Chapter 5
“So...”
Mabilis na naitago ni Rian ang phone niya nang umupo sa tapat niya ang kaibigang si Jessica. Tinititigan kasi niya ang litrato ni Jin na palihim niyang kinuha habang tinatanaw nito ang kapaligiran sa pinuntahan nila.
“Ano na Rian, hindi ka na nagparamdam kagabi. Anong nangyari sa date ninyo ni Jin?”
Inirapan niya ang kaibigan.
It was a disaster, she wanted to answer but chose to keep her mouth shut.
Hanggang ngayon ay nahihiya pa rin siya sa outburst niya. Habang kumakain ay bigla na lang siyang napaiyak sa ‘di malamang dahilan.
Kumain lang naman siya ng adobo kasama ni Jin pero bigla siyang nakaramdam ng hindi maipaliwanag na kalungkutan. It was the same sadness she felt when they both lost their parents due to car accident.
Parang may parte ng pagkatao niya ang nawala. Mas lalo siyang naiyak dahil hindi niya alam kung ano iyon.
Wala tuloy ibang nagawa si Jin kung ‘di ang aluin siya at ihatid na lang pauwi dahil hindi na talaga siya natigil. Their date was cut short and they haven’t talked ever since.
“Ang damot naman sissy, ayaw talagang mag-share?” paingos na tanong sa kanya ni Jessica.
“Okay lang naman,” walang tono at matamlay na sagot niya.
“Tell me...” Kumapit ito sa isa niyang braso. “Saan kayo pumunta? Anong mga pinag-usapan ninyo? Bakit ka niya inayang mag-date?”
Bumuntong-hininga si Rian. Gusto rin niyang malaman ang dahilan pero hindi na siya nabigyan ng pagkakataon na magtanong.
“Uuwi na ‘ko, gusto mo bang mag-overnight sa bahay?”
“Girl talk?” she excitedly asked.
She wanted to answer yes but it would be just a total lie. Kanina ay tinawagan siya ng kuya niya para utusang bumili ng snacks. Hindi siya nito hinahayaang lumakad mag-isa pero kapag kasama si Jin ay ayos lang dito.
Hindi pa rin niya maintindihan ang koneksyon ng dalawa at kung bakit ang laki ng tiwala ng kuya niya sa binata.
“May klase ka pa ba?”
Nakarinig ng bulungan si Rian mula sa mga nakapaligid sa kanila. Nang lumingon siya sa gilid ay nakatayo sa tapat ng lamesa nila si Jin, mataman ang titig sa kanya. Nasa kanila na rin ang atensyon ng mga nagbubulungang estudyante sa kabilang table ng library.
“H-hi Jin...” bati ni Jessica sa binata kaya nalipat sa dalaga ang atensyon niya.
Umupo sa tabi niya si Jin kaya mabilis na bumalik ang tingin niya sa binata. She felt cornered and uneasy with him in close proximity.
“Pinapasundo ka sa ‘kin ng kuya mo, dadaan ka pa raw ng grocery.”
Hindi siya sumagot pero sumunod naman silang dalawa sa binata nang lumabas ito ng library.
Habang naglalakad sa hallway, panay ang bulong sa kanya ng kaibigan.
“Ano na ba talaga kayong dalawa? Parang ang akward n’yo pa rin, eh. May nangyari ba sa inyo?”
“Wala naman,” pagsisinungaling niya.
Nang makarating sila sa parking lot, saka lang sila muling nilingon ni Jin. He opened both doors in passenger’s and backseat. Itinulak siya ni Jessica sa unahan habang ito naman ay sa backseat na umupo.
Wala na siyang nagawa.
Huminto sila sa isang convenient store para bumili ng mga inihabilin ng kuya niya. Pagdating sa cashier, mabilis na nakiagaw sa kanya si Jin para ito ang magbayad.
Wala na naman siyang nagawa.
Habang nasa biyahe pauwi, halos silang dalawa lang din ni Jessica ang nag-uusap. Natural ang pagiging madaldal ng kaibigan niya at sa unang pagkakataon ay naipagpasalamat niya iyon dahil hindi siya mapipilitang kausapin si Jin.
Pagdating nila sa bahay, wala pa rin itong imik nang bumaba sa kotse at umikot sa backseat para bitbitin ang dalawang grocery bags ng pinamili nila.
“May iba pa ba kayong bisita?” bulong ni Jin.
Tatlong kotse kasi ang nauna nang nakaparada sa malawak na bakuran nila. Ang isa ay sa kuya niya, ang isa ay alam niyang kay Caspien habang ang isa ay hindi niya alam kung kanino.
Sinalubong sila sa sala ng nakangiting si Caspien, kasunod noon ay sumulpot na rin mula sa kusina ang kuya niya.
“Nabili n’yo ba lahat ng sinabi ko?” tanong nito nang makalapit sa munting grupo nila.
“Bayaran mong lahat nang ‘yan,” sagot ni Jin sabay pabagsak na ipinasa rito ang mga plastic bags.
