“Ano, aalis na tayo, ‘nak?” singit ng ina ni Fiona na dumating sa clinic. Inilapat na nito ang dahon ng pinto pagkapasok.
Nakipagbeso-beso rito ang psychiatrist. Kaunting usap lang at nagpaalam na silang mag-ina para pumunta sa mall. Kahit papaano ay natutuwa siyang lumabas silang mag-ina ngayon at nang makapag-bonding silang dalawa. Matagal-tagal na rin mula noong huli silang nag-mall.
Sa parking lot ay napansin niya ang isang pamilyar na motorsiklo. Nakita niyang papalapit dito si Cyler nang hindi siya napansin.
‘Ba’t kaya siya nandito? May nagkasakit kaya sa pamilya niya? O siya ang nagpapa-checkup?’ napadili-dili siya.
“’Nak, halika na,” tawag ng ina.
Napalingon siya sa kay Emma na pumara ng taxi. Nang makasakay na sila sa taxi ay saka siya napansin ni Cyler at nagtaas lang ito ng kamay para batiin siya. Sumibad naman ang minamaneho nitong motorsiklo na parang nagmamadali o likas lang talaga itong mabilis na magpapatakbo.
“Kilala mo ‘yon, ‘nak?” usisa ng ina. Napansin pala nito ang batian nila ni Cyler.
“Classmate ko lang, Ma.” ‘Yong bumukol sa ‘kin, by the way,’ dagdag ng isip niyang nangungutya.
Napa-ah na lang ang ina. Napatingin ito sa unahan kung nasaan ang binatang nagmamaneho dahil naka-overtake na ito sa taxi nila. Tinunghayan ng ina ang lalaking paksa nila.
“Mukhang mabait ‘yan, nak, hindi ba?” komento ng ina.
Kumibit lang si Fiona at hindi na sumagot. Hindi naman niya kasi alam kung talagang mabait ito gayong alam niyang may basagulero itong reputasyon sa kanilang paaralan.
***
“Ma, mauna ka na lang umuwi. Nag-text si Jenna na manonood kami ng sine. Libre niya,” wika ng dalaga pagkatapos nilang bumili ng kanyang sapatos. Natuwa siya dahil napakakomportable nito kumpara sa luma niyang sapatos.
“Ah, sige. Dadalhin ko na itong sapatos mong binili natin, ‘nak. Huwag masyadong magpapagabi, ah,” habilin ni Emma.
Hinalikan siya ng ina sa batok habang nakaupo sa may mesa nila sa foodcourt. Pagkaalis nito ay hinihintay na niya ang kaibigan. Nagbo-browse lang siya sa kanyang cell phone dahil hotspot naman.
Paminsan-minsan lang siya nagpo-post sa kanyang Epvi account. Two months ago na yata ang huli niyang dalaw at pag-change ng profile pic. Naka-selfie siya sa loob ng kanyang silid at suot ang bagong biling sundress ni Cynthia sa kanya. Isinukat niya iyon noon. Stretchable iyon at kapansin-pansin ang bawat kurba ng katawan niya. Iyon nga lang ay ang taba niya ang kumurba.
Pagsilip pa niya ay may mga comments sa profile pic niyang puro mga panlalait ni Shiloh at ng ibang mga kaklase nila.
“Finilter mo sana nang maayos ‘to para slim kang tingnan, Fiona,” payo ng isa.
May ROFL emoticon si Shiloh at saka nag-comment din. “Selfie is so NOT bagay to U. Oh, wait. Don’t take any picture EVER! MASAKIT ka sa mata. Plus, baka sasabog ang server ng Epvi dahil sa laki mo. Hahaha!”
Maraming nagre-reply ng laughing stickers at nagla-like sa comment ni Shiloh. Binura niya ang messages ng mga ito at blinock ang users.
“Hindi ako magde-deactivate. Akala n’yo, ha? Tch!” sabi niyang kinausap ang aparato. “Isa pa at ire-report ko kayong lahat sa Epvi! Kahit paulit-ulit kayong gagawa ng account, paulit-ulit ko rin kayong ire-report!” Kung hindi gagana sa taktikang yaon at punung-puno na siya ay ii-screenshot niya at ire-report sa kanilang school. Tingnan niya lang kung uobra pa rin ba ang pagka-bully ng mga ito kapag nakatikim ng suspension.
Napangiti na lang siya sa kanyang sarili at nagbo-browse sa mga pictures nila ni Jenna na in-upload ng kaibigan. Bonding nila iyon kalimitan sa bahay nito kung saan may magandang infinity pool at gazebo. Magkaakbay silang dalawa o kaya magkayakapan na nakasuot ng swimsuit. May maluwag na ngiti sa mga labi nila habang nakatingin sa camera na kalimitan kuha ng maid nina Jenna.
Ilang minuto pa ang lumipas, napansin niyang dumami na ang mga tao sa foodcourt at tapos naman na siyang kumain kaya para pagbigyan ang ibang taong kararating lang doon ay umalis na siya sa kanyang puwesto. Isang pamilya ang pumalit sa kanya roon.
Para magpalipas ng oras, naisip niyang pumunta sa home appliance store kung saan hindi malayo sa foodcourt. Nag-text na lang niya si Jenna na doon na siya maghihintay para hindi siya mababato. Baka na-traffic lang ito.
Nakahanay nang maayos ang mga kagamitang pambahay roon. May iba’t ibang modelo, kulay, at brands ng washing machine, electric fan, flat TV, CD/DVD player, mga tipong pang-kusina tulad ng refrigerator, oven, toaster, kalan, coffee maker, blender, at iba pa.
Pagkatapos tumingin sa TV at iba pa, nakatayo siya sa harap ng isang washing machine na may dryer. Ngayon niya lang napagtanto na may eco-friendly na washer at dryer pala.
“Aba, bongga,” mahinang sabi niya sa sarili. Sinilip-silip niya pa ito sa loob.
“Are you looking for something inside?”
Muntik na siyang mapalundag nang may biglang bumulong sa kanya. Agad siyang napaatras at sapo ang tainga. Ramdam niya ang mainit nitong hininga at nasamyo ang mabangong amoy ni Cyler.