Chapter 29

“Evie, alam na niya!” Napahagulhol si Dani. Niyakap naman siya ng kaibigan at hinagod ang kanyang likod. Wala itong masabi. Nasa ganoong ayos sila nang maratnan ng kanyang ama.

“O, ano’ng nangyayari diyan, Evie?” alalang tanong ng ama.

Hindi naman siya makapagsalita kaya si Evie na ang nagkuwento sa ama niya. Nakita niyang tila pinagsakluban ito ng langit at lupa. Pabagsak itong naupo sa sofa. Marahan itong napaangat ng mukha sa kanya.

“B-bakit mo ginawa ‘yon, Dani?”

“’Tay…” Umiling siya. “Hindi ko po sinasadya. Nang ialok sa ‘kin ni Peter ang trabahong ‘yon at nalaman ko kung sino ang may-ari ng kompanya, sinabi ko sa sarili kong gusto ko lang siyang makita… H-hindi ko naman alam na… mahuhulog kaagad ang loob ko sa kanya, eh. Mahal ko talaga siya, ‘Tay!” sinisinok niyang sabi at rumagasa ang mga luha sa kanyang pisngi.

Tumayo ang ama at niyakap siya nito nang mahigpit habang nakamasid sa kanila si Evie na malungkot din ang mukha saka napaluha. Tinapik-tapik ng ama ang kanyang likod.

“Naiintindihan ko pero kasalanan ko ang lahat, anak. Dapat ay hindi ikaw ang nagbayad, dapat ako,” mahinang sabi nito at hinalikan siya sa sentido.

Naramdaman niya ring umiiyak ang ama kahit tahimik lang iyon.

***

Napabuntong-hininga si Peter na nakatingin kay Callum. Nakaupo ang binata sa kanyang swivel chair sa pribadong opisina niya habang ang kaibigan ay may bitbit na tablet at nakatayo sa harap ng kanyang mesa. May awa at lungkot sa mga mata nito nang sulyapan niya. Nasa harap niya at nakapatong sa mesa ang regalong nabitiwan ni Daneris.

Ikinuwento na niya ang lahat na nangyari sa pagitan nila ni Daneris⸺ang tungkol sa pagiging anak nito ni Jonathan Santos.

“So… is it over?” mahinang tanong nito.

Hindi siya nakakibo. Isinandal niya ang ulo sa headrest ng swivel chair.

“Sa… sinabi mo sa ‘kin, naiintindihan ko ang panig ni Dani, Cal. Siguro naman kahit na sino ay gagawin niya rin ang ginawa niyang paglihim sa ‘yo tungkol sa ama niya. Pero kung iisipin mo na lang, hindi niya sinadyang mag-approach sa ‘yo o tanggapin ang trabahong ako ang may alok sa kanya. Wala siyang planong lokohin ka… o saktan niya. Cal, kahit hindi mo hihingin ang opinyon ko, masasabi kong tunay kang minahal ni Dani. In spite of what you had in the past with her father, she tried to be brave about it. At alam kong nakikinita na niya na mangyayari ang bagay na ‘to. So, she delayed the inevitable. She avoided telling you the truth… as much as she could… para lang makasama ka.”

Pinilit niyang lumunok ng laway dahil sa narinig. Minasahe niya ang kanyang sentido nang nakapikit ang mga mata. Palagi niyang nakikita sa kanyang balintataw ang nakangiting si Dani… ang dalagang hinubaran niya ng saplot at nakahiga nang nakatingin sa kanya nang may pagnanasa… ang babaeng nagsasabi sa kanyang mahal siya kahit na ano pa man ang hitsura niya… ang babaeng walang hiniling na kapalit ang pagmamahal sa kanya kundi ang mahalin din niya ito.

Napaluha siya nang tahimik dahil dito. Nanginig ang mga labi at baba niya. Suminghot siya at napatingin sa kanya nang may awa ang kaibigan.

“I know that this is really a hard time for you, Cal. I can’t even say that I know or understand what you’re going through. Hindi ko masasabi nang basta-basta sa ‘yo na dapat na kalimutan mo na ang nakaraan ninyo ng ama niya… That bad blood between you, kung iyan ang hahayaan mong mangingibabaw kaysa sa pagmamahalan n’yong dalawa ni Dani… I don’t think you’ll ever find happiness… or love in the future⸺near or far. Sa tingin ko kasi, wala nang nararapat pang babae para sa ‘yo kundi si Dani lang. Siya ang nagbigay ng kulay sa mundo mo, hindi ba? Siya lang ang tanging nagpapangiti sa ‘yo nang gano’n nang walang kapalit. Well… maybe just your forgiveness for her father o kaya naman purong pagmamahal lang para sa kanya at wala nang iba pa. She didn’t approach you or love you for your money, Cal. Hindi siya katulad ni Mandy o ng ibang mga babaeng nakilala mo. At alam kong alam mo ‘yon. Nakita mo na ‘yon. Nasaksihan mo na ‘yon. At… walang ibang makapagpasaya sa ‘yo kundi siya lang. Kaya sa gusto mo man o hindi, nasa sa ‘yo ang desisyon para sunggaban ang kaligayahan na ‘yon o hindi.”

Napamura siya at mabilis na pinahid ang mga luha. Nahihirapan talaga siya. Nang alalahanin niya ang kanilang paghaharap ng dalaga ay may mga nasabi siya ritong hindi maganda.

“I told her… a lot of hurtful things, Pete. Hindi ko man lang alam kung mapapatawad niya ako.”

Medyo lumiwanag ang mukha nito. “Ah, kaya ka ba nagmumukmok dito nang ganito nang maraming araw?” Napatitig ito sa kanya. “Hindi ka man lang nag-shave. Nagpapalit ka pa ba ng damit? Hindi ba iyan ang suot mo kahapon o noong isang araw pa iyan?”

He bitterly chuckled at that. Alam niyang hindi siya presentableng tingnan katulad ng dati. But who cares? Wala naman siyang girlfriend na. Kahit hindi nito sinabing break na sila ay sa pagtatapos ng talumpati nito noon ay parang ganoon na nga. It was over between the two of them.

He took a deep and shaky breath.

“Kung kailangan mo man ng wingman, nandito lang ako, Cal. Alam mo ‘yan.” Nilapitan siya nito upang tapikin sa balikat. “O, kailangan mong tingnan ang adult site na ‘to? Bago ‘to. May maraming Pinay rito.”

Binigyan niya ito ng matalim na tingin. “Get the F out of my office!” sabay turo niya sa pinto.

Ngumisi lang ito. Nawala naman iyon nang pumasok si Mandy pagkakatok nito ng pinto. Kumukulo na naman ang dugo niya nang makita ang ex.

“Ano’ng ginagawa mo rito?” he demanded. Tinawag niya si Justine sa malakas na boses. Halos magkandarapa ang sekretarya na pumasok sa opisina niya. “Hindi ba’t sinabi ko na sa ‘yong off limits ang babaeng ‘to sa penthouse ko, Justine?” inis niyang sinumbatan ang sekretarya. “Gusto mo pa ba ang trabaho mo o hindi na?”

“S-sorry po, Sir Callum. H-hindi ko po alam kasi nasa banyo po ako.”

Napabuntong-hininga siya nang malakas at pinaalis ang sekretarya. Napatingin na lang sila ni Peter kay Mandy.

“After some deep thought…” umpisa ng babae.