Chapter 16: HOTSPOT

Naglalakad ako sa hallway patungong classroom nang bigla akong maka-recieved ng message sa GC namin ng mga kaibigan ko.

Rhian Mendoza

   active now•

@Danille Legaspi

Bati na pala kayo ni

Bright.

Omg! Congrats!

Ashley Verano

  active now•

Sabi ko na, e.

Effective 'yong

paglipat ng group

ni Deyn.

Wala akong ibang naging reaksyon kundi ang sabihin ang salitang, "Wow! Grabe, ang bilis ng chismis."

Danielle Legaspi

    active now•

Woi, pano niyo alam

 'yan? Sino nagsabi?

Ashley Verano

   active now•

Asus! Ikaw ah.

Hindi ka na nag

Ku-kuwento samin.

Rhian Mendoza

  active now•

Ako nagsabi kay

Ashley. Na kuwento

lang din sakin ni

Shawn.

Nabanggit kasi ni

Bright sa kanya na

hinatid ka ni Bright

kagabi kaya naisip

ko na baka bati na

kayo.

Danielle Legaspi

    active now•

Wow! Bilis niyo

naman makasagap ng balita.

Ashley Verano

   active now•

Si Rhian 'yong source ko.

Nga pala, asan ka na?

Hinihintay ka namin sa classroom.

May chika kami sa'yo.

Danielle Legaspi

    active now•

Malapit na ako.

Binilisan ko 'yong lakad ko para makarating ako ng classroom nang biglang tumunog 'yong messenger ko.

Ang akala ko sina Rhian ulit pero nakita kong si Bright pala. At nakakapanibago 'yong nickname.

Your Bright✧

active now•

Nasan ka?

Baby Deyn♡

active now•

Nandito sa school.

Pero wala pa sa classroom.                                  

Your Bright✧

active now•

Alam ko.

Baby Deyn♡

active now•

Sira! Alam mo na pala.

Ba't nagtanong ka pa?

Your Bright✧

active now•

Gusto ko lang

makasigurado

kung ikaw nga

ba itong nasa

harapan ko.

Baby Deyn♡

active now•

Ha?

Anong ibig mong sabihin?

Your Bright✧

active now•

Tumingin ka sa

likuran mo.

Napatigil ako sa paglalakad at agad na

napalingon sa likuran ko kagaya ng sinabi niya. At paglingon ko, napangiti ako nang makita kong nakasunod lang pala siya sakin.

"Uy, kanina ka pa d'yan?" tanong ko.

Nakangiti naman siyang tumango, "Simula no'ng pumasok ka ng gate, nakasunod na ako sa likuran mo."

"Wow naman. Hindi ka man lang nagparamdam."

Tumawa lang siya tapos hinawakan niya 'yong bag ko, "Akin na bag mo."

"Uy, hindi mo naman kailangan gawin 'to. Wala naman sina Colleen at Gab dito. Hindi natin kailangan magkunware."

Natahimik siya habang ako naman nakatitig lang sa kanya at naglabas ako ng isang maliit na ngiti, "Bright, bakit ang bait mo?"

"Tingin mo, ginagawa ko lang ba 'to dahil mabait ako?"

Napa-isip ako sa tanong niyang 'yon.

Wala naman sigurong ibang dahilan kung bakit niya ginagawa 'to hindi ba?

"Bakit, may iba pa bang dahilan?"

Hindi niya ako sinagot at umiwas lang siya ng tingin. Gusto ko sana siyang pilitin na sagutin ang tanong kong 'yon kaso parang kita ko sa mukha niya na parang ayaw niyang sagutin.

Simpleng tanong lang naman 'yon, pero bakit parang iniiwasan niyang sagutin 'yon?

"Dibale na, wag mo nang sagutin ang tanong kong 'yon." pagbabawi ko.

"Akin na lang 'yong bag mo, mukhang mabigat pa naman 'yan."

"Ano ka ba, hindi na."

"Wag nang makulit." tapos kinuha niya sakin 'yong bag ko. "Ako na magdadala nito hanggang classroom."

Ayon, wala akong choice kundi ang hayaan na lang siya. Tapos nagsimula ulit kaming maglakad patungong classroom. At nang matanaw na namin ang classroom ay nakita ko sina Rhian at Ashley sa labas na nagulat nang makitang sabay kaming naglalakad ni Bright ngayon. At 'yong dalawa e halatang kinikilig.

No'ng nasa harap na kami ng classroom, biglang lumabas si Colleen at lumapit kay Bright. That time, may hawak siyang notebook na tila magpapaturo kay Bright. Ako naman nakatitig lang sa kanila tapos si Rhian at Ashley gano'n din.

