Chapter 43.2

"Raya? God! Thanks you're awake now." Mabilis na tinawid ni Damielle Astin ang distansiya nila ng kanyang maybahay. Agad ring kumilos ang mga kamay nito at masuyong humawak sa pisngi ng kanyang misis.

"How are you feeling? May masakit ba?" Kitang-kita ang pag-aalala sa mga mata nito. "Hindi ka ba nahihilo?"

Kumilos naman ang kamay ni Raya Fae at saka humawak sa kanang kamay ng kanyang mister. Bahagya niya iyong pinisil.

"Ayos lang ako." Marahan nitong ibinaba ang kamay ni Damielle Astin na nakahawak sa kanyang pisngi.

"But I'm asking you, ano 'yong sinabi mo kanina?"

Hindi naman napigil ni Damielle Astin ang mapalunok lalo sa kasunod na tanong ng kanyang misis.

"Did you just say Mafia?"

Gumuhit ang alanganing ngiti sa mukha ng lalaki. Gayunpaman ay hindi niya napigil ang paglabas ng mga butil ng pawis sa kanyang noo.

"Mafia? Why should I mention such thing?"

Patawarin na lamang siya ng kanyang misis ngunit hindi pa siya handang sabihin ang kanyang lihim rito. Kapag nalaman nito siya ang ugat kung bakit nawala ang mga bata, tiyak na hindi siya nito mapapatawad.

Napatikhim naman si Thano Miguero na nasa pintuan ng silid. Naging dahilan iyon upang mapatingin si Raya sa gawi kung saan ito naroon.

"Baka po namali ka lang ng dinig, ma'am." Singit niya sa usapan ng kanyang mga amo. "Hopia po 'yon, ma'am. Opo, hopia po 'yong pinag-uusapan namin. Tinatanong lang ni boss kung gusto namin ng meryendang hopia."

"Gano'n ba?" Tila wala namang ganang wika ni Raya Fae. Hindi rin niya naitago ang kanyang pagbuntong-hininga.

Napakamot naman ng kanyang batok ang tauhan.

"Ikaw, ma'am? Gusto mo ba ng hopia?" Nakaguhit ang alanganing ngiti sa labi nito.

Marahan namang umiling si Raya Fae.

Sandali namang bumaling si Damielle Astin kay Thano Miguero at binigyan ang tauhan ng tinging tila nagpapasalamat. Tanging tango naman ang naisukli ng lalaki.

"Ahm, boss, ma'am, una na po ako. May kailangan pa po akong asikasuhin." Magalang na pagpapaalam niya sa dalawa.

Sandali naman siyang tinitigan ni Raya. Nang tangunan siya ni Damielle Astin ay sandali siyang yumukod bilang tanda ng paggalang.

Napatikhim naman si Damielle Astin nang tuluyang makaalis ang kanyang pinaka pinagkakatiwalaan niyang tauhan.

"Nagugutom ka na ba? Gusto mo na bang kumain?"

Marahan namang umiling si Raya Fae.

"Hindi ako nagugutom "matamlay niyang turan ngunit ang totoo ay wala lamang siyang ganang kumain. "May update na ba sa mga bata?"

Gumuhit naman ang lungkot sa mga mata ng kanyang mister.

"I'm sorry, pero hanggang ngayon wala pa ring--"

Hindi na nagawang matapos ni Damielle Astin ang kanyang sasabihin nang tumalikod ang kanyang misis.

"Raya." Mahina niyang tawag rito kasabay ng pagsunod niya sa kanyang misis.

Hindi naman siya pinansin ng babae sa halip ay nagpatuloy ito at agad na hinalungkat ang drawer kung saan niya inilagay ang kanyang cellphone.

"Baka pwedeng kumain ka muna. Kaninang umaga ka pa walang kain."

"Mamaya na." Tipid na sagot nito habang abala ito sa pagtipa sa kanyang cellphone.

"Ikukuha kita ng pagkain. Do you have any request?"

