Chapter 28

Ngayon ay hindi nagbabago ang pagtingin ni Callum kay Mandy. She was just some trash in his life that he should not have picked up in the first place.

Hindi niya alam kung ilang minuto silang nasa ganoong ayos. Narinig niya ang pagkatok sa pinto at pumasok si Dani. Nabitiwan nito ang dalang paper bag sa sahig. Nakita niya ang pagkamangha at takot sa mga mata nitong napatingin kay Mandy.

“Leave us, Mandy,” utos niya sa ex.

“Pero…” protesta ng babae.

“Huwag mo ‘kong pilitin na kaladkarin ka palabas ng gusali ko!” aniya sa boses na mahina pero puno ng pagbabanta. Nagkiskis ang mga bagang niya.

Tumalikod ito sa kanya at umalis pero huminto muna ito sa harap ni Dani.

“Ito na ang katapusan ng kaligayahan mo, babaeng sinungaling!” sabi nito bago tuluyang umalis at isinara ang pinto nang pabalibag.

Nakita niyang napalunok ang nobya at tumingin ito sa kanya pagkatapos nitong makita ang mga nakakalat na pahina sa sahig. Kahit sa distansya nito ay nakita naman nito ang blown-up photos kasama ang ama.

Dahan-dahan niyang nilapitan si Dani na tila nakatulos sa kinatatayuan nito at hindi makapagsalita. Huminto siya sa harap nito at nag-angat ito ng paningin.

“S-sasabihin ko naman sana sa ‘yo ang totoo, Callum…” mahinang wika nito.

Napahugot siya ng hininga. “Kailan? Kailan mo planong sabihin sa ‘kin ang totoo?” His voice was dangerously low. Napansin niya ang marahang pag-agos ng mga luha nito sa pisngi at lalong sumikip ang dibdib niya sa nakita. Nasasaktan din siya kapag nakita itong lumuluha.

Hindi ito makakibo. Napatiim-bagang siya at pilit ding nilalabanan ang sariling emosyon. He was hurt and was betrayed by the woman he so dearly loved! Nothing hurt him more than this. No one hurt him more than she did. It was more than what Mandy did to him.

“Ngayon ko lang napagtantong hindi kasinungalingan ang sinabi sa ‘kin ni Mandy. Ilang beses na kitang tinanong kung kailan mo ako ipakikilala sa ama mo. Kung ibang babae pa ‘yon, they would really get thrilled by the idea!” Napatawa siya nang mapakla. “Pero ikaw? You delayed it as much as you could, giving me some… nonsense reason! Pero dahil mahal kita, binalewala ko ‘yon. Hindi kita pinilit. And it turns out, considering our predicament, malinaw na ayaw mo pala akong ipakilala sa ama mo, after all!”

“Callum, sasabihin ko naman talaga sa ‘yo, eh. N-natatakot lang ako sa… sa magiging reaksyon mo kapag nakilala mo na si Tatay.”

“How convenient for you to approach me then, hindi ba? Hindi talaga kita makikilala at maiugnay sa ama mong kriminal. Hindi kayo magkapareho ng apelyido, eh.”

“Hindi kriminal ang tatay ko!” sabay iling at protesta ng babae na patuloy na lumuluha. Matalim din itong nakatingin sa kanya.

Napatagis siya ng bagang. “Siya ang dahilan na nawalan ako ng mga magulang! My parents were healthy. They had a promising long life, Dani… until your father took them away from me!” galit niyang pahayag.

Hinawakan siya nito sa braso. “Hindi niya sinadya ang nangyari noon, Callum. Maniwala ka sa ‘kin!” pakiusap nito.

Itinabig niya ang mga kamay nito. “Lahat ng miyembro ng pamilya ng mga kriminal ay hindi naniniwalang kriminal ang mahal nila sa buhay. Palagi silang in denial. Hindi nila matanggap na nagagawa ng mahal nila sa buhay ang kumitil ng buhay ng ibang tao. And you, you’re just like them, Dani.”

Lumagapak nang bigla sa pisngi niya ang isang palad nito. He gritted his teeth as he looked at her sharply, with burning eyes.

“Sobra ka na, Callum! Sobra ka na kung makapanghusga sa ‘min. Nagkamali ba ako sa pagkilala sa ‘yo? Isa kang mapagbigay, mapag-alala, at mapagmahal na tao pero… bakit hindi ka man lang marunong magbigay sa akin ng pagkakataon para depensahan man lang ang ama ko kahit minsan lang? Hindi mo alam kung ano ang pinagdaanan namin! Hindi mo alam kung paano kami naghirap nang dahil sa aksidenteng ‘yon! Ano sa tingin mo ang dahilan kung bakit ibinalandra ko ang katawan ko sa harap ng mga tao sa internet? Hindi mo lang alam kung gaano ako kadesperada noon para lang iahon ang mga sarili namin dahil sa mga taong walang awa at hindi marunong umunawa!”

