Chapter 14: Underground

"Hindi nga ako nagkamali na babalik ka!" Nakangisi na sinalubong siya ng lalaki na siyang lumapit din sa kanya kagabi.

"Malaki ang natalo sa akin kagabi, gusto kong makabawi." Sagot ni Ruel dito.

"Tayo na sa loob kung ganoon." Inakbayan ng lalaki si Ruel at inakay papasok sa loob.

Pagtapat sa pintuan ay nagpatiuna na ang lalaki sa loob at sumunod siya. Lalong dumami ang gumagamit ng bawal na gamot dahil langhap niya agad iyon nang makapasok. Inalok pa siya nito at hindi niya tinanggihan. Pinindot ang hawak na button hudyat na maari ng lumantad ang kasamahan kasabay ng pagbunot ng kaniyang baril na nakatago sa suot na jacket.

"Itaas ang mga kamay, you all are under arest!" Malakas niyang pahayag at tinutukan ng baril ang lakaki na namumuno roon.

Gulat ang lahat at tangkang bubunot ng baril ang ilan na naroon upang lumaban, ngunit natigil nang makita ang mga kasamahan niya na nakatutok sa mga ito ang hawak na mga armas.

"Huwag na kayo lumaban pa dahil napapaligiran namin kayo. Itapon ninyo iyang mga hawak ninyong armas!" utos niya sa limang kalalakihan na kalaban. Ang mga tao sa labas ay nagkagulo at kanya-kanyang takas sa takot na madamay at makulong rin dahil alam ng mga ito na illegal ang nangyayari roon.

"Tumayo kayo at ilagay sa mga ulo ang kamay!" utos niya muli sa mga sugarol naman.

Walang nagawa ang mga ito kundi ang sumunod sa kanila. Ang lalaking namumuno ay galit at matalim ang tingin na ipinukol sa kanya. Wala rin itong nagawa nang ikabit niya ang posas sa dalawang kamay nito at maging ang mga kasama ng huli pinosasan din.

Ang dating mayor ay inanyayahan din sa munisipyo upang imbistigahan dahil isa ang mga ito sa sangkot sa illegal na pasugalan. Nakilala pa niya ang anak ng dating mayor at galit na galit sa kaniya.

Mula sa loob ng kotse, galit na sinundan ng tingin ni Merly si Ruel na lumabas sa munisipyo nila. Alam niya na ito ang namuno sa paglusob sa illegal na pasugalan na ginagamit ang bangkay. Galit siya dito dahil isinangkot ang kanyang ama sa kaso na alam niyang walang alam ito sa ganoong gawain.

"Gagantihan kita!" puno ng galit ang dibdib na bulong ni Merly sa kanyang sarili. Agad niyang tinawagan ang pasaway niyang kapatid na nasa Calamba Laguna sa ngayon.

...

"ANO ang ginagawa mo dito?" Nagulat pa si Meynard nang makita si Philip sa loob ng hospital nila.

"Nabulilyaso ang isa sa negosyo natin sa Mindoro. Kailangan ko munang lumayo dahil tiyak na kakanta ang mga tauhan natin na nahuli."

"Anak ng pota! Paano nangyari iyon? Ang akala ko ba ay sinisiguro mo ang siguridad ng negosyo natin sa lugar na iyon?" Nangangalit ang bagang ni Meynard dahil sa galit. Mabilis na sinindihan ang marihuwana upang kalmahin ang sarili. Kahapon pa siya nade-demonyo dahil kay Yvonne at dumagdag pa itong kasosyo niyang si Philip.

"Hindi ko alam at huwag na tayong mag-aksaya ng oras. Kailangan madala ang epiktos sa Iloilo bukas. Mula doon ay tutungo ako sa ibang bansa at doon magpapalamig." Naiirita na ring turan ni Philip.

"Ayusin mo lang na hindi mabulilyaso ang epiktos dahil kapag pumalpak ito, ako ang papatay sa iyo!" Nanlilisik ang mga mata na anito sa kaharap.

