Chapter 52
February’s POV
“Febi… nandito ang mga De Silva...” bulong sa akin ni Aling Sally. Hindi ako nagsalita, hindi rin gumagalaw sa pwesto ko.
Nakatulala pa rin sa litrato nina Lola’t Lolo na siyang nasa harap ko ngayon. Wala pang resulta sa imbestigasiyon ngunit ang pangunahing suspek nila ay ang Papa ni Sapphire.
“Febi… papasok na sila,” hindi mapakaling sambit ni Aling Sally.
“Papasukin niyo lang ho...” sambit ko dahil alam kong kahit paano’y may pinagsamahan din sina Donya Emilya at ang Lola ko. Hindi pa rin naman ako nagsasalita, hinahayaan lang silang nagsipasok sa loob.
“Sorry for your loss, Febi...” mahinang bulong ni Tita sa akin. Hindi ko magawang ngitian ito tulad ng nakasanayan ko. Ni hindi ko ito nayakap pabalik ng yakapin niya ako.
“Ang kakapal naman ng mukha ng mga De silva’ng ‘yan na magtungo dito.” Narinig kong saad ni Aling Ruby.
“Shh... huwag kang maingay, Ruby, baka mamaya ay kantahin ka rin ng mga ‘yan,” sabi naman ng best friend nito.
Alam kong narinig din ‘yon nina Donya Emilya ngunit hindi sila nagsalita. Pare-parehas lang silang tahimik, hindi na pumatol pa sa mga kapitbahay naming masasama ang tingin sa kanila.
Hindi sila nagsalitang tatlo, hindi ko rin naman sila sinubukang kausapin, hindi ko pa rin matanggap ang pagkamatay nina Lola.
“May gana pang umiyak gayong kapatid niya ang may kasalanan kung bakit namatay sina Lola Carla.” Narinig ko pang sambit ng mga kapitbahay nang makita nilang tahimik na umiiyak si Tita Dina sa isang tabi.
Hindi ko alam kung ano bang dapat kong isipin, nanatili lang na tikom ang bibig ko.
“Paniguradong hindi nanaman lalabas ang katotohanang ang Kuya niya ang pumatay kina Lola,” sabi pa ni Aling Ruby.
“Sumosobra ka na—“ Tatayo pa lang sana si Tita Dina nang pigilan na siya ni Donya Emilya.
“Umalis na lang ho kayo kung manggugulo lang kayo rito sa burol ng Lola’t Lolo,” mahinahon kong saad. Lahat sila’y natigilan dahil ilang araw na akong hindi nagsasalita.
“Pasensiya na, Febi...” mahinang saad ni Tita Dina. Ganoon din naman si Aling Ruby na tinikom na ng tuluyan ang bibig niya.
Sinubukan naman akong kausapin nina Tita ngunit hindi pa rin ako nagsasalita.
“Febi, here, use this,” mahinang bulong ni Donya Emilya na nilagay pa sa kamay ko ang isang sobre ng pera.
“Para po ba ito sa dignidad ko? O para po sa buhay ng Lolo’t Lola ko? Kailangan ko ho bang manahimik kapag tinanggap ko ito?” tanong ko. Napaawang naman ang mga labi nila sa tanong ko, pare-parehas na nagulat sa diretsahang tanong ko.
“Kasi kung para po ‘yan sa katahimikan ko, hindi ko po ‘yan matatanggap,” umiiling ko pang saad.
“No, Febi, hindi sa ganoon, tulong lang ng pamilya namin sainyo ‘yan. Madaming naitulong ang Lola’t Lolo mo sa amin…” mahinang sambit ni Donya Emilya, makikita rin ang sinseridad mula sa kanyanh mga mata.
Tinanggap ko ‘yon, wala akong pakialam kung sabihin man ako na mukhang pera ng lahat. Wala na akong paki kung makarinig man ng masasamang salita mula sa ibang tao.
Kailangan ko ito, kailangan ko para sa mga kapatid ko. Hindi ko kailangan pang magpataas ng pride, kailangan kong bumangon para kina Aya at Cali.
Parehas lang silang tahimik sa isang tabi, ni hindi kayang makipaglaro. Hindi pa rin tumitigil sa kaiiyak si Aya samantalang tulala lang si Cali.
Nagtagal din sila bago napagpasiyahan ng umalis. Tahimik ang mga ito na umalis ng chapel. Naririnig ko pa rin ang bulungan ng mga kapitbahay ko ngunit masiyado na akong pagod para alalahanin pa ang mga ito.