Hindi naman na nagawang sumagot ni Raya Fae nang tanggapin ng nasa kabilang linya.

"Hello, sir." Humakbang ito patungo sa balkonahe ng silid habang kausap ang pulis sa kabilang linya.

Napabuntong-hininga na lamang na sinundan ng tingin ni Damielle Astin ang kanyang misis. Hindi pa roon natapos ang pakikipag-usap ng babae. Tinawagan rin nito ang security team ng subdivision upang manghingi ng update. Hindi pa roon natapos ang lahat dahil sunod itong kumausap ng secret agent upang asikasuhin ang imbestigasyon sa nawawala nilang mga anak. Sandali niyang iniwan ito upang ikuha ito ng pagkain. Nang bumalik siya ay tapos sa pakikipagtawagan ng kanyang misis. Gayunpaman ay abala naman ito sa pagtipa sa kanyang mobile phone.

"I prepared a food. Kumain ka na muna, please."

Agad namang napabaling sa kanya ang babae. Matamlay ang titig nito sa kanya.

"Wala akong gana."

Marahan namang kinuha ni Damielle Astin ang kanyang mga kamay. Marahan rin niya iyong pinisil.

"Please, kahit konti lang." Puno ng pagsusumamo ang tinig nito. Kitang-kita rin ang sinseridad sa mga mata nito.

"Ang mahalaga lang magkaroon ng laman ang tiyan mo. Kahit 'tong gatas lang."

"Baka mapa'no kayo ng baby natin." Gusto niya sanang idagdag ngunit pinanatili na lamang niya iyon sa kanyang isip. Hindi pa niya alam kung paano niya sasabihin sa misis ang magandang balita. Aniya, may tamang pagkakataon para sa bagay na iyon.

Pakiramdam naman ni Raya Fae ay hinaplos ang kanyang puso. Hindi niya naiwasang makonsensiya sa ginawa niyang pag-ignora sa ipinapakitang sinseridad ng kanyang mister.

"Huwag ka nang masyadong mag-alala sa mga bata, kumikilos na ang mga tao ko. Meron na silang nakuhang info but they still need to verify it."

Kumislap ang mga mata nito na tila anumang oras ay malalaglag ang luha nito.

"Hindi ko lang maiwasan. Minsan nang nawala ang mga bata. Pasalamat ako dahil naibalik sa'kin." Hindi na niya napigil ang pagtulo ng kanyang luha. Kitang-kita ang pagguhit ng sakit sa mga mata nito.

"Nangako ako sa sarili ko noon na hindi na 'to mauulit pero--" napailing siya habang patuloy pa rin sa pag-agos ang kanyang luha, "nangyari na naman. Kung meron mang dapat sisihin dito, ako 'yon. They are my kids and I should always keep an eye on them. Nawawala ngayon ang mga bata dahil may pagkukulang ako bilang ina."

Marahan namang tinuyo ni Damielle Astin ang pisngi ng kanyang maybahay.

"Huwag mong sisisihin ang sarili mo. Hindi mo 'yon kasalanan. Hindi mo 'yon ginusto. Walang may gusto sa nangyari."

"Tell me, maliligtas natin ang mga bata, 'di ba? Give me an assurance, Damielle."

Hinaplos naman ni Damielle Astin ang magkabilang pisngi ng kanyang misis at masuyo siya nitong tinitigan.

"Maliligtas ang mga bata at makakasama natin sila."

"Pangako. I will do everything to bring them back."

Tila nabuhay ang pag-asa sa puso ni Raya Fae. Hindi niya napigil ang sariling mapayakap kay Damielle Astin.

"Panghahawakan ko ang pangakong 'yan, Damielle."

Marahan namang hinaplos ni Damielle Astin ang likod ng kanyang misis.

Ngunit sa sandaling hindi hindi matupad ang pangako at lumabas ang tinatagong sikreto, mapanghahawakan ba ang nadaramang pag-ibig sa puso?