Chapter 16: Tagisan ng tapang at talino
"Huwag na natin patagalin ang hearing, ipaasikaso ko na agad ang pagdinig sa kaso at pabantayan ang lahat ng kilos ng Pamilyang Orchua," ani Dexter na sinang-ayunan ng lahat.
Naging pursigido na ngayon si Cloud sa paghawak sa kaso nang malaman kung sino ang makatunggaling abogado na nasa kabilang panig.
"Bakit hindi ninyo siya pinusasan? Alam ninyo na mgaling iyang kriminal na iyan sa bugbogan!" Galit na sita ni Lemuel sa pulis na kasama ni Jeydon. Naroon siya upang saksihan ang pagkulong sa lalaki.
"Dahan-dahan ka sa pagsasalita, maari kong idagdag sa kaso na isasampa ko pabalik sa iyo iyang hindi maganda mong sinabi." Nakangisi na banta ni Jeydon sa lalaki. Hindi manlang kakitaan ang mukha nito ng takot o pagkabahala sa isiping makukulong.
"Ang yabang mo pa rin kahit ikukulong ka na!" galit na singhal ni Lemuel sa lalaki. "At naisip mo pa na sampahan ako ng kaso? Nagpapatawa ka ba?" Tumawa siya nang nakakainsulto.
"Mukha ba akong nagpapatawa ngayon?" Sarkastikomg sagot ni Jeydon kay Lemuel.
"Sisiguraduhin ko na mabubulok ka sa bilanggoan!" Nanlilisik ang mga mata na banta ni Lemuel sa kaharap.
"At sisingilin ko kayong mag-ama ng mahal dahil sa paglagay sa alanganin ng pangalan ko ngayon!"
Natulos sa kinatayuan si Lemuel, bahagya siyang kinabahan sa tono ng pananalita ni Jeydon na tila ba may ibubuga. Napatingin siya sa mga kasama nito na tahimik lang nakatingin sa kanya. Hindi pamilyar sa kanya ang mukha ng mga ito dahil sa ibang bansa siya namamalagi ng matagal.
"Tapos ka na ba mag seremonya, Pare?" Nakangisi na tanong ni Ashton kay Lemuel. Kanina pa niya gustong bigwasan ito sa mukha.
Tinignan lang ng masama ni Lemuel ito bago binalingan ang pulis. "Pusasan mo na iyan at ipasok sa kulungan!" Pabulyaw na utos niya sa pulis.
"Pare, hindi ikaw ang hepe dito kaya ilugar mo ang kagaspangan ng iyong ugali. Naturingan ka pa namang edukado." Sikmat ni Cloud sa lalaki.
"Sino ka para pagsabihan ng ganyan ang anak ko?" Galit na tanong ni Robert kay Cloud. Kakarating niya lang upang sundan ang anak at hindi magandang tagpo ang kanyang naabutan.
"Ako ang abogado ng inyong denidimanda, Sir." Magalang na sagot ni Cloud kahit na ang totoo ay gusto niya itong barahin lalo na nang tignan siya na parang isang insekto lamang sa paningin nito.
"Bakit hindi niyo pa siya kinukulong?" tanong ni Robert sa pulis at hindi na pinansin ang kausap.
"Hindi siya ikukulong, narito lamang siya upang umapila sa kasong isinampa sa kanya." Simpatikong sabat muli ni Cloud.
"Hindi iyan maari, isa siyang kriminal kung kaya dapat lang siya makulong ngayon din at walang piyansa!" Tutol na sabat ni Lemuel.
"Wala kayong sapat na katibayan upang idiin sa kaso ang kaibigan ko."
"Bobo ka ba? Huhulihin ba siya kung walang sapat na ebedinsiya? Kumanta na ang taong inutusan niya na kikidnap kay Ynrahd kung hindi mo pa alam." Maanghang na mga salita ang ibinato ni Lemuel sa abogado ni Jeydon.
Sa halip na mainsulto o magalit kay Lemuel ay napangisi si Cloud. Bagay na hindi maganda para sa paningin ni Micko. Mas gusto pa niyang makita itong seryuso o walang emosyon kaysa ang ngumiti ito sa harap ng kalaban.
"Mr. Orchua." Tawag ng kakarating lang na abogadong kinuha nila. Nakipag kamay siya sa mga ito at sinabihan na huwag basta magbitaw ng salita sa harap ng abogado ng kinasuhan ng mga ito.
"Kamusta, Kumpadre?" Seryosong bati ni Cloud sa lalaking kakarating lang. Kumpadre ang tawag niya dito noon pa man.
Nakaramdam ng pag-aalinlangan na ngayon ang abogado ng kabilang panig nang makilala ang makatunggali. Inaya niya ang dalawa palayo kina Cloud at masinsinan na kinausap. Wala siyang magawa upang pigilan na makapagpiyansa ang kabilang kampo dahil magaling na abogado ang kalaban.
"Ano ang ibig mong sabihin?" Dumoble ang gatla sa noo ni Robert nang marinig ang pahayag ng abogadong kinuha niya.
"Hindi niyo ba kilala ang inyong kinasuhan? Sana lang ay totoo ang lahat na inihain niyo na salayasay sa akin tungkol sa kaso at walang iba na sangkot sa likod ng kaso na ito." Matiim na tinignan ni Jacob ang mag-ama habang nagpapahayag. Naroon sila ngayon sa bahay ng mga ito nag-uusap.
