Chapter 5: KABANATA IV: LAST SEEN ALIVE
“I AM SORRY…”
Sa pagtapik ni Landon kay Angelika ay bahagyang napaigtad ang babae. Tila ba bumalik ang kamalayan nito sa kasalukuyan dahil sa ginawa niya. Halos dalawang araw na rin silang hindi nakakapag-usap nang maayos tungkol sa sitwasyon nilang dalawa. Kikibuin lang siya nito kung ang pag-uusapan nila ay tungkol sa trabaho. Napansin niya rin ang paglayo nito sa kanya at alam niyang kasalanan niya iyon.
Hindi niya lang talaga matanggap ang mga paratang nito kay Donald. Napakabait at napakarespetadong tao nito para gawin iyon ng lalaki sa buong Kris and Light Organization kung totoo man iyon.
Nababahala pa siya dahil sa naging usapan nila ng lalaking kikitain nila ngayong araw dahil gusto nitong si Angelika ang kukuha ng USB drive at walang iba. Hindi niya alam kung paano nito nalaman ang pangalan niya pero hindi siy umalma dahil plano na rin nilang hulihin ang lalaki matapos nitong maibigay ang kailangan nila sa kasintahan. Sa ganoong paraan, maisasalaysay nito ang lahat ng nalalaman tungkol sa sindikatong kinabibilangan.
Matapos bilhin ni Angelika ang isang dress, sabay silang lumabas ng clothing store at tumingin sa paligid.
“Nasaan kayo, Peter? Anton?” tanong niya gamit ang isang ear pod.
“Nakaposisyon na kami rito sa ibaba.”
Tumanaw silang dalawa malapit sa may escalator at nakita ang dalawa sa first floor ng mall. Nasa magkabilang dulo ang mga ito na nakikisabay sa paglalakad ng maraming tao.
“Bababa na ako…” paalam nito sa kanya.
“Sigurado ka bang kaya mo?”
Hindi siya nito nilingon man lang habang pababa sa escalator. Para tuloy gusto niyang habulin ang babae upang humingi man lang ng tawad pero ma-pride siyang tao. Hindi niya kayang humingi ng tawad lalo na’t alam niya naman na nasa tama siya.
Ipinapangako niya sa sarili na kapag nahuli nila ang lalaking ito, si Donald na ang paghahawakin niya sa paghuli ng buong grupo at mag-re-resign na talaga siya upang asikasuhin na ang kasal nilang dalawa. Hindi niya kayang matulog pa ng isang gabi nang hindi sila nag-uusap dalawa. Hindi niya rin kayang mawala sa kanya si Angelika.
“Landon…”
Nilingon niya si Jake na nasa kanyang likuran. Tila ba nakakita ito ng mutlo dahil sa pamumutla ng mukha nito.
“Ayos ka lang?”
“A-ayos lang ako…si Angelika?”
“Nasa baba na siya. Bakit parang namumutla ka?” tanong pa niya ulit.
Umiling lang ang lalaki at tinabihan siya. “B-baka kulang lang ako sa tulog.”
KANINA pa hindi makapag-relax si Angelika. Hinihintay niya lang na mag-text si Ruby sa kanya upang makapunta na siya sa banyo at makapagpalit ng damit saka silang dalawa mag-uusap. Napaka-critical para sa kanya ng araw na ito dahil pakiramdam niya ay may hindi magandang mangyayari.
Sa dami ng tao sa paligid, kahit sino roon ay pwedeng maging si Ruby o ang lalaking kikitain nila. Sa pag-ikot niya ng paningin, naramdaman niya ang pag-vibrate ng kanyang cellphone—si Ruby iyon.
Nandito na ako sa labas ng women’s comfort room. Bilisan mo dahil may kailangan kang malaman.
Agad niyang pinindot ang earpod at nagsalita, “Kailangan ko nang magpalit. Pwede bang my magpunta muna rito banda sa may fountain?”
“Sige. Bilisan mo lang dahil baka mamaya nandito na sila,” tugon ni Landon.
Nagmamadali siyang naglakad patungo sa banyo nang makita niya ang isang babaeng nakasuot ng kulay pulang hoodie jacket at jeans. Nakasandal ito sa gilid ng CR at tila may hinihintay.
“R-Ruby?”
Tumindig ito sa pagkakatayo at hinarap siya. Agad niyang in-off ang speaker ng ear pod upang walang kahit na sino ang makarinig sa magiging usapan nilang dalawa.
