Chapter 9: Tinamaan
Phythos POV
"Phyth, sinong hinahanap mo?" Nawawalang ganang umiling ako. Pilit ko kasing hinahanap si Faye pero mukhang umalis na. Nagulat nga ako nang makita ko siya kanina o sadyang namamalik-mata lang ako.
Nagpunas na lang ako ng pawis. Teka, oo nga pala. 'Yong cellphone!
Nilingon ko siya. "Bert, nasayo pa ba 'yong binenta kong cellphone?" tanong ko. Nakokosensya kasi ako, kagabi ko talaga nakita kung gaano kabait si Miss Tanga. Hindi naman pala talaga siya maldita.
"Huh? Nasa syota ko na. Bakit Phyth?" Napahilamos ako sa mukha. Malaking problema ito.
"Ibabalik ko na lang 'yong pera mo. Basta ibalik mo sa akin 'yong cellphone. Nahanap ko na kasi totoong may-ari non, gusto ko na isauli."
"Paano 'yan Phyth? Gustong-gusto ni Sheila eh." Syempre, latest model yata 'yon.
"Sige, daanan natin 'yang syota mo mamaya. Ako na lang makikiusap."
Sana naman madaan sa charms ko. Kailangan ko iyong ibalik kay Miss Tanga.
"Sige, ikaw bahala."
"Salamat pare."
"Ano ka ba? Parang wala naman tayong pinagsamahan." Napangiti na lang ako. Swerte ko pa ring mabait ang napagbentahan ko.
Hindi ko maintindihan kung anong meron sa babaeng iyon at ang gaan ng loob ko kahit hindi pa naman kami masyadong magkakilala.
Faye POV
"Ang sarap," hindi ko mapigilang mapangiti habang kumakain. Hindi kasi ako masyadong nakakakain ng mga Filipino foods sa mansion noon at saka masyado akong conscious sa katawan ko dati.
Pagkatapos kasi sa gym bigla na lang akong hinila ng babaeng ito sa may cafeteria. Kaya ito kami, kumakain na.
"Alam kong masarap ang adobo, pero sobra naman yata 'yang reaksyon mo tila ngayon ka lang nakakain niyan." Nang-aasar na tukso ni Bea sa akin.
Napasimangot ako. "Kumain ka na nga lang at huwag mo akong panuoring kumain." Sabay wagayway ko ng kamay ko sa mata niya para iiwas niya.
"Ang cute mo kasi para kang nag-e-endorse ng isang food chain." Natigilan naman ako pero agad din akong nakabawi.
"Nag-e-endorse ka riyan! May endorser bang pangit?" Tinapunan naman niya ako ng fries.
"Ayan ka na naman, eh! Pero alam mo Faye, sobrang proud ako sa iyo. Nakaya mo nang tanggalin ang mask mo nang nakangiti pa."
"Salamat Bea." Nakakaya ko na rin siguro dahil nasa tabi ko siya.
"Wala lang 'yon. What are friends for diba? At saka ngayon lang 'yan kasi naninibago pa sila sa mukha mo pero pagtumagal na. Masasanay din sila." Napatango ako. Ramdam na ramdam ko kasi ang tingin ng mga studyante.
May napapalingon at saka magbubulungan pero wala na akong pakialam kung anong iisipin nila. Tama, ang sinabi ng mga classmates ko na dapat huwag akong mahiya saka mawawalang saysay lang ang plano kong i-enjoy ang mamuhay ng normal kung pati ang mukha ko ay itatago ko pa rin. Mamumuhay lang ako sa takot na husgahan.
Masasanay rin akong hindi ikahiya ang mukha ko.
"Pero Bea, bakit nga ba tayo umalis kanina sa gym pagkakita mo kay Phythos?" naiintrigang tanong ko. Napaiwas naman siya ng tingin.
"Kilala mo ba siya?" tanong ko. Nanatili naman siyang walang imik.
Kumaway ako sa mukha niya. Natulala na, eh.
"Huh? Hindi ah!" Iwas niya. Tsk, tila natamaan yata.
Napangisi ako. "So, crush mo na? Love at first sight?" Napasimangot naman siya at binatukan ako.
"Hindi ah! Ang dumi ng isip mo parang pamilyar kasi siya," mahinang bulong niya.
Napakunot-noo ako. "Paanong pamilyar?" Sasagot na sana siya pero agad niyang tinikom ang bibig niya at nanatili ang tingin sa likod ko. Napalingon ako.
Bumungad sa akin ang nakangiting mukha ni Phythos. Agad niyang kinurot ang magkabilang pisngi ko.
