Chapter 5

Savina's Pov

Hindi ko alam kung matutuwa ba ako o hindi sa biglang pagdating ni Desmon. Isa siya sa kinamumuhian kong nilalang sa mundo ngunit mukhang siya pa ang magiging tagapagligtas ko ngayon laban sa isa pang nilalang na hindi ko gusto.

"Sinabi na nga ng babaeng ito na alipin ko siya pero gusto mo pa rin siyang patayin. Minamaliit mo ba ang kakayahan ko bilang alpha ng Golden Wolf clan?" kalmado ang boses na tanong ni Desmon sa kalabang miyembro ng ibang wolf clan. Bagama't kalmado ang kanyang boses habang nagsasalita ay halatado naman sa mukha ang panganib na dala nito.

"Hindi ko kailangan ang tulong mo," mariin ang boses na sabi ko kay Desmon. Hindi ko kasi matanggap na siya pa ang magiging tagapagligtas ko ngayon.

"Talaga? Kung hindi nga ako dumating ay mukhang papalahaw ka na ng iyak diyan sa kinatatayuan mo," nanunudyo ang boses na sagot niya sa akin. Pagkatapos ay hinawakan niya ako sa braso at hinila papunta sa kanyang likuran. "Hindi kita tinutulungan dahil nangangailangan ka ng tulong, Savina. Gustong kunin ng lalaking iyan ang aking pag-aari kaya kailangan kong makialam. Dahil ang pinakaayaw ko ay iyong pakikialamanan ng iba ang aking pag-aari maging anuman iyon," matiim ang titig na sabi pa niya sa akin.

Hindi ko mapigilan ang lalo pang makaramdam ng galit sa kanya. Pakiramdam ko ay isa akong gamit na kanyang pag-aari. At kung hindi pala niya ako inaangkin na kanyang pag-aari ay hindi niya ako ipagtatanggol laban sa kalahi niyang taong-lobo. Wala talaga siyang compassion sa ibang nilalang.

"Hindi ako isang bagay na puwede mong angkinin, Desmon. At kahit kailan ay hindi mo ako magiging pag-aari," matalim ang mga mata na sagot ko naman sa kanya.

"Saka na natin iyan pag-usapan kapag nakabalik na tayo sa loob ng aking mansion," mahina ang boses na sabi niya sa akin bago muling hinarap ang kalaban niyang taong-lobo.

"Hindi ako sasama pabalik sa mansion mo," matigas kong protesta. Ngunit hindi man lang niya pinansin ang aking sinabi dahil hinarap na niya ang taong-lobo na mula sa mahigpit na kalaban ng kanyang clan.

"Kahit isa ka pang alpha at kahit marami sa mga miyembro ng pack namin natatakot sa'yo pero ako hindi. Dahil kapag napatay kita ay malaking karangalan iyon sa akin," matapang na sigaw ng lalaki kay Desmon. Umatras ito ng isang hakbang at bahagyang yumuko habang nakatingin kay Desmon ang galit at walang takot nitong mga mata.

"Talaga? Tingnan natin kung hanggang saan ang tapang mo," nakaismid na sagot naman ni Desmon.

Nanlaki ang mga mata ko nang unti-unting nagpalit ng anyo ang lalaki. Mula sa pagiging anyo ng isang tao ay naging malaking lobo ito na kulay silver ang mga mata. Oo nga pala. Isa nga palang taong-lobo ang kaharap namin. Sa buong buhay ko ay hindi pa ako nakakita ng taong-lobo na tunay lalo na ang kanilang pagpapalit ng anyo. Mukha pala silang malaking aso na matapang ang hitsura. Nakakatakot. Wala sa loob na napahawak tuloy ako sa isang siko ni Desmon. Nilingon naman niya ako at bahagyang pinisil ang aking kamay na nakahawak sa kanyang braso na para bang nais niyang iparating sa akin na huwag akong mag-alala dahil walang masamang mangyayari sa akin hangga't narito siya sa tabi ko. Somehow ay gusto kong maniwala na hindi rin siya masamang lobo dahil ipagtatanggol niya ako. Ngunit sa pagkakataong ito lamang at hindi na ito mauulit pa.

Biglang umangil na parang aso ang malaking lobo at ipinakita ang matutulis nitong pangil. Tiyak na magkakapira-piraso ang katawan ko kapag nginatngat ako ng mga ngipin ng lobong ito. Ngayon ko nais magpasalamat na biglang dumating si Desmon. Dahil kung hindi siya dumating tapos mag-isa lamang akong nasa harapan ng lobong ito ay baka kanina pa ako hinimatay. Kailangan kong tanggapin na mahina ako. Na hindi pa ako nararapat na mapabilang sa witch canary.