Nasindak si Philip at kinabahan, sa kanilang dalawa ay ito ang mas halang ang bituka kaya hindi malabong gawin nito ang banta sa kaniya.

Pinsan nila Philip si Meynard at ito ang nagpatikim sa kanya ng droga mula noong high school siya. Madalas magbakasyon sa kanila si Meynard at sangkot siya sa nangyaring krimin noon sa kanilang lugar. Nililigawan niya noon si Irish at pinakilala niya kay Meynard. Nagustohan din nito ang babae ngunit ayaw dito ni Irish maging sa kanya. Nasagi ang ego nila pareho kung kaya hinalay nila ito at sinaktan hanggang sa nawalan ng buhay. Itinapon sila parehong magpinsan ng kanilang mga magulang noon sa ibang bansa upang hindi sila madiin sa hakahaka na sila ang salarin. Mabuti na lang ay mayor pa noon ang ama niya kaya namatay agad ang balitang kumakalat.

Nang makabalik sila sa Pilipinas, nagtayo sila ng illegal na negosyo. Kumukuha sila ng tao kung saan itinatanim ang epiktos sa ulo nito at dalhin sa lugar kung saan ang deliver ng bawal na gamot. Sa ganoong paraan ay walang maghihinala at hindi na kailangan buksan ang ataol. Kahit na tignan ang bangkay, hindi rin halata dahil nasa ulo ang epiktos. Tatlong lugar ang sinusuplayan nila. Ang Mindoro, Iloilo at sa Tondo Manila kung saan mas maraming buyer.

"Ano ang ibig sabihin nito?" Galit na tanong ng matandang doctor sa dalawa nang makitang inililipat sa wheelchair ang pasyente. Tiyuhin ito ni Meynard na kasabwat din nila sa pagbawi ng buhay ng bawat pasyente para naman sa pansarili nitong pangangailangan.

"Ilipat na namin siya sa bodega." Maiksing sagot ni Meynard sa tiyuhin.

"Ilang beses ko ba kailangang sabihin sa iyo na huwag madaliin dahil kailangan kong masiguro muna na tugma ang organ ng puso niya para sa anak ko. Nang sa ganoon ay hindi nasasayang ang pagod natin sa pag-opera sa pasyente at sa buhay niya." Sikmat nito sa pamangkin na alam niyang naka hithit na naman ng droga.

"Mas mahalaga sa amin ngayon ang bangkay niya keysa sa puso na gusto mong makuha para sa naghihingalo mong anak!" walang galang na sagot ni Meynard sa tiyuhin.

"Wala ka na talagang puso! Paano mo naatim sambitin ang mga ganyang kataga para sa iyong pinsan?" kontroladong singhal niya muli sa pamangkin upang walang ibang makarinig.

"Bakit ikaw? May puso pa ba para sa inosinteng kinukuhanan mo ng laman loob para sa anak mo? Hindi sapat ang kaalaman mo para sa heart transplant pero nangangahas ka sa bagay na iyan." Nang-uuyam na sagot ni Meynard sa matandang doctor.

Hindi nakasagot ang ginoo, may point ang binata at hindi niya kayang tanggapin ang katotohanang iyon. May sakit sa puso ang kaisa-isa niyang anak na lalaki at walang heart donor kung kaya nagawa niyang makipagsabwatan sa pamangkin.

"Tama na ang drama ninyong magtiyo, isagawa na ang dapat gawin upang makaalis na ako rito." Pumagitna na si Philip sa dalawa.

Kailangan niyang makaalis sa bansang iyon bago pa matuklasan ng ama na siya nga ang nasa likod ng illegal na gawain sa kanilang bayan. Alam niya na hindi na pagtatakpan ng ama ang ginawa niya sa pagkakataong ito. Totohanin na nito ang banta sa kanya dati na ito na mismo ang magpapakulong sa kanya kapag napatunayan.

