Chapter 15: Chapter Fourteen Paglalayas

NGAYON NAIINTINDIHAN NA NI RYU kung bakit bigla siyang tinawagan ni Aireen kanina noong nasa mall sila ni Mary. Saglit niyang pinakalma ang sarili matapos niyang marinig ang kwento ni Ging.

"N-nasa'n po si Aireen?" tanong na lang niya sa dalawang ginang.

"N-Nasa kuwarto n'ya," tugon ng kanyang Mama.

"Kausapin mo siya, Ijo..." paki-usap ni Tita Luz sa kanya, "Sinabi niya sa amin na hindi raw niya kayang magpakasal sa lalaking hindi naman siya mahal!"

Napakunot ang noo ni Ryu.

"Sige po..." tugon niya. Para mawala na rin ang alalahin ni Aireen, kakausapin na niya ito. Narinig na niya ang lahat ng kwento mula sa mga kasama ni Aireen sa bahay. Nabuo na rin sa kanyang isipan na sobra itong nabigla sa nangyari sa kanila. Maski naman siya ay nabigla rin pero hindi naman niya akalain na dahil sa kalokohan ng kanilang mga magulang ay siya naman ang paggising niya sa katotoohanan. Noong mga panahong naiipit sila ni Aireen dahil sa kanilang mga magulang, maraming bagay rin siyang natuklasan sa kanyang sarili. Tama noon ang sinabi ng pinsan niyang Ferlyn, bakit isinama pa niya noon si Aireen sa Baguio ganoong pwedeng-pwede naman siya noong tumakas na mag-isa.

Maski siya ay naguguluhan pa noon sa kanyang nararamdaman. Dumating na rin sa punto na parang hirap siyang kontrolin ang sarili kapag nakakasama niya si Aireen. Minsan namamalayan na lang niyang matagal na pala niya itong tinititigan.

Hindi naman ito ganoong kaganda. Aaminin niyang mas maganda ang kapatid nitong si Mary. Maganda rin naman si Aireen pero sadyang natatauban lang minsan ng kagandan ng kapatid.

Hindi-hindi niya makalimutan noong gabing tumabi ito sa kanya habang nanunuod siya ng TV. Kasalukuyan itong nagpapatuyo ng basang buhok kaya hindi niya maiwasan ang maamoy ang aruma ng shampoo'ng ginamit nito. Para pa ngang nanunuot sa ilong ang bango na nanggagaling rito. Tapos nakita pa niya kung gaano kakinis ang leeg at batok nito na dati naman ay walang epekto sa kanya.

Noong gabing hinalikan siya nito dahil sa labis nitong kalasingan. Nang maglapat ang kanilang mga labi, parang bang nag rewind sa kanyang isipan ang mga alaala na magkasama sila. Hindi si Aireen ang first kiss niya. Pero doon nagsimulang kumabog na ng malakas ang dibdib niya. Pakiramdam niya, nagising ang natutulog niyang puso dahil sa halik na iyon ng dalaga. Simula noon parang lagi na niyang hinahanap ang mga labi nito. Parang lagi niyang gustong tikman iyon.

"Aireen! Aireen! Buksan mo ang pinto! Mag-usap tayo!!" tawag ni Ryu habang sunod-sunod na niyang kinakatok ang pintuan ng kwarto ni Aireen, "My God, Ai! Ano bang nangyayari sa'yo? Bakit gusto mo'ng iurong 'yung kasal? Akala ko ba maayos na ang lahat, huh?"

Pero walang sumasagot.

"Iniisip mo siguro na... na napipilitan lang ako, noh?" pagpapatuloy niya.

Pero wala pa ring sumasagot.

"Aireen, please..." pagmamakaawa na niya, "... hindi mo ba naisip na kahit wala naman talaga akong pananagutan sa'yo ay pumayag pa rin ako sa kagustuhan nila? Aireen, kagustuhan ko rin ito!"

Napalunok siya saka nagpakawala rin ng malalim na hininga.