“Febi, kumain ka muna…” sambit ni Sapphire sa akin. Nanatili pa rin ito dito kahit maraming naririnig na salita mula sa mga kapitbahay pero hindi pa rin mababago niyon na ang ama niya ang dahilan kung bakit nangyayari ang lahat ng ito sa akin ngayon.
Nilagpasan ko siya at nilapitan sina Aya at Cali. Tahimik na si Aya ngayon, napagod na ulit sa kaiiyak.
“Kumain na muna tayo...” mahinang sambit ko sa kanila. Parang mga robot lang na tumango ang mga ito sa akin.
Tahimik lang kaming kumain samantalang nakita ko si Sapphire na tahimik lang din sa isang gilid, walang kahit na sinong kasamang kumakain.
“Hindi pa kasi umalis, hindi ko alam kung manhid ba o tatanga-tanga lang talaga.” Narinig kong bulong nila habang nakatingin kay Sapphire.
“Alam na nga niya na ang Papa niya ang pumatay para pa ring tuod na nanatili rito,” sabi pa nila.
Alam kong rinig na rinig mula sa pwesto ‘yon ni Sapphire ngunit wala akong pakialam. Pupwede naman siyang umalis na lang dito. Wala namang nakiusap sa kaniya na manatili siya.
Nag-iwas na lang ako ng tingin nang makita ko ang mga mata niyang nakatingin sa akin. Wala ring kabuhay-buhay ito. Para bang pagod na pagod na rin siya.
Wala namang umiimik sa aming tatlo nina Cali at Aya. Nabasag lang ‘yon ng magtanong si Aya.
“Ate, pupunta na sa heaven sina Lola, hindi ba?” tanong ni Aya sa akin. Pinilit kong ngumiti ngunit hindi ko magawa. Tahimik lang si Cali sa tabi ni Aya, tulala pa rin ito kahit na kumakain na.
“Y-yes, Baby...” Tumango-tango pa ako at niyakap ‘to ng mahigpit nang marinig na naman ang lakas niyang iyak.
Natapos ang araw na ‘yon na wala akong ginawa kung hindi ang tumitig sa litrato nina Lola, ni hindi ko na namalayan na nakatulog na ako.
“Febi... you should take a bath, ililibing na ang Lolo’t Lola mo,” paalala sa akin ni Sapphire na siyang nasa tabi ko pala. Tumango lang ako.
Ginising ko na rin sina Aya at Cali na payapang natutulog sa tabi ko. Nilagpasan namin si Sapphire.
Mabilis lang din naman kaming nakapagpalit ng damit, inihahanda na ang kabaong nina Lolo’t lola nang lumabas kami.
Nagsimula ng maglakad paalis, lahat sila nag-iiyakan, pati ang katabi kong si Aya, ganoon din ang tahimik na si Cali. Walang lumalabas na luha mula sa mga mata ko, nanatili pa ring nakatingin lang sa kawalan. Masiyado na ata akong nasobrahan sa kaiiyak.
Mayamaya lang ay nakarating na kami sa sementeryo, isa-isa silang naglagay ng bulaklak sa puntod na paglalagyan nina Lola. Nakatingin lang ako roon, pinapanood silang mag-iyakan.
Mayamaya lang ay nagsialisan na rin sila. Nanatili pa rin akong nakatayo sa isang sulok.
“Isaac… pakiuwi mo naman muna sina Aya at Cali…” mahinang saad ko dahil hindi ko pa kayang umalis.
Wala naman na siyang tanong-tanong pang tumango sa akin. Kapagkuwan lahat sila’y umalis na habang tulala pa rin ako.
“Nang... Tang... patawarin niyo ho ako.. Kasalanan ko ang lahat ng ‘to,” umiiyak kong saad. Kasabay ng malakas na pagbuhos ng ulan ang pagbagsak ng mga luha mula sa aking mga mata.
Akala ko, tapos na ako, akala ko wala ng luhang lalabas pa rito pero parang wala na naman ‘tong katapusan. Iyak lang ako nang iyak hanggang sa tuluyan na akong huminto ngunit hindi pa rin ako umaalis sa kinauupuan ko. Nakatingin pa rin sa kanila.
“Febi… halika na, umuwi na tayo...” Alam kong nandito pa rin si Sapphire, nanatili pa rin sa tabi ko.
“Febi, tama na…” sambit niya pa dahil hindi ako nagsasalita.
“Oo nga, tama na...” mahinang saad ko.
“Tama na, Sapphire, iwan mo na ako...” sambit ko na tinignan siya ngayon sa kaniyang mga mata. Napaawang naman ang mga labi niya dahil dito.