“May birthday ba?” singit ni Jessica sa usapan. You can never really leave her clueless of the situation. Magtatanong at magtatanong talaga ito.
“Hindi ba nasabi ni Jin sa inyo na birthday niya?”
Nagtatakang tiningnan ni Rian ang binata na masama naman ang tingin kay Caspien. Wala siyang ideya na kaarawan nito ngayon.
“Actually kahapon talaga ‘yon pero may mas importanteng lakad si Jin, eh,” ani Caspien at makahulugang tumingin sa kanya. “Mas importante pa saming dalawang kaibigan niya.”
“Manahimik ka na lang,” mabigat ang tinig na turan ni Jin at itinulak palayo sa kanila ang kaibigan.
May pahabol pa sana na sasabihin ang pobreng binata pero nakaladkad na ito ni Jin palabas. Natatawang sumunod na lang sa dalawa ang kuya niya.
“Kaya ka pala inaya ni Jin kahapon kasi birthday niya? Anong regalo mo sa kanya?”
“Wala.”
“Wala?”
Doon lang niya nilingon ang kaibigan. “Ni hindi ko nga alam na birthday niya.”
“Hindi niya sinabi sa ‘yo?”
“Hindi,” maiksing sagot niya. Naglakad na siya patungo sa hagdan. Sumunod naman sa kanya ang kaibigan.
Doon sila tatambay na magkaibigan sa silid niya.
Rian’s nose caught a faint smell of a man’s perfume when she opened her room. Sandali siyang natigilan at napaisip. Hindi naman ugali ng kuya niya ang pumasok sa silid niya kung wala siya.
“Magpapasundo ako sa driver ko mamaya, ah. I won’t stay overnight,” turan ni Jessica matapos ilagay sa single sofa ang handbag nito. Agad nitong tinungo ang isang parte ng kwarto niya kung saan nakasabit sa dingding ang lahat ng pictures niya.
May kalakihan ang kwarto ni Rian. Isang king size bed ang kama niya na nakapwesto sa dulo ng silid, sa tabi ng bintana. Ang bubungad naman sa may pinto ay ang maliit na sofa set, may center table at natatabunan ng malaking carpet ang sahig.
Other girls love pastel and bright colors as wallpapers but Rian prefer a simple design and plain white. Wala rin siyang ibang gamit doon maliban sa malaking bookshelves na puno ng iba’t ibang libro, sa dalawang malalaking cabinets para sa mga damit niya at sapatos at isang study table kung saan nakalagay ang computer niya.
“Hindi ka ba sasali sa celebration nila?” tanong ni Jessica sa kanya na pinaglalaruan ang malaking teddy bear niyang nananahimik sa sofa.
“We’re not invited.”
“Kahit na ‘no. Bahay n’yo naman ‘to.”
“Just say you wanted to bond with my brother and go.”
“Ang init ng ulo mo,” nanlalaki ang mata na bintang nito sa kanya.
Huminga nang malalim si Rian. Pinakalma niya ang sarili at nagtungo sa pinto.
“Kukuha lang ako ng merienda natin,” paalam niya sa kaibigan.
May intercom ang kwarto niya na nakakunekta sa bawat silid ng bahay nila. Pwede naman siyang mag-utos na lang sa katulong pero gusto niya munang takasan ang mga tanong ng kaibigan.
Bumaba siya sa kusina para doon maghanap ng merienda. Kasalukuyan siyang naghahalungkat ng inumin sa ref nila nang isang pigura ang lumapit sa kanya.
Eksaktong pagsara niya ay nagulat pa siya at muntik nang mabitawan ang hawak na pitsel ng orange juice.
“Careful...” Maagap na sinalo ni Jin ang pitsel mula sa kanya.
“Sana kasi nagsasabi ka man lang na andyan ka pala,” bulyaw niya rito.
“Hindi ko rin naman alam na ikaw ang nandyan, iyong katulong ninyo ang nandyan kanina eh.”
Inirapan niya ito at pabagsak na isinara ang pinto. Nagtungo siya sa kitchen counter, agad naman itong sumunod sa kanya para iabot ang glass pitcher.
“Birthday mo pala kahapon?”
“Oo.”
“Bakit hindi mo sinabi?”
“Importante pa ba ‘yon? Nakasama naman kita.”
Sandaling natigilan si Rian pero hindi siya nagpahalata.
“Sana nakabili ako ng regalo para maibigay sa ‘yo.”
“You’re mere presence is already a gift to me, Rian.”
Bumilis ang tahip ng dibdib ng dalaga. Tiningnan niya ang binata na nakatayo sa gilid niya.
“B-bakit?”
“Anong bakit?”
“Bakit mo sinasabi ‘yan?”
Jin took a step closer. Gustong umatras ni Rian para palawakin ang distansya nilang dalawa pero nanginginig ang tuhod niya, hindi niya maigalaw ang mga paa.
“Hindi pa ba malinaw sa ‘yo?”
“Ang alin?”
“Do I really need to spell it out?” parang iritableng tanong nito.
Tumango siya.
“Gusto kita.”
**