“Your father was lucky he had a very good defense lawyer!” singit niya.

“Oo! Aminado ako roon pero hindi mo alam kung bakit nangyari ang aksidenteng ‘yon. Ang akala mo ba ay sinadya niya ‘yon? Ang akala mo ba ay ikaw lang ang nagdalamhati noon? Ang akala mo ba ay ikaw lang ang nawalan sa mga panahong ‘yon?”

Hindi siya nakapagsalita. Napalunok ang babae at napahigit ng hangin nang nanginginig. Pumihit ito na nanatiling nakatungo. Pinahid nito ang mga luha sa pisngi gamit ang likod-kamay.

“Nag-aaral pa ako noon ng Nursing. Ang nanay ko naman ay nag-a-undergo ng chemotherapy nang dahil sa breast cancer. Kahit sinabi na ng doktor na hindi sigurado ang paggaling niya at baka hindi na niya makayanan ‘yon, pinilit pa rin ni Tatay na tustusan ang lahat-lahat para kay Nanay.”

“Oh, spare me your life drama, Dani!” inis na aniya.

Nag-aapoy ang mga mata nitong humarap sa kanyang muli.

“That could be my line, too!” she snapped. “Pero dapat mo pa ring malaman ang dahilan kung bakit nangyari ang aksidente kaya pakinggan mo ako kahit ngayon lang, Callum!”

Tinalikuran niya ang dalaga nang nakakuyom ang mga palad at nakatiim-bagang.

“Walang maayos na tulog si Tatay dahil salitan kami sa pagbabantay kay Nanay sa ospital,” pagpatuloy nito. “Nag-aaral ako at siya naman ay nagtatrabaho bilang delivery truck driver. At… nakaidlip nga siya sa gabing ‘yon nang mangyari ang disgrasya. Hindi niya sinadya ‘yon.”

Pilit na napalulon si Callum. Napapikit siya ng mga mata.

“Nagkaroon siya ng mga galos, pasa, at sugat sa katawan. Kahit paano ay nakaligtas siya. Oo, nagpasalamat kami na iyon lang ang nakamtan niya pero dala-dala niya sa kanyang konsensiya nang malaman niyang namatay ang dalawa sa tatlong pasahero ng kotseng nabangga niya. Humingi siya sa ‘yo ng tawad pero hindi mo ibinigay ‘yon. Sinampahan mo siya ng kaso. Binigyan siya ng magaling na abogado ng kanyang kompanya para hindi madamay ang kompanya niya sa trahedyang ‘yon. Iyon na nga ang nangyari. Kahit hindi pa tapos ang kaso sa korte, pinaalis na sa trabaho ang ama ko. Nang malaman ni Nanay ang tungkol sa nangyari kay Tatay at dahil mahina na siya… inatake siya… at… pumanaw. Wala ng trabaho si Tatay, may kaso siya, may dapat kaming bayaran sa abogado, may asikasuhin pang patay, at libing… Pinaalis din kami sa nirerentahan naming maliit na kuwarto dahil hindi kami nakapagbayad nang ilang buwan dahil sa pagkaospital ni Nanay… kaya… naisip at nagawa kong mag-drop out sa kolehiyo at maghanap ng trabaho para sa ikabubuhay namin. Naging saleslady ako sa isang boutique sa mall at habang nandoon ay naisip kong hindi kasya ang pera namin ni Tatay kaya naghanap ako ng trabaho sa internet. Nagdalawang-isip pa ako noon.” Humakbang ito para tumayo sa harap niya at tingnan siya sa mukha. “Inosente ako sa mga bagay na ‘yon pero nilunok ko ang pride ko, ibinaba ko ang pagkatao ko at inalis ang lahat ng anumang prinsipyo ko man sa buhay. Wala nang natira sa pagkatao ko, Callum. Kung walang ibang dadamay sa ama ko, sino pa? Kung wala nang susuporta sa kanya at kastiguhin siya… o sumbatan nang dahil sa nangyari… anong klaseng anak ako?”

Nagkatitigan silang dalawa nang ilang segundo. Suminghot ito at naglandas na naman ang mga luha sa pisngi nito. Uminit na rin ang sulok ng kanyang mga mata at napaluhang napatingin sa dalaga.

“Bago mo pa man ako husgahan, Callum, dapat malaman mong minahal kita nang totoo. Kahit hindi ka man maniniwala sa ‘kin ngayon, pero iyon ang isinisigaw ng puso ko.”

Lumunok itong muli habang napapaluha at nagsusumamo ang mga matang nakatitig sa kanya. Nang hindi siya umimik, nagmamadali na itong umalis nang walang lingon-likod.

Napahagulhol na siya nang isinara nito ang pinto na tila iyon ang pinakapinal. Napaupo siya nang pabagsak sa pinakamalapit na sofa at yumugyog ang mga balikat nang sapo ang kanyang mukha.