Chapter 11: Ang Sakit Na Nararamdaman
Naputol ako sa pagbabalik-tanaw dahil sa marahang pagkatok sa pintuan ng kwarto. Napabuntong-hininga ako at tumayo mula sa pagkakahiga at tinungo ang pintuan para buksan iyon. Si Jarred ba ang kumakatok? Ano sadya niya? Nang mabuksan ko ang pinto ay tumambad si Jarred sa aking harapan. Pulang-pula ang mata nito. Nakainom ba ito?
"Sir Jarred? Bakit po?" tanong ko. Pumasok siya sa kwarto at nagulat ako nang bigla nalang niya ako isinandal sa pader. Pinakatitigan niya akong mabuti. Lumunok muna ako.
"Sir ba--" naputol ang sasabihin ko nang magsalita siya.
"Bakit Jasmine? Bakit mo ako iniwan?" wika niya sakin. Naaamoy ko ang alak sa kaniyang hininga. Hindi ito ang tamang panahon para sabihin ko sa kaniya ang dahilan kung bakit ko siya iniwan.
"Dahil kailangan, Jarred." wika ko. Bumaba ang tingin niya sa labi ko. Tumawa siya nang mapakla.
"Hindi ko alam kung ano mayroon sayo. Dahil hanggang ngayon ma--" napasigaw ako dahil bigla nalang niyang isubsob ang mukha niya sa aking balikat. Niyugyog ko siya.
"Sir? Sir Jarred." wika ko.
Subalit di siya kumikilos. Tiningnan ko ang mukha niya at nakita kong nakaidlip siya. Napabuntong-hininga ako. Wala akong choice kundi ang alagaan siya. Mabuti nalang malapit sa kama ang pader kung saan niya ako isinandal. Itulak ko siya pahiga sa kama. Inayos ko ang kaniyang pagkakahiga.
"Bakit ka ba kasi naglasing? May problema ka ba?" tanong ko kahit alam ko naman na di niya ako masasagot.
Napabuntong-hininga ako. Lumabas ako ng kwarto at nagtungo sa kusina. Kinuha ko ang palanggana na nakasabit sa pader at nilagyan iyon ng tubig at maligamgam na tubig. Nang matantiya ko na sakto ang init niyon. Kinuha ko ang palanggana at dinala sa kwarto.
Pagdating ko sa kwarto, kumuha ako ng bimpo sa cabinet. At sinimulang dampihan siya sa mukha. Napalunok ako habang ginagawa iyon. Hindi ko maiwasang titigan ang kaniyang mukha. Sa paglipas ng panahon mas lalong nadadagdagan ang kagwapuhang taglay niya. Mas nagma-tured ito. Hinaplos ko ang kaniyang mukha.
"Sa paglipas ng panahon. Narito ka pa rin sa puso ko Jarred. Hindi yun nawawala. Kung sasabihin ko ang dahilan kung bakit kita hiniwalayan? Maniniwala ka kaya sakin? Magbabago ba ang pakikitungo mo sakin? Magiging mabait ka na ba sakin?"
Natawa ako. Para akong nakikipag-usap sa hangin. Sinimulan kong itaas ang suot niyang damit. Nang maitaas ko iyon. Napatitig ako sa katawan niya. Batak na batak iyon sa ehersisyo. Sinimulan kong dampihan ang kaniyang katawan ng bimpo. Umungol siya sa ginagawa ko. Napakagat-labi ako.
"Jasmine. I hate you..." wika niya.
Nabitawan ko ang bimpong hawak ko. Hindi ko namamalayan tumulo na pala ang luha sa aking pisngi. Kahit lasing siya, kinamumuhian niya parin ako. Kumurap ako para pigilan ang luhang nagbabadya na namang lumabas sa aking mga mata. Ibinaba ko ang kaniyang damit. Inilagay ko sa tabi ang palanggana na ginamit ko.
