Chapter 4: KABANATA 3
Ang alaala kung paano ko nakilala si Bellisimo ay masasabi kong hindi rin maganda kagaya ng una kong impression sa kaniya. Noong ilang araw pagkatapos naming makarating ni Nanay rito sa Esperanza, naghanda ng welcome party si Tito Elton para sa amin. Imbetado ang mga bigatin at may kilalang pangalan dito sa barrio kahit na rin ang mga kasosyo ni Tito sa kanilang negosyo. At dahil kabilang si Bellisimo at ang tanging tagapagmana ng kayaman ng mga Ferrer, naroon siya. Dagdag pa na kaibigan din pala siya ni Kuya Eli.
“Don’t be shy, Jam. Ipakikilala kita mamaya sa mga kaibigan ko para na rin may kakilala ka kaagad. Hindi ka na mahihirapan kapag pumasok ka na sa same school kung nasaan ako,” si Kuya Eli.
Tumingin ako kay Nanay noon, tila nagsasaklolo. Ngunit ang excitement at kasiyahan na nakita ko sa kaniyang mga mata noo’y nagpaurong sa plano kong pakiusapan sila na huwag nang maghanda ng party.
Saktong ala-sais ng gabi, paghahanda sa hapunan, nagsimula ang handaan. Unti-unti nang nagsidatingan ang mga bisita. Suot ko noon ang isang kulay puting bestida na regalo ni Tito Elton sa akin. May bulaklakin iyong disenyo at may maliit na ribbon sa may leeg. Isa namang kulay beige na flat sandals ang sapin ko sa mga paa. Ang mahaba at itim kong buhok ay pinanatili kong nakabuhaghag. Pagkababa ko ay kaagad kaming pinakilala ni Tito Elton sa lahat.
“Dad, may I borrow Jamila? Ipakikilala ko lang sa mga kaibigan ko,” ani Kuya Eli kay Tito.
Tumingin sa akin si Tito, tila tinatanong kung ayos lamang. Sa tabi niya noon si Nanay at kapwa sila nagsasalo sa pagkain ng isang dessert. Ngumiti ako sa kanila at tumango bago sumama kay Kuya Eli patungo sa pool area kung saan may naririnig na akong mga nag-iingay. Napasiksik ako sa likod ni Kuya nang makakita ako roon ng mga lalaki at iilang babae na sa tantiya ko ay ka-edad lang ni Kuya Eli maging ni Kuya Jamile.
“Hey, bro! Ang tagal mo naman,” ani ng isang lalaki na may kulay ang buhok. “Oh? Who’s that cutie behind you? Siya na ba iyong stepsister mo? Na-late kami sa introduction nila kanina.”
Lumingon si Kuya Eli sa akin at ngumiti. Hinawakan niya ako sa magkabila kong balikat at pinaharap sa kanilang lahat.
“Yes, this is my stepsister, Jamila. Jam, these are my friends. Please be good to her from now on dahil mag-aaral na rin siya sa same school natin,” aniya.
Naghiyawan ang mga lalaki at kaagad silang lumapit sa akin. Nailang naman ako bigla. Nagsusumigaw silang lahat ng karangyaan. Siyempre, kaibigan sila ni Kuya Eli, eh. Ang nag-iisang unico ijo ni Elton Aldivar kaya natural lang na mga high-class ang mga kakilala niya.
“I’m Brandon.”
“H-Hello. Jamila.”
Pinakilala ako ni Kuya isa-isa sa kanila. Malaki ang pagkangingiti sa akin ng mga lalaki, habang ang mga babae ay titignan muna ako mula ulo hanggang paa at tila ilag pa kung makipag-kamay sa akin. Doon ko unang naranasan ang iba nilang pagtingin at pagtrato sa akin. Na tila tingin nila sa akin ay isang tao na hindi nababagay sa mundo nila. Pero dahil kay kuya na isang Aldivar, hindi nila pinapahalata at isinasatinig iyon.
“Where’s Bellisimo, by the way? Red?” tanong ni Kuya sa pinakahuling lalaki na pinakilala sa akin. Tila lagi siyang inaantok at kahit magulo ang buhok ay nakadaragdag lang iyon sa dating niya.
“Sinundo pa ang babae niya,” walang ganang sabat noong Red.
Nakita kong napailing si Kuya. Sino kaya iyong Bellisimo?
“Kuya,” bulong sabay kalabit ko kay Kuya noong nagkakasiyahan na.
Mabilis siyang bumaling sa akin. Isa sa natuklasan ko kay Kuya Eli ay mailap siya sa mga taong hindi niya pa lubusang kilala, ngunit kapag pinapasok ka na niya sa buhay niya, sobra siyang maalaga at malambing. Kaya medyo kinabahan din ako sa kaniya noong una, eh. Napaka-snob kasi ng mukha niya at seryoso lalo na kapag hindi nakangiti.
“Yes? Anything wrong?” biglang nag-aalala niyang tanong.
“Naiihi kasi ako. Iihi muna ako, Kuya,” nahihiya kong bulong sa kaniya.
Mababaw siyang natawa sabay gulo sa buhok ko.
“Alright.”
Mabilis akong tumayo. Naiihi naman talaga ako, pero excuse ko na rin iyon para makaalis dahil out of place naman ako sa kanila. Dagdag mo pa ang nanunusok na tingin ng mga babae nilang kasama. Wala naman akong ginagawang masama sa kanila.
“Hay, salamat naman,” ani ko nang makaalis na roon.
Nakahinga ako nang maluwag at dali-daling umalis para magtungo sa CR. Nang matapos, napagdesisyunan kong pumunta muna sa likod ng bahay kung saan may garden at doon sa garden ay may bench. Ayaw ko muna roon. Pakiramdam ko ay hindi ako makahinga sa titig ng mga tao roon. Mabuti rito, tahimik at ma-e-enjoy ko ang lamig ng gabi habang tinitignan ang mabituin na langit.
