Chapter 27

Ewen's Pov

"Pakiusap tama na" sa ikalawang pagkakataon nakiusap na naman siya sa'kin "tumigil ka na" muling sabi nito na nagpadurog sa puso ko.

Bakit yung iba pwede? Bakit ako hindi? Ano ba ang dahilan kung bakit ganito siya sa'kin. May nagawa ba akong mali? Nagagalit ba siya sa'kin dahil lagi akong nakasunod sa kanya?. Ginagawa ko lang naman ang trabaho ko at ayoko lang naman may mangyari na hindi maganda sa kanya.

Umiling ako. Hindi na ako papayag na ganito ang sitwasyon naming dalawa. Sinubukan ko naman pagbigyan siya kahit mabaliw baliw ako kakaisip sa kanya ngunit hindi ko na kaya. Pinigilan ko ang kamay niya ng subukan niyang iwanan ako.

"Sinubukan ko naman binibini ngunit hindi ko pala kaya. Ayokong magsisisi kaya ipaglalaban at ipipilit ko ang pag ibig ko sa'yo kahit ayaw mo" seryosong sabi ko habang diretyong nakatingin sa mga mata niya

Isang malakas na sampal ang dumapo sa pisngi ko. Sa sobrang lakas nito ay parang nagmanhid ang pisngi ko. Nakita ko rin ang pagpatak ng mga luha nito na nagpalambot sa'kin.

"Ang kapal ng mukha mo para sabihin sa akin yan ngayong alam mo na magkaibigan kami ni Glenda" Sabi nito na patuloy ang pagluha. Gusto ko sanang pahiran ang mga luha niya ngunit nag aalala akong baka mas lalo siyang lumayo sa akin.

Itinuro nito ang pintuan. Heto ang kinakatakot ko ang palabasin niya ako na hindi kami nagkakausap o nagkakaintindihan.

"Alam ko magkaibigan kayo, dahil lang ba sa dahilang iyon kaya nagagalit ka at ayaw mo akong kausapin? Bakit?" Naguguluhang tanong ko sa kanya.

Siguro nalaman na nito na pinapakiusapan ko si Glenda na sabihin sa'kin ang mga kailangan nito at ang mga lakad niya. Alam kong mali pero yun lang ang alam ko para maprotektahan siya.

"Sa sobrang kakapalan ng mukha mo at bilib sa sarili hindi mo na alam kung bakit, Hindi ka kasi makuntento sa isang babae lang. Hindi ko na isasali dito si Isabelle pero ang tuhugin mo kaming dalawa ni Glenda na alam mong magkaibigan kami ay sobrang kapal mo na. Hindi ka ba nahihiya sa sarili mo? May nobya ka na naghihintay sa labas para makausap ka pero nandito ka at kung ano anong walang saysay ang sinasabi mo ngayon". Walang prenong sabi nito na nagpagulo lalo sa isip. Pinunasan nito ang mga luhang nagsibagsakan sa pisngi niya. Pilit kong iniintindi ang mga sinabi niya hanggang sa magkaroon ako ng ideya sa mga nabanggit niya.

Magsasalita na sana ako para dipensahan ang sarili ko ngunit umalis na ito sa aking harapan at nagtungo na ito sa kanyang higaan. Huminga ako ng malalim at tinignan siya. Nakatalukbong ito ng kumot halata na ayaw na niya akong makausap.

Inulit ulit ko naman sa isip ko ang mga sinabi niya kanina kaya naman lumabas ako at hinanap si Glenda. Nakita ko siya sa may hardin at kausap si Pablo. Alam ko na magkasintahan ang dalawa. Pinasunod ko silang dalawa sa akin papunta sa silid ng binibini. Kailangan ko ang tulong ng dalawa kung sakaling kailanganin kong magpaliwanag.

*****

Chandee's Pov

"Binibini natutulog ka na ba?" Tanong ni Glenda.

"Hindi pa pero matutulog na. Paki ligpit nalang ang mga pinagkainan sa mesa at magpahinga ka na rin ng maaga" sagot ko na hindi inalis ang pagkakatalukbong ko sa kumot. Ayoko kasing makita niya gaano ako kamiserable ngayon.