"Mahal kita! Narinig mo? Ang sabi ko, mahal kita Ai! Nalaman ko lang 'yung noong itinakas kita at dinala kina Lola Martha! Totoo ang sinabi ni Ferlyn dati, gusto talaga kita noong itanan kaya nagawa kong isama kita sa Baguio!" pag-amin niya, "Sana paniwalaan mo naman 'yun!"

"O, Ryu..." mangiyak-ngiyak na reaksyon ng dalawang ginang na nakatayo lang di kalayuan.

Pero lalo lang kinabahan si Ryu dahil wala pa rin siyang naririnig na anumang ingay mula sa loob ng kuwarto nito. Anu-ano na ang pumapasok sa isip niya na hindi maganda. Kaya nagdesisyon na siyang pihitin ang doorknob.

"Aireen!" tawag niya nang mabuksan niya ang pintuan. Muli pa niyang tinawag ang pangalan nito, pero tanging katahimikan ng kwarto ang bumungad sa kanya. Inikot niya ang kanyang paningin sa buong kuwarto nito. Pero 'ni anino ni Aireen ay hindi niya makita.

Nang mapatingin na siya sa lamesitang nasa gilid ng kama nito ay saka na niya nakita ang isang pirasong papel na nakaipit sa ilalim ng picture frame.

Kaagad naman niya iyong kinuha at binasa.

"SORRY!"

Iyon lang ang nakasulat roon. Pero sa simpleng katagang iyon ay isang pahiwatig sa kanya ng isang nakakatakot na katotohanan. Nagkalakas loob na niyang tinignan ang closet ng dalaga. At halos manghina siya nang matuklasan niyang kulang ang ilang damit nito, at may iilan ring mga hanger ang nakakalat sa ibabaw ng kama.

Napatingin siya sa ilalim ng kama. Alam niyang doon nakatago ang travel bag nito.

At tama ang kutob niya.

Naglayas si Aireen.

"No-no-no!" naging sunod-sunod ang pag-iling niya, "H-hindi mo magagawa sa akin!"

Muli siyang lumabas ng kuwarto. Kung saan nasalubong niya ang dalawang ginang. Saka niya inabot sa mga ito ang pirasong sulat ni Aireen.

"Ano 'to?" nagtatakang tanong muli ng Mama niya habang nakakunot ang mga noong nakatingin sa kanya.

"Wala po siya 'dun," tugon niya, "Iyan lang po ang nakita ko, Ma!"

Natigilan ito.

"Hindi... hindi... hindi..." sunod-sunod na umiling si Tita Luz nang mabasa nito ang nakasulat roon. At saka parang lantang-gulay na napaupo na naman sa sahig.

"Tinignan ko po ang ilang gamit niya," paliwanag niya, "Wala roon 'yung travel bag niya!"

"My God!" bulaslas ng Mama niya at binaling ang tingin sa nananahimik na si Ate Ging, "... Hindi naman siguro lumabas si Aireen, diba? Ging, nakita mo bang lumabas si Aireen sa kuwarto niya?"

"H-Hindi po," umiling ito, "Pero napansin ko pong bukas 'yung gate sa likod."

"Oh my!" bigla namang napahugulgol si Tita Luz.

"Ma, hahanapin ko lang siya!" pagpapaalam niya sa ina.

"Sige," pagpayag nito habang inaalalayan si Tita Luz.

"Promise po, Mommy. Ibabalik ko po si Ai!" baling niya sa future mother-in-law niya.

Parang nagsusumamo itong tumango sa kanya.

Hindi na nag-aksaya pa ng oras si Ryu. Matapos niyang makausap ang dalawang ginang ay saka na siya nagmamadaling lumabas ng bahay. Hindi na niya alintana kung hindi pa siya nakakapagpalit ng damit, at basang-basa pa siya. Mas natatakot kasi siya na baka tuluyan na siyang iniwan ng babaeng handa niya iharap sa altar.

"Saan ka na naman pupunta?" salubong na tanong ni Mary nang masalubong niya ito sa gate.

