Chapter 02
"Saan ka naman galing?" tanong sa akin ng kaibigan ko. Umiling ako at inagaw ang tubig niya.
Pinunasan ko ang labi ko at saka ipinakita sa kaniya ang hawak kong paper bag.
"Samahan mo 'ko mamaya. Hindi ko kasi makita 'yung pagbibigyan ko nito."
Sinubukan kong hanapin kanina ang babae habang papunta ako dito sa classroom namin pero hindi ko siya nakita kaya mamaya ko na lang ulit siya hahanapin. Hindi ko pa naman alam ang pangalan nung babaeng 'yon, walang nakalagay doon sa post-it note tapos hindi pa sinabi sa akin nung kaibigan ni Chase.
"Nilalagnat ka ba o kinikilig ka?" Nilagay niya ang likod ng palad sa noo ko. "Hindi ka nilalagnat. Nakita mo 'yung crush mo, 'no?"
Mabilis akong napaiwas ng tingin at tumikhim.
"Sabi ko na, e. Dalawang beses siyang pumunta sa locker area, doon kayo nagkita?"
Kumunot ang noo ko. Isang beses ko lang naman nakita si Chase doon, ah? Never mind, baka hindi ko lang napansin.
Natanaw na namin ang magtuturo sa amin kaya pumasok na kami sa loob.
At ang kaninang maingay na classroom ay biglang natahimik nang nasa tapat na ng pinto si Ma'am. Kilala siya bilang masungit na teacher kaya siguro takot sila.
Natigilan ako nang may maalala... Hindi ko naibigay 'yung letter ko kay Chase!
"You can submit your assignment later." Napaayos ako ng upo nang marinig ang istriktang boses ni Ma'am.
Bigla rin akong nanlamig dahil wala akong maalalang may ginawa akong assignment sa subject na 'to! Napatingin ako sa mga kaklase ko at nakitang lahat sila ay meron.
Siniko ko si May. "May assignment?"
Kinakabahang tumingin siya kay Ma'am bago sa akin. "Wala ka?" bulong nito sa akin.
Napangiwi ako at napakamot sa batok.
"What's with the face, Miss Castillo? May problema ka ba sa 'kin?" Nagulat ako at biglang napatayo nang marinig ko ang apelyido ko.
"H-Hindi po. Wala po." Napakamot ako sa gilid ng noo ko habang nakayuko dahil hindi ko siya matignan sa mata.
"Wala kang assignment?" Nakataas ang isang kilay niya kaya lalo akong kinabahan.
Napatingin ako kay May at kahit siya ay kinakabahan din para sa akin.
"S-Sorry po."
"May I know why?"
"Nalimutan ko po kasi..." Napatingin kaming lahat sa labas dahil nakarinig kami ng maingay doon.
Pagbalik ko ng tingin kay Ma'am ay mas malalim na ang guhit ng noo niya. Nakatingin siya sa labas at handa nang sermunan kung sino man ang maiingay na 'yon. Nagulat ako nang bigla siyang tumingin.
"Chase, anak."
Umawang ang labi ko sa narinig habang mabilis ang tibok ng puso dahil pumasok ang magkakaibigan sa room namin.
Uupo na sana ako dahil baka makita ako ni Chase pero ibinalik ni Ma'am ang tingin niya sa akin kaya hindi ko na itinuloy ang balak ko. Umayos ako ng tayo at nagkunwaring walang ginagawa. Kung saan-saan na ako tumitingin at nang sinubukan kong tumingin kay Chase ay napaatras ako, gulat dahil nakatingin siya sa akin.
Yumuko ako at umiwas ng tingin. Bwisit. Nakakahiya. Ngayon pa kung kailan ako papagalitan ni Ma'am. Napansin siguro ni Ma'am kaya sinenyasan na niya akong umupo.
Mabilis akong napayakap sa braso ng kaibigan ko.
* * *
Nakangusong lumabas ako ng classroom habang hawak-hawak si May. Hindi naman ako napagalitan. Ang sabi lang ay huwag ko nang kakalimutan sa susunod pero syempre ay nakakahiya pa rin.
"Nanay pala talaga ng crush mo 'yun." Hindi rin makapaniwala si May.