"Bright, pwede mo na ba akong turuan?" tanong ni Colleen kay Bright. "Hindi ko kasi na gets 'yong tinuro mo sakin sa chat kagabi, e."

Nanlalaki ang mga mata ko nang marinig ko ang sinabi niya. Magka-chat sila kagabi? This can't be!

"Akala ko na gets mo na 'yon." sagot naman ni Bright. "Ilang beses kong in-explain sa'yo 'to kagabi."

Ilang beses? Ibig sabihin matagal silang magka-chat. Hanep! Pwede naman siya magpaturo sa iba, ah. Bakit kay Bright pa?

"Sorry. Nagsinungaling lang ako. Nag-aalala kasi ako sayo na baka inaantok ka na kagabi kaya sinabi ko na lang na gets ko na 'yong tinuturo mo sakin." dagdag pa ni Colleen na parang nagpapa-cute kay Bright habang sinasabi 'yon.

Napa-irap ako bigla kahit na 'di nila 'yon nakita tsaka ko kinuha kay Bright 'yong bag ko at tahimik na pumasok sa loob ng classroom habang nakasunod naman sakin sina Rhian at Ashley.

"Omg, totoo pala 'yong sinabi mo, Deyn. Magka-chat nga sila!" sabi ni Ashley na halatang naiinis.

"See? 'yang si Colleen wala talagang magawa sa buhay kundi ang mang-agaw." inis kong sabi.

"Kung gano'n, si Colleen at si Bright magka-chat. Napaisip tuloy ako kung ano pa 'yong napag-uusapan nila bukod sa lessons natin." sabi naman ni Rhian. "Hindi mo man lang ba tinatanong si Bright kung bakit sila magka-chat?"

Bakit ko naman gagawin 'yon? Wala akong oras para d'yan.

"Hindi." sagot ko. "Pero narinig niyo 'yong sinabi ni Colleen diba? Nagpapaturo siya."

"Ayon naman pala. Nagpapaturo lang." sabat ni Rhian. "Wag ka nang mag-alala, Deyn. Hindi niya maaagaw sa'yo si Bright. Ikaw lang mahal no'n."

Do'n ko lang napagtanto sa sarili ko na naiinis ako ngayon. Hindi ko alam kung bakit naiinis ako knowing na parang nagiging malapit na si Colleen at Bright sa isa't isa at nag-uusap pa sila sa chat.

Ano ba 'tong nararamdaman ko? Nagseselos ba ako?

Gusto ko na ba si Bright?

Ang gulo, e.

"Pero pwede naman siyang magpaturo sa iba." dagdag ko pa. "Marami namang magaling sa math dito."

"Pero si Bright 'yong top 1." sagot ni Rhian. "Isipin mo na lang na siya ang naisipan ni Colleen na magpaturo kasi top 1 siya, gano'n."

Tumahimik na lang ako kasi itong dalawang 'to alam kong sinusubukan na nila ang best nila para pakalmahin ako. Ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit parang naiinis ako kapag nakikita ko sina Colleen at Bright na magkasama. Pero dahil wala naman dapat akong pake sa kanila, hinayaan ko na lang.

Since wala pa naman 'yong teacher namin ay nag kuwentuhan muna kami nina Rhian. Sinabi ko rin sa kanila na malapit na pala 'yong birthday ni Bright. Naalala ko kasi kagabi no'ng nag laro kami ng game.

"So anong plano mo sa birthday niya? Isu-surprise mo ba siya?" tanong sakin ni Ashley.

Hindi ko naman in-expect na sasabihin ni Ashley 'yon. Ni hindi ko nga naisip 'yan. Surprise? Bakit ko naman gagawin 'yon?

Umiling ako, "Hindi ko alam." sagot ko.

"Hindi mo man lang ba siya isu-surprise? Oh, come on! Akala ko ba gusto mo siya?" dagdag pa ni Ashley kaya naman nag-isip pa ako ng maisasagot.

"Gusto ko nga siya. Pero wala akong maisip na surprise. Kaya mas okay kung wag na lang." sagot ko naman.

Tapos biglang may naisip na idea si Rhian.

"Ano kaya kung sagutin mo siya sa mismong birthday niya?"

Natigilan ako sa suggestion ni Rhian. Grabe! na mental block ako do'n ah.

"Tama!" pagsang-ayon naman ni Ashley. "Mas okay 'yon. Paniguradong masu-surprise siya kapag gano'n."

Naks naman! Hindi naman pwede 'yon.

