Chapter 5: 4: Pressured
Nagtaka siya kung bakit biglaan ang pagpapaalam ni Louie pero hindi na niya pinigilan pa ito at binaling na lang niya ulit ang atensiyon kay Oliver na kanina pa niya kausap.
“I think he is jealous,” biglang sambit ni Oliver sa kanya habang nakatingin sa papalayong si Louie. Kumunot naman ang noo niya.
“Jealous?” sambit niya.
“Yeah. Hindi mo ba napansin, nakasimangot siya.”
“Seryoso lang talaga lagi iyon,” sabi naman niya.
“Iba naman ang seryoso sa talagang nagseselos. Manliligaw mo ba iyon?” tanong pa nito.
“Paano mo nalaman?” nagtataka pa rin niyang tanong. Ni hindi pa naman niya nababanggit dito ang tungkol kay Oliver.
“Lalaki rin ako at alam ko ang mga kilos at tingin niya sa’yo,” nakangiting sambit nito.
Bumuntong hininga naman siya.
“Actually, matagal na talaga siyang nanliligaw sa akin. College pa lang kami, nanliligaw na siya sa akin. Ang totoo niyan, magkababata kami at magkaibigan rin pero bigla akong nailang sa kanya noong manligaw siya e.”
“Bakit naman? Hindi mo ba siya gusto?”
“Mabait naman siya kaya lang hanggang kaibigan lang talaga ang tingin ko sa kanya. Wala akong maramdaman na higit pa roon.”
“Poor man,” sambit nito sabay iling. “Siguro masyadong mataas ang standard mo sa mga lalaki.”
“Uy hindi naman. Siguro, hindi ko palang talaga nakikita iyong taong magpapatibok sa puso ko.”
“Ouch!” pabirong sambit nito.
“Bakit? Anong nangyari?” nag-aalalang tanong niya. Ang akala niya ay naipit ito at nasaktan. Hinanap pa niya kung saang parte ito nasaktan.
Tumawa naman ito. “Relax. Walang masakit sa akin. Binibiro lang kita.”
Hinampas naman niya ito sa braso at saka inirapan. Pakiramdam niya ay napahiya siya sa pag-aalala na wala sa lugar.
“Sorry. Sabi ko lang naman na ouch kasi kunwari nasaktan ako dito.” Itinuro ng daliri nito ang dibdib nito. “Ikaw naman kasi sabi mo wala pang nagpapatibok ng puso mo. Ibig sabihin, wala rin pala akong dating sa’yo.”
Nag-init naman ang kanyang mukha dahil sa sinabi nito. Bahagya siyang napayuko. Hindi lang niya maamin dito na may kaunti siyang nararamdaman para dito. Hindi pa rin kasi siya sigurado sa damdaming iyon dahil dalawang beses palang naman silang nagkikita nito. Magaan lamang ang loob niya dito at humahanga siya sa ugali nito. Madali kasing makapalagayan ng loob ang isang tulad nito.
“Hindi naman sa ganoon,” sagot na lamang niya.
“You know, I like you pero bigla akong napaisip na baka bigla mo rin akong iwasan at mailang ka sa akin kaya bawiin ko na lang kaya?”
“Ha?” Hindi siya makapaniwala sa inaakto ng binata. Hindi niya alam kung nagbibiro ba ito o seryoso sa sinasabi nito.
Tumawa ulit ito. “You are like an innocent girl even you are already twenty-eight years old. Halatang-halata sa’yo na wala ka pang experience about love and relationships.”
“Kung makapagsalita ka parang ang dami mo ng experience a.”
Kumibit balikat naman ito.
“Hindi naman sa ganoon. Ang totoo, I have a long term relationships before. Nakatatlong girlfriend na ako. Una noong third year high school ako, naka-two years kami. Second, when I was in college. Siguro three to four years din kami then we broke up. Then, the last one was two years and a half.”
“Wow. Ang tatagal a. Bakit naman kayo nagbe-break?”
“Siguro dahil hindi talaga kami para sa isa’t isa.”
“Sayang naman ang mga panahong ginugol ninyo sa isa’t isa tapos hindi rin pala kayo sa huli.”
“Ganoon siguro talaga,” sabi nito sabay kibit-balikat. “May mga taong pinagtagpo pero hindi tinadhana.”
“Kaya ako, kapag nagkaroon ako ng karelasyon, gusto ko siya na. Ayoko kasi noong paulit-ulit na nasasaktan dulot ng break up. Kaya paano mo na-overcome iyong mga heartbreaks sa mga girlfriend mo?”