Ngumuso na lang ako at sinamaan ng tingin ang hawak na paper bag dahil kailangan ko pa palang ibigay 'to.
"Kanino mo ba talaga ibibigay 'yan?"
"Doon sa babaeng nakausap ko kanina," matamlay na sagot ko.
"Ew, girl. Crush daw ni Castillo si Chase Ang pangit-pangit nung babaeng 'yun."
Mabilis akong napatingin sa likod ko. Humigpit naman ang hawak sa akin May at inilayo na ako sa babaeng nagsabi no'n.
Inayos ko ang buhok ko habang humihinga ng malalim. "Panget daw ako, May!" reklamo ko sa kaibigan kahit na hindi ko naman talaga dinadamdam 'yung sinabi nung babae. Mahilig lang talaga akong mag-drama.
"Mas pangit sila," tinatamad na sagot ng kaibigan ko.
Hinila ko na siya para hanapin ang kanina ko pa hinahanap. Nang makita ko ang kaibigan ni Chase ay tumakbo ako palapit dito. Ngumiti siya agad nang makita ako.
Sinuntok ko siya sa tiyan. "Pahirap ka. Ano bang pangalan niya?"
Napangiwi siya habang hawak-hawak ang tiyan. "Hindi ko ba nasabi?" Sinamaan ko siya ng tingin. Mukha ba akong magtatanong kung alam ko na?
Ngumiti na naman siya dahil nakitang masama na ang tingin ko sa kaniya. "Christine ang pangalan niya."
"Hala, ayan na siya!" Kabadong tumakbo palayo sa akin si August.
Tumingin ako sa likod at nakitang inosenteng naglalakad 'yung Christine.
Si May naman ay nagpaalam na sa akin na mauuna na siyang pumunta sa cafeteria para hindi kami mawalan ng table.
Napatigil ako sa paglapit kay Christine nang makita ko si Chase. Tumalikod ako saglit at inayos ang sarili. Akmang ngingiti at kakaway ako kay Chase ngunit dire-diretso ang kaniyang lakad at nilampasan ako.
Umirap ako dahil napahiya at ibinaba ang kamay. Ni hindi man lang tumingin sa akin. Sakit.
Itinuloy ko na lang ang balak ko kaysa habulin si Chase. Lumapit na ako kay Christine. Pilit na ngumiti ako at iniabot na sa kaniya ang paper bag na hawak.
"May nagpapabigay," saad ko habang nakangiti.
Gulat na nakatingin siya sa akin pero hindi ko iyon pinansin at pilit na ipinahawak sa kaniya ang paper bag dahil mukhang wala siyang balak na kuhanin iyon.
"Kanino galing?" mahina ang boses na tanong niya kaya lumapit pa ako ng kaunti sa kaniya.
"Hindi ko kilala pero baka kilala mo." Nagkibit-balikat ako. "Basta kalbo siya."
Munti siyang tumango. "Ganoon ba. S-Salamat." She smiled shyly.
"Christine pala name mo? Ang ganda mo." Namula ang pisngi niya at napayuko kaya natawa ako.
Kaya pala nagustuhan ni kalbo. Ang cute, e. Pero bakit parang matamlay siya ngayon?
"Ayos ka lang?" tanong ko at sabay na kaming naglakad. Napatingin siya sa akin. Bumuka ang bibig niya at alam kong may gusto siyang sabihin pero mas pinili niyang itikom ang bibig at huwag nang magsalita.
Nakita kong binuksan niya ang paper bag. Ang daming chocolate. Ngingiti na sana ako para asarin siya pero nakita kong malungkot ang tingin niya doon.
Maya-maya pa ay bigla na lang siyang humikbi. Napatingin ako sa paligid, hindi alam kung anong dapat kong gawin. May mga napatingin din sa amin at ang iba ay masama ang tingin sa akin.
Hala. Bakit parang kasalanan ko pa?
"Huy." I poked her arms. "Akala nila inaaway kita."
She wiped her tears and smiled. "Sorry." Tumakbo siya palayo at naiwan akong nakaawang ang labi.
May ginawa ba akong mali?
Iniisip ko si Christine hanggang sa makarating ako sa cafeteria. Bakit kaya siya umiyak? May nakakaiyak ba doon sa chocolate?