"Nawawala si Aireen, Ate Mary!" mangiyak-ngiyak niyang sabi rito.

"Ano?!" gulat nito.

"H-Hahanapin ko lang siya, Ate..." umiwas siya ng tingin rito dahil ayaw niyang ipakita ang nangingilid niyang mga luha.

"Sasama ako," anito.

"Huwag na, Ate..." tanggi niya. Ganoong alam na niyang nagseselos si Aireen sa kapatid nito, mas minabuti muna niyang iwasan ito, "K-Kailangan ka nina Mama sa loob," katwiran na lang niya rito.

"Ga'nun ba? Ito 'yung susi ng sasakyan mo," sabi na lang nito saka inabot sa kanya ang susi ng kanyang sasakyan.

Iniwasan na niyang magsalita pa. Mabilis na lang niyang tinalikuran ito.

"Ate... Sinabi nang huwag mo akong tatawagin na ate," sabi na lang ni Mary habang hatid-tanaw na lang si Ryu papalabas ng gate. Sinabi pa rin iyon ni Mary kahit alam naman nitong hindi iyon nadinig ng binata.

Hindi naman mapigilan ni Ryu ang pangangatog ng kanyang kamay habang pinipihit niya ang susi ng sasakyan para buhayin ang makina. Hindi niya alam kung dahil ba ito sa lamig o dahil sa labis na pag-aalala. Paulit-ulit niyang sinasaksak sa kanyang utak na hindi ito nangyayari sa kanya at panaginip lang ang lahat. Pagkagising niya, kasama pa rin niya si Ai at magkasabay silang haharap sa altar.

Napasubsob siya sa manibela. Kailangan muna niyang ilabas ang bigat ng nararamdaman niya bago siya bumiyahe.

Umiyak siya.

Sa lahat ng naging girlfriend, si Aireen lang ang nagpaiyak sa kanya ng ganito. Hindi naman niya ugali ang maghabol pero bakit pagdating rito halos gusto na niyang halughugin ang buong kamaynilaan mahanap lang ito.

Pinaandar na niya ang sasakyan. Sinisilip-silip niya ang mga gilid ng kalsada, nagbabakasali siyang maabutan niyang nalalakad roon si Aireen.

"Nasaan ka na ba, Aireen?" may halong pag-aalalang tanong sa sarili.

Ilang beses rin niyang kinontak ang cellphone number nito pero out-of-coverage area. Madilim na ang paligid kaya lalo siya natatakot na baka hindi na ito magpakita sa kanya.

Isa si Gerald sa mga pinuntahan niya. Nagbabakasali siya na baka napadaan roon si Aireen.

"Si Ai? Kanina dumaan siya rito para i-deliver 'yung invitation n'yo," nagtatakang tugon nito, "Bakit? Bakit parang basang-basa ka? May nangyari ba?"

"Nawawala si Aireen. I mean, lumayas si Aireen!" pagtatapat niya.

"Ano'ng lumayas?" gulat nito.

"Hindi ko alam kung papaano sisimulan. Kasi, gusto niyang umurong sa kasal namin," tugon pa rin niya.

Hindi nakakibo si Gerald. Parang hindi na ito nagulat

"Hindi ko alam ang gagawin ko. Pinuntahan ko na ang mga posibleng puntahan niya pero wala! Hindi ko siya makita, Gerald!" natataranta pa rin niyang sabi rito.

"Tutulungan kitang maghanap," sabi nito, "Mas maganda kung dalawa tayo para madali siyang mahanap!"

Tumango naman si Ryu. At hindi na niya nagawa pang pigilan ang kaibigan nang sumakay ito sa isa pang sasakyan. Ang buong akala niya, porquet tinulungan na siya ni Gerald ay makikita na nila si Aireen. Pero ilang oras na ang lumipas ay wala pa rin.

Kada-oras ay tinatawagan naman niya ang kanyang mga magulang para tanungin kung umuwi na ito.

Pero wala pa rin.