"Wag na 'yon. Ano na lang, mag research na lang tayo ng ibang surprise para sa isang may birthday, gano'n." sagot ko.

Mag re-research sana ako para kunware isipin nila na may mas maganda pa akong surprise kay Bright at para narin hindi na nila ako pagpipilitang gawin 'yong suggestions ni Rhian na sagutin si Bright nang maalala kong wala pala akong load pang research.

"Uy, pa connect ako sa hotspot mo, Rhian."

"Sure!" tapos in-on ni Rhian 'yong hotspot ng cellphone niya para maka-connect ako. Hinanap ko 'yong pangalan niya kasi maraming hotspot dito sa classroom 'yong naka-on nang bigla kong makita 'yong isa sa mga pangalan sa hotspot which is  'Sunflower'.

Sa gulat ko e agad kong pinakita kina Rhian at Ashley 'yon.

"Hala! Sino 'to?" sabi ko at pinakita 'yon sa kaila.

"Sunflower?"

"Di kaya, siya si Sunflower? 'Yong isa sa mga admin ng Writer's Love?" dagdag ko pa pero parang hindi sila naniniwala.

"What if hindi? Hindi naman porket sunflower naka pangalan sa hotspot na 'yan e siya na agad 'yong admin ng Writer's Love, ano." saad ni Rhian.

"What if lang naman." tapos nilibot ko ang paningin ko sa buong classroom habang iniisa-isang tinitingnan 'yong mga ka-klase kong nag ce-celphone. "Sino kaya sa kanila dito?"

"Malay mo, nasa kabilang classroom 'yan. Umabot lang dito 'yong hotspot." sagot naman ni Ashley.

Pero ako patuloy parin sa pag isa-isa sa mga ka-klase kong nag ce-celphone.

Siguro kahalati samin 'yong nag ce-celphone at 'yong iba nag chi-chikahan lang.

"Pero guys, what if siya talaga itong admin? Possible naman 'yon, diba?"

"Possible." sagot ni Rhian. "Pero mukhang baliw na baliw kana sa admin na 'yan. Ano ba talaga ang gusto mo? 'yong tulang sinusulat ng admin na 'yan o 'yong admin mismo?"

Napangiti ako sa sinabi ni Rhian, "Baliw ka talaga, Rhian."

"O, kita mo ngang nakangiti ka, oh." sabi niya habang nakaturo sa mukha ko.

Magsasalita pa sana ako nang biglang dumating 'yong teacher namin kaya umayos na kami ng upo at tinago 'yong mga cellphone namin.

No'ng breaktime naman, naunang nagpunta ng canteen si Rhian at Ashley. Pinauna ko na sila kasi 'di pa ako tapos magsulat at sinabi kong susunod na lang ako.

Nang matapos kong isulat 'yong kung ano 'yong nasa blackboard ay tumayo na ako sa upuan ko para pumuntang canteen at bumili ng pagkain. Pero bago pa man ako lumabas ng classroom ay bigla kong naisipang yayain si Bright kaya nilapitan ko siya para tawagin.

"Bright."

"Birght!"

Sabay naming sabi ni Colleen. Pero itong si Colleen tumakbo papunta kay Bright dala ang notebook niya para magpaturo ulit kay Bright.

"Pwede mo ba akong turuan sa problem number 2?" tanong niya kay Bright nang maka-upo siya sa upuang katabi ni Bright.

Hindi naman nagdalawang isip na tumango si Bright sa kanya bago ako nilingon.

"Ano 'yon, Deyn?" tanong niya sakin.

At dahil nawalan na ako ng gana na isama siya sa canteen, umiling na lang ako.

"Wala." malamig na sambit ko tsaka ako nilingon ni Colleen.

"Hey! Don't get jealous, ha. Nagpapaturo lang ako sa kanya." sabi sakin ni Colleen.

Napabuntong hininga naman ako tsaka siya sinagot, "Hindi ako nagseselos. Magpaturo ka hangga't gusto mo. Hindi naman ako gaya mo, e."

Kumunot 'yong noo niya, "What do you mean?"

"I mean, hindi ako kagaya mo na natatakot lapitan ng ibang babae 'yong boyfriend mo." sagot ko tsaka nilingon sila pareho ni Bright bago nagpaalam, "Maiwan ko na kayo, hinihintay na ako ng mga kaibigan ko sa canteen." tsaka ako tumalikod at naglakad palabas ng classroom.

Saktong paglabas ko nang makita ko si Callen na nakatambay sa corridor at mukhang tinutukso ako sa mga tingin niya.