"Kailangan nating mag usap" Sabi ng pamilyar na boses. Hindi ako pwedeng magkamali boses ni Kapitan iyon. Mas hinigpitan ko ang pagkakahawak sa kumot ko. Ayokong makita at makausap pa siya.

"Kung meron kang gustong sabihin ipagpabukas mo nalang, pagod ako at gusto ko ng magpahinga" Sabi ko

Nanlaki ang mga mata ko ng biglang umangat ako sa ere. Inalis ko ang kumot sa mukha ko at tinignan si kapitan na buhat buhat ako.

"Pagod rin ako at puyat ngunit bago ako matulog at magpahinga gusto ko munang kausapin ka at linawin ang mga bagay bagay" Sabi nito na huminto na sa paglalakad at ibinaba ako

Napatingin naman ako kay Glenda na naka angkla sa braso ni Pablo na mukhang nag aalala sa'kin. Ano bang meron? Anong nangyayari? Binalik ko ang tingin ko kay Kapitan na nakatayo sa tabi ko at nakatingin sa akin.

"Anong ginagawa niyo dito sa silid ko?" Tanong ko na nagpalipat lipat ng tingin sa tatlo

"Sinama ko sila dito para maliwanagan sa mga sinabi mo sa'kin kanina" sagot ni kapitan

"May problema po ba binibini?" Tanong ni Glenda na lumapit sa'kin at hinawakan ang dalawa kong kamay

Umiling ako at tumingin naman kay Pablo.

"Magandang gabi binibini" bati sa'kin ni Pablo at yumuko

Hindi na ako nakabati pabalik dahil muling nagsalita si kapitan.

"Pinagtagpi tagpi ko ang mga sinabi mo sa'kin kanina at isa lang ang konklusyon na maaaring maging sagot sa mga sinabi mo" Sabi ni Kapitan na ikinakunot ng noo ko. "napansin ko kanina na lagi mong binabanggit ang iyong tagapagsilbi kaya ko siya sinama dito pati na ang nobyo niya" napatutop naman ako ng bibig ng marinig ang sinabi nito. Napatingin ako kina Glenda at Pablo na ngayon ay magkahawak ng kamay.

"S-si Pablo ang nobyo mo at hindi si kapitan?" Nautal na tanong ko kay Glenda habang tinuturo ang dalawang lalaki

Tumango naman siya.

"Hindi mo ba alam na si Pablo ang kasintahan ko binibini?" Tanong naman ni Glenda sa'kin na ikina iling ko "h-huwag mong sabihin na inakala mo na si kapitan ang nobyo ko?" Nautal at nahihiyang tanong pa niya habang nakaturo kay Kapitan ang hintuturong daliri nito. Umamin naman ako at nahihiyang tumango.

Muntik ng mabuwal sa pagkakatayo si Glenda at sinapo ang ulo nito. Mabuti nalang nasa tabi niya si Pablo at naaalayan siya nito.

"Mukhang maliwanag naman na ang lahat maaari na kayong umalis at ako nalang ang kakausap sa kanya" napatingin naman ako kay Kapitan sa sinabi niya. Nagpaalam na sa'min sina Glenda at Pablo at hinatid sila sa pintuan ni Kapitan.

Pagkasarado ng pintuan ay binaling na ni kapitan ang tingin sa akin. Hindi ko masabayan ang tingin niya kaya nagkunwari nalang ako na nililibot ang paningin ko sa aking silid.

Lumapit siya sa'kin at huminto sa tabihan ko. Lumipas na ang ilang minuto at hindi ko parin siya narinig magsalita. Tumingin ako sa kanya at nakitang nakatingin lang ito sa akin. Tahimik ang buong paligid maliban lang sa tibok ng puso ko na naririnig ko ngayon.

Lakas loob na tinaasan ko siya ng isang kilay. Ano ngayon kung nagkamali ako ng akala. Hindi niya ako masisisi dahil lagi ko silang nakikitang magkasama na tila pa sikreto. Hindi ako magpapa sindak sa kanya.