"Naibigay mo ba?" May biglang umakbay sa akin. Hindi ako nagsalita dahil nag-iisip pa rin ako kung anong pwedeng maging dahilan ng pag-iyak ni Christine.
"Umiyak siya." I held both of my cheeks dramatically.
"Sino? Si Christine?" Nag-aalalang tanong ng katabi ko kaya napatingin ako sa kaniya.
Nameywang ako. "May iba ka bang nilagay doon?" Umiling siya at mabilis na tumakbo palabas ng cafeteria. Kita ko ang pag-aalala sa mukha niya bago umalis kaya sigurado akong kay Christine ang punta no'n.
"Bakit? Close kayo no'n?" tanong ni May sa akin at itinulak palapit sa akin ang pagkain ko.
"Hindi," sagot ko at nagsimula nang kumain. Napagod ako, ah.
Napatigil ako sa pagkagat sa burger na dahil naramdaman kong may nakatitig sa akin. Iginala ko ang aking tingin pero wala naman akong nakita.
"Huy, ayun 'yung babae, oh." Hinawakan ni May ang pisngi ko para ilingon ang ulo ko kung nasaan ang sinasabi niya.
Nakita ko si Christine na ngayon ay wala nang dala. Halata sa kaniya na umiyak siya dahil namumula ang kaniyang mata at ilong. Ang cute talaga. Nawala ang ngiti ko nang makita si August na nakasunod kay Christine. Nag-aalala pa rin ito pero halata mong hindi magawang lumapit sa babae.
"Sila ba?" tanong sa akin ni May kaya sa kaniya naman ako tumingin.
"Hindi ata," sagot ko naman.
Akmang uubusin ko na ang burger ko pero tumunog naman ang bell. Gutom pa ako! Habang ako ay nalulungkot, natatawa naman ang kaibigan ko.
Lumbay na lumbay ako habang palabas ng cafeteria. Hindi kasi pwedeng magdala ng pagkain sa room kaya hindi na ako makakakain.
Nakasalubong ko ang Mama ni Chase kaya napayuko ako. Natawa ito nang makita ang ginawa ko.
"Margaux," natatawang tawag niya sa akin. "Hindi ako sanay na yumuyuko ka kapag nakikita ako." She tapped my right shoulder. "Huwag mo nang uulitin, ha? Magagalit na talaga ako." Natatawang naglakad na siya paalis.
Napatingin ako kay May, kita ko rin ang pagtataka sa kaniyang mukha. Nagkibit-balikat ako. Ngayon lang namin nakitang hindi masungit si Ma'am. Nakakapanibago.
"Favorite ka ata ng future mother-in-law mo." Siniko ko si May dahil sa sinabi niya. Umiwas ako ng tingin at itinago ang ngiti.
"Pero bakit hindi sila same ng last name?" takang tanong ko. Ngayon ko lang naalala. Hindi Villegas si Ma'am, e.
"Oo nga, 'no. Ngayon ko lang napansin."
* * *
Dala-dala ang bag ay hinanap ko si Chase. Balak ko nang ibigay ngayon ang letter na ginawa ko para sa kaniya. Ayaw ko nang patagalin iyon. Sayang ang oras.
Nauna nang umuwi si May dahil sinabi kong may gagawin pa ako.
Sa locker area ko natagpuan si Chase. Umatras ako at huminga ng malalim. Para akong nabibingi dahil sa lakas ng tibok ng puso ko. Kinagat ko ang ibabang labi ko bago naglakad papalapit sa kaniya.
Binuksan niya ang kaniyang locker at kusang naglaglagan ang mga letter na nandoon. Napangiwi ako dahil napuno na ata ng letter ang locker niya, ni hindi ko na makita ang gamit niya doon.
Umawang ang labi ko nang hindi niya pansinin ang mga nalaglag na letter na para bang hindi niya iyon nakita. Inapakan niya lamang ang mga 'yon na para bang basura habang inilalagay niya ang mga librong dala sa locker.
Napaatras ako dahil sa nakita. Ang dapat na ibibigay kong letter ay itinago ko sa likod ko habang dahan-dahang naglalakad paatras.
Nagdalawang-isip ako... ibibigay ko pa ba?