Chapter 16: Abandoned building

MADILIM tanging ang sinag ng buwan ang naging tanglaw ni Allyce upang makita ang kaniyang dinadaanan na halos nagblu-blur na ang kaniyang paningin sa dilim. Malamig ang simoy ng hangin na siyang nanunuot sa suot ni Allyce habang binabagtas nila ang naturang abandunadong gusali. Papatay-sindi ang mga ilaw na siyang nagbibigay ng kilabot kay Allyce. Naglilikha ng mahihinang ingay naman ang kanilang inaapakan habang sila’y humahakbang sa mga nagkalat at naghahalong mga tuyong dahon, lumang papel, at mga bitak na semento na galing sa gusali. Napakatahimik ng naturang lugar at hindi mapigilan ni Allyce ang kaniyang sarili na mapalunok at makaramdam ng kilabot sa oras na ito. Sa kabila ng takot at pangamba na kaniyang nararamdaman, hindi ito naging hadlang kay Allyce na mag-back out lalo na’t buhay ng kaniyang anak ang nakasalalay sa puntong ito.

“Ahh!” napatili si Allyce nang biglang may dumaan sa kaniyang paa lalo na’t nakasuot pa siya ng sandal na mayroong tatlong pulgada ang takong.

“Anong nangyari?” agad na tanong ni Demon sa kaniyang asawa na ngayo’y nanginginig sa takot.

Hindi nakapagsalita si Allyce at panay lunok ng sarili niyang laway ang kaniyang nagawa, natuod siya sa kaniyang kinatatayuan. Tila mayroong nasa kaniyang paanan at napakalamig nito na halos gusto na niyang mabuwal. Nang hindi nakatanggap ng tugon si Demon ay bumaba ang kaniyang mga madilim na mata sa paanan ng kaniyang asawa at nakita kung ano ang dahilan ng pagtili’t pagkatakot nito.

Walang alinlangang yumuko si Demon at inalis ang bagay na nasa paanan nito. Napabuga ng hangin si Allyce nang makaramdam siya ng kaginhawaan sa ginawa ng kaniyang demonyong asawa at maya-maya ay nagsalubong ang kaniyang magkabilaang kilay nang makita ang hawak nito. Isang damit. Isang damit lang pala ang nagbigay sa kaniya ng takot.

‘Bakit may basang damit sa loob ng abandunadong gusaling ito?’ Nagtaka si Allyce. Kita namang kung gaanong pinabayaan ang gusaling ito at siguradong tuyo ang lahat ng bagay sa loob maliban na lang kung merong pumupunta sa lugar na ito at ’yon ay posible. Tago ito at mahirap ang daan papunta rito kaya imposible ang kanilang nadiskubre.

Agad namang nanglaki ang mga mata ni Allyce nang makita ang damit sa ikalawang pagkakataon. Agad niya itong hinablot kay Demon at matinding takot ang lumukob sa kaniyang pagkatao. Mas matindi kaysa sa naramdaman niya kanina.

“H-Hindi…” Nawalan siya ng lakas at muntik nang mabuwal sa kaniyang kinatatayuan kung hindi dahil sa maagap na pagsalo ni Demon sa kaniya. “D-Demon… ang a-anak ko…”

Naglandasan ang masaganang luha sa kaniyang mga mata at halos hindi na siya makahinga na tila ay mayroong nakadagan sa kaniyang dibdib. Hindi niya alintana ang basang damit at metallic na amoy na nanggagaling dito. Alam niya kung ano iyon… dugo. Tila ay gusto na niyang mamamatay dahil sa nalaman. Isa lang ang ibig sabihin nito—

“Hindi sa anak natin ang nanggaling ang dugong iyan,” aniya ni Demon at pilit niyang pinalumanay ang kaniyang boses upang hindi magmukhang wala siyang pakialam na ang totoo naman ay labis ang kaniyang pag-aalala sa kalagayan ng kanilang anak. Hindi niya mapapatawad ang kaniyang sarili kung mayroon mang mangyaring hindi kanais-nais dito. Pinapangako niyang papatayin niya nang paulit-ulit ang lalaking iyon.

“Sa anak man natin o hindi, ang katotohanan ay nasa panganib ang anak ko! Demon, iligtas natin siya!” Halos lumuhod na si Allyce at kinain ang lahat ng pride natitira sa kaniya alang-alang sa kaniyang pinakamamahal na anak.