"Hi Miss Tanga, ang cute mo naman." Inis kong tinanggal ang kamay niya at inirapan siya.
Nakabihis na siya at mukhang katatapos lang maligo kaya kitang-kita ko ang nagniningning na mga mata ng mga babae rito sa cafeteria. Ang hot niya habang tumutulo pa ang ilang takas ng buhok niya. Mala greek god talaga ang unggoy na 'to. Nakakainis.
Pinitik naman niya ang noo ko at inilapit ang mukha. "Tama na ang pagde-day dream. Lagi naman na tayong magkikita kaya huwag mo masyadong ipahalatang gwapong-gwapo ka sa akin," bulong niya. Pakiramdam ko pumunta lahat ng dugo ko sa mukha ko.
Inirapan ko na lang siya at baka masipa ko na naman. Hindi pa naman magaling ang paa niya.
"Ano bang ginagawa mo rito?" inis kong tanong.
Ngumisi naman siya. "Syempre kakain! Huwag ka masyadong maging tanga, ah." Pang-asar niya pa lalo. Kinurot ko na lang siya sa sobrang inis.
"Sa table namin ang ibig kong sabihin! Ang dami-daming bakante. Dito ka pa pumunta. Parang papatayin na kami ng mga babae rito, eh," inis kong sabi.
Nalipat ang tingin niya kay Bea. Halata ang pagdaang gulat dito.
"Akalain mo, may kaibigan ka na pala." Nilingon ko si Bea na nanatiling tahimik na kumakain at hindi man lang siya binigyan ng tingin.
Positive, crush niya nga si Phythos!
"Oo! Si Bea nga pala." Agad kong kinuha ang kamay ni Bea upang ilahad sa kanya. Pilit itong binabawi ni Bea pero talagang hinigpitan ko. Sinamaan ko siya ng tingin nang tinitigan niya lang ito at parang walang balak na i-shake hands.
"Phythos nga pala, Miss." Napangising pakilala niya. Mukhang bagay talaga sila.
Ngumiti nang matipid si Bea pero agad ding inilayo ang kamay. Napangiwi pa, na lalong nagpakuryoso sa akin. Anong problema ng babaeng ito?
Nagkibit-balikat na lang ako at itinuloy ang pagkain. Pasalamat ko na lang na hindi naman na dumaldal ang mukong.
"Anong tinitingin mo?" naiiritang tanong ko nang mahuli ko siyang nakatitig sa akin. Ang bilis niya kasing natapos kumain.
"Wala lang, ang cute mo pala kapag walang mask." Natigilan naman ako.
"Ayaw mo kasi maniwala sa akin eh." Kinindatan pa ako. Namula naman ako at sandaling hindi nagproseso sa utak ko kung anong dapat sabihin.
Nakipagtitigan lang ako sa kanya, ayaw patalo hanggang sa naputol nang nalipat ang tingin ko kay Bea at mabilis na binigyan siya ng tubig. Sunod-sunod kasi ang pag-ubo niya.
"Ano ba 'yan Bea? Hinay-hinay lang kasi." Hinaplos ko ang likuran niya habang tuloy-tuloy pa rin ang pag-ubo niya.
"Phythos! Tara! Malapit na next class natin." Biglang yaya sa kanya ng mga kaklase niya.
"Miss Tanga, alis na ako!" Paalam niya. Tumango lang ako at hindi na siya tiningnan pa. Hindi ko alam pero ang awkward lang pala na ganoon kami magtinginan kanina.
Hindi pa mapuputol kung hindi umubo si Bea. Kainis! Nakalulunod naman kasi ang mga mata niya.
Hindi ko maiwas ang mga mata ko. Para akong hinihigop.
"Tama na! Okay na ako. Balak mo naman na yatang bukolan ang likod ko, bes." Napahinto ako.
"Ay sorry!" Napakagat-labi ako. Hindi ko napansing napalakas na pala ang paghaplos ko sa likod niya dahil sa pagkatulala.
"Hay naku! Hindi naman ako ang natamaan, eh. Mukhang mas malala pa ang tama mo."
"Huh?" naguguluhang tanong ko. Napailing-iling siya. "Wala, tara na ang ibig kong sabihin."
Napanguso naman ako. "Hindi naman yata iyon ang sinabi mo, eh." Kinurot naman niya ang magkabilang pisngi ko.
"Hay! Ang cute mo talaga!"
"Eh, masakit!" Pilit kong tinatanggal ang kamay niya hanggang sa bitiwan niya at mabilis na niya akong tinakbuhan.
"Bea, hintayin mo ako!"