Chapter 21
HAILA’S POV
“Kung ako sa’yo, Rhaiven, sasabihin ko na kay Haila ang totoo. “ Naabutan kong usal ni Luis kay Sir nang bumalik na ako sa pwesto nila rito sa canteen.
“Anong totoo ang sasabihin mo sa’kin, Sir?” Pagkuha ko sa kanilang atensyon. Gulat na gulat si Sir na animo’y nakakita siya ng multo. Nagkatinginan silang tatlo na para bang hindi ginusto ang presensya ko. Nakakapagtaka.
Kahit pa man ganoon ay umupo ako sa tapat ni Sir, sa tabi ni Luis. Lahat sila ay hindi kayang tumingin ng diretso sa akin lalong-lalo na si Sir. Para bang nakakalason ang mukha ko’t ayaw nitong tumingin sa akin.
Walang naglakas ng loob na sagutin ang tanong ko. Kaya naman nagpalipat-lipat ako ng tingin sa kanilang tatlo. Mayroon sa akin na gustong-gustong malaman ang tinutukoy nilang sasabihin ni Sir sa akin. At kung ano man iyon, sana hindi makasama sa akin.
“So, ano nga? Sabihin niyo na, uy. “ Bulalas ko habang palipat-lipat ng tingin sa kanila. Umiiwas pa rin sila ng tingin sa akin. Nakaramdam ako ng kaba dahil sa mga inaasta nila. Pero, ayokong pangunahan ng kaba baka mamaya nagkakamali lang ako ng akala.
“W-wala.” Muntik pang mautal si Chris na sumagot. Mabilis niyang inalis ang tingin sa akin at itinapon iyon sa ibang direksyon.
Sumunod naman na sumagot si Luis.”Don’t mind it, Haila. Wala lang ‘yon. “ Saka niya ako inakbayan. Mabilis naman na tumango si Chris samantalang si Sir ay nakayuko pa rin.
Gustuhin ko man silang paniwalaan pero maraming katanungan ang namumuo sa utak ko dahil sa inaasta ni Sir. Kung wala talaga iyon, bakit ganyan si Sir?
“Sigurado kayo wala lang ‘yon? E, rinig ko kanina na dapat may sasabihin sa’kin si Sir. “ Depensa ko at bahagya ko pang dinuro ang nakayukong lalaki sa tapat ko. Para syang bata na nakagawa ng mali kung tumahimik.
“Wala nga, madaldal lang talaga si Chris kaya kung ano-ano ang sinasabi. “ Sambit ni Luis na mukhang nagsasabi ng totoo.
Nakumbinsi naman ako pero sa kilos ni Sir ay nagdududa ako. Pero, sinabi naman ni Luis na wala lang ‘yon kaya dapat tumigil na ako. At isa pa, ano naman ang totoo na sasabihin ni Sir sa akin ‘diba? Wala naman siguro.
“Sir, “ pagtawag ko sa lalaki na nasa aking tapat. Aligaga siya ng kunin ko ang kanyang atensyon ngunit sa huli ay tumingin pa rin sa akin. “Okay ka lang ba? Ba’t parang namumutla ka yata?” Tanong ko.
Napansin ko kasi ang pamumutla niya. Hindi naman siya ganoon dati kaya nakapagtataka talaga. Napatingin na rin sina Luis sa kanya at pati sila ay napansin ang pamumutla nito.
“W-wala. Okay lang ako. “ sagot naman niya at sumimsim sa iced tea na nasa kanyang harapan. Hindi na kami nagsalita ulit at tinapos na ang pagmemeryenda.
Pumaroon na kami sa kanya-kanya naming klase. Tutal parehas kami ng schedule ni Sir at kami ang nagsama. Habang tinatahak namin ang daan papunta sa classroom at napakatahimik niya. Nakayuko lang ito na animo’y may malalim na iniisip. Hinayaan ko nalang siya at itinapon ang atensyon sa discussion.
Hanggang sa lunch ay tahimik si Sir. Kami nalang nina Luis ang nagkulitan tutal ayaw niyang sumali. Hindi naman namin siya pinilit dahil mukhang wala siya sa mood. Ilang beses akong napapatingin sa kanya. Nagtataka ako ng sobra sa kinikilos niya ngayon. Mukhang may gumugulo sa utak niya.
Pagkatapos ng lunch ay bumalik ulit kami sa kanya-kanya naming mga klase. Tahimik pa rin si Sir kaya nagtataka na ako. Hindi ako sanay sa pananahimik niya. Hindi naman siya ganito kaninang umaga, nagsimula lang kanina na narinig ko silang nag-uusap nina Luis. Napapaisip tuloy ako kung anong meron.