“Ang totoo, hindi talaga madali kapag dumadating sa puntong hindi na kayo magkaunawaan at wala kayong choice kundi ang maghiwalay. Lalo na kung napakatagal ng naging relasyon ninyo. Kaya lang, hindi naman puwedeng ipilit ang isang relasyon kung talagang wala nang patutunguhan hindi ba? Kahit gusto mo pang manghinayang sa mga matagal na panahong pinagsamahan ninyo, wala ka nang magagawa. Iiyak ka pero matutuyo din ang mga luha at pagkatapos matututo ka ulit magmahal. Kahit sabihin mo pang ayaw mo na, hindi titigil ang puso na magmahal.”
“Wow. Ang lalim a. Based on experience talaga,” biro niya sabay mahinang tawa.
“Yeah. Marami ka talagang masasabi kapag marami ka nang karanasan.”
“Minsan naiinggit din ako sa mga taong maraming karanasan sa pag-ibig pero natatakot din ako na maranasan ko iyong mga naranasan nilang sakit.”
“Kaya pala, umabot ka sa edad mong ganyan. Takot kang magmahal kahit hindi mo pa nasusubukan.”
“Siguro dahil sa mga taong nakapaligid sa akin o sa mga nakikita ko na mga naghihiwalay rin.”
“Their destiny is not yours. Iba-iba ng kapalaran ang tao. Malay mo naman, dahil nasa tamang edad ka na, darating na rin ang taong nakalaan sa’yo.”
“Sana nga,” sambit niya sabay kibit balikat.
“Just open your heart. Huwag kang matakot magmahal dahil kasama talaga sa pagmamahal ang masaktan.”
Ngiti lang ang itinugon niya sa sinabi nito. Lalo tuloy siyang humahanga sa binata. Masyado itong maraming alam pagdating sa pag-ibig at pakiramdam niya napakasuwerte ng babaeng nakarelasyon nito. Hindi naman siguro tatagal ang mga relasyon nito kung masama ang ugali nito. Sa tingin niya, magaling talaga itong maghawak ng relasyon.
“Masarap siguro siyang magmahal,” naisaloob niya habang nakatingin sa binata.
“Mukhang nagkakamabutihan kayong dalawa a,” biro naman ni Georgina nang lumapit ito sa kanila kasama ang mga kaibigan niya.
Nahihiya naman siyang tumingin sa mga ito.
“We’re just talking about the relationship but I guess your friend is not ready yet,” sabi naman ni Oliver.
“Hoy Jade, matanda ka na. Anong sinasabi mo diyang hindi ka pa ready?” sabi naman ni Divina.
“Kung makatanda ka naman, parehas lang tayo ng edad ‘no?”
“Kahit na, atleast ako may asawa na. E, ikaw? Single ka pa rin,” pairap na biro nito sa kanya.
“Ano bang masama sa pagiging single?” nakasimangot na tanong niya.
“Wala naman kaya lang po, sa edad mong iyan dapat may boyfriend ka na at lumalagay ka na sa tahimik,” sabi pa ni Georgina.
“Sino bang nagbigay ng requirements na kapag twenty-five mahigit ka na ay kailangan nang magpakasal o mag-asawa? Dito lang yata sa Pilipinas may ganoong requirements. Samantalang sa mga mauunlad na bansa, normal naman sa kanila ang ikasal at magpamilya kapag nasa edad trenta mahigit na. Kaya maunlad sila kasi career muna ang inaatupag bago magpakasal. Normal sa kanila na magkaanak sa edad na thirty-three o thirty five. Hay naku, nakaka-pressure naman kayo.” Umikot pa ang kanyang eyeball pagkatapos sabihin ang mahabang litanyang iyon.
“Hoy Jade, hindi mo ba alam na may expiration ang ovary? Kapag trenta ka o mahigit, mahihirapan ka nang magbuntis,” sabi naman ni Maribelle.
“Naku, kailan ka pa naging scientist? E mayroon nga diyan, nanganganak pa kahit menopause na,” sagot pa niya.
“Bakit? Gusto mo bang magkaanak kapag malapit ka nang mag-menopause?” Pinanlakihan pa siya ng mata ni Maribelle.
“Siyempre, hindi! Magpapakasal din naman ako pero kapag nakilala ko na ang tamang tao. It’s better to marry late than marry the wrong person,” depensa pa niya.
“Bakit? Hindi ba tamang tao na para sa’yo si Oliver?” sabat naman ni Georgina. Tumaas-taas pa ang kilay nito.
“O kaya si Louie,” sabat naman ni Kristel. “Dalawa na ang choices mo ngayon.”
“Ano ba kayo? Hindi naman nanliligaw sa akin si Oliver.” Tumingin pa siya sa binata na nakangiti lang sa kanya.
“Hindi pa ba?” Pinanlakihan ng mata ni Georgina si Oliver na para bang sinasabing bakit hindi pa?