Nabagbag ang loob ni Demon sa kaniyang nakita. Hindi niya nais na makitang magkaganito ang kaniyang asawa. Tila siya ay nauubusan ng hangin at hindi makahinga. Agad niyang inalalayan ito at niyakap nang mahigpit.

“Pinapangako ko sa’yo, mahal ko. Ililigtas natin ang anak natin. Walang mangyayaring masama sa kaniya. Pangako iyan.” Galit at pagkaawa ang nararamdaman ni Demon ngayon. Matinding galit sa taong kumidnap sa anak nila at nagpaiyak sa kaniyang asawa. Pagkaawa dahil hindi niya alam kung paano ibsan ang sakit na nararamdaman ngayon ng pinakamamahal niyang asawa.

Makalipas ang ilang minuto sa paglalakad ay natagpuan nila ang isang nakasarang pintuan at mayroong ilaw sa loob nito na makikita sa mga nakaawang na maliliit na butas dito. Napatingin sila sa isa’t isa. Kitang-kita ni Demon ang determinasiyon sa mukha ni Allyce. Hinding-hindi niya papayagang mabigo siya sa pagkakataong ito. Isa lang karaniwang tao ang kalaban nila ngayon at nakakasiguro siyang hindi magiging mahirap sa kaniya ito at higit sa lahat… ipapakita at ipaparamdam niya kung gaano niya pinapahalagahan ang kaniyang mag-ina… na kaya niyang magbago alang-alang sa kanila at kaya niyang maging mabuting asawa’t ama.

Palakas nang palakas ang kabog na nararamdaman ngayon ni Allyce. Alam niyang nasa loob ng pintong nasa harapan nila ngayon si Darken. Napatingin siya kay Demon at tumango siya rito. Humugot siya ng lakas ng loob. Hindi niya alam kung ano ang madadatnan niya sa loob.

Tila bumagal ang ikot ng mundo at pigil-hiningang nakatuon ang kaniyang mga mata sa kamay ni Demon habang pinipihit nito ang saraduhan ng pinto.

Isang nakakasilaw na liwanag ang bumungad sa kaniyang mga mata at hindi niya mapigilang mapapikit. Pagbukas ng kaniyang mga mata at agad itong nag-adjust sa liwanag.

“Kumusta? Mabuti’t nakarating ka, mahal ko… at sinama mo pa ang lalaking iyan.”

Agad napadako ang mga mata ni Allyce sa isang pamilyar na taong nakaupo sa isang may kalumaang sofa at sa tabi nito ang natutulog niyang anak.

“Darken!” sigaw ni Allyce at akmang tatakbo upang mapalapit sa kaniyang anak nang mapahinto siya.

“Hush! Easy ka lang, my love.” May nakasilip na demoniyong ngisi sa labi ni Stephan habang nakatingin sa kaniyang mga mata.

Kitang-kita niya ang paghaplos nito sa binti ng kaniyang anak kaya ay bumalik na naman ang takot na kaniyang pagkatao.

“Ibalik mo ang anak ko, Stephan!” diin niyang pagkasabi sa binata subalit nilagay lang ng lalaki ang hintuturo nito sa labi na tila ay pinapahiwatig niyang tumahimik siya.

“M-Mommy?”

“Darken, anak ko!” napasigaw si Allyce sa tuwa nang makitang nagising na ito.

“Mommy!” Mabilis na bumangon sa pagkahiga si Darken at akmang tatakbo na sana kay Allyce nang mahawakan siya ni Stephan at hinatak palapit rito. Napadaing naman ang bata nang tumama ang kaniyang maliit na likuran kay Stephan at napaiyak sa takot. “Mommy! Huhu, bitawan mo ‘ko!” pagpupumiglas nito.

“Anak! Ano bang nagawa kong kasalanan sa’yo, Stephan?! Bakit mo ito ginagawa sa amin?” Naglandas ang butil-butil na luha ni Allyce mula sa kaniyang mga mata. Hindi niya maisip na idadamay ng kaniyang dating manliligaw ang kaniyang anak. Akala pa naman niya ay nagtanda na ito dahil sa nangyari noong gabing iyon.

