Chapter 3: KABANATA 2
“Ha –”
Naputol ang akmang paghikab ni Bonita nang mabilis kong takpan ang bibig niya. Napamura siya at inis na tinapik ang kamay ko. Tinawanan ko siya dahilan para singhalan niya ako. Nasa daan na kami noon patungong cafeteria dahil lunch break na.
“Shuta, ang boring talaga kapag first day ng klase. Puro introduce yourself, nakasasawa gawin at pakinggan. Paulit-ulit,” mahaba niyang pagrereklamo noong papasok na kami sa cafeteria.
Muli akong natawa sa pag-aalburoto niya. Manipis pa naman ang pasensiya ng isa na ‘to.
“Natural lang kasi iyon dahil may bago tayong section at bagong mga kaklase na makasasama para sa bagong schoolyear,” pagpapaliwanag ko.
“Bakit? Hindi ba pwede na magkakilanlan tayo sa isa’t isa pagkatapos? Kaya naman nating gawin iyon kahit na hindi na tayo tumayo roon sa harap at paulit-ulit na magpakilala. Hindi na tayo elementary. Sayang laway, shet,” aniya habang may pakumpas-kumpas pa ng mga kamay.
Napailing na lamang ako at bumuntonghininga. Nanatili na lamang akong nakikinig sa mga hinaing niya hanggang sa tuluyan na kaming makasabay sa pila sa loob ng kainan. Napatitigil lang si Bonita minsan kapag may kakilala na tinatawag siya o nakasasalubong. Sabi ko nga minsan dito kay Bon na tumakbo siya sa student council, tiyak panalo siya. Para na siyang kandidato palagi sa dami ng kakilala niya sa daan, eh.
“Anong sa’yo?” tanong ko kay Bon nang kami na ang nasa harap.
“Iyong adobo na lang, Jam. Sawang-sawa na ako sa sinigang.”
Ako na ang kumuha ng order namin at habang naghihintay ay pinagsabihan ko si Bon na siya na ang maghanap ng upuan namin. Dumarami na ang nagsisipasukan sa loob at baka mamaya maubusan na naman kami ng mauupuan, ending baka sa field na naman kami kumain. Ang init kaya ro’n!
“Isang set A at set C,” sigaw ng tindera namin sa cafeteria.
Kaagad akong nag-abot ng bayad at tumabi para kuhain ang dalawang tray sa pick-up lane. Saktong pagharap ko ay muntik nang matapon ang mga laman ng tray nang mayroong sumulpot sa harap ko. Lihim akong napamura sa utak ko na hindi ko naman gawain. Badtrip lang talaga ako nang makita ang mga tao sa harap ko. Ano bang mayroon sa kaniya ngayong schoolyear at ikalawang beses na siyang sumulpot ng ganito sa harap ko? Iba na naman yata ang trip niya.
“Oh? Mila,” nakangiti niyang ani sa harap ko, tila hindi alam na ako ang muntik na niyang mabangga.
Kasama niya ang barkada niyang si Red at kapwa may mga babaeng kumakapit sa kanila na tila linta. Ah, may flavor of the week na kaagad sila. Ganiyan naman sila ‘yan, hindi nauubusan ng mga babae at ang isa pang nakaiirita, kahit saan sila umapak, tili nang tili ang mga babaeng ‘to. Ano ba sila? Artista? Idol? Eh, mga hindot na lalaki lang naman ang nakikita ko sa kanila.
Nakasimangot ko silang tinignan bago ako tumingin nang diretso kay Bellisimo.
“Excuse me, daraan ako,” mahinahon kong sabi.
Tumaas ang kilay ng babaeng nakakapit kay Bellisimo sa akin. Minsan iniisip ko na bukod sa estado namin sa barrio na ito ay dahil pa sa lalaki na ito kaya mas maraming naiinis sa akin. Hindi ko na nga pinapansin, pero ewan ko ba. Trip na trip niya talaga ako minsan. Dagdag pa na kaibigan din siya ni Kuya Eli kahit na ahead sina Kuya sa kanila ng isang taon. Ilang beses ko na ring pinakita sa kaniya na ayaw na ayaw ko sa presensiya niya, pero nakukuha niya pa rin talaga akong inisin at sirain ang araw ko.
“Excuse me, dear. Ikaw dapat ang tumabi at ikaw nga ang nakaharang sa daanan namin riyan,” sabat noong babae ni Bellisimo.
Nagpantig talaga ang mga tenga ko sa narinig. Ako pa talaga ang nakaharang ngayon? Dulo nga ito ng pila, ano ang pinipilihan nila rito, aber?
“Excuse me lang din, pero dulo ng linya ito. Naroon ang pila, hindi rito,” ani ko as a matter of fact.
Nakita kong nagpigil ng tawa ang kaibigan ni Bellisimo sabay tumingin si Red sa kaniya na noo’y tumaas ang sulok ng labi nang marinig ang sinabi ko. Tila ba proud pa siya na sinagot ko ang babae niya. Inirapan ko nga.
“Tumabi na lang tayo, babe. Mamaya baka ibuhos pa sa atin ni Mila iyang mga dala niya. Mapanakit pa naman iyan,” maharot na bulong ni Bellisimo sa babae niya sabay pulupot pa niya ng kamay niya sa bewang ng babae.