Maingat na sinundan ni Yvonne ang tatlong lalaking nakita at tulak ang pasyente palabas ng silid. Nakilala niya ang isa na kahit matagal nang hindi nakita sa kanilang bayan ay alam niyang si Philip iyon. Hindi na niya nasabi kay Ashton ang natuklasan dahil kailangan niya munang malaman kung saan ng mga ito dadalhin ang natutulog pa rin na pasyente. Dumaan ang mga ito sa operating room, sinundan niya at ganoon na lang ang gulat niya nang pagpasok niya ay biglang nawala ang mga ito. Nagpalinga-linga siya sa paligid at hinanap kung sana maaring dumaan ang mga ito.

"Uhmmmp!" Gulat na napasinghap si Yvonne nang may humila sa kanya at mabilis na ipinasok sa isang connecting door.

Mahigpit na nakatakip sa kanyang bibig ang isang malapad na kamay at pasakal na nakapulupot ang braso sa kanyang leeg. Nagpumilit siya na makawala ngunit malakas ito at pakaladkad siyang hinila pababa sa hagdan.

"Bakit mo siya dinala rito?" galit na tanong ng matandang doctor kay Meynard nang makita nito na hawak ang isang nurse ng naturang hospital.

"Sinusundan niya tayo at kahapon ko pa siya napapansin na minamatyagan niya ang bawat kilos ko." Nakangisi na sagot nito habang nakatingin kay Yvonne na banaag sa mukha nito ngayon ang takot.

"Yvonne?" hindi makapaniwala na ani ni Philip nang mamukhaan ang dalaga.

"Kilala mo, Pare?" lalong lumapad ang pagkangisi ni Meynard. "Gusto mo rin ba siya tikman tulad sa ginawa natin noon sa nililigawan mo?"

"Huwag mo na siyang idamay, pare, hayaan mo na siyang makaalis dito." Kinakabahan si Philip para sa dalaga. Kilala niya ito dahil naging kaibigan ito ni Irish noon.

"Gago! Ayan ka na naman sa pagiging maginoo mo kuno. Pero kapag nakita na ang katawan ng babae ay hindi na makatiis tulad doon kay Irish—ba ang pangalan niyon?" Patanong pa na binanggit ang pangalan ng nabiktima nila noon habang tumatawa na parang baliw.

"Kayo nga ang pumatay at humalay sa kanya?" Nagpupuyos sa galit ang puso ni Yvonne habang palipat-lipat ang tingin sa dalawang kriminal. Mukhang demonyo na ang tingin niya ngayon kay Meynard.

"Meynard tama na, huwag mo nang idamay ang babaeng iyan dito." Sumabat na rin ang matanda at biglang nakaramdam ng awa sa dalaga. Alam niya na hindi ito bubuhayin ng pamangkin kung magkataon.

"Isa ka pang abnormal kung mag-isip!" singhal ni Meynard sa matanda. "Tingin mo ba ay hindi iyan kakanta kung pakawalan mo siya ng buhay? Mas maganda yata ang puso niyan keysa dito sa isa para sa inutil mong anak." Malademonyong tumawa si Meynard at hinigpitan ang pagkahawak sa buhok ng dalaga.

Kinilabutan si Yvonne sa mga naririnig mula kay Meynard. Ngayon siya nagsisi kung bakit hindi sinunod ang bilin ni Ashton. Wala siyang nagawa kundi ang taimtim na magdasal na sana mapansin ni Ashton na nawawala siya bago pa mahuli ang lahat. Itinali siya ng baliw sa isang upuan at pinaharap sa isang higaan kung saan nakaratay ang pasyente.

Halos mabaliktad ang sikmura ni Yvonne nang makita ang paligid ng silid na alam niyang nasa under ground ng hospital. Maraming nakatambak na kahon doon na ang laman ay mga bawal na gamot ayon sa kanyang narinig kanina. Kumpleto rin sa aparato pang opera at naaninag niya sa kabilang kama na natatabingan ng kurtina ang isa pang pasyente, at iyon ang anak ng matandang doctor. Kakaiba rin ang amoy sa paligid at kaya ng kaniyang sikmura. Mukhang hindi nalilinis ng maayos kaya nangangamoy masansang. Naghalo ang amoy ng dugo at gamot sa paligid.