“Sir, ang tahimik mo naman. “ usal ko at tinapik pa siya ng bahagya. Naglalakad na kami papunta sa parking lot.
Napansin ko ang pagiging seryoso niya maghapon. Ni hindi siya ngumiti o tumawa manlang. Pakiramdam ko tuloy may kasalanan ako sa kanya kahit hindi ko naman alam kung anong meron talaga.
“May iniisip lang, “ tipid nitong sagot sa akin. Hindi pa rin siya tumingin sa akin. Mukha yatang allergy na niyang tumingin sa akin kahit saglit lang. Psh.
“At ano naman ‘yon, aber? Kanina ka pa wala sa sarili mo at alam mo bang naninibago ako. Hindi ka naman ganyan dati e. Anong problema? Pwede ka namang magsabi sa akin. “ usal ko para kahit papaano ay lumakas ang kanyang loob na sabihin sa akin ang gumugulo sa utak niya.
“Don’t worry, okay pa naman ako. Wala ito, I can handle this. “ sagot niya at nagpauna na siyang maglakad. Sinundan ko naman siya kahit hindi ako kumbinsido sa naging sagot niya.
Para bang mayroon siyang tinatago sa akin. Gusto ko ‘yon malaman. Pakiramdam ko ay kasali ako sa gumulo sa utak niya. Binase ko iyon sa narinig ko kanina na dapat may sasabihin siyang totoo sa akin. Pero, wala naman akong ideya kung ano ang rason noon. Nagmumukha tuloy akong mangmang na nanghuhula sa rason.
“Uy, akala namin umuwi na kayo e. “ usal ni Luis nang makita niya kami. Mukhang katatapos lang din ng klase nila. Napako ang tingin nila kay Sir. Nagsitanguan silang tatlo at nagtaka ako kung ano ang ibig sabihin noon.
“Anong meron?” Nagpalipat-lipat ako ng tingin sa kanilang tatlo. Nagtataka ako wirdong inaasta nila.
“Wala. H’wag mo ng alamin. “ sagot ni Chris at ngumiti sa akin.
Bago kami pumaroon sa parking lot ay nagpasama ako sa kanila sa library. May hihiramin akong libro. Mabuti nalang at hindi sila umangal basta sinamahan nila ako. Hindi na sila sumama sa loob at nagpaiwan nalang sila sa labas. Sinabi nilang hihintayin nalang nila ako. Kinuha ko sa book shelves ang sinadya kong libro saka pumaroon sa desk ng librarian upang ipagpaalam ang hihiramin kong libro.
Pagkatapos noon ay lumabas na ako. Nataranta silang tatlo ng makita nila ako. Pinagtaasan ko sila ng kilay ngunit ngiti ang itinugon nila sa akin. Nagdududa na talaga ako sa kanila. Talagang mayroon silang ‘di sinasabi sa akin.
Nagpauna na akong maglakad habang nakasunod silang tatlo sa akin. Pauwi na rin kasi sina Luis at Chris kaya sumabay na sila sa amin. Mukhang may pinag-uusapan sila na hindi ko maintindihan. Nakinig lang ako kahit wala kong ideya sa pinag-uusapan nila.
“Makinig ka nalang kasi sa akin, mas okay pa ‘yong suggestion ko kesa dyan kay Luis. “ bulong ni Chris ngunit rinig ko naman. Nagkunwari akong abala sa pagbuklat sa hawak kong libro.
“Shh! H’wag ka ngang maingay dyan. “ Sita sa kanya ni Luis. “Mapapahamak talaga tayo diyan sa bunganga mo e. “ singhal pa nito.
“Ang bagal niya kasing kumilos e. Tsk! Pag ako nawalan ng pasensya, ewan ko nalang. “ ani Chris.
“Ulul mo. “ singhal ni Luis. Pinagpatuloy ulit nila ang bulungan kahit pa man rinig na rinig ko ngunit hindi ko sila maintindihan. Mukha silang nagplaplano at kung ano man iyon ay hindi ko na alam.
Nakarating na kami sa parking lot ngunit hindi pa rin umaalis sina Luis at Chris. Nagtakatuloy ako kung bakit. Hindi ko nalang sila pinansin at binuksan ang pinto ng sasakyan ni Sir para maipasok ang mga gamit namin. Nabibigatan rin kasi ako.
“Ahh, Haila, may…may sasabihin sana ako. “ Rinig kong wika ni Sir na napipilitan lang. Natigilan tuloy ako at hinarap siya.