“H-halika sa loob. Bilisan mo.” Hinawakan nito ang palapulsuhan niya at sabay silang nagtungo sa loob. Ni-lock nito ang pinto at tinanggal ang hoodie na nakalagay sa ulo.
“M-may problema ba?” tanong ni Angelika.
“N-napakalaki! Kailangn n’yong umalis sa lugar na ‘to. Huwag n’yo nang hintayin ang lalaking magbibigay sa inyo ng USB Drive dahil wala silang ibibigay sa inyo,” nanginginig na salaysay ng babae.
“A-ano’ng ibig mong sabihin na wala?”
Nagmamadali nitong kinuha sa bulsa ang isang microchip. Napakaliit noon para makita pa ng kahit na sino kaya agad niyang nilagay iyon sa isang locket na ibinigay sa kanya noon ni Landon.
“Itago mo ‘yan, please. Hindi man ‘yan ang tatapos sa misyon n’yong ito pero alam kong mabubuksan niyan ang lahat ng usapin na gusto ninyong malaman. ‘Yan ang mga impormasyong nakalakap ko mula sa ilang taon kong pananatili sa Golden Beetle. Siguraduhin mo na tamang tao ang mapagbibigyan mo niyan—huwag si Donald dahil siya ang dahilan ng mangyayari ngayong araw. Siya rin ang may dahilan kung bakit ikaw ang gustong makausap ng lalaki,” pahayag nito.
“B-bakit?”
“Dahil alam niyang alam mo na ang tungkol sa kanila ni Caroline. si Caroline mismo ang nag-utos kay Donald na sabihin sa lalaking kausap ninyo kagabi na ikaw ang kumuha ng USB drive na kailangan ng team ninyo. Hindi ko alam kung paano niya nalaman ang tungkol doon—“
“Pwedeng nagkausap sila ni Landon tungkol doon.” Huminga siya nang malalim.
“Umalis na kayo rito, Angelika. Hindi na kayo ligtas dito.”
“Kailangan kong sabihan sina Landon—“
“Suicide bomber ang lalaking kausap ninyo. At sa paglapit mo sa kanya mamaya, hindi lang kayong dalawa ang mamamatay kung itutuloy n’yo pa ang pakikipagkita ninyo. Hindi lang kayo kundi baka ang karamihan sa mga taong nandito ngayon ay madamay pa. Hindi n’yo kilala ang grupong binangga ninyo. Kaya nilang magsakripisyo ng kahit na ilang miyembro nila para lang hindi n’yo sila mahuli.”
Hindi nakahuma si Angelika. Kung akala nila ay alam na nila ang lahat ng tungkol sa grupong iyon, hindi pa pala. Natakot siya bigla hindi para sa sarili niya kundi para sa batang nasa kanyang sinapupunan.
“T-teka. Hintayin mo ako sa labas ng mall. Okay?”
Umiling si Ruby. “Hindi na, Angelika. Huwag mo na akong isipin. Huwag mo na akong alalahanin. Mas alalahanin mo ang magiging anak mo at ang kaligtasan n’yong dalawa ni Landon. Sa pagpunta ko ngayon, sa pagkikita nating ‘to, nakatulong ka na. Hindi ko na kailangang magtago sa kanila dahil malaya na ako. Hindi na ako babalik. Hinding-hindi na. Sapat nang tinugon mo ako para magkita tayong dalawa.”
Nagulat pa siya nang bigla siyang yakapin ng babae bago ito umalis. Naiwan siyang mag-isa roon na para bang hindi niya alam kung ano ang susunod niyang gagawin. Kapag iniapak niya ang paa sa labas ng lugar na iyon, hindi pwedeng hindi lang siya ang aalis. Hindi lang siya ang tatakas at hindi lang siya ang kailangang makaligtas.
Napaigtad siya nang bumukas ang pinto at bumungad sa kanya ang isang babae. Tila nagulat din ito dahil napaatras ito nang makita siya.
“O-okay ka lang, miss?” tanong pa nito sa kanya saka lumapit.
Tumango siya at ngumiti. “Ayos lang ako. Pasensya na.”
“Ah, pwede ba akong magtanong? Ano kasi…galing kasi ako ng probinsya. First time ko lang magpunta ng mall.” Sinundan niya ito nang tingin habang naghuhugas ng kamay. “Paano ba gamitin ‘yong pampatuyo ng kamay? Ano nga bang tawag diyan? Sa TV ko lang kasi ‘yan nakikita.”
“’Yong hand dryer ba?”
“’Yon! Hand dryer pala tawag diyan.”
