Thymine
Matapos ang ilang minutong paghihintay ay dumating na rin ang lima naming kasamahan. May dala silang mga lalagyan at sa tingin ko ay naglalaman ito ng mga makakain. Sa wakas ay dumating na rin.
"Mabuti na lang at dumating na ang pagkain. Baka sa gutom ako mamatay at hindi kay Kamatayan," bulalas ng isa naming kasamahan.
Hindi na lamang namin siya pinansin. Mabilis na lumapit sa amin ang mga may dalang pagkain. Isa-isa nilang inabutan ang mga kasamahan namin ng maliit na lagayan.
"Pagpasensyahan niyo na ang laman. Kailangan kasi nating pagkasyahin ang mga natitirang pagkain. Pero sa tingin ko naman, p'wede na 'yang ipantawid sa gutom," paliwanag ng isa naming kasamahan habang nag-aabot ng lagayan.
Kung kanina ay natutuwa ako na may pagkain na, ngayon ay nadismaya akom Kakarampot na kanin at menudo ang laman nito. Hindi ito ang inaasahan kong makita. Pero wala naman akong ibang magagawa, ang mahalaga ay may makakain ako.
"Gusto mo ba itong sa akin, Thymine? Ikaw na lang ang kumain nito kung kulang pa sa iyon 'yan. Ang alam ko kasi, kaunti na lang talaga ang suplay," sabi sa akin ni Rhian.
Kaagad naman akong umiling tanda na tinatanggihan ko ang alok niya. Masyadong nakakahiya. Pareho lang kaming gutom kaya hindi tama na ibigay niya pa sa akin ang pagkain niya.
"Ayos lang ako, Rhian. Lahat tayo ay gutom kaya huwag ko na akong alalahanin pa. Sapat na ito. Hindi naman ako matakaw. Pero salamat sa pag-aalala mo sa akin," nahihiyang paliwanag ko sa kanya.
Samantala, sa kabila ng nakikita nilang laman, pikit-matang kinuha ng iba naming kasamahan ang pagkain at sinimulang kainin. May plastik na kutsara at tinidor sa loob nito, mukhang pinaghandaan talaga nila.
Ilang sandali ang lumipas at muling nagsalita si Trench. Ang tindig niya, mahahalatang mong lider na may pinamumunuan. Hindi na talaga ako nagtataka na marami siyang nalalaman kumpara sa amin.
"Siguro naman, sapat na ang binigay naming pagkain. Malapit ng maubos ang mga nakaimbak na pagkain at hindi magtatagal ay wala na kaming maibibigay," mariing giit niya bago tumayo at magsimulang maglakad-lakad.
Inilapag ko muna sandali sa sahig ang pagkaing binigay sa akin na hindi ko pa nauubos. Tumayo ako at pasimpleng lumapit sa gawi ni Trench. May gusto kasi akong itanong sa kanya.
"Ilang araw na lang ba ang itatagal ng mga nakaimbak nating pagkain? May sapat pa ba tayong gamit sa pagligo, pagtulog o kahit mga damit? Gusto ko lang kasing malaman, kung ayos lang sa iyo," nagtatakang tanong ko sa kanya habang pasimpleng tumitingin-tingin sa mga obra na nakasabit sa pader.
Bahagya naman siyang natigilan sa kanyang ginagawang pagtitig sa mga obra at tumitig sa akin. Pakiramdam ko, may ginawa akong masama sa paraan ng pagtitig niya. Bigla tuloy akong nakaramdam ng kaba.
"Ano bang pakialam mo? Kadarating mo lang dito pero masyado ka nang mapapel. Kung hindi niyo kaya ang sistema rito, sumama na kayo kay Kamatayan at huwag ng magtago pa. Hindi ko naman kayo obligasyon," mariing giit nito sa akin at muling nagpatuloy sa paglalakad.
Bahagya akong natigilan dahil sa takot sa paraan ng pagsagot niya sa akin pero kaagad akong nakabawi. Bago pa man siya makalayo ay agad kong hinawakan ang braso niya.
"Kahit na anong sabihin mo, may pakialam ako. Hindi ako basta magpapabaya na lang at ipagsasawalang-bahala ang mga isyung kinakaharap natin. Tandaan mo, kabilang na ako sa grupo. May karapatan akong malaman ang sitwasyon natin," singhal ko sa kanya.
Ano bang akala niya? Dahil bago ako, wala na akong pakialam sa nangyayari sa bahay na 'to? Para saan pa na makakaligtas ako at ang labas ay muli kong makita, kung ang problemang kinakaharap namin ay itinatago nila? Hindi 'yon makatarungan para sa aming lahat.
Inis niyang binawi ang braso niya mula sa pagkakahatak ko. Hindi ko inaasahan na ganito niya ako kakausapin pero kailangan kong magpatuloy. Nasimulan ko na.
"Nagpapatawa ka ba? Sa tingin mo ba, lahat ng misteryo sa bahay na 'to ay nakita mo na? Wala kang alam, baguhan ka lang. Kung ako sa iyo, mananahimik na lang ako sa sulok," naiinis na sambit niya sa akin at marahan akong itinulak.
Bahagyang tumama ang likod at braso ko sa haligi ng bahay, medyo masakit ang pagkakatama ko. Halos nakuha namin ang atensyon ng mga kasamahan namin. Hindi ko ito inaasahan. Ang gusto ko lang naman ay maayos na pag-uusap.