"Tingin-tingin mo d'yan?" sabi ko na may panghahamon na boses.

"Aminin mo man o hindi, halata sa itsura mo na nagseselos ka sa kanila."

"What? No way! Jusko naman. Bakit naman ako magseselos, ha?" sabi ko na parang nandidiri pa.

"Asus. Indenial. Obvious kaya na gusto mo si Bright." tapos tinuro niya 'yong mukha ko, "Halata sa mukha mo."

Inirapan ko si Callen kasi non sense 'yong mga sinasabi niya.

"Ewan ko na lang sa'yo, Callen. Kung ano-ano pinagsasasabi mo. Makipagbati ka na lang kaya kay Rhian. Kasi siya okay na, ikaw na lang ang hindi."

"O? Bakit sa'kin napunta 'yong usapan?" tapos tinaasan niya ako ng kilay. Tipong parang tinutukso ako sa mga tingin na 'yon sabay sabing, "Naks! Iniiba mo 'yong usapan, e. Ayaw mo siyang pag-usapan kasi affected ka."

"Hindi ako affected!" paglilinaw ko.

"Wee?" inirapan ko lang ulit siya. "And speaking of Rhian, akala niya siya lang 'yong okay na? Okay na rin ako, 'no." mayabang niyang sabi.

At siyempre, hindi naman ako naniwala. "Wee? Di nga?"

"Malalaman mo. Not now, but soon!" tapos sumaludo sakin si Callen bago pumasok sa loob ng classroom samantalang ako naman sinundan lang siya ng tingin habang iniisip kung ano 'yong sinabi niya.

No'ng uwian, ang lakas-lakas ng buhos ng ulan. Nong time na 'yon wala akong payong kaya nag-aalala ako kung papano ako makakauwi lalo na't baka hindi na tumila ang ulan o kung titila man, baka gabi na.

Kinuha ko 'yong bag ko, si Rhian umalis kasi sinundo siya ni Shawn. Si Ashley naman nakipayong sa ka-klase kong babae. Tatlo sana kami ro'n kaso hindi na keri ng payong kaya pinauna ko na lang sila. 

Lumabas ako ng classroom habang hinihintay na tumila ang ulan kahit na mukhang malabo na.

'Yong mga ka-klase kong walang dalang payong tinanggap na lang nila ang ulan. Habang ako?

Hays.

Pinag-iisipan ko pa.

"Dito ka sakin." agad akong napalingon kay Bright na nasa tabi ko lang pala. Napatingin ako sa hawak niyang payong at muling napatingin sa mukha niyang may naka-paskil na ngiti sa labi habang nakatitig sakin.

"Uy, buti ka pa may dalang payong!" sabi ko nang makita 'yong payong niya.

Tumango siya, "Nabalitaan ko kasi kagabi na uulan ngayong araw kaya nagdala ako." sagot niya. "Actually, dalawa sana dadalhin ko kasi para sayo ang isa kaso maisip ko na isa na lang."

"Bakit naman?"

"Para mas romantic." sagot niya sabay kindat.

Napangiti naman ako ng dis oras.

Tumunog 'yong cellphone kong hawak ko kaya naman chineck ko kung sino 'yong nag chat.

Callen De Vera

  active now•

Pustahan tayo.

May gusto ka kay

Bright!

Limang daan

ipu-pusta ko!

Sira talaga itong si Callen! Anong kalokohan naman 'tong pinag cha-chat niya sakin?!

Inangat ko 'yong ulo ko at hinanap siya sa paligid. Do'n ko lang siya nakita na nakasilong sa labas ng isang classroom  na nasa harap ng classroom namin pero medyo malayo. Kapag pinuntahan ko siya para sapakin e mababasa ako ng ulan.

Ka-asar naman 'tong isang 'to. Pinagtatawanan pa ako rito habang nakatitig sa gawi ko.

At dahil napipikon ako sa kanya, pinatulan ko siya sa chat.

Danielle Legaspi

    active now•

Game!

Limang daan din sakin.

Hindi ako inlove sa kanya.

May limang daan ako sa'yo kapag napatunayan ko sa'yo na wala akong gusto sa kanya.

Callen De Vera

  active now•

Game ako d'yan!

May limang daan

din ako sayo kapag

panalo ako.

Hanggang one week

lang 'to ha.

Kapag one week na

at napatunayan kong

may gusto ka sa kanya

panalo ako.

Hindi ko na siya ni-reply-an at nilingon ko na lang siya at binigyan ng isang tango bilang pagsang-ayon sa gusto niya.

"Uy, sino ka-chat mo?" tanong sakin ni Bright nang mapansin niyang panay type ako.