"Humanda ka dahil ito na ang magiging katapusan mo, Alpha Desmon ng Golden Wolf clan," kausap ng lobo kay Desmon. Hindi ko akalain na kaya palang makapagsalita ng taong-lobo kahit nasa katauhan ito ng pagiging lobo.

Biglang lumundag ng mataas ang lobo papunta kay Desmon. Mabilis naman akong niyakap ng alpha at iniiwas sa pag-atake ng lobo. Hindi ko napigilan ang mapatitig sa mukha niya. Para siyang isang magiting na bayani na nakahandang iligtas ang mga taong nasa panganib ang buhay. Para bang hindi siya isang malupit na alpha ng Golden Wolf clan.

"Dito ka lang sa gilid," saglit niyang kausap sa akin na sinagot ko lamang ng pagtango. Pagkatapos ay hinarap na nito ang lobo na muling aatake na naman. 

Muling nilundag ng lobo si Desmon ngunit sa pagkakataong ito ay hindi na siya umilag pa. Sa halip ay sinalubong ng kanyang mga kamay na biglang tumulis ang mga kuko ang papalapit na lobo. Kasabay ng tuluyang paglapit ng lobo kay Desmon ay ang pagbaon naman ng matutulis na kuko niya sa dibdib nito. Nanlaki ang mga mata ko nang makita kong walang awang dinukot ni Desmon ang puso ng lobo. Halos maduwal ako nang makita ko ang tumitibok-tibok pang puso na nababalutan pa ng dugo habang nasa kamay niya. Nakabuka ang bibig at wala nang buhay na bumagsak ang lobo sa paanan niya.

Kung kanina ay biglang nagbago ang tingin ko kay Desmon at tila naging magiting na bayani siya sa aking paningin ngayon naman ay muling nagbalik ang pagiging wapagkatalang puso na tingin ko sa kanya. Maaari naman niyang patayin ang lobo nang hindi nagiging brutal. Ngunit mas pinili niyang patayin ang lobo sa ganoong paraan para patunayan na siya ang pinakamalakas na alpha at katakutan ng lahat ng wolf's clan.

Balewalang itinapon ni Desmon sa dmuhan ang puso na huminto na sa pagtibok at pagkatapos ay nilapitan ako. Nang akmang hahawakan na niya ako ay mabilis kong iniiwas ang aking kamay sa kanya.

"Huwag mo akong hawakan ng marumi mong mga kamay! Wala kang puso! At hindi ako sasama sa'yo pabalik sa mansion mo!" galit na sigaw ko sa kanya.

Biglang tumalim ang mga mata ni Desmon sa pagkakatingin sa akin. "Wala akong pakialam kung gusto mong sumama sa akin o hindi, Savina. Dahil sa ating dalawa ay ako ang masusunod. Kapag sinabi kong sasama ka sa akin pabalik sa aking mansion ay wala kang magagawa kundi ang sundin ang sinabi ko."

"Ano ba ang kailangan mo sa akin, Desmon? Hindi ka pa ba kuntento na pinatay ng ama mo ang pamilya ko kasama ang buong angkan namin? Ano pa ba ang hindi ninyo nagagawa sa amin?" sigaw ko sa kanya. Pinigilan ko ang mapaiyak sa kanyang harapan. Ayokong magpakita ng kahinaan sa kanya. Ayokong makita niya na mahina ako. Na hanggang salita lamang ang kaya kong gawin. Ngunit maghintay siya kapag malakas na ako at makapangyarihan dahil ako mismo ang papatay sa kanya.

"Hindi ko kailangan ang magpaliwanag sa isang alipin," seryoso ang mukha na sagot sa akin ni Desmon. Pagkatapos ay walang paalam na bigla na lamang niya akong binuhat at pinasan sa kanyang balikat na parang isang sakong bigas.

"Ibaba mo ako! Walang pusong nilalang! Balang araw ay mga kamay ko magwawakas ang buhay mo, Alpha Desmon!" galit na sigaw ko habang nagpapapalag sa kanyang balikat.

"Hihintayin ko ang araw na iyon, Savina. Kaya bilisan mo at magpalakas ka na ng kapangyarihan dahil baka maunahan pa kita. Dahil baka isang araw ay maisipan ko na lamang na patayin ka."

"Kung ako sa'yo ay ngayon mo na lamang ako patayin dahil pagdating ng araw na iyon ay sinisigurado ko sa'yo na pagsisisihan mo ang araw na hindi mo pa ako pinatay," nagtatagis ang mga ngipin na sabi ko sa kanya. Sa halip na sagutin ang sinabi ko ay pinalo lamang ako sa puwit ni Desmon. Inis na pinagpapalo ko siya sa kanyang likuran. Napakabastos din ng walang hiyang alpha na ito. Walang galang sa mga babae.