“Angie?” Si Jennelyn na nagniningning ang mga mata ng makita si Angielyn, ang kaniyang apo.
Nakita na lamang ni Katalina ang ina at ang kapatid na nakalapit na sa kaniyang anak. Tuwang-tuwa ang mga ito gayon din ang kaniyang anak.
“Mama-lola. Tita Katarina.” Lumabas ang dalawang malalalim na biloy sa mga pisngi ng kaniyang anak nang ngumiti ito, lalo na nang makita ang lola at tita nito.
Wala siyang nagawa kundi ang tumahimik na lang sa sulok kahit na ramdam niyang mariing nakatitig sa kaniya si Vicente.
“Tara na. Pumasok na tayo,” pag-imbita sa kanila ng kaniyang inang si Jennelyn habang karga-karga na ang apo.
“Mama, pasok na raw po tayo,” nasasabik namang wika ng kaniyang anak. Tumango at ngumiti siya rito.
“Tara na, Love. Ate Celestina, sumunod ka na rin. May hinandang meryenda si mama.” Si Katarina.
“Sige, susunod ako,” rinig niyang sabat ng kaibigan.
Samantalang siya ay napayuko na lang at dumaan sa harapan ni Vicente na alam niyang hanggang ngayon ay nakatitig pa rin sa kaniya at tila ba naguguluhan ang hitsura.
“MAY MALAKING daynasor po ba rito, mama-lola?”
Natahimik ang lahat at napatingin sa kaniyang anak na kanina pa daldal nang daldal sa hapag-kainan, habang pinagsasaluhan nila ang hinandang chicken macaroni ng kaniyang ina. Nagtawanan ang lahat maliban lamang kay Vicente na kanina pa niya napapansing nakatitig lang sa kaniya. Kung may nakapansin man noon ay ang kaibigan niyang si Celestina, na napapailing na lang sa kinauupuan nito. Kahit hindi sabihin ng kaibigan niya sa kaniya ay alam niyang naiinis na rin ito kagaya niya sa ikinikilos ng lalaki. Hindi man lang kasi ito nag-iingat sa harapan ng kapatid niya at ng ina.
“Saan mo naman nakuha ang ideyang iyan, honey?” natatawang tanong ng kaniyang ina sa anak.
“Kay Lola Jessica po. Nang tinanong ko siya kung saan ko makikita ang daynasor kasi gusto kong makita si Barney, sagot po niya ay sa Casa Serrie daw po.”
Nagkatinginan sila ng kaniyang ina dahil sa naging sagot ng kaniyang anak. Ngunit sa halip na tumawa ang ina ay napailing ito. Alam nito kung sino ang tinutukoy ng kapatid na si Jessica—ng kaniyang tiya.
“Ang Lola Jessica mo talaga ang daming alam na kalokohan.”
“Walang dinosaurs dito, Angie. Gorilya, panigurado pa,” sabat ni Katarina.
Ang tinutukoy nito ay ang malaking rebulto ng gorilya sa plaza. Ipinagdiriwang kasi ang Gorilla Festival sa kanilang bayan dahil sa kuwento na noong unang panahon daw ay tahanan ng mga unggoy ang Casa Serrie, ngunit nagsimulang mawala ang mga ito nang may mga taong nakadiskubre ng lugar at nagsimulang manirahan dahil sa matataba ang lupa rito. Pinapalibutan kasi ito ng mga bukal at ilog na siyang nagpapataba ng lupa.
“Talaga po, tita? Gusto ko pong makita si Kingkong.” Tuwang-tuwa naman ang kaniyang anak.
“Oo naman, bukas na bukas din ay magpapasama tayo kay Tito Vicente mo. ’Di ba, Love?” Pagkalabit nito kay Vicente na mukhang saka pa lamang natauhan at napatingin sa nobya.
“Ha?” Napatingin ito sa anak niyang naghihintay ng tugon mula rito. “Ah, of course.”