Bukas ko nalang ibabalik sa kusina. Kumuha ako ng makapal na kumot at inilatag iyon sa sahig. Nahiga ako at pinakatitigan ang kisame. Hanggang kailan ako magtitiis? Hanggang kailan ako paparusahan ni Jarred? Kailan niya kaya ako mapapatawad?
Mga tanong sa aking isipan na hindi ko masagot. Kailangan ko nang matulog. Linggo bukas. Hihilingin ko sa kaniya na mag-dayoff ako para makapagpahinga ako. Makikipagkita rin ako kay Celine. Namimiss ko na rin ang babaeng yun. Ipinikit ko ang aking mga mata hanggang sa tuluyan akong makatulog.
-
- Jarred Point Of View -
Nagising ako na masakit na masakit ang aking ulo. Iminulat ko ang aking mata. Nagulat ako dahil wala ako sa aking kwarto. Shit! Ano ba ang nangyari? Inalala ko ang nangyari kagabi. Nagpunta ako sa Bar at nagpakalasing. Bakit nga ba? Dahil naguguilty ako sa mga sinabi ko kay Jasmine. Bumuntong-hininga ako. Iginala ko ang aking paningin sa kabuuan ng kwarto. Parang kwarto ito ni Jasmine ah? Dumako ang aking paningin sa sahig kung saan natutulog si Jasmine.
Nakatihaya siya kaya kitang-kita ko ang kaniyang mukha. Pinakatitigan ko siya. Maraming taon ang lumipas, pero wala pa rin siyang pinagbago. Maganda pa rin siya. Ang ganda na hinahanap-hanap ko sa loob ng maraming taon. Nagmulat siya ng mga mata. Nagtama ang aming mga paningin. Bigla siyang bumangon. Tiningnan niya ang orasan na nasa dingding. Tumingin ako doon, alas-syete ba nang umaga.
"Sorry Sir. Tinanghali ako nang gising. Hindi ko po sinasadya." hinging-paumanhin niya at tumayo.
Nakita ko ang palanggana at bimpo sa isang tabi. Ibig sabihin, inalagaan niya ako kagabi? Pagkatapos ng mga sinabi ko sa kaniya. Heto siya, at inalagaan pa rin ako. Yun naman ang dahilan kung bakit ako naglasing kagabi, dahil kapag nakikita kong nasasaktan siya. Mas nasasaktan ako.
Pero hindi dapat ako magpadala sa emosyon ko. Kailangan niyang maramdaman ang mga naramdaman ko nung iniwan niya ako ng hindi nagpapaalam. Kinuha niya ang palanggana at naglakad patungo sa pintuan.
"Inalagaan mo ba ako kagabi?" tanong ko. Tumingin siya sakin at napakagat-labi. Hindi ko maiwasang titigan ang kaniyang mapupulang labi. May nakahalik ba sa kaniya bukod sakin? Shit! Hindi ko maiwasang mainis sa isiping merong gumawa niyon sa kaniya bukod sakin.
"Opo Sir. Lasing na lasing po kasi kayo kagabi." wika niya at biglang namula ang mukha.
"Salamat." wika ko.
"Wala pong anuman Sir. Aalis na po ako, maghahanda lang po ako ng agahan natin." wika niya at lumabas na ng kwarto.
Tumayo na rin ako at nagtungo sa aking kwarto. Hinubad ko ang suot ko at nagtungo sa banyo para maligo. Habang nasa ilalim ng shower. Bumalik sa aking ala-ala ang panahon na nakipag-hiwalay sakin si Jasmine. Napangisi ako. Yun ang panahon na hindi ko alam kung ano ang gagawin ko.
Sabay kaming kumakain ni Jasmine sa canteen. Katatapos lamang ng exam at maganda ang naging kalalabasan ng exam. Nakakuha ako ng mataas na marka, ganun din siya. Nakakuha din siya nang mataas na marka. Nagawa ko yun dahil sa inspirasyon ko sa aking pag-aaral, walang iba kundi si Jasmine Saderra. Nag-aaral akong mabuti para sa kaniya. Para sa kinabukasan namin at may maipagmalaki ako sa kaniya sa hinaharap. Mula sa kinakain nag-angat siya ng tingin.
