Chapter 13
"Kamusta ang lagay mo?"
"Nakikita mo namang hindi pa ako patay 'diba? At nakatatayo na rin ako kaya siguro naman alam mo na ang sagot sa tanong mong iyan."
Tinaponan ko nang tingin ang kanyang tiyan kung nasaan ang kanyang sugat at parang konti na lang ay maghihilom na iyon ng lubusan.
Ibinalik ko ang aking tingin sa kanyang mukha, "Hindi mo kailangang maging malupit sa akin. Magkapatid parin tayo, tandaan mo iyan," may halong pagbabanta kong sabi kay Red.
Tinaasan ko siya ng kilay ngunit sa halip na humingi ng tawad ay inirapan lang niya ako. Iniwas niya ang kanyang tingin.
"Kung wala ka nang ibang sasabihin, aalis na ako dahil may kailangan pa akong puntahan." Hindi na niya ako hinintay na makasagot. Pagkatapos maysalita ay nag-umpisa kaagad siyang humakbang.
Hinawakan ko ang kanyang braso kaya napatigil siya. Liningon niya ako at tiningnan ng masama.
"Ayusin mo iyang asal mo." Tiningnan ko siya ng deretcho sa kanyang mga mata pagkatapos ay may kalakasang yinapik ang kanyang balikat. Mas lalo siyang nairita sa aking sinabi ngunit bago pa man siya makasagot ay agad ko na siyang iniwan roon.
Habang nagtatagal, pakiramdam ko ay dahan-dahan ring lumalayo ang loob ni Red sa akin. May karapatan siyang magalit ngunit ang ituring akong kaaway ay sobra na. Hindi na iyon katanggap-tanggap.
Bumalik ako sa aking kubo upang maligo at magbihis. Maaga kasi akong lumabas kanina para magsanay at ngayon pa lamang ako makakabalik. Nararamdaman ko na ang lagkit ng aking katawan sanhi ng matinding pawis.
Pagkatapos maligo at magbihis ay nagluto na rin ako. Dalawang itlog at salad na gawa sa sariwang gulat.
Ito na ang huli kong pagkain at alam kong gano'n din ang iba. Lahat kami ay umaasa sa pagkaing darating mamaya.
Ano man ang kalagayan ng dagat. May paparating mang bagyo o wala, malakas man ang hampas ng alon kaylangang makarating ang barko rito sa isla sa itinakdang oras dahil kapag na-delay iyon tiyak na magugutoman kaming lahat rito.
Nakatingin ako sa labas ng bintana kung saan makikita ang malalaking puso ng kahoy habang kumakain. Tahimik ngayon ang paligid. Nitong mga nakaraang araw ay wala kaming nahuling espeya rito at wala ring namatay sa panig namin.
Kaduda-dudang tahimik ang kabilang lahi nitong mga nakaraang araw. Marami ang nabawas sa kanilang panig noong huling laban kaya marahil ay nagpapalamig muna sila.
Mabuti nga iyon para makapagpahinga rin kami.
Pagkatapos kumain ay lumabas akong muli sa aking kubo upang hanapin si Third.
Katulad ng aking inaasahan, kung hindi siya natutulog ay marahil nakikipag-inuman na naman iyon sa iba naming mga kasama. Hindi ko siya pinagsasabihan dahil hindi naman iyon problema sa halip ay mas lalo pa nga siyang lumalakas sa tuwing lasing siya kaya walang dapat ipag-alala.
"Third!"
"Hhmm?" Tumagilid siya paharap sa akin ngunit nakapikit parin ang mga mata.
"Bumangon ka nga riyan. Kapag tayo nilusob, sinasabi ko sa'yo mauuna ka talagang mamatay," pagbibiro ko. Kinusot niya ang kanyang mga mata pagkaraan ay umupo.
"Bibigyan ko sila ng pangaral kapag naparay nila ako ng gano'n kadali." Natatawa niyang wika.
Tumango na lang ako at ngumiti.
