“Sorry! Bakit kasi hindi ka umilag?” malakas na tanong ni Claire sa asawa. Kahit na mismo siya ay hindi niya akalaing matatamaan ang lalake, at hindi iilagan ang suntok na gagawin niya.
Mahilo-hilong nagbangon ng kaunti si Geof sa pagkakahiga sa sahig. “Ano ba kasing problema mo? Bakit kailangan pang humantong tayo sa sakitan?” natanong nito sa kanya.
“Ikaw ang problema ko!” singhal pa niya sa asawa. “Palalayain na kita, hindi ko alam kung tama bang minahal kita sa sandaling panahon, pero ito ang nararamdaman ko, mahal kita, kaya palalayain na kita,” malungkot niyang sabi.
“Ha? Anong papalayain, e kakasal lang natin, wala pa nga tayong two months,” sagot ni Geof.
“Pero may mahal ka namang iba, ipagtapat na lang nating sa lolo mo, na hindi mo ko kayang mahalin. Na may mahal kang ibang babae na hindi mo malimutan, ayokong sirain ang buhay nating pareho, magpakilala ka sa kanya, at sabihin mo ang totoo, malay mo NBSB pa rin siyang tulad ko,” sabi pa niya.
“Bakit kasi hindi mo ko maalala? Bakit hindi mo ko makilala?” tanong ng lalake, hindi naman niya alam kung ano ang ibig nitong sabihin.
“Ang alin? Sino?”
“Na may niligtas kang lalake, fifteen years ago,” mahinang sagot ni Geof.
“Ako, may niligtas na lalake? Sino ikaw ba?” natatawa naman niyang tanong. Pilit siyang nag-isip kung meron nga, hindi na niya kasi maalala sa dami ng mga taong natulungan niya noon.
“Oo ako nga, hindi mo na maalala, noong panahong iyon, kagaga-raduate ko lang ng high school, napadpad ako sa lugar na ito at napagtripan ng mga gangster, ikaw ang nagligtas sa akin, simula no’n hindi na kita nakalimutan. Ikaw kasi ‘yong babaeng minahal ko na noon pa. Kaya lang hindi mo naman ako nakikilala, pero ikaw kilalang-kilala ka ng puso ko, at kahit kailan hindi ka nawala sa isip ko, mahal kita, Claire,”.”
“G-ganon? Bakit ang dami mo pang test na ipinagawa, kung kilala mo naman pala ako?”
“Requirements kasi ni Lolo iyon e, kung ako lang ang tatanungin hindi ko na kailangan gawin iyon, mahal kita kahit na malaman kong ilang lalake na ang nagdaan sa’yo, wala naman akong pakialam,” sambit pa nito na tinitigan siya ng malagkit. Sa narinig niya parang kiniliti ang puso niya.
Napapailing siyang gusto niyang matawa, “Ibig mong sabihin, nagseselos ako sa sarili ko?” sinabayan niya pa ng malakas na halakhak. Hindi niya maintidihan ang sarili niya pero tuwang-tuwa siya at naghahari ang ligaya sa puso niya.
Nagulat pa siya ng bigla siyang dambahin ni Geof at napatihaya siya, napailaliman siya nito, at nagtama ang kanilang mga mata. Malagkit na tinginan, “Mabuti na nga lang NBSB ka, hindi na ako nahirapan pang sabihin kay Lolo na ikaw ang pakakasalan ko.” nakangiting sambit ni Geof, sabay halik sa mga labi niya.
Bahagya pang nanlaki ang mga mata niya, nagulat siya ngunit napapikit na lang ang kanyang mga mata, at ninamnam ang matamis na halik na iginawad sa kanya ni Geof. “Mahal kita,” sabi nito nang magbitiw na ang kanilang mga labi.