"May sasabihin ka? Kung wala lumabas ka na" pagtataray ko. Para naman siyang nakakaloko at ngumisi pa. Hindi ko kayang sabayan ang trip niya kaya tatalikuran ko na sana siya. Bahala siya kung gusto niyang tumambay dito sa kwarto ko.

Isang hakbang palang ang nagagawa ko ng yumakap siya mula sa likuran ko. Parang sasabog ang dibdib ko sa sobrang pagwawala ng puso ko.

"Magpahinga ka na mag usap nalang tayo bukas" Sabi nito na hinigpitan pa pagkakayakap sa'kin bago niya ako pinakawalan.

"Hmm" Wala sa loob na sagot ko. Para akong robot na naglakad patungo sa higaan ko at nahiga doon.

Ilang sandali lang ay narinig kong bumukas at sumara ang pintuan ng silid ko. Ano ba ang nangyari? Para akong na engkanto na nawala sa katinuan.

******

Mukha akong panda ng tignan ko ang aking mata. Hindi ako nakatulog kahit isang minuto lang dahil sa paggambala ni kapitan sa isipan ko. Pasulpot sulpot ang imahe nito at kahit saan ako tumingin nakikita ko siya. Maging sa pagpikit ko hindi niya ako tinatantanan.

"Magandang umaga binibini maaga ka yatang nagising ngayon" bati sa'kin ni Glenda na todo ngiti pa

Nginitian ko nalang siya. Kung alam lang niya hindi pa ako natulog.

"Pahingi nalang ako ng kape" Sabi ko kay Glenda ng magkaroon naman ako ng lakas

Mabilis na kumilos naman si Glenda at pagbalik nito ay mayroon na siyang dalang kape at dalawang nilagang itlog at kamote.

Magana akong kumain at binilisan pa ng maalala ang mga pasyente sa may bakanteng lote. Sana maayos na silang lahat.

"Binibini may itatanong sana ako" Sabi ni Glenda na umupo paharap sa'kin

"Sabihin mo" Sabi ko sa kanya habang kumakain

"Tungkol ito sa nangyari kagabi binibini" Sabi nito na nagpatigil sa'kin sa pagnguya "Wala po kaming relasyon ni Kapitan paumanhin kung hindi ko nilinaw sa'yo kung sino ang nobyo ko" Sabi nito

Pilit akong ngumiti. Ako naman talaga ang may kasalan hindi ko siya tinanong at pinaniwalaan ang hinala ko.

"Pasensiya ka na ah akala ko kasi talaga si kapitan ang kasintahan mo lagi ko kasi kayong nakikitang nag uusap kapag gabi na kayong dalawa lang" nahihiyang hingi ko ng paumanhin

"Naku binibini hindi mangyayari ang hinala mo dahil ikaw ang gusto ni Kapitan at mahal na mahal ko si Pablo. Nagkikita lang naman kami ni Kapitan tuwing gabi na nakikita mo kami dahil may mga tanong at bilin siya sa akin sa'yo" Sabi nito. Natulala naman ako sa sinabi ni Glenda

"Hahaha! Ikaw talaga paano mo naman nasabi na gusto ako ni Kapitan mabuti pa ligpitin mo na ito at aalis na ako" nagmamadaling sabi ko tsaka tumayo

"Teka binibini saan ka pupunta?" Habol sa'kin ni Glenda

"Pupunta ako sa pagamutan sa bakanteng lote, may usapan kami ni Agustin na susunduin niya ako doon" sagot ko

"Susundin ka niya? Saan daw kayo pupunta?" Tanong pa niya

"Mag iinbestiga kami kung saan nagmula yung kumakalat na sakit, may mga kasama din naman kami na tutulong samin" sagot ko

"Huwag ka munang umalis sasabihan ko lang si Kapitan para masahan ka din niya" Sabi pa nito. Pagka banggit niya kay Kapitan ay nataranta naman ako.

"Baka natutulog pa siya huwag mo na siyang abalahin pa. Sige na aalis na ako" paalam ko at nagmadali ng umalis.