“Febi, huwag naman ganiyan.” Kita ko ang lungkot mula sa kaniyang mga mata ngunit pagod na pagod na ako.
“Sapphire, tigilan na natin ‘to, alam nating parehas na hindi na, hindi na tayo ayos,” sambit ko sa kaniya.
“Febi, mahal kita...” bulong niya. Alam ko. Walang sabi-sabi niya naman akong niyakap ngunit hindi tulad noon, wala na ‘yong kasiguraduhan habang yakap ko siya ngayon.
Hindi ko siya niyakap pabalik ngunit naririnig ko na ang mahinang paghikbi niya at ang paggalaw ng braso niya.
“Febi, huwag naman ganito. Handa akong tanggapin lahat ng galit mo pero, Febi, huwag mo naman akong iwan...” mahinang bulong niya. Hindi ko inalis ang mahigpit na yakap niya ngunit hindi ko pa rin siya niyayakap pabalik.
“Love, please, mahal mo pa naman ako, hindi ba?” tanong niya pa habang umiiyak sa akin.
“Mahal kita, mahal na mahal pa. Pero hindi ko na kasi kaya, pagod na ako, Sapphire, pagod na pagod na,” sambit ko na inalis ang yakap niya sa akin. Ni walang luhang tumutulo mula sa mga mata ko, siguro’y dahil handang-handa na akong gawin ito.
“Pagod ka na rin, Sapphire. Parehas lang tayo. It’s time to let go,” sabi ko pa. Habang pinagmamasdan ko ang mga mata niyang patuloy sa pagluha ngayon kasabay ng malakas na ulan, hindi ko maiwasang makita ang sarili ko.
“Kaya ko pa, Febi... Kaya ko pa. Kaya pa natin,” sambit niya.
“Parang awa mo naman na, Febi, huwag namang ganito…” Hinawakan niya pa ako ngunit agad ko ‘yon inalis.
“Sino pa ba ang lolokohin nating dalawa dito, Sapphire? Tama na! Nakikinig ka ba? Ayaw ko na! Pagod na ako!” hindi ko maiwasang sumigaw lalo na’t habang pinagmamasdan ko siya’y nanlalambot lang ako pero alam kong hindi ko kayang mahalin ulit siya gayong alam kong ang Papa niya itong may kasalanan kung bakit wala na ang dalawang taong minahal ako higit pa sa pagmamahal niya.
“Febi, hindi ko kaya ng wala ka…” mahina niyang bulong na niyakap ako mula sa likod.
“Kaya mo, Sapphire, kinaya mo lang ng dalampu’t taon, makakalimutan mo rin ako. Ganoon din ako... makakalimutan ko rin na minsan sa isang buhay ko minahal kita,” sambit ko naman sa kanya. Hindi ko alam kung ang sarili ko ba ang sinasabihan ko o siya. Naririnig ko pa rin ang paghikbi niya.
“Ikaw ‘yon, Febi. Paano ako? Hindi ko ‘yon kayang gawin…” mahina niyang sambit. Kaunti na lang ay papatak na ang luha mula sa mga mata ko.
“Parang awa mo na, Sapphire... tama na.. pagod na pagod na ako... pakawalan mo na ako…” sambit ko sa kaniya. Rinig na rinig ko ang iyak niya kahit na malakas ang ulan.
“Parang awa mo na... hindi ko na kaya… mahal na mahal kita pero palayain mo naman na ako, Sapphire.” Unti-unti ng tumulo ang luha mula sa mga mata ko. Ang mahigpit niyang yakap ay unti-unting lumuluwag na para bang sinasabi nitong pinapalaya niya na ako.
“Mahal na mahal kita, Febi… pero kung gusto mong palayain kita, gagawin ko...” Hindi ako humarap sa kanya, tuluyan niya ng inalis ang pagkakayakap niya sa akin.
“Kung pagod ka na talaga, hindi na kita papagurin pa… Kung ‘yon ang ikapapanatag ng puso mo, sige, handa akong pakawalan ka...” sabi pa niya. Unti-unti siyang naglakad hanggang sa magkatapat na kami.
“I love you, My February…” bulong niya na hinalikan ako sa noo. Akala ko handa na ako pero bakit ang sakit-sakit pa rin? Bakit parang gusto kong bawiin na lang at yakapin siyang muli?
“I love you too, Architect…” bulong ko pabalik. Mas lalo pang lumakas ang paghikbi naming dalawa. Umiiyak pa rin ako hanggang sa wala sa sariling naglakad paalis sa harapan niya.