"Pwede ba tayo mag-usap mamaya?" tanong niya sakin. Hindi ko maiwasang malungkot dahil hindi niya ako tinawag sa endermeant namin na Heart. Pero ayos lang, baka nakalimutan niya lang. Ngumiti ako sa kaniya.
"Sure Heart. Sa hardin ba?"
"Oo doon nalang Heart. Mga 5pm. Pagkatapos nang klase." wika niya. Ngumiti siya pero pansin ko na hindi iyon umabot sa kaniyang mga mata. Hindi ko maiwasang kabahan. May problema ba siya? Ano kaya pag-uusapan namin?
NARITO ako sa hardin at nakaupo sa usual spot namin habang hinihintay si Jasmine. Nang makita ko siyang papalapit sa kinaroroonan ko. Biglang bumilis ang tibok ng aking puso. Sa totoo lang napakaswete ko sa kaniya. Sa loob ng anim na buwan naming relasyon. Naging maayos ang daloy ng aming relasyon. Sa loob ng anim na buwan na iyon. Mas lalong lumalim ang nararamdaman ko sa kaniya.
Sa katunayan, mapalad ako dahil minahal sniya ako. Sekreto lamang ang relasyon namin dahil ayaw ng magulang niya na magkaroon siya ng relasyon. Ayos lang iyon sakin, kapag naka-graduate na kami. Handa ko na ipagsigawan sa buong mundo ang pagmamahal ko sa kaniya. Nang makalapit ay umupo siya sa tabi ko.
"May sasabihin ako Jarred." wika niya. Napalingon ako sa kaniya. Jarred? Tinawag niya akong Jarred. Natawa ako nang mahina.
"Jarred? Parang alam ko na ang pupuntahan nang usapang ito." wika ko. Lumunok ako para pigilan ang pagbabara ng aking lalamunan. Makikipaghiwalay ba siya sakin? Pero bakit? Hindi siya makatingin sakin. Nakatingin siya sa ibaba habang kagat-kagat ang labi niya.
"Gusto ko na makipaghiwalay Jarred." wika niya. Nag-angat siya nang tingin at tiningnan ako. Napangisi ako.
"Bakit Jasmine? May nakagawa ba akong di maganda? May mga pagkukulang ba ako? Sabihin mo sakin. Handa kong punan iyon, huwag ka lang makipaghiwalay sakin." wika ko at hinawakan ang kaniyang mga kamay na nakapatong sa kaniyang hita. Pinisil ko iyon. Di ko kakayanin na mawala siya sakin.
"Mas maganda siguro na mag-focus muna tayo sa pag-aaral Jarred. Kung tayo, tayo talaga. Pagtatagpuin tayo ng tadhana." wika niya. Parang may punyal na tumarak sa aking dibdib sa mga binitawan niyang salita. May magagawa pa ba ako?
"Sa totoo lang ayaw ko ang desisyon mo. Pero pumapayag ako dahil mahal kita Jasmine at malaki ang tiwala ko sayo. Pero mangako ka sakin. Pagkagraduate natin. Itutuloy natin ang relasyon natin." wika ko habang tinitingnan siya ng matiim sa mga mata.
Wala namang masama sa suhestiyon niya. Mas maganda na rin yun dahil mahirap din itinatago ang relasyon na meron kami. Ayos lang yun dahil magkasama parin kami kahit hindi kami magkasintahan. Hindi siya sumagot. Nagbaba siya nang tingin. Napansin ko ang butil nang luha na kumawala sa kaniyang mga mata. Pinunasan niya iyon gamit ang panyong hawak niya. Tumayo siya.
"Aalis na ako Jarred. Baka nandyan na ang sundo ko. Mag-iingat ka." wika niya. Wala akong nagawa kundi tingnan ang papalayong bulto niya. Kakausapin ko nalang ulit siya bukas. Baka wala siya sa mood para sagutin ang tanong ko. Siguro dahil nasaktan siya sa desisyon niya.
