Inayos ni Cyler ang baseball cap ni Fiona at kasalukuyang nasa automated batting cage sila ngayon. May net sa gilid nila at sa harap ay naroroon ang machine na awtomatikong maghahagis ng bola para paluin ng bat. Pagkatapos ay hinawakan ng binata ang nobya sa magkabilang pisngi, tinitigan sa mga mata, at nginitian.
“Ready, bae-beau?” Hinimas-himas pa niya ang makinis nitong bilugang pisngi. Ang sarap talagang haplusin nito. Nakakagigil.
“Um,” anitong nakangiti nang matipid. “Pero kinakabahan pa rin ako. Baka ako ang tatamaan ng bola, Cyler. Ansakit pa naman ng bukol ko noon no’ng tamaan mo ‘ko.”
“Pasensiya ka na, hindi ko talaga ‘yon sinadya. Pero kapag mapaisip ako ngayon, pasalamat ako noon dahil iyon ang daan para magkalapit tayo, ‘di ba, bae-beau?”
Inismiran siya nito. Umikot siya at saka tinuruan ito sa tamang paghawak ng baseball bat. Ramdam niya ang fluffy na katawan nito at nalanghap ang mabini nitong halimuyak. Niyakap pa niya ang nobya nang nanggigigil at napalingon ito sa kanya.
“Hoy! Tsansing na ‘yan, ah!” sikmat nitong inirapan siya, pero nahuli naman niya ang pagkagat nito ng labi.
Napangiti siya rito nang nanunukso. “Hindi, ah! Tinuturuan lang kita kung paano’ng humawak nang mabuti diyan sa baseball bat,” palusot niyang hinimas-himas naman ang kamay nito.
“Cyler!” ungot nito.
Napansin niya ang pamumula nito sa pisngi at ninakawan pa ito ng halik sa sentido.
“Sige na, bae-beau. Seryoso na ako. Ready na, okay?” nakangiting aniya. Ayaw man sanang bitiwan ang nobya ay napilitan na siyang tumabi at hinayaan itong maglaro.
Lumabas ang isang bola at napasigaw ito dahil sa pagkagulat kaya sa halip na pumalo ay umatras ito sa gilid. Lumingon ito sa kanya.
“O, ba’t hindi mo pinalo?” usisa niya.
“Natatakot nga ako, eh!” reklamong sumbong nito. Napalabi pa ito.
“Come on! You can do it, beau!” himok niya.
Napalunok ito at napilitang pumosisyon na naman katulad ng itinuro niya. Napangiti siya nang matamaan nito ang sumunod na bola kahit na tumili pa ito. Natawa siyang nanonood sa kasintahan na ginagawa ang lahat para matamaan ang bola. Ilang beses din itong nakatama sa bola.
“Ang galing mo, bae-beau! I’m so proud of you!” sabay halik niya sa pisngi nito pagkaakbay. Natapos din ito sa round na iyon at lumabas na sila para manood ng sine.
Hawak-hawak niya ang kamay ng dalaga, hindi ito binitiwan kahit kailan. Kahit kumakain sila ng popcorn ay ganoon pa rin. Siya rin ang humawak ng maiinom nito at pinasipsip ito sa straw habang tinitigan ito sa mukha.
“Ano ka ba? Doon ka nga sa screen tumingin,” marahang wika ng dalaga sa kanya.
Alam niyang napapahiya ito sa tuwing tinitigan niya ito nang malagkit. Ngumiti siya rito at hinalikan sa sentido.
“I just can’t take my eyes off of you, bae-beau.”
“Nako-conscious na ako sa ‘yo, ah,” turan nitong itinikom ang bibig, iniwas ang paningin mula sa kanya.
Sa silver screen naman may habulan na eksenang nangyayari.
Lalong lumapad ang kanyang ngiti. “Bakit? Dapat alam mong hindi ako magsasawa sa pagtitig sa ‘yo, bae-beau.”
Marahan itong lumingon sa kanya at naghinang ang kanilang mga mata. Hindi alam ni Cyler pero para siyang minamagneto nito nang mga sandaling iyon.
“You look like you’re asking me to kiss you,” pabulong na aniya na seryoso ang mukha.
Lumunok ang babae at siya rin. Natameme yata ito sa sinabi niya kaya unti-unti siyang napangiti. Dahan-dahan niyang inilapit ang mukha sa katipan subalit biglang nag-vibrate ang kanyang cell phone. Gayunpaman ay hindi siya nagpatinag sa kanyang aparato. Patuloy niyang inilapit ang mukha sa dalaga hanggang sa lumapat ang mga labi niya sa malambot nitong mga labi.
***
“Oi, Cyler! Talaga bang seryoso ka sa balyenang si Fiona, ha?” maangas na anang kabarkada ni Benjie nang madaanan niya ito sa may student lounge.
Napalingon siya rito nang nakasimangot. Humakbang na siya para sugurin ito pero naalala niyang sinabi sa kanya ng nobya na huwag nang pansinin ang mga bullies nito.
Napakuyom na lang siya ng mga palad at nagpatuloy sa paglalakad patungo sa kanilang classroom. Doon ay naabutan niyang sinabunutan ni Shiloh si Fiona. Ang iba naman nilang mga kaklase ay nanonood lang at pilit na inaawat ni Jenna si Shiloh.
“Shiloh! Stop it!” galit na aniyang nilapitan ang mga ito. Hinawakan niya ito sa balikat at itinabig palayo sa kanyang nobya. “What the hell’s with you? Bakit mo ba laging inaaway ang girlfriend ko, ha?” Nagbabaga ang mga matang sigaw niya.
Kapwa hinihingal ang dalawang babae. Inakbayan niya si Fiona at inaayos ang nagulong buhok.
“Bae-beau, okay ka lang ba, ha?” marahang tanong niya at nakasalamin ang pag-aalala sa mga mata.
Napalunok ito at tumango. “O-okay lang.”
Galit na naman niyang binalingan si Shiloh. “Huwag mong uubusin ang pasensiya ko sa ‘yo, Shiloh, ah? Sa susunod na may gagawin ka pa kay Fiona, humanda ka na lang sa gagawin ko!” banta niya rito.
Hindi nakaimik ang babae at nag-walk out sa kanilang classroom. Sinundan lang ito ng mga minions nito at si Jenna ay dinaluhan si Fiona. Sawang-sawa na talaga siya sa pang-aaway ng mga schoolmates at classmates nila kay Fiona. Parang gusto na niyang magwala. Gayunpaman ay pilit niyang pinigilan ang sarili alang-alang sa nobya.
Akala niya ay magiging maayos na ang lahat kapag nalaman na ng mga itong girlfriend na niya ito pero wala pa ring pagbabago. Sa katunayan, lalo pa itong lumala. Kahit siya ay kinukutya na rin ng mga ito kesyo nawala na siya sa tamang pag-iisip. Parang gusto na niyang mag-amok at bigyan ng hindi makalilimutang leksyon ang mga ito nang isa-isa. Again, he just tried to control himself for the sake of his girlfriend.
‘Pero hanggang kailan ko ‘to matitiis?’ tanong niya sa sarili.