Bumungad sa akin ang mukha ni Sir na kung ilalarawan ko ay puno na ng kaba. Hindi ko maintindihan kung bakit basta pakiramdam ko ay kinakabahan siya.
“Ano ‘yon, Sir? “ tanong ko at inayos ng bahagya ang buhok ko na tinatangay ng hangin.
Tumitig ito ng ilang segundo sa akin at napansin ko ang paglunok niya. Pansin ko rin na pinagpapawisan siya ngayon kahit pa man mahangin dito sa pwesto namin.
“W-wala. Nakalimutan ko na pala. “ Ani niya at umiwas na ng tingin sa akin.
“Okay, sabi mo e. “ ani ko at ipinagpatuloy ang paglagay ng gamit naman sa backseat. Nakasandal si Sir sa may pintuan ng passenger seat habang nakatayo sa left side niya sina Luis at Chris na mukhang pinapanood kami.
“Haila, “ tawag niya ulit sa akin. Tumingin naman ako sa kanya upang tanungin kung ano ang gusto niyang sabihin. “Ahh, wala pala. Sorry. “ Ani niya.
Nakaramdam na ako ng inis dahil mukhang pinagtritripan niya lang ako. Pinagtaasan ko siya ng kilay nang muli ko siyang harapin. Hindi na talaga ako sa kung ano mang trip niya sa buhay.
“Sir, kung nantritrip kayo, pwede bang tigi---”
“Haila, gusto kita. “Sambit nito.
Nagulat ako kaya naman natigilan ako at namilog ang aking mga mata. Tinitigan ko siya ng mabuti, nagbabakasakali akong nagbibiro siya ngunit ilang minuto na akong nakatitig sa kanya pero hindi niya pa rin binabawi ang kanyang sinabi.
Nakita ko kung paano siya yumuko at napahilot sa kanyang batok. Tinitigan ko rin sina Luis sa ‘di kalayuan na mukhang masaya sa sinabi ng kanilang kaibigan. Muli kong ibinalik ang tingin kay Sir na noon ay nakayuko na sa harapan ko.
Aaminin kong naguguluhan ako ngayon. Ni hindi ko alam kung ano ba dapat ang sabihin ko at kung ano ba dapat ang magiging reaksyon ko. Hindi ko inaasahan na maririnig ko iyon mula kay Sir.
Ibig bang sabihin, ang pag-amin niya ang tinutukoy nila kanina?
“Haila, “sambit ulit ni Sir at hinawakan na ako sa kamay. Ni hindi ko siya nagawang itulak. Hindi ko rin nagawang bawiin ang kamay ko na hawak niya. Basta nakatitig lamang ako ng diretso sa kanyang mga mata na nangungusap.
“Haila, gusto kita, gustong-gusto kita. “ Ramdam ko ang sinseridad sa kanyang boses ngunit para akong mangmang na nawala sa katinuan. “—Oo, alam ko na nakakatawa, nakakagulat ‘tong pag-amin ko sa’yo. Pero, hindi ko na kasi kayang itago ‘to. Nitong nakaraang araw, halos ‘di ako makatulog kakaisip kung dapat na ba akong umamin sa’yo. Noong nasa probinsiya tayo, gustong-gusto ko nang umamin pero natakot ako. Noong tinanong mo ako kung may gusto ba ako sa’yo, natuwa ako dahil pakiramdam ko gusto mo rin malaman ang nararamdaman ko sa’yo. Pero, nawala lahat ng tapang ko noong sinabi mo na malapit mo nang sagutin si Kenneth. Hindi ko naman kasi alam na mahuhulog ako sa isang katulad mo e. Sa dinami-dami ng tao sa mundo, sa’yo pa talaga tumibok ‘tong puso ko. Hindi ko talaga inaasahan ‘yon. Tinago ko ‘yon sa loob ng ilang buwan dahil natatakot ako na baka mag-iba ang trato mo sa akin. Naging sinungaling at torpe ako. Hindi ko akalain na madadala ako sa mga pang-aasar nila sa akin. Haila, sinubukan kong pigilan pero kalaunan naawa ako sa sarili ko. Oo, inisip ko si Kenneth noon kaya tinago ko ang totoo sa’yo. Pero, naaawa rin kasi ako sa sarili ko, Haila. Minahal kita kahit alam kong mahal mo si Kenneth. Kung malakas lang sana ang loob ko noon pa man, sana nasabi ko ‘to sa’yo ng maaga. Hindi mo ‘ko masisisi kung minamahal kita. Maski ako hindi maintindihan ‘tong sarili ko.” Mahabang paliwanag niya.