Maiksing tugon lamang iyon pero labis na ikinatuwa ng kaniyang anak. Sa hindi inaasahan ay ngumiti rin si Vicente na ikinalitaw rin ng mga biloy nito sa pisngi. Napayuko siya nang makita iyon. Parang nakikita niya ang anak sa pagngiti nitong iyon. Isa lang ang pinagdarasal niya, sana ay hindi iyon mapansin ng pamilya niya. Dahil halos makuha ni Angie ang physical feature ng kaniyang ama.
“MAMA, ASAWA po ni Tita Katarina si Tito Vicente?”
Napahinto siya sa paglalagay ng gamit nila ng kaniyang anak sa malaking aparador—na may isang buong mahabang salamin na nakadikit sa labas ng pinto—dahil sa naging tanong ng kaniyang anak.
“Mapapangasawa pa lang anak. Bakit mo naman naitanong?”
“Wala lang po. Akala ko po kasi kanina ay si papa na po si Tito Vicente.”
Naiwan na lang sa ere ang kamay niyang may hawak ng hanger na may nakasabit na damit dahil sa gulat. Isinabit muna niya ang hawak sa sabitan sa loob ng aparador bago tumungo sa anak, na ngayon ay tinutupi na rin ang mga damit nito. Kahit limang taong gulang pa lamang ang anak ay may alam na ito sa gawaing bahay. Marunong na itong magtupi ng sariling damit, maghugas ng plato at magwalis. Kaya wala siyang problema sa tuwing nagkakalat ito dahil ang anak na rin mismo ang naglilinis.
“Angie, ano nga ang bilin ko sa ’yo bago tayo pumunta rito?”
Napanguso ang bata. “Huwag pong maging makulit pagdating dito lalo na po ang pagtatanong patungkol kay papa.”
Bahagya siyang napangiti sa anak. Sa edad ni Angielyn ay alam na nito ang bawal at hindi. At nakakausap na rin ng masinsinan.
“Very good.” Hinawakan niya ang ulo ng anak at hinalikan ang ituktok niyon.
Alas dose na ng gabi ay hindi pa rin siya makatulog. Gawa siguro ng naninibago siya sa paligid na ikinaismid naman niya sa kaniyang sarili dahil tahanan naman niya ito noon at dito siya lumaki. Suot ang yari sa sedang kulay lilang daster at pinatungan ng manipis na kulay puting balabal ay lumabas siya ng kaniyang kuwarto. Tumingin siya sa bawat kuwarto sa itaas at huminto ito sa kuwarto ng kaniyang mga magulang. Kanina pa niya hinihintay ang ama na umuwi galing sa farm nila, ngunit nang maghapunan na at wala pa rin ito, naglakas loob na siyang itanong sa ina...
“’Ma, si papa po? Anong oras kaya siya uuwi?”
Natigilan ang kaniyang ina mula sa pagsubo ng pagkain at tumingin sa kapatid niya.
“Ate, nagbilin si papa kanina na sa farm muna siya matutulog ngayong gabi. Mayroon kasi itong kaunting inaayos doon,” ang kakambal na mismo niya ang sumagot.
Tumango-tango siya. “Alam naman siguro ni papa na uuwi kami ngayon, hindi ba? Siguro nga nagkataon lang.” Mapait siyang ngumiti.
Napayuko naman ang kaniyang ina at kapatid. Wala na silang naidugtong pa para palubagin ang kaniyang loob. Nagpapakita lamang na wala pa ring ipinagbago mula noon. Na wala pa rin silang magagawa sa amang galit pa rin sa kaniyang anak. Ginawa pang dahilan ang farm. Ano pa ba ang iisipin niya kung inuna pa nito ang farm kaysa salubungin siya, na anak nito?