Subalit, pagdating ng kinabukasan. Wala akong nakitang Jasmine Saderra sa paaralan. Tinawagan ko siya pero out of coverage ang cellphone niya. Hindi ko iyon pinansin. Pero paglipas ng ilan pang mga araw wala ako nakita ni anino niya. Nagtaka na ako at natakot nang mga sandaling yun. Nagtanong ako sa mga kaklase niya pero wala din daw silang alam. Nagtanong ako sa faculty, subalit di nila sinagot ang tanong ko. Hanggang sa napagdesisyunan ko na puntahan na siya sa kanila. Nakita ko sa labas ng gate ng bahay nila ang katulong nila. Lumapit ako. Nagulat siya nang makita ako.
"Pwede po ba magtanong?" tanong ko. Parang nag-aalangan pa siyang sumagot. Pero ilang saglit lang ay tumango siya.
"Oo naman. Ano yun iho?" tanong niya.
"Hindi ko na po nakikita si Jasmine sa paaralan. Ano po nangyari? Kaibigan po niya ako." wika ko. Mukhang nabigla ang katulong sa tanong ko. Pagdaka'y nakitaan ko ng lungkot sa kaniyang mga mata.
"Wala na siya iho. Noong isang araw pa. Nasa France na siya. Doon na siya mag-aaral hanggang makapagtapos siya." wika niya.
Natulos ako sa aking kinatatayuan dahil sa aking nalaman. Nabigla ako sa balitang aking natanggap. Sa France? Nakipaghiwalay ba siya hindi dahil para sa pag-aaral namin kundi dahil iiwan na pala niya ako. Kaya pala hindi siya sumagot sa tanong ko dahil hindi ko na pala siya makakasama.
Para akong pinagsakluban ng langit at lupa. Hindi ko inaasahan na gagawin sa akin ito ni Jasmine. Nangako kami sa isa't-isa na magtatapos kami ng magkasama.
SIMULA noon, nag-aral akong mabuti para may mapatunayan ako sa sarili ko at sa kaniya. Gusto ko manghinayang siya dahil pinakawalan niya ang katulad ko. Gusto kong patunayan na may mararating ako. Kaya tinanggap ko ang alok sa akin ng aking Ama na magtrabaho sa Racqueza's Steel Corporation. Para balang araw kapag nagkita kami ni Jasmine may maipagmamalaki ako. Anak ako sa ibang babae ni Dante Racqueza. Hindi sila nagkaroon ng anak ng kaniyang asawa.
Tinanggap ako ni Tita Celeste, at itinuring na tunay na anak. Namatay ang aking ina sa sakit na liver cancer. Nang ipanganak ako hindi nag-asawa ang aking ina at itinuon nalang ang pansin sa akin. Inilayo ako ng aking ina kay Dante Racqueza dahil ayaw niyang makasira ng pamilya. Kaya noong magkasakit ang aking ina at malapit nang mamatay, minabuti niyang sabihin ang tungkol sakin kay Dante Racqueza. Para sa ikabubuti ko. Na malugod naman ako tinanggap ng aking Ama. Ngayon, ako na ang CEO ng kompanya.
Kaya noong nalaman ko na nagigipit ang Saderra's Coffee Factory. Gumawa ako nang paraan para sakin mangutang ang mga magulang ni Jasmine. Inilit ko sila sa lahat nang bangko, kaya wala silang choice kundi sakin sila mangutang. Lahat yan planado. Sa pagiging katulong ni Jasmine. Gusto ko iparamdam sa kaniya ang sakit na naramdaman ko nang iniwan niya ako. Pero bakit hindi ako masaya? Hindi ako masaya na naghihirap siya nang dahil sakin?
Iwinaksi ko ang mga iyon sa akin isipan. Hindi ako pwede magpadala sa emosyon ko. Ang plano ay plano. Gagawin ko yun. Tinapos ko na ang pagligo tsaka lumabas ng banyo para makapagbihis.