"Paano mo naman iyon gagawin kung patay ka na?"
Sandali siyang nag-isip.
"Oo nga 'no?" At sabay kaming napatawa.
"Nasira na yata iyang ulo mo sa kaiinom." Hinila ko ang isang upuan at doon umupo. Si Third naman ay nananatiling nakaupo sa kanyang kama. "Siya nga pala, hindi pa ba bumabalik sina Victoria?"
"Iyon nga rin ang iniisip ko. Umalis sila kaninang umaga pero tanghali na ngayon at hindi parin sila nakakabalik. Sa tingin mo, may nangyari kaya?"
"Hindi ko rin alam. Maghintay na muna tayo ng ilang oras. Kapag hindi parin sila bumalik, saka natin sila sunduin." Tumango siya bilang pagsang-ayon sa sinabi ko.
Nagpatuloy kami sa pagkukwentuhan ni Third nang bigla na lang bumukas ang pinto. Unang pumasok si Victoria, kasunod niya si Red.
Hindi maganda ang kanilang pinapakitang ekspresyon, tila ba may kung anong problema kaya tumayo ako at sinalubong ang mga ito.
"Anong nangyari?"
"Malaking problema. Wala kaming nadatnang pagkain doon sa lugar kung saan ibinabagsak ang mga pagkain."
"Ano?!" sabay naming tugon ni Third.
"Paanong wala?" dugtong pa ni Third. Napatayo na ito dahil sa sobrang pagkagulat.
"Nakarating ba ang barko?"
Tumango-tango si Victoria.
"Ayon sa sinabi ni Victoria, may palatandaan umanong dumating ang barko roon at tagumpay umanong naibaba ang mga pagkain pero ang nakapagtataka ay wala na ito nang dumating sila," salaysay ni Red.
Napahawak ako sa aking kilay sabay yuko.
"May bakas ng mga paa sa lugar na gawa ng sa tingin ko ay nasa apat na tao," dugtong pa ni Victoria.
"Ang mga Artemis."
Sabay na natahimik ang tatlo ngunit hindi na sila nagtaka. Sino pa nga ba ang gagawa no'n kung hindi ang mga kalaban.
Hindi nila kami kayang ubusin gamit ang pakikipagdigma kaya balak nila kaming patayin sa gutom? Anong klasing plano iyon? Dahil sa kanilang ginawa ay mas lang silang nagmukhang duwag at talunan.
"Anong gagawin natin? Sa susunod na linggo pa babalik ang barko. Wala na tayong makain." Bumalik muli sa pagkakaupo si Third.
Doon kami nag-umpisang mamroblema. Wala na kaming kakainin bukas, kapag wala kaming gagawin ay tiyak na mamamatay kaming lahat sa gutom.
"Lulusubin natin sila."
Napangiti ang dalawa nang marinig ang suhestiyon ni Red. Hindi talaga sila nakakaramdam ng takot. Parating handang sumugod.
"Hindi puwede!" pagtutol ko.
Nakita ko ang biglang pag-iba ng ekspresyon ni Red.
"Anong hindi puwede? Hahayaan mo na lang na mamatay tayong lahat sa gutom?!" naiirita niyang tanong sa akin. Kaagad itinaas ni Victoria ang kanyang dalawang kamay na para bang sumusuko pagkatapos ay agad na lumayo mula sa amin ni Red.
Hinarap ko si Red at tiningnan ng masama, "Ano bang sinasabi mo? Bilang pinuno hindi ko hahayaang magutom ang aking mga kasama at sa parehong panahon, hindi rin ako papayag na lumusob tayo sa kalagayan mong iyan!"
Kumunot ang kanyang noo.
"Ano bang problema sa kalagayan ko? Magaling na ako at higit sa lahat hindi ako lampa kaya anong ikinatatakot mo?!" singhal niya pabalik.
Tumayo si Third at agad na pumagitna sa aming dalawa ni Red.