Niyakap niya ang sarili nang biglang umihip ang mahina ngunit malamig na hangin, na nagpaputol sa kaniya mula sa malalim na iniisip. Kahit may balkonahe sa kaniyang kuwarto kung saan mahimbing na natutulog ang kaniyang anak ay mas gusto niya ang ambiance sa azotea. Nakikita niya kasi sa malapitan ang fountain dito at ang malawak na hardin. Doon niya lang napagtanto na sobrang na-miss pala niya ang hangin ng Casa Serrie. Kahit na malinis naman ang hangin sa subdibisyon na kanilang tinutuluyan sa Maynila—ang malaking bahay ng kaniyang Tiya Jessica doon—ay iba pa rin ang hangin ng Bayang nakasanayan niya. Para kasing dinadala ka nito sa isang paraisong tahimik.
“Hatinggabi na pero hindi ka pa rin tulog.”
Nagulat na lang siya nang may magsalita sa kaniyang likuran, kaya nang balingan niya ito ay bigla siyang nilukob ng hindi maipaliwanag na kaba.
“Oo. Naninibago lang,” kaagad niya ring sagot nang makabawi. “Akala ko’y nakaalis ka na kanina pa.”
Muli ay humarap siya sa labas at tumingala para panoorin ang angaw-angaw na mga bituing nagkikislapan sa kalawakan. Hindi niya kasi namalayan ang pag-alis nito kanina at naghapunan silang wala na ang lalaki. At wala rin naman siyang pakialam kung umalis man ito.
“Tumawag si Katarina. Biglang sumikip ang kaniyang dibdib.”
Kaagad siyang napaharap kay Vicente. Lumatay ang pag-aalala niya para sa kapatid.
“Bakit hindi ko alam? Kumusta na siya ngayon?”
“Maayos na. Marahil ay ayaw niya lang kayong mag-alala.”
Napayuko siya at halos kumirot ang kaniyang puso. Hindi niya akalaing gano’n ang tumatakbo sa isipan ng kaniyang kapatid. Normal lang naman na mag-alala sila dahil sa kalagayan nito, hindi ba?
“Madalas ba siyang inaatake?”
Tumingin siya kay Vicente. Hindi niya pinapansin ang malalim na pagkakatitig nito sa kaniya. Umiling-iling ito.
“Ngayon lang ulit.”
“Kailan ang huli?” tanong niya ulit matapos nitong sagutin ang huli niyang tanong.
Baka kasi mamaya dahil sa hindi nito pagsabi tuwing inaatake ito ng sakit ay talagang naglilihim na sa kanila ang kapatid hinggil sa tunay nitong kalagayan. Simula rin kasi nang magkahiwalay sila ay wala na rin siyang balita sa tunay na kondisyon ni Katarina. Minsan ay tinatanong niya naman ito sa tuwing magkausap sila sa telepono pero madali nitong napapalitan ang kanilang pinag-uusapan. Na naiintindihan din niya dahil ayaw na ayaw ni Katarina na ang sakit na nagpapahirap dito ang pinag-uusapan nila. Ika nga niya’y ‘huwag problemahin ang problema at bahala na ang problema ang mamroblema’ sa makatuwid, magpakasaya lang habang nabubuhay kahit maraming problema at huwag itong pakaisipin.
“Five months ago.”
Kahit papaano ay napanatag siya. Maya-maya’y tila may umilaw sa kaniyang isipan at tumingin sa kaharap.
“Vicente, hindi ito tamang tanungin. At wala akong karapatang malaman, pero kasi ano—”
“Spill it,” pagputol nito sa kaniyang paligoy-ligoy na salita.
“Kayo ba ng kapatid ko ay—”
“Nags-s**.”
Muling pagputol ni Vicente sa kaniya. Bigla siyang nakaramdam ng hiya lalo pa’t nakuha nito ang punto at nais niyang itanong. Kahit patungkol naman talaga doon ang itatanong niya ay iba pa rin iyon kapag binigyan na ng boses lalo pa’t lalaki ang kausap at si Vicente pa iyon. Anong lakas ng loob ang mayroon siya para pag-usapan ang ganitong bagay?