Nag-aalala namang napatakbo papalapit sa akin si Rhian, "Ayos ka lang ba? Masakit ba 'yang likod mo? Thymine, nasaktan ka ba? Sandali, hayaan mong tulungan kita," nag-aalala niyang tanong at nahahabag na tinignan ako sa mga mata.
Napabuntong-hininga na lang si Trench sa harap namin ni Rhian. Inis na inis siya sa presensya namin pero hindi ko alam kung bakit. Sa pagkakaintindi ko naman, wala akong masamang sinabi sa kanya. Nagtatanong lang ako, anong masama ro'n?
"Matuto kang lumugar. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay kailangan mong makialam. Rhian, pagsabihan mo 'yan. Alam mo ang kalakaran dito kaya kung gusto mo 'yang protektahan, pagsabihan mo," mariing giit ni Trench bago naiinis na umalis.
Agad namang nag-abot ng silya ang isang sa mga kasamahan namin. Pinaupo ako rito ni Rhian at marahang hinimas ang likuran ko. Naaawa ako sa sarili ko. Pati si Rhian ay nadadamay dahil sa ginawa ko.
"Bakit mo ba kasi siya nilapitan? Sinabihan na kita, 'di ba? Nariyan naman si Wince o ako. Lapitan mo na lahat, huwag lang si Trench. Hindi siya mabait, gaya ng inaakala mo," inis na sabi sa akin ni Rhian.
Bahagya akong natigilan at napaisip sa ginagawa niya ngayon. Bakit ba siya naiinis sa akin? Ano bang pakialam ni Rhian kung masaktan ako? Sandali, nag-aalala ba siya sa akin?
Agad kong inalis ang kamay niya na ngayon ay minamasahe ang likuran ko. Hindi ito tama. Nahihiya ako. Maraming nakatingin sa amin at nagmumukha akong mahina.
"Hindi mo ako kailangang alalahanin, kaya ko ang sarili ko. Hindi mo na kailangang mag-abala at tiyakin na nasa maayos ang kalagayan ko. Rhian, kaya ko na," mariing giit ko sa kanya habang unti-unting inaalis ang kamay niya.
Nagtataka niya akong tinignan sa mga mata. Aaminin ko, sa totoo lang, gusto ko naman ang ginagawa ni Rhian kaso hindi talaga ito tama. Babae siya, lalaki ako. Hindi dapat ganito ang nakikita ng mga kasamahan namin.
"Bakit ka ba nagrereklamo? Ako na nga ang nag-aabalang alalahanin ka, umaarte ka pa? Sinabi ko naman sa iyo, palagi kitang babantayan at aalagaan. Ano ka ba, maliit na bagay lang ito," nakangiti niyang sambit sa akin.
Halos himatayin na sa kilig ang mga kasama ko, isang banat na lang siguro ay tiyak na mangingisay ang mga ito sa kilig. Bakit ba ganito si Rhian? Ayokong masanay sa presensya niya dahil baka dumating ang oras na iiwan niya ako.
"Tignan mo nga sila, Thymine. Natutuwa sila na tinutulungan kita. Kaya huwag kang mag-alala riyan. Sagot kita. Ako yata ang tagapagligtas mo," pagmamalaking sabi niya.
Hindi ko na pinansin ang sinabi ni Rhian, bagkus nag-iwas na lang ako ng tingin. Baka maging usap-usapan pa kami sa bahay na 'to, mahirap na.
Pasimple niyang hinampas ang likuran ko at hindi ko alam kung anong gagawin dahil bahagyang humapdi ito. Napapikit na lang ako at pilit na iniinda ang nararamdamang sakit.
Natawa na lang si Rhian at itinigil ang paghampas sa likuran ko, "Bakit ka pumipikit diyan? Ang sabi mo, kaya mo na ang sarili mo? Mukhang hindi naman, e. Kaya kailangan mo talaga ang tulong ko," natatawang sambit niya sa akin.
Napasimangot na lang ako sa inasta niya dahil talagang sinusubukan niya kung kayo ko na ba talaga? Nakakainis ka Rhian, napahiya ako sa harap ng mga kasamahan natin. Hindi ko alam kung may mukha pa akong maihaharap sa kanila.
"Masaya ka na ba sa nalaman mo? Hindi mo man lamang inisip ang mararamdaman ko. Pinahiya mo ako sa mga kasamahan natin. Nahihiya ako sa kanila. Ako dapat ang gumagawa nito sa iyo," mahinang sabi ko sa kanya.
Nakangiti naman siyang lumapit sa akin at bigla akong niyakap. Bahagya akong nagulat pero mas lalo niya pa itong hinigpitan. Ano ba itong nangyayari kay Rhian? Hindi ko siya maintindihan.
"Bakit ka nagtatampo? Pasensiya ka na, nakakatuwa ka kasing pagmasdan kapag naiinis ka. Pero alam mo namang seryoso ang mga sinasabi ko sa iyo. Mag-iingat ka palagi," mariing giit niya habang nakayakap pa rin sa akin.
Ano ba ito? Bakit imbes na mainis ako, natutuwa ako sa ginagawa niya? Anong mayroon sa iyo, Rhian? Bakit ganito ka kabait sa akin?