Chapter 17: Is it over?

“Mommy!”

Mabilis na napadilat ng mata si Allyce nang marinig ang tinig ng kaniyang anak. Laking gulat at tuwa niya na makitang tumatakbo ito papalapit sa kaniya. Agad niya itong tinakbuhan at mahigpit na niyakap. Iyak ang maririnig kay Allyce. Hindi niya alam kung ano nga ba ang nangyari at umaasang hindi siya nananaginip lamang. ‘Ligtas ang anak ko! Ligtas ang anak ko!’

Napadako ang tingin ni Allyce sa nakahandusay na si Stephan at kitang-kita rito ang paghihirap at matinding sakit habang inaapakan ni Demon ang dibdib nito.

Galit na inangat ni Demon sa Stephan sa ere habang hawak niya ito sa kwelyo. Nangingisay ang binata habang panay sa pagdaloy ang masaganang dugo nito sa kaniyang kaliwang balikat mula sa pagkatama ng baril. Nanglalaki ang mga mata ni Stephan hindi siya makapaniwala sa mga nangyayari ngayon. Wala pang isang segundo ang nakalipas ay naagaw ni Demon mula sa kaniya ang baril. Sobrang napakabilis ng pangyayari at nagbigay sa kaniya ng kilabot.

“S-Sino ka?” nanginginig niyang tanong dito.

“Maling tanong. Ano ako,“ madiin at walang emosiyong aniya ni Demon kay Stephan at walang awang inihagis ang binata sa makapal na pader. Naglikha ito ng crack sa pader at hindi mapaliwanag ni Stephan kung gaano kasakit ang nararanasan niya ngayon.

“B-Boss!” Isang malakas na mga putok ng baril ang umalingawngaw sa gabing ito.

Agad na niyakap ni Allyce ang kaniyang anak at isinubsob ang mukha nito sa kaniyang dibdib upang hindi nito makita ang karumaldumal na pangyayari. Nasa dalawampong katao ang biglaang dumating sa kanilang kinaroroonan at agad na nagpaputok ng kanilang mga armas. Matinding takot ang nararamdaman ngayon ni Allyce, hindi lang para sa kaniya kundi… takot siya para sa kapakanan ng kaniyang anak.

Sabay-sabay na pinagbabaril ng mga ito si Demon at pinapalibutan nila ang lalaki. Habang abala si Demon sa pagkitil ng buhay sa mga walang kwentang taong nakapalibot sa kaniya ay nahagip ng kaniyang mga matak ung paano pinilit ng tatlong kalalakihan ang kaniyang asawa na sumama rito.

Galit niyang pinagpapatay ang mga ito at tila ay hindi ito nauubos-ubos at marami-rami rin ang dumarating. Gusto na niyang tapusin ang lahat sa isang iglap lang gamit ang kaniyang kapangyarihan subalit pinigilan niya ang kaniyang sarili upang hindi makalikha ng pwersang makakapaghatid sa kaniyang amang hari kung saan siya ngayon. Ayaw niyang malaman nito na bumalik siya sa mortal world lalo na’t magiging komplikado na naman ang lahat.

Mga sari-saring ungol, kalabog, at paglaguto ng mga buto ang maririnig sa naturang silid. Walang pinalagpas si Demon s mga oras ngayon. Hindi niya hinayaang mayroong makatakas mula sa kaniya.

“Bitawan mo ako! Bitawan mo kami!” Pilit na nagpupumiglas si Allyce sa isang ‘di kilalang lalaki at pilit niya ring inaabot ang kaniyang anak na hawak ng isang estranghero.

Imbis na maawa ay mas lalo pa nitong hinigpitan ang pagkakahawak sa kaniyang kamay. Mabilis ang kanilang lakad na siyang nagpapakaladkad sa kanila ni Allyce.

Nakarating sila sa rooftop at nanglaki ang mga mata ni Allyce nang makita niya ang isang helicopter—nanglaki ang kaniyang mata hindi dahil sa pagkamangha kundi sa kaisipang isasama sila ng mga ito.

“Ahh! Demon! Demon!” Malakas ang sigaw ni Allyce at halos puputok na ang mga ugat sa kaniyang leeg. Isa lang ang makakatulong sa kanila sa puntong ito. Si Demon lang ang makakaligtas sa kanila.

“Mommy! Mommy! Aray ko, sakit.”

“No! Hindi. Huwag n’yong sasaktan ang anak ko!” Hindi makalapit si Allyce sa kaniyang anak habang ginagapos ng mga ito si Darken sa isang may kalumaang silya.

Tila ay naririnig ni Allyce ang malakas na kabog ng kaniyang puso. Mayroong nakadikit na bomba sa silya kung saan nakatali ang kaniyang anak. Tila ay papanawan na siya ng ulirat sa nakikita ngayon. Wala siyang magawa. Napakahina niya at hindi niya kayang makawala sa mahigpit na pagkahawak ng estranghero sa kaniya.

