Chapter 14: Angel’s Cry

"Nasaan ako?" agad na tanong nito sa'kin nang magising siya.

"Nandito ka sa bahay ko. Nakita kitang walang malay kanina sa kakahuyan kaya napagdesisyunan ko na dalhin ka rito," sagot ko.

"Ano pa lang pangalan mo? Saan ka nakatira? Bakit napadpad ka sa kakahuyan?" sunod-sunod na tanong ko. Pero nanatili itong tahimik.

"Wala akong maalala," aniya matapos ang ilang segundo.

"Alam ko na, Fraida. 'Yon na muna ang pangalan mo habang wala ka pang naaalala," nakangiting wika ko.

Ngumiti rin ito sa'kin kaya mas lalo siyang gumanda. Hindi ko maiwasang titigan siya.

"Ikaw? Ano bang pangalan mo?" tanong ni Fraida sa'kin, dahilan para bumalik ako sa ulirat mula sa pagkakatitig ko sa kaniya.

"Adonis," mabilis kong sagot.

Simula no'n naging malapit kami sa isa't-isa. Hindi ko maiwasang mahulog ang loob ko sa kaniya. Kahit na alam kong walang lihim na hindi nabubunyag.

Pag-uwi ko galing kakahuyan para makakuha ng makakain namin ni Fraida. Inabutan ko siyang umiiyak. Bumilis ang tibok ng puso ko. Hindi ko kayang makita siya na umiiyak ng ganito.

"Fraida bakit ka umiiyak? Anong nangyari?" nag-aalala kong tanong sa kaniya.

"Adonis bakit gano'n? Bakit parang may kulang sa akin? Bakit kahit anong pilit ko wala akong maalala?" umiiyak niyang wika.

Gustuhin ko man na sabihin sa kaniya pero pinanghihinaan ako ng loob. Hindi ko kaya. Hindi ko kayang mawala siya sa akin.

"Tutulungan kita na maka-alala ulit. Pero 'wag mo munang pilitin. Unti-untiin natin, tutulungan kita. Lagi lang akong nasa tabi mo. Sa bawat pag-ngiti at pag-iyak mo lagi mo kong kasama," masuyo kong sagot sa kaniya.

Naikuyom ko ang palad ko dahil sa inis ko sa sarili ko.

Pinunasan niya ang nanuyong luha sa kaniyang pisngi, at saka ngumiti sa akin. "Salamat."

Mahigpit ko siyang niyakap saka hinalikan sa noo. Nagsinungaling nanaman ako sa kaniya. Alam kong kapag nalaman mong nagsinungaling ako sa'yo ay hindi mo ko mapapatawad Fraida.

Sumunod na araw ay nakita ko siyang masayang naliligo sa ulan na parang bata. Na parang walang problema sa dinadala. Na parang hindi siya umiyak dahil wala siyang maalala.

Agad akong kumuha ng payong at saka tumakbo papalapit sa kaniya. "Fraida! Tara na pumasok ka na sa loob. Baka magkasakit ka na niyan."

"Hindi 'yan. Mabuti pa samahan mo na lang ako," masaya niyang tugon.

Sasagot pa sana ako sa kaniya ng bigla niya akong hilahin, dahilan para mabitawan ko iyong dala kong payong. "Dali!" natatawa niya pang saad.

"Bakit ba ayaw mong mabasa? Minsan lang naman tayo magpaulan oh. Hindi ka siguro naliligo. Hayaan mo sikreto lang natin 'yon pero samahan mo muna ako ngayon," natatawang panunukso niya sa akin.

"Ah gano'n? Halika nga rito." Sabay takbo niya palayo sa akin. Kaya agad ko naman siyang hinabol.

"Ang bagal mo!" panunukso niya ulit sa akin.

Kaya mas binilisan ko pa ang takbo para maabutan ko siya. "Huli ka!" Sabay yakap ko sa kaniya mula sa kaniyang likuran.

"Madaya ka," natatawa niyang saad.

"Sinong mabagal sa atin ngayon?" nakangiti kong sagot sa kaniya.

"Hindi ko alam kung anong gagawin ko kapag nawala ka sa'kin Fraida," seryosong saad ko. Dahilan para mapatingin siya sa akin.

"Ikaw ang kumumpleto sa'kin Adonis. Wala man akong maalala mula sa nakaraan ko. Ikaw naman ang naging dahilan para muli akong mabuo." Kapagkuwan ay niyakap ako ng mahigpit.

Sana masabi mo pa 'yan sa oras na malaman mo kung anong totoo Fraida. Sa bawat pagpatak ng ulan dinig na dinig ko ang malakas na pagtibok ng puso ko.

Nang tumila na ang ulan nagmadali kaming pumasok para makaligo at makapagpalit ng damit. Agad naman akong dumiretso sa kusina para magtimpla ng kape.

"Adonis alam mo ba kung nasaan 'yong tuwalya ko?" dinig kong sigaw nito mula sa kuwarto.

"Baka nasa kabinet lang mahal," agad kong sagot.

Nagtaka ako dahil kanina pa siya sa kuwarto at hindi pa lumalabas. Natapos na akong magtimpla ng kape pero hindi ko pa siya nakikitang lumabas ng kuwarto. Baka natuyuan na 'yon.

"Mahal nakita mo ba?" Pero hindi ito sumagot.

"Fraida?" muli kong tawag sa kaniya pero hindi pa rin siya sumasagot kaya nagsimula na akong kabahan.

Nagmadali akong pumunta sa kuwarto. Bawat hakbang ko ay ramdam ko ang bigat.

"F-fraida?" nauutal kong tawag sa kaniya ng makita ko siyang umiiyak, habang hawak ang pares ng pakpak. Pakpak na siya mismo ang nag mamay ari.

"P-patawarin mo ko," pagsusumamamo ko sa kaniya kasabay ng paglapit ko sa kaniya. Pero tanging sampal lang ang isinagot niya sa akin.

"Naalala ko na lahat! Bakit ka nagsinungaling sa akin?!" galit na galit niyang saad.

"P-patawarin mo ko mahal—" hindi ko na natapos ang sasabihin ko ng muli siyang magsalita.

"Mahal?! Kung mahal mo ko ay magsasabi ka ng totoo sa akin?!" Sabay tayo niya at naglakad palayo sa akin.

"Fraida nakikiusap ako sa'yo. Pakinggan mo muna ako," pagmamakaawa ko sa kaniya.

"Tapos na ako sa mga kasinungalingan mo Adonis. Siguradong hinahanap na ako ng aking amang hari at inang reyna sa langit. Sigurado akong sobra silang nag-aalala at nagdadalamhati ngayon dahil sa pagkawala ko."

Sabi nila may magandang mangyayari matapos bumuhos ang ulan. Pero ngayon nawala ang babaeng minamahal ko matapos ang pagbuhos ng ulan. Nawala siya dahil sa pagiging makasarili ko.

Simula noon ay lagi na akong nagtatampisaw sa ulan. Dahil alam kong sa bawat pagpatak ng ulan ay malungkot siya at umiiyak sa langit. Tinupad ko pa rin ang pangako ko na lagi akong nasa tabi mo sa bawat pag-ngiti at pag-iyak mo. Kahit na alam kong hindi mo na ako babalikan pa.

Genre: Fantasy