Chapter 17: A New Beginning
“Until when are you gonna stay here?” Napamaang si Dorothy sa tanong na iyon ni Reverend Mother. Tahimik siyang naglalakad-lakad isang umaga nang lapitan siya ni Sister Mary Ignatius, isa sa mga madreng naging malapit kay Tiffany. Pinapapunta siya sa opisina ni Reverend Mother.
“Reverend Mother,” aniya at nagyuko ng ulo para lang mapaangat muli nang tingin nang mahina itong tumawa.
“I’m sorry. I didn’t mean it that way.”
“Pasensya na po at salamat po sa pagpapatuloy,” nakangiting sabi niya.
Hinawakan nito ang isang kamay niya at pinisil. “You’re welcome, hija. The mercy of God will heal you. I’m just concerned about you. It’s been more than a year since you came here. Minsan iniisip ko baka katulad ka ni Tiffany na maisipang subukan ang bokasyon namin pero hindi iyon nangyari. Hanggang kailan ka magtatago? Hanggang kailan ka malulungkot? Your family and friends are waiting for you. God wants you to be happy because He loves you.”
“I am so sorry for bothering you all, Reverend Mother.”
“Hija, you did not bother us. There is nothing to be sorry about. I still don’t know much about you, but I respect your privacy. You’re here for more than a year, and we care about you.”
Doon siya biglang napaluha. “Maraming salamat po ha. Matagal na po pala akong nandito pero hindi ko namalayan. Matagal na po pala akong nagbakasyon at nagtago at nakalimutan ko na ang mga mahal ko sa buhay. Kahit po pala nag-te-text ako sa kanila, hindi po pala laging sapat iyon.”
“Of course, love has different faces, but theirs are always pure and absolute. I am sure they will be happy to see you again.”
“Mamaya po, babalik na ako sa pamilya at mga kaibigan ko. Magpapakita na po ako sa kanila. Babangon na po ako ulit. Marami po palang naghihintay sa akin. Sa tagal ko po nandito, marami na po akong mga kantang naisulat. Maglalabas din po ako ng bagong album.”
“That’s the spirit, hija. The mercy of God will strengthen you.”
“Mag-do-donate po ako dito.”
“Hindi na kailangan, hija.”
“Pero gusto ko po. Please, Reverend Mother, huwag niyo po akong tanggihan.”
Ngumiti ito sa kanya at nagpasalamat. Sandali pa silang nag-usap bago siya lumabas ng opisina nito. Masayang-masaya na siya dahil para siyang bagong tao. Kailangan lang pala ng tapik mula sa ibang tao para maunawaan ang maraming bagay. Pagbalik niya sa kanyang silid, mabilis siyang nag-ayos at nag-empake ng mga damit at gamit. Bumalik siya sa opisina ni Reverend Mother dala ang mga gamit. Muli siyang nagpasalamat at nangakong babalik para magbigay ng donasyon at magbigay ng party para sa mga bata at matatanda sa orphanage. Nagboluntaryo pa itong ipahatid siya ng service sa bahay nila. Mabuti na lang at kabisado niya pa rin ang daan. Halos isang oras ang biyahe bago sila nakarating nang Rosario. Ilang minuto pa ang nagdaan bago sila huminto sa tapat ng bahay nila. Napangiti siya nang makita ang malaking pagbabago ng bahay nila.
Ang dating bungalow na bahay nila ay dalawang palapag na. Nabili na nila ang katabing lote kaya malawak na iyon. May gate na iyon ngayon at may dalawa silang katiwala. Nagpasalamat siya sa driver at nag-abot ng ilang libo. Tumanggi pa ito pero ipinilit niya iyon para sa gas at merienda nito. Isinauli pa nito ang iba dahil sobra daw iyon. Ipinilit niyang tanggapin nito iyon at sinabing ibigay sa pamilya. Nagpasalamat ito bago bumaba at ito na ang nag-doorbell. Nang bumukas ang maliit na gate ay namukhaan niya ito na isa sa dalawang kasambahay nila. Sinuot niya muna ang kanyang afro wig at superstar shades dahil baka bigla pa itong mag-ingay at makabulabog ng ibang kapitbahay. Lumapit siya sa mga ito at sinabihan ang driver na siya na ang bahala. Nang sila na lang dalawa ng kasambahay ay tinanong siya nito kung sino siya.
“Huwag muna kayong maingay,” aniya at tinanggal ang afro wig at shades. Nang mapatutop ito sa bibig ay hinila na niya ito papasok sa loob at isinara ang gate. Pagpasok niya sa loob ay nakarinig siya ng ingay sa kusina. Baka naghahanda na ang mga ito ng tanghalian. “Nanay, tatay,” tawag niya sa mga ito.
“Anak,” malakas na sabi ng nanay niya at mabilis na nakapunta sa kanya at niyakap siya nang mahigpit. “Bakit ang tagal mong nawala? Saan ka ba nanggaling,” umiiyak nang sabi nito.
“Pasensya na kayo, nanay, tatay. Kinailangan ko lang pong magbakasyon at magpahinga nang mag-isa.”
“Nauunawaan ko iyon, anak,” tipid na sabi ng tatay niyang nakangiti. Lumapit siya dito at niyakap ito nang mahigpit. Hanggang ngayon, siya pa rin ang tatay’s girl na laging nakayakap dito.
“Kumusta na po kayo? Dito na muna po ako magbabakasyon ng ilang buwan bago po ako bumalik ng Maynila at mag-renew ng kontrata.” Maya-maya’y bumaba na rin ang mga kapatid niya at niyakap siya. Napuno ng ingay at tawanan ang bahay sa muling pagbabalik niya. Halatang sabik na sabik sa kanya ang mga magulang na todo ang pag-aasikaso sa kanya. Muli siyang kinulit ng mga ito kung kailan siya titigil sa pagiging singer.
“Nanay, tatay, hindi ba, alam niyo naman po na ito po talaga ang pangarap ko? Huwag po kayong mag-alala, kahit bumalik ako sa pagkanta, hindi na po ako masyadong tatanggap ng mga project sa telebisyon at pelikula. Uuwi po ako rito nang mas madalas. Babawi po ako sa inyo. Sabi ko naman sa inyo dito po muna ako ng ilang buwan kaya susulitin ko po ang bakasyon dito.
Nang matapos kumain ay nagpahinga na sila. Tinawagan niya si Tiffany at sinabing nakauwi na siya. Tuwang-tuwa ito at sinabing dalawin niya ito dahil buntis na naman ito nang limang buwan at kambal na naman kaya hirap nang kumilos. Hindi siya makapaniwala na sa loob ng dalawang taon ay marami na ang nangyaring pagbabago. Pagkalipas ng ilang araw ay muli siyang tumawag dito at nagsabing dadalaw dito. Kahit anong tanggi niya at sabihing mag-ta-taxi siya ay hindi ito pumayag. Maya-maya ay dumating na ang kotseng susundo sa kanya. Gulat na gulat pa siya nang makilala ang kotse niya na iniwan sa bahay niya na ipinakuha pala ng mga ito sa Maynila. Tuwang-tuwa pa siyang pinagmasdan iyon at sinubukang paganahin. Maayos na maayos pa iyon kahit matagal niyang hindi nagamit. Ang driver na muna ang pinakusapan niyang magmaneho dahil medyo matagal na naman siyang walang practice.