Galit na napahilamos ni Stephan ang kaniyang sariling mukha gamit ang kaliwa niyang kamay habang ang isang kamay niya naman ay nakahawak sa anak ni Allyce. Galit niyang tinignan sa mata si Allyce. “P*tang-ina naman, Allyce! Malaki ang nagawa mong kasalanan sa akin! Ginawa mo akong tanga! Minahal kita, Allyce. Mahal kita! Pero ano ang ginawa mo? Pinagpalit mo ako sa lalaking ’yan! Sa lintek na lalaking ’yan na halata namang walang binatbat sa akin!”

“Kasalanan ko bang hindi kita kayang mahalin, Stephan? Kasalanan ko bang hindi ipilit ang sarili ko sa kasinungalingang mahal kita? Hah!?” Halos sumabog na sa galit si Allyce. Hanggang sukdulan ba ang galit ni Stephan sa kaniya kaya niya nagawa ito? “Ang babaw mo naman, Stephan! Sobrang ang babaw mo! At isa pa… hindi siya lintek na lalaking pinagsasabi mo riyan! Siya ang ama ng anak ko!”

Napaatras nang bahagya si Stephan nang marinig ang sinabi ni Allyce. “A-Anong sabi mo?” halos pabulong niyang tanong dito.

“Siya ang ama ng anak—”

“Tama na!” Galit na nagpaputok ng baril si Stephan sa ere at tinutok nito ang baril sa ulo ng anak ni Allyce.

“Darken! Ahh! Stephan, huwag mong patayin ang anak ko!” Naghy-hysterical na ngayon si Allyce sa nakitang pagtuon ni Stephan ng baril sa ulo ni Darken. Tila mababaliw na siya sa oras ngayon.

Agad na napangisi si Stephan sa kaniya. “Hindi ko gustong mangyari ’to, Allyce… pero hiniling mo ’to.” Marahas siyang bumuga ng hangin. “Isa lang ang gusto kong gawin mo… bumalik ka ulit sa akin. Magsimula tayo nang panibagong magagandang alaala nating dalawa. Be my queen. Ibibigay ko ang lahat ng hilingin mo pati na rin ang tanggapin ang anak mo bilang akin.”

Napatahimik si Allyce sa puntong ito. Napatingin si Demon sa kaniya at tila siya ay nakaramdam ng takot. Maraming pagkabahala ang tumatakbo sa isip niya ngayon. Gusto na niyang patayin ang lalaking nasa harapan niya ngayon subalit hinihintay lamang niya ang pahintulot ni Allyce. Nangako siya kanina sa asawa na wala siyang gagawing kung ano kung hindi nito sinasabi. Takot lang si Allyce na makita ng kaniyang anak kung gaano ka-brutal ni Demon ni miski siya ay nangingilabot pa rin hanggang ngayon sa tuwing naaalala niya ang mga nagawa nito noon sa pamamagitan ng binigay ng haring Demon na parte ng nakaraan ni Demon.

“Anong masasabi mo, Allyce? Magiging maganda ang buhay mo sa akin. Magbubuhay reyna ka at sasambahin kita ng aking pagmamahal at pag-aa—”

“Nakakasuka ka,“ pigil ni Allyce sa kaniya.

“Ano?”

“Nakakasuka ka!” puno ng galit at pagdiin ni Allyce. “Kailan man ay hindi ako naging sa’yo kaya wala akong babalikan sa’yo, Stephan. Sinira mo ang lahat ng pagkakataong meron ka. Nakakasuka ka! Napakasama mo!”

Nanginig si Stephan sa galit at mas diniin pa ang paghawak niya sa kaniyang baril at mas lalo rin nitong diniinan ang pagtuon ng baril sa ulo ni Darken na ikinaiyak nito. “Sinira mo rin ang lahat ng pagkakataong meron ka, Allyce. Sayang ka… hindi mo alam kung gaano kita pinahahalagahan. Ginusto mo ito kaya hindi mo ako masisisi kung makita mo ngayong wala nang buhay ang anak mo.” Kinalabit ni Stephan ang gatilyo at naglikha ito nang malakas na pagputok ng baril

“Huwag!” malakas na sigaw ni Allyce at hindi mapigilang mapapikit at malakas na mapahagulgol sa iyak. “Darken! Ang baby ko!”

“Arckk!”