Ayon naman pala, eh. Marunong naman palang tumabi, dami pang satsat. Nakaiinis.
Ngunit sino ba naman ang niloloko ko? Wala nga palang mabait sa akin sa lugar na ito dagdag pa na kung sa iisang lugar kami ni Bellisimo ay sadyang minamalas ako. Noong naandito pa si Kuya Eli, walang nagtatangka na hawakan ako kahit pa alam kong nangangati na ang ilan na api-apihin ako. Ngunit ngayon na mag-isa ako at nasa malayo pa si Bon, kaya na nila iyong gawin. Paalis na dapat ako, pero pinatid ako ng babae ni Bellisimo dahilan para sumubsob ako sa sahig at matapon ang mga pagkain sa sahig. Ang mas nakaiinis pa, natapunan ako ng mainit-init pang sabaw. Lihim akong napadaing sa nangyari. Kaagad na nakuha ang atensiyon ng lahat sa nangyari. May ibang gulat at mayroon na bumungisngis nang makita na ako ang nakasalampak sa sahig.
“Ayan ang nababagay sa iyo, loser,” ani ng babae ni Bellisimo at nakipagtawanan pa sa kasamahan niyang babae.
Ano ba ang mga ito? Mga bata? Nasa kolehiyo na kami ganito pa rin sila, maryosep.
Inis akong nag-angat ng tingin habang hawak ang uniform kong basa na ng sabaw. Ramdam ko pa ang hapdi sa balat ko roon dala ng mainit na sabaw. Nang matignan ko sila ulit ay hindi lang ako, ngunit ang lahat ay napasinghap din sa sumunod na nangyari. Nakatitig lang si Red nang malakas na sampalin ni Bellisimo ang babae niya! Oo alam ko na hindi maganda ang nagawa sa akin ng babae niya, pero kailangan ba niyang sampalin ito?
“B-Babe!” mangiyak-ngiyak at hindi makapaniwala na sigaw ng babae matapos siyang sampalin ni Bellisimo.
Ang lalaki nama’y walang gana itong tinignan pabalik. Nagpamulsa siya. Nakita kong gumalaw ang panga niya, bahagyang yumuko para mariin na matitigan ang babae.
“Nawalan na ako ng gana sa’yo. Get out of my fucking sight. Now,” baritono ang nagbabanta niyang boses.
Tila nahintakutan ay dali-daling umalis ang babae sa harap niya at sumunod rin ang babae ni Red na kaibigan siguro noong babae ni Bellisimo. Nagsialisan na rin ang kumpol ng mga estudyante na nakiusyoso sa amin pagkatapos noon. Unti-unti akong tumayo, itinago ang iniindang hapdi dala ng napaso kong balat sa aking kamay. Mabilis na bumaling sa akin si Bellisimo at akmang tumaas ang kamay niya para hawakan ako nang marinig namin ang maangas na sigaw ni Bon.
“Jam!” si Bon sabay lapit sa akin. “Pucha, anong nangyari sa’yo? Iniwan lang kita – hoy, Bal! Anong ginawa mo rito kay Jamila, ah?” maangas niyang sambit nang mamataan si Bellisimo sa harap.
Kaagad kong inawat si Bon dahil parang lalapitan pa niya si Bellisimo at akmang sasapakin ito. Ang babaeng ‘to talaga, kay tapang.
“Bon, tama na. Kailangan ko munang ayusin ang sarili ko. Susuotin ko na lang iyong PE uniform sa locker ko at mag-e-explain sa faculty.”
Kumalma naman si Bon nang marinig iyon ngunit dinuro-duro pa si Bellisimo na hindi na siya pinansin at sa akin pa rin nakatingin. Nakita ko kung paano niya pinadaanan ng tingin ang estado ko. May nakita akong inis na rumehistro sa mga mata niya. Nang akmang bumuka ang bibig niya at tila may sasabihin ay hinila ko na si Bonita para makaalis na roon. Hindi ko na nilingon pa sila Bellisimo kahit na ramdam na ramdam ko pa rin sa aking likod ang paninitig niya.
What a good way to start this schoolyear.
Pagkahapon noon at nang makauwi sa bahay, natigilan ang mga katiwala nang makita na iba na ang suot ko pagkauwi. Sinabi ko na lamang na may nangyari lang sa paaralan na hindi maganda kaya ganoon. Buti na lamang din at naintindihan naman ako ng faculty kanina. Naging maingay nga kaagad sa buong campus iyong nangyari, dami talagang mga chismosa.
“May bisita po ba?” tanong ko sa katiwala nang marinig ang ingay sa may pool area namin at nakita ang mga nakaparadang mga kotse sa labas.
“Ay, narito ulit ang mga barkada ng Kuya Eli mo, Jam. Nagkatipon-tipon yata at hindi na raw nila iyon magagawa ng madalas ngayong mga busy na rin. Inaasikaso na sila ng nanay mo roon at si Sir Elton nama’y hindi pa nakauuwi. Nariyan din yata ang mga schoolmate mo na kaibigan din ng kuya mo,” mahaba niyang paliwanag.
Nang marinig ko pa lamang na nariyan din daw ang mga schoolmate ko, kaagad akong napahilamos sa aking mukha. Great, nariyan na naman panigurado si Ferrer.