"Isa lang naman siyang hampas lupang bodyguard hindi ba?" May pag-alinlangan ng sagot ni Lemuel.
Umiling si Jacob, nag-aalala siya dahil kinabukasan na agad dinggin ang kaso. Hindi pa niya napag-aralan ang kaso na hawak at sa nakikitang sitwasyon ay mukhang tagilid sila. Kahit ayaw magsabi ng totoo ng kanyang kliyente, alam niyang ang mga ito ang nasa likod ng palabas na pangingidnap. Magaling din siyang abogado pero pagdating sa depensa ay mabilis si Cloud.
"Huh, nevermind kung sino pa ang mga kutong lupa na iyon! Ang mahalaga ay makulong siya upang wala nang tinik sa daanan ng aking anak!" hindi na ni Robert pinakinggan ang iba pang paliwanag ng abogado.
Malinis ang kanilang trabaho kaya nakakasiguro sila ng anak na makukulong si Jeydon. Ayaw nila mag-aksaya ng oras para lang alamin ang buhay nito o background na siyang ipinagmamalaki nito umano.
Hindi kinakain ni Ynrahd ang pagkain maghapon kahit uminum ng tubig. Nagkulong sa silid lalo na at may bantay sa kanyang pintuan. Pasimple niyang itinatapon ang pagkain sa basurahan at ang tubig sa bathroom. Nagrerebelde siya sa ginawang paghigpit sa kanya ng mga magulang.
Umugong ang balita sa pahayagan ukol sa naging kaso. Nakaabot sa ama ni Jeydon ang balita na hindi gusto mangyari ng binata. Ayaw niya ito mag-alala at lumuwas upang damayan siya.
Kinabukasan, lahat ng reporters ay nakaabang sa labas at loob kung saan dinggin ang kaso ni Jeydon. At dahil si Cloud ang abogado ni Jeydon ay lalong nagkaroon ng interest ang mga reporter upang subaybayan ang kaso. Unang dumating ang buong pamilya ni Lemuel. Kasunod ang mag-asawang Ehd at panghuli sina Jeydon.
Napangisi si Jeydon nang magsalubong ang tingin nila ni Don Alfonso. At nang dumako naman ang paningin niya sa ina ni Lemuel ay mabilis niyang iniwas ang tingin dito. Noon ay hindi siya apiktado sa family background niya at ni hindi naisip na hanapin ang ina. Hindi sa galit siya dito, ayaw niya lang isiksik ang sarili sa buhay ng tao na may ayaw sa kanila ng ama.
Biglang naikuyom ni Jeydon ang mga kamao pagkaalala sa ama. Masasabi niyang matapang ang ama sa ginawang paglayo sa kaniya noon. Hindi kaduwagan ang ang pagtago sa kamay ng walang pusong pamilya ng kaniyang ina. Naunawaan niya na ito ngayon at gusto niyang ibangon ang pangalan ng ama ngayon. Hindi niya hahayaang habangbuhay na lamang mamaliitin ang pagkatao ng kaniyang ama.
Tinapik ni Micko sa balikat si Jeydon at pinaupo na. Ramdam niya ang galit na nadarama nito ngayon at naunawaan niya ito.
Salubong ang mga kilay ni Don Alfonso habang sinusundan ng tingin ang binatang nais nila makulong. Pamilyar sa kaniya ang mga titig nitong ipinupukol sa kaniya. Parang nasasalamin niya ang sarili sa lalaki ngayon. Muling nangunot ang kaniya noo nang mabaling ang tingin niya sa kaniyang anak. Malungkot ito at nakasunod din ang tingin kay Jeydon.
"Lolo, huwag mong pansinin ang hambog na iyan." Agaw ni Lemuel sa atensyon ng abuelo nang mapansin kung saan ito nakatingin.
Nang makaupo na sila ay kumpyansang maipanalo nila ang kaso laban kay Jeydon. Ngumiti ng nakakaloko si Lemuel kay Jeydon nang magsalubong ang kanilang paningin. Ngunit mabilis din nabura iyon sa kaniyang labi nang ngumiti sa kaniya ang lalaki at kumindat pa. Ang abogado nito ay kampante ring nakaupo at mukhang wala lang dito ang kasong hinahawakan. Hindi katulad ng kaniyang abogado na abala sa pagbuklat at pagbabasa ng iba pang detalye ukol sa kasong hawak nito.
Napuntonghininga si Waleed nang magsalubong ang tingin nila ni Dexter. Alam niyang dismaya ito sa kaniya ngayon. Pero siya ang dapat madismaya dahil sa ginawa ng isa sa tauhan nitong pinagkatiwalaan niya. Sarado na rin ang isip niya para sa kaligtasan ng kaniyang anak. Minsan na itong napahamak at hindi niya hahayaang mangyari muli iyon. Para sa kaniya ay sinamantala nito ang kahinaan ng kaniyang anak at pagiging inosinte. Alam niyang nakuha nito agad ang loob ni Ynrahd. Hindi sa minamaliit niya ang pagkatao nito. Pero may kasunduan na sila ng pamilya ni Don Alfonso.