“Itututok mo lang ‘yong kamay mo sa ilalim ng machine.”
Iminuwestra ng babae ang kanyang kamay. “Ganito ba—“
Pareho pa silang nagulat nang biglang tumunog ang makina nito. Hindi niya alam kung bakit para bang hinaplos ang puso niya sa pagiging inosente ng babae. Para bang siya noon na nangangapa pa sa mundo.
“May kapatid ka ba?” out of nowhere niyang tanong.
“Ay, opo. Nasa college na ngayon. Nasa probinsya rin po. Maraming salamat po, ha?”
Ibinuka na nito ang pinto nang bigla niya iyong isinara ulit.
“B-bakit?”
“T-teka…may ibibigay ako sa ‘yo.”
Agad niyang kinuha ang locket na nakalagay sa loob ng bag at kinuha ang kamay ng babae upang ilagay iyon.
“Umalis ka rito. Dalhin mo ‘to sa isang malapit na police station o ‘di kaya, itago mo na muna. May kukuha niyan sa ‘yo.”
Hindi ipaliwanag ang mukha ng babae habang nagsasalita siya. Para bang hindi nito naiintindihan kung bakit niya iyon binigay.
“Hindi ko kukunin ito, miss. Hindi naman tayo magkakilala. Baka mamaya, kung ano ang laman niyan.”
Importante ang laman nito! Hindi kung ano lang.
“Mahalaga ang laman nito. Ipapatago ko lang ito sa ‘yo. Sasabihin ko sa kasamahan ko na kunin ‘to sa ‘yo pagkatapos. Ano ngang pangalan mo?”
“C-Carmen. Pero bakit hindi ikaw ang magbigay sa kanya? Bakit kailangang ako pa? May LQ ba kayo? Jowa mo ba?” mausisang tanong pa nito.
“Carmen, itago mo ‘to para sa akin. Kung hindi man ako ang kukuha niyan sa ‘yo, isang lalaki ang lalapit sa ‘yo para kunin ang bagay na ‘yan. Okay? Huwag kang mag-alala. Hindi ako magnanakaw. Hindi ako masamang tao.”
Narinig niyang nag-vibrate ang cellphone niya. Mukhang si Landon ang tumatawag kaya naman inayos niya na ang sarili.
“Umalis ka na.”
“B-bakit mo ba ako pinapaalis?”
“Dahil malapit nang sumabog ang mall na ‘to. Para makauwi ka pa sa probinsya, kailangan mo nang umalis. Bilis!”
Tinulak niya palabas ang babae saka siya sumunod. In-on niya ulit ang earpod at narinig ang boses ni Landon.
“Bakit ang tagal mo?”
“Sorry. Sumama kasi ang tiyan ko. Hindi na nga ako nakapagbihis,” tugon niya habang natingin sa paligid.
Nakita niya pang nagmamdali ang babae na naglakad palayo sa kanya.
“Landon, I need to tell you something.”
“Can’t it wait? Nasa misyon na tayo.”
“This is about our mission!”
“Angel, please…”
Natanaw niya ang isang lalaki na nakaupo sa may fountain. Agad siyang nilukuban ng kaba.
Siya kaya ‘to?
Napahinto siya sa paglalakad nang maramdaman niya ang dalawang bagay na para bang ibinato sa likod niya.
“Bakit ka tumigil sa paglalakad?” tanong ni Landon.
Nakaramdaman siya ng pagkaparalisa. Dagdag pa ang unti-unting pagsakit ng balikat niya at tagiliran. Hindi siya makahinga nang maayos. Napaluhod siya. Nagawa niya pang hawakan ang likod ng balikat upang tingnan kung ano ba ang bagay na iyon ngunit nagimbal siya nang maramdaman ang pagtama ng bala sa parteng iyon.
“D-dugo…”
Hindi niya na marinig kung ano ang pinagsasasabi ng mga lalaki sa kabilang linya dahil nakita niyang nakangisi sa kanya ang lalaking kikitain nila. Tinanggal nito ang jacket.
“H-hindi! Hindi! Landon, umalis na kayo!” sigaw niya sabay ang pagpindot nito sa isang buton.
Sa pagpikit niya, isang malakas na pagsabog ang nangyari sa loob ng South Regina Circle Mall.
Patawad, anak. Pasensya ka na kung hindi kita naprotektahan. Patawad, Landon. Patawad sa lahat…
Kung sino man ang nakaligtas sa kanila, Diyos lang ang nakakaalam.