Chapter 29

Sue's Pov

Halos hindi bitawan ni Mama ang kamay ko habang nakahiga at sakay ng isang stretcher papunta sa operation room. Paulit ulit nilang sinasabi ni Appa na huwag akong kabahan pero sila namang dalawa talaga ang kinakabahan.

Paglipat nila sakin sa operation bed ay inumpisahan na nilang i check mga vital signs ko. May tinurok na rin silang pampamanhid sakin hanggang sa di ko na namalayan na nakatulog na ako.

Pagdilat ko ng mata ay si Mama agad nakita ko, tumatawa pa siya habang nanonood ng Laughter in Waikiki, kainis hindi ako makatawa dahil makirot ang buong mukha ko. Dahan dahan akong kumukurap dahil ang sakit ng mga mata ko, maging galawin ang labi ko para magsalita ay hindi ko magawa dahil masakit din iyon.

Kung hindi pa iinom ng tubig si Mama ay hindi pa nito malalaman na gising na ako. Agad naman siyang lumapit sakin at umupo sa kama ko tsaka tinanong kung kumusta pakiramdam ko. Dahil balot ng kung ano ang mukha ko at di ako makapag salita at puro sign language nalang ginawa ko.

*******

Eksaktong isang linggo ng tanggalin ng doktor ang balot sa mukha ko. Nakapikit lang ako kahit sinasabi nilang tignan ko ang sarili ko sa salamin. Halata sa boses ni Mama ang tuwa kaya dahan dahan kong dinilat mga mata ko at tinignan kung ano na ang itsura ko.

Kahit namamaga pa ang mukha ko ay kitang kita ko na agad ang pagbabago. Hindi ko mapigilan ang hindi mapangiti at naluha pa ng makitang hindi na dinaanan ng pison ang ilong ko.

Tumingin ako sa doktor na nag opera sakin at nagpasalamat ng buong puso. Sabi pa nito ay mas makikita ko ang pagiging maliit ng mukha ko kapag nawala na pamamaga nito hanggang bukas.

**********

Hindi ako makapaniwala na ang nakikita ko sa salamin ngayon ay ang sarili ko, ang layo at ibang iba ng nakagisnan kong itsura. Kung dati ay oblong ang mukha ko ngayon ay dahil sa facial v line contouring ay lumiit ang mukha ko. Gumanda din tignan ang mga mata ko dahil sa double eyelid surgery, sulit ang sakit na dinanas ko.

Hindi ko maiwasan haplusin at titigan ang mukha ko. Samot saring emotion ang nararamdaman ko. Ngayon hindi na ako pangit, hindi na ako iiwasan ng mga tao, hindi na nila ako pandidirihan tulad ng dati.

Lumabas ako ng banyo at nakitang naghihintay doon sina Mama at Appa. Ngayong araw na din ang labas ko sa hospital at ako nalang talaga hinihintay nila upang makauwi na sa bahay.

Hindi maalis ang ngiti sa labi ko habang malambing na nakayakap kay Mama sa kotse. Halata na sobrang saya ko sa itsura ko ngayon at maging si Mr. Nam ay hindi makapaniwala na ako si Sue dahil sa laki ng pagbabago ng mukha ko. Pasulyap sulyap pa nga ito sa akin kaya napagalitan tuloy siya ni Appa na mag concentrate sa pagmamaneho at magsawa siyang makipag titigan sakin mamaya sa bahay.

Masayang sinalubong ako ni Ahjumma. Nanginginig na nagpaalam pa siya kung pwede daw ba niyang hawakan ang mukha ko. Nakangiting tumango ako sa kanya. Sa totoo lang ay nahihiya ako dahil hindi ako sanay ipakita sa mga tao ang mukha ko pero dahil alam ko na malaki na pinagbago ng mukha ko ay kailangan ko ng magkaroon ng kumpiyansa sa sarili.

Maluha luha si Ahjumma habang hinahaplos ang mukha ko, ramdam ko ang sinseridad niya sa bawat paghaplos nito sa mukha ko. Sa loob ng dalawang taon na nakasama ko siya sa bahay ay wala akong narinig na panlalait galing sa kanya bagkus ay sinasabihan pa niya ako na maging proud ako sa sarili ko dahil hindi ako nananakit ng tao.

******************