"Ah, wala." sagot ko at nag-isip ng palusot, "Si Mama lang. Tinatanong niya kung nasan na ako."

"Ah," tapos binuksan na niya 'yong payong, "Tara na?" tanong niya at tumango naman ako.

Pumwesto ako sa tabi niya at hinanda ang sarili na umalis pero bago pa man kami magsimulang umalis ay bigla kong narinig ang boses ni Colleen na tinatawag si Bright. At narinig rin 'yon ni Bright na naging dahilan kung bakit siya napalingon sa gawi ni Colleen at napatingin sakin.

"Teka lang, may nakalimutan akong isuli kay Colleen." aniya at tumakbo papunta kay Colleen tsaka sinuli 'yong ballpen niya.

Ang akala ko isusuli lang niya 'yon sa kanya pero nainis ako nang makitang nag-uusap pa sila kaya nawalan ako ng ganang kasabay siyang umuwi kaya nag decide na lang akong tanggapin na lang 'yong ulan para makaalis na ako rito nang biglang siyang tumakbo palapit sakin.

Dahil do'n, nakuha ko ang attensyon niya.

"Deyn! Uuwi kana?" tanong niya sakin.

"Oo. Nagmamadali ako." walang ganang sagot ko.

"So-sorry, hindi ko alam."

Ayan na naman siya. Nag so-sorry na naman siya kahit na sa totoo lang wala naman talaga siyang kasalanan.

Inangat ko ang kamay ko sa ere na parang humihindi, "Hindi. Ayos lang. Ano kasi. . . si Mama kasi. . . pinapa-uwi na ako." pagsisinungaling ko.

Tapos inabot niya sakin 'yong payong niya, "Sayo na lang 'to."

"Ano ka ba, sayo 'yan, e."

Umiling siya, "Kunin mo na." pagpupumilit niya. "Baka magkasakit ka."

At dahil alam kong mapilit siyang tao, kinuha ko na lang 'yon kasi alam ko naman na kahit anong pagtanggi ko e hindi pa rin niya ako titigilan.

"Salamat." sabi ko matapos kong kunin sa kanya 'yong payong at tumango naman siya. Dahan-dahan akong tumalikod sa kanya habang binubuksan 'yong payong at nagsimulang maglakad pa-alis.

Habang naglalakad ako, napansin kong parang ang bigat sa pakiramdam at parang may kulang?

Hindi ko lang alam kung ano, pero tingin ko. . . 'yon ay dahil hindi ko siya kasabay umuwi.

                               ***

No'ng sumunod na araw, hindi pumasok si Bright. Hindi ko alam kung anong nangyare sa kanya kasi hindi naman kami nagkaka-usap sa chat. Actually, ako 'yong tinatanong ng lahat kung bakit siya absent. Kahit 'yong mga subject teacher namin ako ang tinatanong.

Ano ko ba siya? At malay ko ba kung napano siya? Hindi naman nagsasabi sakin 'yon, e.

Pero ang nakakainis, alam ni Colleen kung bakit absent siya. Siya kasi 'yong sumagot no'ng tinanong ng isang subject teacher namin kung napano si Bright at bakit absent siya ngayon. Ang sabi ni Colleen, may sakit si Bright ngayon kaya hindi siya pumasok.

Hindi kaya dahil sa ulan kahapon?

Dahil ba wala siyang payong?

Nabasa ba siya ng ulan?

Wait—ang tanong dito ay kung bakit alam ni Colleen na nagkasakit siya samantalang ako walang alam. Papano 'yon? Ano? Iba na ina-update niya ngayon at hindi na ako?—at teka lang, ang kapal ko rin, ano? Sino ba ako para i-update niya? E, hindi nga niya ako girlfriend. Bakit ba ako nagkakaganito?

"Seryoso? Hindi mo talaga alam na may sakit siya ngayon?" bulong sakin ni Callen at nilingon ko naman siya nang may mataray na tingin.

"Hindi nga. Bakit ba ang tigas ng ulo mo?!" galit kong sabi.

"O, bakit nagagalit ka?" bulong niya ulit. "Galit ka ba kasi hindi mo alam na may sakit siya samantalang si Colleen—" napatigil siya sa pagsasalita nang bigyan ko siya ng masamang tingin kaya naman ngumiti sakin si Callen at nag-peace sign na lang.

