Chapter 19

Hindi umalis si Valerie sa tabi ko. Panay parin ang paghagod niya sa likod ko at wala ring tigil ang pagpatak ng luha ko. Gusto kong sabunutan ang sarili ko. Ako lang din naman ang nagpapahirap sa sarili ko tapos ngayon iiyak. Pinunasan ko ang mga luha ko bago humarap kay Valerie.

“May kilala ka bang nag sa-salvage? Ipa-salvage ko boss mo,” sumisinghot na saad ko.

"Ako sana. . . kaso baka ako ang una niyang makatay kapag ginawa ko yun,” patagilid siyang sumandal sa pader, nakaharap sa akin. “Intindihin mo na lang, “aniya. “Baliw yun. Nawawala sa sarili kapag ikaw ang kasama.”

Sumimangot ako. BaLiw nga siya. Sino ba ang matinong tao na handang i-risk ang sitwasyon para lang sa isang mababang babae? Hindi niya iniingat ang image niya as a CEO, as a young successful business man, a rich. . . syempre gwapo at hot din.

Napabuga ako ng hangin. “Hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko para tuluyan na niya akong layuan. Kahit anong iwas ko, kahit anong pagtago ko sa kanya. . . kung sa iisang lugar lang kami wala ring patutunguhan ang ginagawa ko.”

“Bakit kailangan mong lumayo? Bakit kailangan mong magtago? Bakit hindi mo nalang siya harapin ay huwag iwasan? Kasi sa ginagawa mo lalo ka lang niyang hahabulin,” napayuko ako sa sinabi niya. Hindi niya kasi naintindihan ang sitwasyon ko. “Hindi ko alam kung ano ang nagyari sa past niyo, kung bakit ganito kayo ngayon pero, Lil, hindi sa lahat ng oras, hindi sa lahat ng pagkakataon, ang lumayo sa kanya ang rason para matakasan mo siya.”

Takot akong sumugal lalo na at alam kong sa huli talo ako. Pinaglaruan niya lang ako. Pinapaikot sa palad niya hanggang sa ma bitag niya ako at makuha niya ang gusto niya sa akin. Hiyang-hiya na ako sa sarili ko sa ginawa ko noon, ayaw ko na iyon dagdagan pa alo na’t sa kanya parin ang bagsak ko.

Ang sabi ko sa sarili ko noon, magsumikap ako, mag ipon ng pera para kapag nagkita ulit kaming dalawa mabayaran ko na iyong pera na ibinigay niya para kay nanay. Para wala akong utang na loob sa kanya. Pero ano ang buhay ko ngayon? Isa paring mahirap, kumakayod parin para may makain. Hanggang ngayon, wala parin akong narating sa buhay na pwedeng ipagmayabang sa kanya.

Ngumiti ako ng pilit. “Ayaw ko muna iyan isipin, Val. Sa ngayon, kailangan ko parin na umiwas sa kanya. Ayaw ko na ulit mangyari ang nakita mo kanina.”

“Fine, hindi kita tutuksuhin,” aniya ng samaan ko siya ng tingin.

Sabay kami na bumalik sa canteen. May 15 minutes nalang bago mag in kaya nag ayos ako ng sarili. Nasa bag ko na ang baunan ko. Malinis na iyon at wala na ring kalat sa lamesa. Umusog ako ng tumabi sa akin si Valerie.

“Yung ginamit ni boss na kutsara at tinidor hindi ko tinapon, nasa loob ng bag mo. Baka gusto mong gawin na souvenir-aray ko,” natatawa na daing niya ng kurutin ko siya sa tagiliran.

“Kulamin ko yun, eh.”

Hanggang sa bumaba na kami panay parin ang panunukso sa akin ni Valerie. Napatingin tuloy sa amin ang ibang empleyado nang banggitin niya ang ‘boss”. Lalo niya lang ako inaasar kapag sinusuway ko siya kaya ang ending kinurot ko siya ng malakas at pinagbantaan.

“Isang asar mo pa hindi na ako makipagkaibigan sayo,” pagbabanta ko. Ngingiti-ngiti lang ang sagot niya sa akin at umangkla sa braso ko. “Doon ang opisina mo, ‘bat nakasunod ka parin sa akin?” saad ko ng hindi siya humiwalay sa akin.

“Mag shift na ako bilang housekeeping. Ayaw ko na maging secretary ng isang baliw-,”

“Valerie.”

Isang malalim at malamig pa sa yelo na boses ang nagpatigil sa amin sa paghakbang. It was Ethan. Nasa likuran namin siya. Si Valerie nakabusangot at ayaw lingunin ang tumawag sa kanya. Wala sa itsura nito ang takot o kaba kung narinig ba ni Ethan ang sinabi niya kanina.

Siniko ko siya. “Mahirap man. . . pero kailangan mo ng bumitaw. Kailan mong panindigan ang desisyon na pinili mo. . . hindi tayo pwede. . at kailanman hindi maaring maging pwede. . pinapalaya na kita.”

Biro lang sana iyon kay Valerie, ngunit napagtanto ko. . na ang salitang binitawan ko ay para iyon sa amin ni Ethan.

“Good bye, my love. . . In another life, you will be my girl. I’ll keep the promises that we will leave together. . hapilly…”

Kinalas ko ang kamay siyang naka yapos sa braso ko. “Bye.”

