Chapter 31: Kabanata 30

Papungas-pungas akong napabangon sa aking kama dahil sa gulat ko nang tumilaok ang tandang. Naningkit ang aking mga mata nang tumama sa akin ang sikat ng araw. Kinusot ko pa ang aking mga mata bago tuluyang dumilat at napabangon. Napahimas pa ako sa aking tiyan dahil talagang gutom na gutom na ang aking pakiramdam. Kinuha ko ang maliit na tuwalya at diretso akong pumasok sa banyo upang makapaghilamos at nang makapagsipilyo na rin. Kinuha ko ang maliit na tuwalya at pinunasan ang aking mukha. Akmang ilalapag ko na sana ito nang maalala ko ang nangyari sa akin.

Agad akong lumabas ng banyo at inusisa ang buo kong katawan. Diyos ko! Namamalikmata lang ba ako o kung ano dahil lahat ng pasa ko sa katawan ay wala na. At isa pa ang ipinagtataka ko dahil kagabi lang ay kasama ko pa si Mattheaus at nakita siya ni Egoy. Diyos ko! Napalabas ako agad ng aking silid at saktong nakatayo na si Egoy sa harapan ng aking silid. May bitbit itong pagkain ko at halata pa sa mukha ang pagkagulat.

"Ayos na po kayo ate!?" aniya.

"Ha? Oo naman. Siya nga pala si Matt—" Hindi ko na naituloy ang sasabihin ko dahil sumingit ito kaagad.

"Si kuya Keanno po ba? Nako ate, mabuti na lang talaga at dumating siya no'ng bigla kayong nahimatay. Kaninang alas tres ng madaling araw po niya kayo hinatid," paliwanag niya at inilapag na lamang sa mesa ang dala niyang plato.

"Keanno?" ulit ko pa sa pangalang binanggit niya. Napatango naman si Egoy.

"Opo ate, ang sabi niya kasi ay kailangan niya ng mga bagong nobela at sakto naman pong kapapasok niya'y nakita ka niyang nasa sahig na. Mabuti na lang talaga at maayos na po kayo ate," nakangiting kuwento niya pa. Napatango-tango ako ulit.

"Iyang Keanno ba na tinutukoy mo ay kapatid ni kuya Steffano?" tanong ko pa. Naalala ko kasing nabanggit ni Zsakae ang pangalan na iyan.

"Opo ate, talagang ayos na po kayo?" paniniguro niya pa.

"Oo naman..." nakangiti kong sagot.

Ang akala ko'y si Mattheaus ang kasama ko kagabi. Nakakainis! Wala pa naman akong maalala kung ano nangyari sa akin kagabi. Ang huling naalala ko lang ay 'yong Keanno na tinawag ni Egoy. Napasuklay ako sa aking buhok gamit ang aking mga daliri at pilit na inaalala sa aking utak ang mga eksena kagabi.

"Mukhang maayos na nga talaga kayo ate. Ganda pa nga po ng buhok niyo e. Gumanda ka po lalo sa kulay na 'yan ate," wika ni Egoy na ikinagulat ko naman.

"H-ha?" Nakaawang pa ang mga labi ko at kumunot na ang aking noo. Nang makabawi ako sa pagkagulat ay kaagad kong sinipat ang aking buhok. Halos mamilog ang mga mata ko sa nakita ko. Diretso akong napatakbo pabalik sa aking silid at agad na pinuna ang aking sarili sa harapan ng salamin.

"Diyos ko!" sambit ko habang tutop ko ang aking bibig.

Napahawak ako sa aking buhok. Kailan pa ako nagpakulay ng buhok!? Ngunit natigilan ako. Sa pagkakaalala ko'y ganitong-ganito ang nakikita kong kulay ng buhok ko sa tuwing napapatitig ako sa nakapintang larawan noon sa unibersidad na pinagtatrabahuan ko; kulay gintong mapusyaw. Imposible! Napalabas ako muli ng aking silid.

"Egoy! May napuna ka bang larawan na 'yong parang nasa isang malaking bulwagan pagkatapos ay may lalaki at isinasayaw niya 'yong babae? Tapos ano? May malaking salamin din," tarantang tanong ko pa kay Egoy.

Napahinto naman ito sa paghahain ng agahan namin.

"Po? Paano niyo po nalaman 'yan ate?" gulat din namang sagot nito.

Natigilan din naman ako.

"H-ha? Kasi ano... Naalala ko kasing may ganyan kasing larawan sa dati kong pinasukan na trabaho bilang dyanitor. Meron ba?" pagdadahilan ko.

Ang totoo'y gusto kong makasiguro, kung tama ba ang hinala ko.

"Ah? Meron po tayo niyan ate. Tara po sa museo," yaya nito.

Napatango ako at sumunod sa kanya. Diyos ko! Paano ba nag-iba ng kulay itong buhok ko.

Nang matapat kami sa museo ay agad din namang binuksan ni Egoy ang pinto. Nang makapasok kami ay agad din naman niya itong isinara. Lunes ngayon, ngunit mabuti na lamang at mamayang tanghali pa kami magbubukas. Tuwing lunes lang kami nagbubukas sa tanghali.