At ayon, natapos ang klase na walang may magandang nangyare sa araw ko. Ang boring. Parang dati lang, ganito rin ka boring ang buhay ko. Papasok lang ako para hintayin ang uwian. At siyempre, puro pag-aaral lang inaatupag ko no'n kasi wala pa akong lovelife hanggang sa nagkaroon pero ngayon wala na. Pero kahit wala akong lovelife ngayon, pakiramdam ko naman e parang okay ako. I mean, okay ako kasi nand'yan si Bright na partner in crime ko. Simula no'ng naging kaibigan ko siya hindi na naging boring ang buhay ko. Sa totoo lang, ngayon ko lang na realize na boring pala ang buhay ko kapag wala akong kaibigan na kagaya niya.

Kung hindi siya umabsent, hindi ko ma re-realize 'to.

No'ng sumunod na araw, Birthday ni Gab. Invited 'yong iba samin at siyempre kasama na ako ro'n. Sina Ashley gano'n din pero hindi ako sure kung pupunta sila mamaya pagkatapos ng klase. Actually, hindi ko rin alam kung pupunta ako. Siguro susunod na lang ako sa kung ano magiging desisyon ng mga kaibigan ko.

Si Bright, absent pa rin. Icha-chat ko sana siya sa messenger kagabi kaso hindi naman siya online. Actually naka-turn off chat nga siya, e. Kaya ayon, 'di ko na siya chinat. Ang ending na lang no'n e ini-stalk ko siya.

No'ng uwian, tinanong kami ni Ashley kung pupunta kami ni Rhian sa Birthday ni Gab, pero 'yong desisyon ni Rhian e nakasalalay sakin.

"Kung pupunta si Deyn, pupunta rin ako." sagot ni Rhian.

"Hala. Bakit, wala ka bang sariling desisyon, Rhian?" saad ni Ashley.

"Hindi. Na a-ano lang ako. Kasi alam mo na, ex 'yon ni Deyn. Baka hindi pupunta kaya hindi na rin ako pupunta." sagot niya.

"Uy, ano ka ba, Rhian. Okay lang ako. Actually, kung pupunta kayo, pupunta rin ako. Wala na akong feelings sa ex kong 'yon."

"Seryoso ka?" sabay nilang tanong sakin at agad naman akong tumango.

At dahil do'n, nag decide kaming tatlo na pumunta. Pero itong si Rhian kailangan pa niyang gumawa ng excuse sa boyfriend niya kasi hindi siya papayagan na pumunta sa mga inuman. Inuman lang naman 'yon at kaunting salo-salo sa bahay nina Gab. At dahil hindi siya papayagan ni Shawn, hindi na nagawa ni Rhian ang magpa-alam kay Shawn. Actually, ang paalam niya kanina kay Shawn no'ng uwian e mauuna siyang umuwi kasi may lakad sila ng parents niya pero 'yong totoo, e nagtago lang siya sa CR namin as a proof na naka-uwi na siya.

Kami naman ni Ashley na walang lovelife, siyempre walang problema.

Pero badtrip lang kasi biglang tumawag sakin si Bright. Sinagot ko 'yon kasi akala ko kung ano pero hindi pala.

"Hello?"

"Pupunta ka sa birthday niya?"

Nilingon ko si Rhian at Ashley matapos itanong sakin ni Bright 'yon.

Halata pa sa boses niya na may sakit talaga siya.

Nakunsensya tuloy ako. Sana gumaling na ang isang 'to.

"Uy, ano sabi?" mahinang sambit ni Ashley na talagang sinigurado na hindi maririnig ni Bright sa kabilang linya.

Inilayo ko 'yong phone ko bago ko sila sinagot, "Tinatanong niya kung pupunta ako sa Birthday ni Gab." sagot ko.

Agad namang sumenyas si Rhian na wag kong sasabihin kay Bright na pupunta ako.

"Wag mong sasabihin." bulong niya. "Baka 'di ka payagan."

Napatingin ako sa phone ko kung saan nakadial pa si Bright.

Kahit pa na sabihin ko na pupunta ako, alam ko namang wala siyang paki. Alam kong hindi niya ako pipigilan. Pero mas okay siguro kung wag ko na lang talagang sabihin sa kanya. Kasi parehas lang naman 'yon. Wala siyang paki.

"Hindi." sagot ko sa kabilang linya at narinig ko namang napabuntong hininga siya.

"Good."

"Anong good?"

"Wag kang pumunta. Umuwi ka ng maaga, okay?"

"Ininom mo na ba 'yong gamot mo?" nag-aalalang tanong ko.

"Uy, pano mo nalaman?"

"Sinabi ni Colleen."

Narinig kong napamura siya ng very-very light sa kabilang linya sabay sabing, "Sinabing wag sabihin sayo, e. Ayokong mag-alala ka."