Hindi na niya alam kung saang lupalop ng kamaynilaan ito nagsuot.

Daig pa niya ang naghahanap ng isang hibla ng puting buhok sa gitna ng diserto. Napanghihinaan na siya ng kalooban.

Malalim na ang gabi. Natagpuan na lang ni Ryu ang kanyang sarili sa playground ng kanilang subdivision. Wala nang ulan. Natuyo na rin ang damit niya. Pero wala pa rin si Aireen.

Ilang beses niyang tinatawagan ang number ni Aireen pero ganoon pa rin.

"Ai, nasaan ka na ba? Nag-aalala na ako! Huwag naman ganito! Pag-usapan natin kung ano man ang gumugulo sa isip mo! Ai, please... Tawagan mo ako! Hindi ko kayang mawala ka!"

Hindi na napigilan ni Ryu ang pagpatak ng luha niya matapos niyang i-sent ang text message niyang iyon kay Aireen.

Halos buong buhay niya ay kasama niya si Aireen. Kaya pakiramdam niya kulang na kulang siya ngayon. Hindi niya alam kung saan siya magsisimula. Kung ano nga ba ang gagawin niya. Sanay siyang nasa tabi lang niyang si Aireen. Nasanay siya na lagi itong kasama.

"Sabi na nga nandito ka."

Hindi na niyang iangat ang kanyang ulo. Kahit hindi na niya tignan ang babaeng nasa kanyang harapan ay alam na niyang si Mary iyon. Kaya lalo lang niyang inuyuko ang kanyang ulo para itago ang pagluha ng kanyang mga mata.

Ilang saglit pa, naramdaman na lang niyang ang bahagyang pagyakap nito at pag-alo sa kanya. Pero imbis na mapagaan ang kalooban niya ay lalong hindi na niya napigilan pa ang pag-iyak.

"Ate..." umiiyak na tawag niya rito, "H-Hindi ko makita si Aireen. Dati-rati naman madali ko lang siyang nahahanap. Pero ngayon, hindi ko alam kung nasaan siya!"

Walang naging tugon si Mary. Panay lang ang alo nito sa kanya.

"Mahal na mahal ko siya, Ate!" pagtatapat niya, "H-Hindi ako sanay na wala siya sa tabi ko!"

"M-Magpapakita rin si Aireen. Babalik siya!" sabi na lang nito, "Tumayo ka na. Nag-aalala na rin silang lahat sa'yo."

Hindi na nagsalita pa si Ryu. Pero panay pa rin ang iyak niya. Gusto munang niyang ilabas anh bigat ng kanyang nararamdaman. Alam naman niyang wala namang magagawa ang pag-iyak pero hindi niya mapigilan ang kanyang mga luha.

SAMANTALA, HINDI RIN TINITIGILAN NI Gerald ang pagcontact sa cellphone number ni Aireen. Lihim kasi siyang sinusundot ng konsensya dahil alam niyang isa siya sa naging dahilan para lalong malito ang pag-iisip ni Aireen tungkol sa kasal. Ni hindi nga siya makatingin ng diretso kanina kay Ryu lalo nang makita niya ang itsura nito.

Aywan niya pero bakit dinala siya ng kanyang mga paa sa mga terminal ng bus. Gabi na rin sa mga oras na iyon kaya konti na lang mga pasaherong naghihintay roon. At ganoon na lang pagkabog ng malakas ng dibdib niya nang makilala niya ang isang babaeng nakaupo roon.

Pakiramdam niya ay nabunutan siya ng tinik sa lalamunan nang makita niya si Aireen.

"Aireen," tawag niya habang papalapit siya rito.

Nag-angat naman ito ng tingin. At doon niya nakita ang namumula nitong mga mata na halatang kakagaling lang sa pag-iyak.

"Nandito ka lang pala! Alam mo bang nag-aalala na silang lahat sa'yo! Kanina ka pa hinahanap ni Ryu!" galit-galitang niyang sabi rito.

Pero bigla siyang natigilan nang bigla itong umiyak ng malakas.