Nakahinga naman ako ng maluwag ng makalayo at makalabas na ako ng tarangkahan. Pagdating ko sa pagamutan ay wala parin pagbabago. Marami pa rin pasyente ang nandoon at tulad kahapon mga masasakit ang tiyan ang karamihang sakit nila.

Tinignan ko sa talaan kung may taga ibang barangay ang nadagdag sa listahan. Meron ngang dalawang tao na galing sa ibang barangay na kasalukuyan nandito pa sa pagamutan.

Itinuro ni Ate Lenlen ang dalawang lalaki na nasa magkaibang higaan.

"Magandang umaga po" bati ko sa dalawang lalaki na magkatabi ang higaan

Tumango ang mga ito at binati din ako pabalik

"Magtatanong lang po sana ako sino po sa inyo si Mang Rolando at Mang Samuel?" Tanong ko sa dalawa

"Ako po si Rolando" taas kamay ng Iisang lalaki. Nginitian ko naman siya maging si Samuel.

"Kumusta naman po ang pakiramdam niyo? Masakit pa rin po ba ang mga tiyan niyo?" Magalang na tanong ko

"Masakit pa rin at kanina pa kami nag uunahan sa palikuran. Mabuti nalang at pinainom kami ng halamang gamot kaya medyo guminhawa kami kahit sandali" sagot ni Mang Rolando

"Nakatulong ang halamang gamot na pabagalin ang pagtatae namin ngunit masakit pa rin ang tiyan namin at nagtutungo pa rin sa palikuran" Sabi naman ni Mang Samuel

"Gusto na nga sana naming umuwi ang kaso'y malayo pa ang uuwian namin at baka sa daan kami datnan ng pagsakit ng tiyan" Sabi pa ni Mang Rolando

"Matanong ko lang po saan po ba kayo nakatira at kung saan kayo nanggaling" tanong ko

"Nakatira kami sa San Felipe magkapitbahay kami nitong si Rolando. Sinama ko siya sa Lamyad upang maghatid ng mga gulay. Sayang din kasi ang kikitain namin. Maayos naman ang lahat hanggang sa huminto kami para magpahinga at mapakain narin ang dala naming kabayo. Hindi naman kami nagtagal sa pagpapahinga at umalis din agad kami. Doon nagsimulang sumakit ang mga tiyan namin" sagot ni Mang Samuel

"May kinain po ba kayo pagdating niyo sa Lumyad?" Tanong ko

"Wala kaming kinain na kahit ano" sagot pa ni Mang Samuel

"Pero uminom kami sa Sapa sakop ng Sittio Batuan ng magpahinga kami" Sabi naman ni Mang Rolando "ngunit lagi naman kaming umiinom doon kapag nagpapahinga kami" dagdag pa nito

"Kung ganoon po may napansin po ba kayo sa sapa kung saan kayo uminom?" Tanong ko pa

"Wala naman kaming napansin na kakaiba pareho lang din naman ang lasa ng tubig" sagot ni Mang Samuel

"Walang pagbabago sa lasa ng tubig ngunit may maliit na bagay akong napansin. Dati kasi kapag umiinom ako doon ay malamig ang tubig ngunit kanina ay hindi na ito ganoon kalamig katulad ng dati" sabi ni Mang Rolando

"Baka dahil sa mainit ang panahon kaya hindi na ito ganoon kalamig" Sabi naman ni Mang Samuel

Ngumiti ako sa dalawang matanda.

"Maraming salamat po magpagaling po muna kayo dito bago umalis" Sabi ko pa

"Maraming salamat din binibini" Sabi naman nila

Nabanggit ko kay Doktor Gilberto ang nalaman ko. Kahit maliit na bagay kasi kapag pinagsama sama nabubuo ang isang konklusyon.

Pagkadating ni Agustin ay nabanggit namin ang nalaman at agad naman itong umaksyon. Sumama kami ni Doktor Gilberto sa kanya upang puntahan ang sapa na binanggit ng dalawang pasyente.

*****