"Ang daya mo! Bakit siya alam niya samantalang ako—" napatigil ako nang ma-realize ko na parang hindi tama na sinabi ko 'to. Baka kasi isipin niya na nagseselos ako, gano'n.

"Na samantalang ikaw hindi?" pagdugtong niya sa sinabi ko.

"H-hindi." pagbabawi ko sa sinabi ko. "Hindi gano'n 'yon."

"Ayoko lang talaga na mag-alala ka. Sorry."

"Wala akong sinabing nag-aalala ako, okay?" paglilinaw ko. "Ang sakin lang, inumin mo 'yong gamot mo para makapasok kana. Hanap ka na nila dito."

"Hanap mo'ko?"

"Hindi. Sila."

"E, ikaw?"

Natigilan ako.

Siyempre, oo.

"Ewan ko sa'yo. Kulit mo." narinig kong tumawa siya sa kabilang linya. "Uy, basta, pagaling ka para makapasok kana. Kapag absent ka pa bukas, baka malamangan kita sa susunod na quarter, sige ka."

"Blockmail ba 'yan?"

"Anong blockmail? Baliw! Totoo 'yan. Inis ako kasi ang talino mo."

"Dibale na, top 1 ka naman sa puso ko. Basta, mag-promise ka na 'di ka pupunta sa birthday ng ex mo, ha?"

"Hoy. Wala akong sinabing pupunta ako." nang makita kong panay tukso sakin sina Rhian at Ashley ay nag decide na akong tapusin 'yong usapan namin ni Bright. "O, siya, sige na. Bye na." sabi ko at binaba 'yong linya.

Pagkatapos no'n, nag decide na kaming pumunta sa bahay nina Gab. Actually, hindi pa ako nakakapunta rito. Siyempre, 'di naman kami legal no'n noon. Nakaka-date ko lang talaga siya kapag nasa school kami. Tapos kapag weekend hindi na.

Ang laki ng bahay nila, pero walang second floor. Sa labas naman, ang laki ng garden nila at ang ga-ganda ng mga bulaklak.

Wala 'yong parents ni Gab kasi nasa work daw kaya kami-kami lang 'yong mga nandito. Halos mga ka-batch nga namin ang mga nandidito ngayon. Nandito rin si Julian na ka-klase nilang bakla tsaka 'yong ibang mga ka-klase ko last year na ka-klase ni Gab ngayon.

Umupo kami sa isang table na walang ni isang may naka-upo. Nilapitan kami ni Gab at tinanong kung okay lang daw ba kami sa gano'ng puwesto. Naki-table rin samin si Callen at Richard na na-hikayat rin na pumunta kasi may inuman. Basta inuman mabilis sila.

At dahil mahiyain kaming tatlo na kung ang iba ay may hawak ng inumin tapos kami wala pa. Wala naman kasing ni isa samin ang tatayo para kumuha kaya patingin-tingin lang muna kami sa paligid.

Maya maya pa ay may nag offer samin ng wine, at si Colleen 'yon. Ang akala ko e magsisimula na naman siyang magparinig or something pero ang tahimik lang niya ngayong araw at para bang okay lang sa kanya na nandito rin ako. Pagkatapos niyang mag offer ng wine, siyempre hindi naman kami tumanggi. Natuto na rin naman kaming uminom at this age nang dahil sa mga pinagdaanan namin sa buhay. Bumalik si Colleen sa table nila ni Gab at kalmado lang ang lahat sa paligid hanggang sa magkaroon ng tuksuhan sa bandang table nila. Tinutukso ng mga kaibigan niya si Colleen at Gab hanggang sa tanungin siya ng mga kaibigan niya kung gaano niya kamahal si Colleen. Ang sagot pa ni Gab no'n e 100/10. Meron bang gano'n? Ang corny! Yuck! Nakakasuka.

Tapos biglang nasingit sa usapan 'yong tungkol sa past ni Gab, which is samin. Tinanong siya ng mga friends niya kung naka-move on na ba siya sakin at Oo naman ang sagot ni Gab.

Pero hindi basta-basta naniwala ang mga friends niya at talagang chinallenge siya.

"Challenge 'to, bro." sabi ng isa sa mga kaibigan niya at inakbayan siya. "Kung talagang wala ka nang feelings sa ex mo. Hawakan mo ang kamay niya."

