala ang kanyang mga anak at ngayon ay wala pa ring malay ang kanyang misis. Kahit sinabi ng kanilang family doctor na wala siyang dapat ipag-alala, hindi pa rin niya maiwasang matakot at mag-alala.
Muli siyang napabuga ng hangin bago siya nagpasyang humakbang paalis ng banyo ngunit kusa siyang natigil nang mahagip ng kanyang paningin ang kulay puti at maliit na parihabang bagay na nakapatong sa gilid ng sink.
Napakurap siya.
Awtomatikong humakbang ang kanyang paa patungo sa kinaroonan ng bagay nang maalala niyang iyon ay ang PT kit na naiwan nila kaninang umaga.
Napalunok siya nang damputin niya.
At hindi niya naiwasan ang lalong pagkabog ng kanyang dibdib nang makita niya ang kulay pulang linyang nakaguhit roon.
Napalunok siya nang makita niyang dalawa iyon.
Napakurap siya upang siguruhing hindi siya namamalikmata.
Two lines iyon at alam niya kung anong ibig sabihin.
"Raya is pregnant." Ugong ng kanyang isipan.
"I'm going to be a father again." Muling ugong ng kanyang isipan.
May bahagi ng puso niya ang nakaramdam ng excitement ngunit hindi iyon naging lubos dahil sa problemang kasalukuyan nilang hinaharap.
Muli siyang napatitig sa salamin.
"Everything will be okay and then after that we will celebrate the good news of having a new baby."
Baon niya ang kaunting pag-asa nang bumalik sa kama kung saan nakahiga ang kanyang misis. Naghahalo ang damdaming kanyang nakadarama. Natutuwa siya sa natuklasan ngunit nalulungkot siya dahil sa problemang kasalukuyan nilang hinaharap.
"Raya." Sambit niya kasabay ng pag-upo niya sa tabi ng kanyang misis. Pakiramdam niya ay maluluha siya habang nakatitig sa kanyang asawa. Parang nadudurog ang puso niya na makitang walang malay ang kanyang kabiyak.
Marahan niyang itinaas ang kamay ng kanyang misis at saka masuyo hinagkan ang likod ng palad nito.
"Raya, please be okay. Gumising ka na please. Nag-aalala na ako sa'yo."
Hindi niya naiwasang mag-alala ng labis lalo na at alam niyang mayroon bata sa sinapupunan nito ang maaari ring maapektuhan. Nagsunod-sunod ang problema at hindi niya tuloy mawari kung ano ang dapat niyang unahin.
"Boss." Ang patawag ni Thano Miguero ang pumukaw sa kanyang pansin sa walang malay na si Raya Fae.
Agad siyang napatingin sa pinagmulan ng tinig. Marahan niyang ibinaba ang kamay ng kanyang misis. Agad siyang tumayo at humakbang palapit sa pinto ng silid kung saan naroon ang bagong dating na si Thano.
"Thano. What's the news? Ginawa mo ba 'yong utos ko? Nagawa niyo bang matunton kung saan nila dinala ang mga bata?"
Gumuhit naman ang lungkot sa mga mata ng kanyang tauhan.
"Pasensya na, boss. Pero sa ngayon hindi pa, boss. Pero ginagawa ng mga tauhan ang makakaya nila."
Napabuga naman ng hangin si Damielle Astin. Pakiramdam niya ay lalong bumigat ang pasan niyang problema.
"Pero nakilala namin ang mga lalaking kumuha sa kambal, boss."
Mabilis na bumalik ang titig niya sa kanyang tauhan.
"Who are they?" Mabilis niyang saad.
Napalunok naman si Thano Miguero bago siya sumagot.
"M-Mga tauhan sila ni Rio Costor."
Hindi naman naiwasan si Damielle Astin ang mapakunot-noo.
"But Rio is already dead. So, ano? Ipinaghihiganti siya ng mga tao niya?"
"Paano kung hindi pala siya patay, boss? Hindi lumabas sa balita ang pagkamatay niya. Nawalan ng pinuno ang Black Cult, boss pero bakit hindi iyon naibalita sa ibang Mafia?"
Tila naman nanuyo ang lalamunan ni Damielle Astin. May punto ang tauhan niyang si Thano. Isang malaking organisasyon ang Black Cult, sa pagkamatay ng pinuno nilang si Rio, nakakapagtaka ngang hindi umugong ang balita tungkol doon.
Napalunok siya. Malaki nga ang posibilidad na buhay pa si Rio Costor.
Ngunit aniya sa sarili, kahit anong klaseng paghihiganti ang gawin ng kampo ni Rio o kahit si Rio pa mismo ay kaya niyang harapin ngunit ibang usapan na kung madadamay ang kanyang mag-iina. Ayaw man niyang aminin ngunit si Raya at ang kanyang mga anak ang kanyang kahinaan. Nasanay na siyang parte sila ng buhay niya. At hindi niya kakayanin kung mawala ang mag-iina. At lalong hindi niya mapapatawad ang sarili kung mapapahamak ang mga ito dahil sa kanya--dahil sa pagiging pinuno niya ng Red Majesty.
"Wala pa namang ebidensiya na buhay si Rio, boss. Ewan ko ba, baka nagiging praning lang ako."
"Then we have to confirm it para alam natin kung paano tayo kikilos."
Napakuyom siya ng kamao. Kailangan niyang magkaroon ng lakas ng loob. Hindi siya papayag na maulit ang nangyari noon. Hindi na siya mawawalan ulit ng mahal sa buhay.
Muli siyang napatitig kay Thano.
"Pakilusin mo ang mga tauhan ng Red Majesty, Thano. Kailangang maibalik sa'kin nang buhay ang mga anak ko. We also need to triple the security of the mansion. Magtalaga ka rin ng magbabantay kay Daddy at sa mga Villacorda. Gusto kong masiguro na walang kahit sinuman sa pamilya ko ang mapapahamak."
Umigting ang panga ni Damielle Astin, nawala ang emosyon sa mga mata nito at gumuhit ang tapang. Matapos iyon ay saka siya nagpatuloy
sa pagsasalita.
"Wala na akong pakialam kung maisali ang Mafia sa gulong ito. Gagawin ko lahat para sa pamilya ko lalong lalo na sa mga anak ko."
Bago pa makaimik si Thano ay nakuha ng atensiyon nila ang pagtawag mula sa loob ng silid.
"Damielle." Namamaos ang tinig nito ngunit naging malinaw iyon sa pandinig ni Damielle Astin.
Pakiramdam niya ay tumigil ang ikot ng kanyang mundo. Kahit hindi niya lingunin ang may-ari ng tinig ay nakakasiguro siyang iyon ay walang iba kundi si Raya Fae.
Napalunok siya ngunit tila lalong tinambol ang puso niya sa sunod na winika ng kanyang maybahay.
"What did you say, Damielle? Did you just say Mafia?"