Ngumiti muna siya bago sumagot, “Mahal na rin kita, hindi ko alam kung kailan at paano, siguro no’ng unang gabi na makita kita, iyon ang unang gabi na minahal kita. Alam ko naman na malungkot ang buhay mo, bakit ka malungkot?” tanong niya sa lalaki habang nakakapit ang dalawang braso niya sa leeg nito.
“Malungkot ako kasi ang tagal kitang natagpuan, marami na akong babaeng nakasama sa kama, pero ang mukha mo ang hinahanap ko, hindi ko alam kung bakit sa kabila ng lahat, ikaw pa rin. Kahit ni hindi mo manlang ako natandaan.” napapangusong sabi ni Geof.
“Pero kahit hindi kita natandaan sa tingin ko, natandaan ka ng puso ko,” ngumiting sambit niya sa asawa, saka niya ito muling hinalikan sa mga labi.
UMUWI sila sa kanilang mansiyon na magkasama, magkahawak ang mga kamay at may mga ngiti sa labi. Sa pagkakataong iyon malinaw na ang lahat sa kanila. Malinaw na sa kanya, na kaya pala siya hindi natutong magmahal, at magkagusto sa ibang lalaking nanligaw sa kanya noon. Ang dahilan pala’y may naghihintay sa kanya.
“Ngayon alam ko na kung bakit ako NBSB, dahil siguro sa panalangin mo,” nakangiting sabi niya sa binata. Nasa k’warto na sila ng mga oras na iyon, magkatabi lang na nakahiga sa kama.
“Ganon ba? O baka naman kasi pangit ka talaga, walang magkagusto sa iyo?” Tapos ay tumawa ito ng ubod ng lakas matapos niyang paningkitan ng mga mata. Naiinis niyang tinalikuran ang asawa.
“B’wiset, ang akala ko pa naman tuloy ang lambingan natin, mang-aasar ka na pala pagdating dito,” sabi niyang ipinikit na lang ang mga mata, habang nakatalikod.
“Mas nagagandahan kasi ako kapag nakikita ko iyang mga makakunot mong noo.” Iniharap siya nito at bahagyang pinisil ang ilong niya. Nakapikit pa rin siya habang ginagawa iyon ng asawa niya sa kanya. Naramdaman na lang niya ang punti-unting paghalik nito sa noo niya, sa dulo ng ilong at hanggang makarating sa kanyang mga labi.
Iyon na yata ang karugtong na lambing nito kanina na hindi natapos doon sa maliit niyang gym.
“Claire, baby….” napangiti siya ng tawagin siya nitong baby.
“Ano ka ba, baby talaga ang itatawag mo sa ‘kin? Paano naman kung magkaanak na tayo?” tanong niya na hindi na mapigilan ang ngiti, at kilig na nararamdaman niya sa kanyang mga labi.
“Edi saka na natin ibahin, magiging Honey na. O sweet heart, alin lang sa dalawa?” Sabay kabig nito sa kanya, at siniil siyang muli ng halik. Muling ipinadama nito sa kanya ang isang matamis na halik, na no’n lang niya nadama. Isang halik na babaunin niya sa puso niya habang buhay.
Noon din niya natuklasan na mahal siya nito, isang pagmamahal na hinintay rin nito ng matagal, tulad niya naghintay rin Geof, hindi nakipag relasyon sa ibang babae, bagamat alam naman niya na lalaki ito, at maaaring maraming babaeng nakasama sa kama, pero hindi niya iyon tinitingnan bilang relasyon.
Para sa kanya normal lang sa lalaking wala pang asawa ang makipag-fling sa ibang babae na wala rin namang karelasyon. Ganon niya binubuksan ang kanyang isipan para sa mga babaeng nakasama nito sa isang buong magdamag, at para sa kanya hindi iyon big deal.
Kaya naman nang angkinin na siya ng lalaking pinakasalan niya, hindi na siya nagdalawang isip na ibigay ang kanyang matagal nang pinakaiingatang pagkabirhen. Alam niya na mahal siya nito at magiging masaya sila sa kanilang buhay at pagsasama.