Nagkatinginan kaming tatlo nina Rhian at Ashley nang marinig namin 'yong challenge sa kanya ng mga kaibigan niya. Siyempre nailipat agad 'yong mga tingin ng mga kaibigan niya at ng mga nandidito sakin habang inaabangan kung hahawakan nga ba ni Gab ang kamay ko. Habang ako naman e pilit na inaalam kung ano ang nagiging reaksyon ni Colleen ngayon. Gusto kong pigilan niya si Gab kasi sa totoo lang, nakakahiya. Ayoko pa naman na napupunta sakin ang attensyon ng iba habang ginagawa akong katawa-tawa.

Pero naisip ko lang, chance na rin siguro 'to para malaman ko kung may feelings pa ba ako sa kanya once na hinawakan niya ang kamay ko.

Kapag kumabog nang malakas 'yong puso ko o 'di kaya may maramdaman akong spark o 'di kaya makaramdam ako ng kaba, edi mahal ko pa siya. Pero kapag wala akong may kakaibang mararamdaman, ibig sabihin hindi ko na siya mahal.

Kaya game ako d'yan. Para rin sa sarili ko 'to.

Muli akong napatingin sa table nina Gab at nakita kong walang alinlangang siyang tumayo mula sa kinauupuan niya para patunayan sa mga kaibigan niya na wala na talaga siyang feelings sakin. At dahil handa na rin ako, umayos ako ng upo at naglabas ng isang malalim na buntong hininga. That time, tinanong pa ako ni Ashley at Rhian kung okay lang ako, siyempre tumango naman ako para sabihing ayos lang talaga ako.

Nang tumabi sakin ng upuan si Gab, nagsitinginan ang lahat sa gawi namin habang inaabangan 'yong pag-hawak ng kamay sakin ni Gab. Pero bago niya ginawa 'yon, tinanong niya muna ako.

"Uy, okay lang ba?" hindi ako nagsalita at tumango lang ako.

Tapos hinawakan niya 'yong kanang kamay kong nakapatong sa ibabaw ng mesa.

That time, pumikit ako habang inaalam kung ano 'yong mararamdaman ko.

Pero hindi ko alam kung ano nga ba ang mararamdaman. Kasi ang gulo, e. No'ng hinawakan niya ang kamay ko, parang na-miss ko 'yon. Na-miss ko 'yong holding hands namin dati. 'Yon lang naman. Hindi naman bumilis ang kabog ng dibdib ko. Hindi naman ako na excite. Parang wala lang.

Dahan-dahan kong minulat ang mga mata ko. At saktong pagmulat ko nang may maaninagan akong pamilyar na lalake na nakatayo sa gate nina Gab na nakatingin dito sa gawi namin ni Gab.

Do'n ko lang napagtanto na si Bright pala 'yon.

At bago ko pa man alisin ang kamay kong hawak ni Gab, tumalikod at umalis na siya.

Agad akong tumayo para habulin siya at paglabas ko ng gate, medyo malayo na siya kaya kinailangan ko pang tumakbo para habulin siya hanggang sa mapantayan ko ang lakad niya.

"Bright!" tawag ko sa kanya pero 'di man lang niya ako pinansin at deretcho lang siya sa paglalakad. "Uy, sandali." Sabi ko pa at hinawakan siya sa braso niya dahilan para mapatigil siya at linungnin niya ako. "Mag e-explain ako." kabado kong sabi.

"Hindi na." malamig na sambit niya at muling nagsimulang maglakad.

"Teka lang," pigil ko at muli niya akong nilingon. "'Yong nakita mo—"

"Hindi mo kailangan mag explain. Wala namang tayo. Hindi naman kita girlfriend. Isa pa, kahit nagsinungaling ka sakin, wala naman akong karapatang magalit. Kaya okay lang." muli siyang tumalikod at muling nagsimulang maglakad habang ako naman naiwang nakatulala sa kung saan.

At dahil sa pangyayareng 'to, parang naiintindihan ko na ang sarili ko.

Hindi ko akalain na hahabulin ko siya nang ganito. Hindi ko akalain na iiwan ko ang ex ko na akala ko mahal ko pa para lang sa taong. . . hindi ko alam na importante pala sakin.

No'ng time na 'yon, lumabas ng gate si Callen at saktong nawala na si Bright sa paningin ko kaya 'di niya naabutan.

"Anong ginagawa mo rito? Tara, pasok tayo sa loob." yaya sakin ni Callen pero nakatulala lang ako. "Uy." tawag pa niya at nilingon ko naman siya.

"Callen, tingin ko, panalo ka."

Kumunot 'yong noo ni Callen na tila hindi na gets 'yong sinabi ko, "Ha? Panalo saan?"

"Tingin ko kasi. . . May gusto talaga ako kay Bright."