Diretso ang titig namin sa isat’isa. Gustuhin ko man tumakbo ngunit para akong tinakasan ng sarili kong lakas. Tumibok ng mabilis ang puso ko at halos nalusaw lahat ng lakas ko dahil sa mga sinabi niya. Kung tutuusin, nagulat ako ng sobra. Hindi ko alam kung nararapat ba akong matuwa ngayon.
Binawi ko ang aking mga kamay na ikinagulat ni Sir. Nagulat siya sa inasta ko at tinapunan ako ng makahulugang tingin. Umiwas ako at nakaramdam ng pagkabalisa. Iba ang dalang presensya ng pag-amin niya sa buong sistema ko. Hinihiling ko nalang na sana panaginip lamang lahat ng ito.
“Sir, huwag ka namang magbiro ng ganito. Prinaprank niyo lang ako ‘diba?” nagpalipat-lipat ako ng tingin sa kanilang tatlo. Nakita ko kung paano umiling sina Luis at Chris na para bang sinasabi nilanh hindi prank ito.
Humakbang si Sir papalapit sa akin at akma siyang hahawak sa balikat ko ng umatras ako papalayo. Sa ikalawang pagkakataon, nagulat siya sa inasta ko.
“Nangako ka sa akin noon ‘di ba? Nangako ka na hindi ka magkakagusto sa akin. Sir, nangako ka noon. Huwag mo naman akong pahirapan ng ganito. “ Bulalas ko at konti nalang ay iiyak na ako. Napahilot ako sa aking sentido at hindi ko namamalayan na bumagsak na ang luhang kanina ko pa pinipigilan.
“I’m sorry. “ nakayukong wika ni Sir. Hindi niya yata kayang makita na umiiyak ako ng dahil sa kanya. “Alam ko na umasa ka sa pangako kong ‘yon pero isipin mo naman sana ‘tong nararamdaman ko, Haila.”
Maririnig na ang aking hikbi. Talagang nahihirapan ako kung ano ba dapat ang gawin ko gayung nalaman ko na may gusto si Sir sa akin. Iniisip ko si Kenneth, hindi ko sya kayang saktan. Alam ko na sya ang masasaktan sa sitwasyon ito kung sakaling malaman niya.
“Haila, mahal na mahal kita. Please, mahalin mo naman ako. “ Pagmamakaawa ni Sir nang lumuhod na ito sa aking harapan.
Hindi ko mawari kung umiiyak na rin ba siya. Hindi ko maintindihan kung bakit niya ginagawa lahat ng ito. Hindi ko inaasahan na lahat ng tukso at pakiramdam ng mga taong nakapaligid sa akin ay totoo. Tama sina Kuya, tama ang mga napapansin nila at tama ang naging imagination ko noon. Ngunit, masasabi mang tama lahat pero isa lang ang nasisigurado ko, maling-mali ang lahat ng ito.
“What is the meaning of this? “
Lahat kami ay napalingon ng marinig ang napakapamilyar na boses. Halos lagutan ako ng hininga ng makita ko siya. Lahat kami ay nagulat lalong-lalo na siya dahil siguro narinig niya ang mga naging usapan namin ni Sir. Nanginig ang buo kong katawan at hindi ko alam ang gagawin.
Matalim ang tingin na itinapon niya lalong-lalo na sa amin ni Sir. Alam ko na nagulat rin siya. Sa mga tingin niya ay para syang papatay ng tao. Tumakbo siya paalis at sinundan ko naman ito upang magpaliwanag. Alam kong mas naguguluhan siya sa nangyari.
“Kenneth, “tawag ko sa kanyang pangalan upang sana kunin ang kanyang atensyon ngunit hindi iyon naging sapat para makinig siya sa akin.
Akma akong aalis ng hawakan ni Sir ang braso ko. Nakaluhod pa rin siya sa harapan ko at akma siyang itatayo nina Luis ngunit hindi siya nakinig.
“Haila, “ tawag niya sa pangalan ko. Doon ko napagtanto na umiiyak na pala siya ng mag-angat siya ng tingin sa akin. Mukhang nagmamakaawa siya sa akin pero mas iniisip ko si Kenneth.
“Sir, patawarin mo ako pero kinakailangan ako ni Kenneth. Pakiusap, bitawan mo na ang braso ko. “ Wika ko sa kanya kahit nahihirapan na akong magsalita dahil sa mga nangyayari.
Noong una ay nagdadalawang-isip siyang bitawan ang braso ko ngunit kalaunan ay pinaunlakan ang gusto ko. Mabilis akong tumakbo upang sundan si Kenneth. Hindi na ako nag-abalang lingunin si Sir dahil alam kong masasaktan lang ako sa kapag nakikita ko siyang magmakaawa sa akin.