Hinila naman ako ni Egoy sa gitna. Nagtaka naman ako rito.

"Mamamangha kayo rito ate," natutuwa pang wika niya.

Tipid lang din naman akong napangiti, kinakabahan kasi ako. May pinag-aapakan naman itong si Egoy sa sahig at hindi ko maiwasan ang matawa ng konti. Para saan naman kaya 'yon?

"Tingnan mo ate," turo ni Egoy sa sahig.

Bigla na lamang itong gumalaw at umangat ang semento. Napaatras ako at bumungad sa akin ang isang larawang nakadikit sa sementong umangat. Napasinghap ako. Parehong-pareho sa larawang nakita ko sa unibersidad!

"Replika lang 'yan ate kasi ang tunay niyan ay nasa pangangalaga ni kuya Keanno. Siya kasi ang orihinal na nagpinta niyan," aniya.

Napatitig akong muli sa larawan. Ganoon na lang ang gulat ko na maging ito ay buhay din. Kaparehong-kapareho ang kulay ng buhok ko ngayon sa kulay ng buhok no'ng babae. Napahawak ako bigla sa aking tiyan.

"E-egoy? Na-nasusuka ako!" Diretso akong napatakbo palabas ng museo.

Halos takbuhin ko na ang kusina. Nang makita ko ang lababo ay agad akong sumuka. Nang matapos kong maisuka lahat ay uminom ako agad ng tubig.

"Ate Yana, ayos ka lang?" Napalingon naman ako kay Egoy.

"Hindi yata ako natunawan Egoy," sagot ko.

"Ipagtitimpla na lang kita ng tsaa ate, makakabuti po 'yan sa inyo." Nginitian ko lang siya. Umayos ako sa pag-upo sa hapag.

"Nga pala Egoy, si Keanno ba talaga ang pintor no'n? 'Di ba

magagalit sila kuya Steffano na ipinakita mo sa akin iyon?" tanong ko pa.

"Siya talaga ate. At saka 'di naman siguro, kung 'di mo sasabihin sa kanila," nakangiting sagot nito kasabay nang paglapag niya sa harapan ko ng isang tasang tsaa.

"May napuna ka ba sa larawan Egoy?" wika ko na ikinakunot naman ng noo nito.

"Po? Wala naman po ate." Napatango akong muli at humigop ng tsaa.

Akmang uupo na sana si Egoy nang makarinig kami ng mga kalabog. Pareho kaming napalingon ni Egoy sa pinto.

"Sandali lang ate Yana," ani Egoy at agad na inusisa kung ano'ng mayroon sa labas. Nang makalabas si Egoy ay bigla na lamang sumakit ang puson ko.

"Ah!" daing ko habang sapo ko ang puson ko. Napayuko ako at napakapit sa damit ko.

"Ah!" daing kong muli at talagang napakapit na ako sa mesa. May kung ano'ng tumutusok dito sa loob ko.

"Ate Yana oh?" wika pa ni Egoy nang makapasok ito.

May bitbit siyang dalawang larawan na naman at sa palagay ko'y galing na naman ito sa museo. Umayos ako sa pag-upo at pinakalma ang sarili ko kahit na ang totoo'y masakit pa rin talaga itong puson ko. 'Di kaya'y kabuwanan ko na ng aking regla? Ngunit ang aga naman yata.

"Ate Yana..." pukaw sa akin ni Egoy.

"Ha? Bakit?" tanong ko pa.

"Kanina pa po ako may sinasabi pero 'di po kayo nakikinig," aniya.

Kinumyos ko ang damit ko kung saang parte mayroon ang sakit.

"N-nako Egoy... May ini... Iniisip lang..." putol-putol ko pang sagot.

"Ayos ka lang ate? Namumutla ka kasi," aniya. Napatango lang ako at sumenyas na maayos ako.

"Ate oh? Ang ganda na naman ng gawa niya," mangha pang reaksyon ni Egoy habang ipinapakita sa akin ang mga larawan.

Natigilan ako at sa palagay ko ay mas lalo akong namutla. Ako na naman ang nasa larawan habang nakababad sa batyang paliguan, kasama ko ang isang lalaki ngunit hindi kita ang mukha nito. Ang isa naman ay ang itsura ko no'ng may piging. Nakatalikod ako habang kaharap ko ang talon.

"E-egoy, wala ka bang napapansin? Kamukha ko ang babae," sabi ko pa na ikinakunot din naman ng noo nito. Muli nitong pinagmasdang mabuti ang larawan.

"Medyo nga ate, pero baka nagkataon lang. Alam mo naman ang tao, may pagkakamukha rin paminsan-minsan. Ika nga nila'y, makapangyarihan ang maykapal," anito at iniligpit na ang mga larawan. Wala pa sa loob akong napahawak sa braso ni Egoy.

"Ate Yana bakit?" aniya. Bumigat pa lalo ang paghinga ko at nagsimula nang mamawis ang buo kong katawan. Humigpit na rin ang pagkumyos ko sa aking damit.

"E-egoy..." sambit ko bago dumilim ang paningin ko.