Tumawa naman si Oliver at napakamot ng ulo.
“Don’t rush things. Tama naman si Jade, mahirap nang magkamali sa pagpili. At isa pa, kakikilala lang naman naming dalawa. We are on getting to know stage.”
“Oo nga naman, Georgina. Kakakilala pa lang nila. Hindi katulad ni Louie na matagal nang kakilala ni Jade,” sabat pa ni Kristel.
Nag-cross arm naman si Georgina at binalingan si Kristel. Tinaasan pa nito ng kilay ang huli.
“Teka nga Kristel, bakit parang mas boto ka kay Louie?”
“Hindi naman sa ganoon. Ang akin lang, mas okay na iyong matagal nang kakilala kaysa doon sa kakakilala palang. Mas panatag ka nang kilala mo talaga iyong tao at hindi mo na kailangang kilatisin pang mabuti.”
“Sinasabi mong hindi okay si Oliver at kailangan pang kilatisin?” sabi pa ni Georgina.
“Wala naman akong sinasabing ganoon.”
“Wala? Parang ganoon naman iyong pinapalabas mo e.”
“Hey, tumigil nga kayong dalawa. Baka kayo pa ang mag-away niyan,” saway naman niya sa mga ito.
Umirap naman si Georgina na ginantihan rin naman ni Kristel.
“Magbati nga kayo. Pati ba naman lovelife ko ay pag-aawayan ninyo?”
“Ikaw naman kasi!” halos sabay na sambit ng dalawa.
“Ha? Bakit ako naman ang inaaway ninyo?”
“E kasi naman, kung nagbo-boyfriend ka na kasi, ‘di sana hindi ka na namin nirereto kung kani-kanino,” sabi naman ni Georgina.
“Ayan na naman kayo e, pine-pressure ninyo ako,” reklamo naman niya.
“Oo nga naman. Huwag ninyong pressure-in si Jade. Baka lalong tumandang-dalaga iyan kapag pin-ressure ninyo,” biro naman ni Divina. Pinanlakihan tuloy niya ito ng mata. Tumawa lang ito at nag-peace sign.
“Birthday ni Jade kaya hayaan ninyo siyang maging masaya ngayong araw na ito. Malay ninyo naman, bukas ay makapili na iyan nang mapapangasawa,” sabi naman ni Maribelle.
“Isa ka pa!” saway naman niya rito sabay irap. Sabay-sabay namang nagtawanan ang lahat sa naging reaksiyon niya.
“Oh, mauuna na pala ako,” sabi naman ni Oliver matapos tingnan ang oras sa wrist watch nito. Tila bigla itong nangamba. Tumayo na ito sa kinauupuan. Napatayo na rin siya.
“Uuwi ka na agad? Maaga pa a,” sabi naman ni Georgina.
“Oo e. My grand mother expect me to come home early. She want to gave her maintenance medicine everyday. Iyon ang paglalambing niya sa akin bilang apo niya,” paliwanag pa nito.
“Hindi ko alam na may lola ka pa pala,” sambit naman ni Georgina.
“Yes, in my mother side. She was eighty-two years old but still alive and kicking,” masayang sambit pa nito. “Iyon nga lang may diabetes siya kaya kailangan na niya ng maintenance.”
“Ah ganoon ba? Sige, ihahatid na kita sa labas,” prisinta naman niya.
Sabay na silang lumabas ng bahay at iniwan na lang ang mga kaibigan sa loob ng bahay na abala pa rin sa pagkukwentuhan.
“Pasensiya ka na sa mga iyon a, wala talagang masabing matino ang mga iyon e,” sabi naman niya kay Oliver nang makarating na sila sa may gate ng kanilang bahay.
“Wala iyon,” tugon naman nito na nakangiti. Nagtungo na ito sa kotse at pumasok roon.
“Ingat ka sa pag-uwi at salamat sa pagpunta,” sabi pa niya at kumaway pa rito. Tinanguan lang siya nito bago pinaandar ang sasakyan at umalis.
Nakangiti pa rin siya habang tinatanaw ito palayo. Babalik na sana siya sa loob nang mapansin niya ang isang lalaking nakatayo sa hindi kalayuan at may hawak na sigarilyo. Alam niyang nakatingin ito sa kanya base sa pagkakatayo nito. At isa pa, ramdam niya ang titig nito sa kanya kahit pa malayo ito.
Itinapon nito ang sigarilyo sa may paanan nito at niyapakan iyon nang mapansing nakatingin siya. Kunot-noo naman ang noo niya at kinikilala ang lalaki ngunit bigo siya dahil medyo madilim sa dakong kinatatayuan nito. Bigla siyang kinilabutan kaya mabilis siyang pumasok sa loob at isinara ang gate.