Naghy-hysterical na ngayon si Allyce, kinakaladkad na siya ng hindi kilalang lalaki patungo sa helicopter. Naramdaman niyang umangat siya sa ere dahil sa pagpasan nito sa kaniya upang maipasok siya sa loob. Pinapadyak ni Allyce ang kaniyang dalawang paa upang mapigilan ang lalaki sa ginagawa nito sa kaniya.

Isang malakas na pagkalabog ng pinto ang nagpatigil sa kanilang lahat. Lahat sila ay napalingon sa kanilang likuran at gumuhit sa mukha ng tatlong kalalakihan ang samu’t saring ekspresiyon: pagtataka, takot, at galit. Importante sa kanila ang trabaho nilang ito kaya kailangan nilang matapos ito sa madaliang paraan. Napadako ang kanilang mga mata sa bitbit ni Demon. Napaatras sila at napabitiw kay Allyce nang makita ang kanilang boss na walang malay o kung buhay pa ba ito.

Galit na tinapon ni Demon si Stephan at sa isang iglap lang ay nasa harapan na siya ng helicopter. Agad niyang ginamit ang kaniyang lakas at inangat sa ere ito at tinapon palayo.

Isang nakakatakot at malakas na pagsabog ang nagpalindol sa kanilang kinaroroonan. Kitang-kita ang pag-apoy ng sumabog na helicopter. Nanginig sa pagkatakot ang tatlong kalalakihan at halos hindi nila maigalaw ang kanilang sarili. Hindi pa man sila nakapikit ay naramdaman na lang nila ang paglaguto ng kanilang mga buto at ang hindi mapaliwanag na matinding sakit na kanilang naranasan sa tanang buhay nila.

Napatakip ng bibig si Allyce habang yakap niya ang kaniyang anak. Alam niyang wala pa sa kalahati ang pagiging masama at pagka-brutal ni Dmeon subalit… sa puntong ito ay nakikita niya kung ano talaga ang demonyong asawa. Bagay sa pangalan nito: Demon.

•••

“Okay lang ba kayo?” Sa isang iglap lang ay napalitan ng malumanay at puno ng pag-aalala ang ekspresiyon ni Demon.

“O-Oo. Ayos lang kami.” Hindi mapigilan ni Allyce na mapautal. Imbis na makaramdam siya ng takot sa kaharap ay agad niya itong niyakap. Sobra ang pasasalamat ang kaniyang nararamdaman ngayon.

“Anong gagawin natin?” Kinakabahan ngayon si Allyce at hindi siya makaisip nang maayos. Puno ng pag-aalala ang nararamdaman niya ngayon para kay Demon matapos ang lahat. “Siguradong makukulong ka. Nakapatay ka ng tao—ng mga tao!”

Ngumiti si Demon sa kaniya na ikinasalubong ng kaniyang magkabilaang kilay. “Anong nginingiti—”

“Huwag kang mag-aalala, mahal ko. Ako na bahala sa lahat.”

Napa-ismid si Allyce nang hindi niya namalayan. Hindi porket tinulungan at iniligtas sila nito ay gaganahan siya sa pagsasabi ng dating asawa ng salitang ‘mahal ko’. Wala pang nangyayaring patawaran sa kanilang dalawa at dahil sa mga nangyayari ngayon—pag-iisipan pa ni Allyce kung patawarin niya ba ito o hindi.

Kagat-labing napasulyap si Allyce sa kaniyang anak na ngayon ay mahimbing na natutulog habang pasan ito ni Demon. Hindi niya maipagkakailang—napakasaya niya sa tanawin ngayon. Tila ay napakagandang tignan ang dalawa. Tila ay isang perpektong pamilya ang mga ito.

“Ahh!” Agad na napatili si Allyce at napatakbo papalapit kay Demon nang makarinig siya nang malakas na pagsabog. “Ano ’yon?”

Lumingon siya sa kaniyang likuran at sa hindi kalayuan, nakikita niyang mayroong malaking usok sa ere. Naglakad na sila ngayon palayo sa abundandong gusali na natatakpan ng mga nagtatayogang punong kahoy.

“Huwag mo nang isipin ’yon, mahal ko.” Hindi mapigilan ni Demon na hawakan ang kamay ni Allyce na nagbigay sa kaniyang ng pamilyar na boltahe—hindi ’yong boltaheng nagbigay sa kabiya ng matinding sakit. Napangiti siya. “Siguro ay sumabog na ang gusaling iyon.”

Sa pagkarinig no’n. Napangiti si Allyce. Sa wakas ay tapos na ang lahat, ang problema na lang ay ang mga awtoridad. Inalis niya sa kaniyang isip at puso ang pagkabahala. Masasabi na niyang mayroon siyang kaunting tiwala kay Demon ngayon.

Sa kabilang banda, ang naturang abandunadong gusali ay gumuho at ni wala man lang nakaligtas sa gusali miski isang pader. Lahat ay naguho at nagkapirapiraso. Ilang minuto lang ang nakalipas, may gumalaw sa ilalim ng naglalakihang tipak na semento. Isang duguang kamay ang lumitaw mula rito at pilit na gumagapang palabas. Kahit na duguan ang buo nitong katawan, mayroong nakakakilabot na ngisi ang gumuhit sa putok nitong labi.

‘Hindi pa tapos ang lahat.’