"Ops! Tama na. Tumigil na kayo, puwede ba?"
Nagtapunan nalang kami ng masamang tingin sa isa't-isa bago umiwas. Bumalik ako sa aking upuan at umupo roon.
"Hindi tayo lulusob. Third?"
"Anong gagawin ko?"
"Magpadala ka ng espeya sa kanila. Alamin mo kung saan nila itinago ang mga pagkain. Babawiin natin iyon lahat ngayong gabi." Wika ko habang nakatakip ang palad sa mukha.
"Wala problema. Ipaubaya mo na iyon sa akin."
Narinig ko na lang ang pagsara ulit ng pinto, palatandaan na nakalabas na si Third.
"Anong binabalak mo?" tanong ni Victoria.
"Sinabi ko na, hindi ba? Kukunin natin iyon ng palihim ngayong gabi," nananatili akong nakayuko.
"Hindi iyon ang ibig kong sabihin."
Napatingin ako sa kanya.
"Anong balak mo... kay Red?"
Tingnan siyang sandali ni Red ngunit agad ring ibinalik ang tingin sa akin. Nagtatagpo ang kanyang kilay.
"Maiiwan siya rito." At bumalik ako sa pagkakayuko.
Narinig ko ang pagmura ni Red. Halatang galit na galit siya. Alam kong gusto niyang sumama pero hindi ko magagawang ipahamak siya. Nag-uumpisa pa lang na maghilom ang kanyang sugat kaya kapag sumama siya, natatakot ako na baka lulubha ulit iyon.
"Sa ayaw at sa gusto mo, sasama ako! Walang makakapigil sa akin!" Lumabas siya at malakas na isinara ang pinto na nagpayanig sa buong kubo.
Napapikit na lamang ako ng mariin matapos marinig ang kanyang binitiwang mga salita. Napakatigas ng ulo niya. Hindi na talaga siya nakikinig sa akin.
________
"Kaya mong buksan?" tanong ko kay Third.
Nakayuko kami ngayon rito sa harap ng isang lumang kubo. Sinusubukang buksan ni Third ang pinto na may malaking pangkasa. Nasa likuran ko sina Victoria at Red, nagmamasid sa paligid kung may kalabang paparating.
Sinubukan kong kumbinsihin si Red na huwag sumama ngunit wala akong nagawa. Nagpumilit ito kaya isinama na namin.
Dala-dala namin ang aming mga sandata at lahat kami ay may takip sa mukha.
"Hindi ko kaya."
Lumapit ako at sinubukang buksan ang pinto ngunit matigas talaga iyon.
"Dito!"
Napatingin kaming tatlo sa bandang gilid ng kubo. Akala ko ay kalaban ngunit nang aking tingnan ay si Red lang pala. Hinihila niya ang harang ng kubo sa banda roon.
Patakbo namin siyang linapitan at kaagad na tinulungan hanggang sa tuluyan naming natanggal ang tapal na kahoy. Gumawa iyon ng butas na kaysa ang isang tao.
Tiniyak muna namin na walang nakakakita sa amin bago isa-isang pumasok sa loob. Wala kaming dalang ilaw subalit may ilan-ilang liwanag na pumapasok roon sanhi ng mga ilaw na apoy sa labas.
Linapitan ni Third ang ilang patong-pating na supot at binuksan iyon.
"Ito nga iyon!" bulong niya.
Gensing, mga gamot at iba pang halamang gulay ang laman ng mga supot na iyon. Ang mga gamot na naroroon ay gawa at makikita lamang sa Arcadia kaya natitiyak namin na sa amin ang mga iyon.
Maliban sa mga supot ay marami pang pagkain doon na nakalagay at balak namin iyong kunin lahat.
"Shh... kalaban!" Agad na sumenyas si Victoria na magtago kaya mabilis kaming kumilos at nagtago sa madilim na bahagi.
You're all caught up
New chapters are on the way. Add this book to your library so you don't miss them.