Pagkarating doon ay kaagad akong naupo sa bench. Tuwang-tuwa ako na makatakas sa kanila. Nakangiti pa akong nakatingala sa langit. Ngunit naputol din kaagad ang kasiyahan ko nang may biglang lumitaw na lalaki sa kung saan.
“Hey, why is a pretty lady like you all alone here?”
Napasinghap ako at napapitlag sa kinauupuan nang makita ang pinanggalingan ng boses. Okay, inaamin ko na sobrang gwapo niya. Mas naniningkit ang singkit na niyang mga mata dahil sa mapaglarong ngiti na tila hindi umaalis sa kaniyang mapulang mga labi. Tila iniskulpa ng mabuti ang matangos niyang ilong. May kahabaan ang buhok niya, messy na parang isang rakista pero mukhang sobrang lambot kapag pinadaanan ng kamay. May maliit at kulay silver siyang hikaw sa kanan niyang tenga. Ang katawan niya’y sakto lang ang hulma ng mga masel, pero masasabi kong may pagka-sexy ang dating. Nakasuot siya ng leather jacket na may puti na t-shirt sa loob, ripped jeans sa ibaba at pares ng puting converse sa mga paa. Para siyang iyong mga 90’s dream boy – aesthetic.
Sino naman kaya ‘to?
“Sino ka?” kaagad kong tanong.
Dinilaan niya ang ibaba niyang labi at sa ilang hakbang ay nakalapit na siya sa akin. Ang isa niyang kamay ay nasa loob ng bulsa niya nang yumuko siya kung saan ako nakaupo. Nanlaki ang mga mata ko nang tila gahibla na lamang ang lapit ng mukha niya sa akin. Amoy na amoy ko ang tila mentol at amoy ng sigarilyo mula sa kaniya.
“Sino ako?” mapaglaro niyang ani sabay baba niya ng tingin sa mga labi ko. “I’m the one for you, babe.”
Hahalikan niya ako! Sa gulat ay kusang gumalaw ang kamay ko para sampalin siya at itulak. Walang lingon ay tumakbo ako paalis doon habang rinig na rinig ko ang malakas na kabog sa aking dibdib. Hindi ko na alam kung ano ang reaksiyon niya sa sampal ko, ngunit simula noon, hindi na ako tinantanan ni Bellisimo Alexis Ferrer. Minsan nga iniisip ko na gusto niya lang bumawi sa akin dahil alam kong naapakan ko ang ego niya noong gabi na iyon. Because as what I heard, no one could resist the charm of this young Ferrer. Pero ibahin nila ako dahil nasa pinakauhan si Bellisimo sa listahan ko ng mga lalaking ayaw na ayaw ko sa lahat.
Hanggang ngayon, klaro pa rin sa utak ko ang una naming pagkakilala ng babaero na iyon. Kapwa pa kami highschool noon at masasabi ko na sa paglipas ng taon ay nag-mature na rin ang mga features namin, pero ang hindi lang nagbabago ay ang pag-uugali ng lalaki na iyon. Kinamumuhian ko talaga ang mga kagaya niya.
“Jam!”
Si Brandon ang unang nakapansin sa akin nang sinubukan kong sumilip sa poolside. Ginala ko ang paningin ko at nang matagpuan ang singkit na pares ng mga mata na iyon na nakatingin na rin sa akin ay kaagad akong umiwas. Present nga, pero himala walang ni isang babae silang kasama. Nagkahimala yata?
“Magandang gabi,” pormal at nakangiti kong bati sa kanila.
“Oh, anak? Bakit iba na iyang suot mo? May PE na kaagad kayo kanina sa first day?” tanong ni Nanay nang makalapit sa akin.
Mabilis kong tinignan ng masama si Bellisimo na noo’y ngumuso lang at tumaas ang dalawang kilay sa akin. May nakaipit na sigarilyo sa mga daliri niya habang prenteng nakadikwatro sa kaniyang kinauupuan. Umirap ako.
“Wala, Nay. May nangyari lang kaya nagbihis ako. Aakyat na po muna ako para makapagbihis ng pambahay,” mabilis kong saad.
“Ha? Oh siya, sige. Bumaba ka rin kaagad para kapag dumating na ang Tito Elton mo ay sabay-sabay na tayong maghahapunan dito sa labas.”
Lihim akong napapikit sa narinig. Ano? Dito rin kami kakain sa labas? Kasama nina Bellisimo? Grabe, hindi ko yata araw ngayon.
“Sige po.”
Wala na akong magagawa. Laglag ang mga balikat na pumasok ako sa loob para makapagbihis na sa aking kwarto. Ilang beses akong bumuntonghininga. Sana pala sinabi ko kay Nanay na busog ako at hindi na kakain. Titiisin ko na lang ang gutom kaysa makaharap sa isang hapagkainan ang lalaki na iyon.
“Mila.”
Bahagya akong napasigaw nang may basta na lang humila sa akin sa braso ko dahilan para mapaharap ako sa tao na iyon. Kaakyat ko lang noon sa hagdan at kung hindi lang ako napahawak sa gilid ng hagdan ay sa malamang, na out of balance na ako. Ang problema lang, umakyat din ng isang baiting ang humila sa akin at inalalayan ako sa bewang kung sakali na mahulog ako. Resulta, halos gahibla na lamang ang lapit ng mukha namin. Parang de ja vu noong gabi na iyon sa may garden. Lumaki ng bahagya ang singkit niyang mga mata at nakitaan ko iyon ng mangha samantalang sobrang laki naman siguro ang panlalaki ng akin.
Hindi ko nga talaga siguro araw ngayon.