Gusto kong bumulinghit ng tawa ng sabayan niya ang pagdadrama ko. Best actress rin pala to. Malungkot ang kanyang mukha at dahan-dahan na humakbang patalikod sa akin. Sa gilid ng aking mata nakita ko ang pagkunot ng noo ni Ethan habang palipat-lipat ng tingin sa amin ni Valerie.

“Wahhh! Hindi ko kaya,” atungal ni Valerie at bumalik sa akin.

“Valerie, ‘wag mo akong dramahan,” kalmadong saad ni Ethan.

Ang ibang empleyado nagtataka kung ano ang nangyayari sa pagitan naming tatlo.

“Gaga ka! Doon ka na nga. Ang drama mo,” natatawa na sabi ko.

“Ayoko talaga,” parang bata na tanggi niya. “Boss, naman…”

“Sumunod ka sa akin kung ayaw mong dagdagan ko ang trabaho mo.”

Mabilis pa sa alas kwatro na bumitaw sa kamay ko si Valerie at patakbo na bumalik sa office ni Ethan. Napa iling nalang ako at humakbang rin paalis hindi pinansin ang lalaki na nasa likuran ko. Hanggang sa pababa ako ng hagdan ramdam ko parin ang titig niya. Hindi nga ako nagkamali. Pagharap ko, nandoon parin siya sa kinatayuan niya at sa akin ang tingin.

__________

Naka upo ako sa ibabaw ng lamesa dito sa loob ng cr. Nagmumuni-muni. Tatlong araw ko ng hindi pinapansin si Ethan pero tuwing lunch break kasama namin siya. Dalawa sila ni Valerie ang kumakain ng ulam na dala ko. Hindi nagsasawa kahit araw-araw chopsoy at chicken joy ang ulam. Napansin niya yata na ayaw ko siyang kausapin kaya tahimik lang ang bibig niya kapag magkasama kami.

Pumasok si Astro at sumampa sa lamesa, tumabi siya ng upo sa akin at isinandal ang likod sa pader. “Buti pa rito hindi busy,” aniya. “Sa food stool ang daming tao, ngayon lang ako naka tiyempo umakyat dito, iniwan ko si Jean doon.”

“Wala bang foods?” matamlay na tanong ko.

“Alaws. Tomgots na ako,” aniya at hinihimas ang tiyan. “ Nagtanong pala sa akin si SOM, nagtataka kung bakit palagi ka raw nilalapitan ni Sir Jake.”

Tinakasan ako ng dugo sa sinabi niya. Ramdam ko ang pamumutla ko. Hindi ako makahinga ng maayos sa bilis ng tibok ng puso ko sa kaba. Nanlambot ako bigla.

“Nakita kayo sa CCTV no’ng ni review nila dahil doon sa pagnanakaw na naganap noong isang araw. Nandoon kasi ako, ako ang naglinis sa taas kaya ako ang natanong,” dagdag niya.

Gusto kong sugurin si Ethan. Gusto ko siyang bulyawan. Paano kung nakahalata na si SOM? Paano na ako? Ang trabaho ko? Saan ako pupulutin kung ipatanggal ako? Hindi malabo na nakita nilang lahat ang tagpo kung saan palagi kaming magkasama ni Ethan. Kung paano siya dumukit sa akin. Kung gaano katagal siya bago umalis. Hindi imposible na hindi sila manghinala sa mga kinikilos ni Ethan.

Hindi ko naintindihan ang iba pang sinabi ni Astro. Nagdilim ang paningin ko at hinahabol ko ang aking paghinga. Gusto kong magsumigaw sa inis, sa galit kay Ethan dahil sa mga galaw niyang hindi nag iingat. Hindi ko alam ang gagawin ko. Takot na takot ako na baka sa susunod ako na mismo ang tatanungin ni SOM o ng ibang tao na nakahalata sa aming dalawa ni Ethan.

Nabalik ako sa aking ulirat ng tapikin ako ni Astro. “Balik na ako sa ibaba, baka hinahanap na ako ni Jean.”

Nagmadali akong pumasok sa banyo pagka alis niya at iniyak ang frustration na nararamdaman ko. Oo, boss siya. May karapatan siya kung tatanggalin niya ang isang empleyado niya o hindi pero paano naman ang imahe ko dito sa loob? Anong mukha ang maihaharap ko sa kapwa ko empleyado kapag nalaman nila na pumatos ako sa isang CEO?

Malamang sabihan nila ako na malandi, mataas ang pangarap, mukhang pera, o baka sabihan pa ako na pokpok at walang delikadesa. Kung sakali man na pumutok ang issue tungkol sa amin ni Ethan, ako ang kawawa. Dahil walang boss na sisiraan ang mismong sarili niya sa mata ng kanyang empleyado at ang ikasira ng imahe ng mall niya.

________

Tatlong araw akong absent, nilagnat ako at subrang sakit ng ulo ko pag uwi ko no’ng araw na nag usap kami ni Astro. Panay ang iyak ko non sa banyo. Nagtaka pa si Valerie nang makita na mugto ang mata ko nang makasalubong ko siya nang pauwi na ako. Pinilit ko lang na pumasok ngayon dahil marami na ang absent ko, sakto pa na may live band ngayon at nag midnight sale.

Bandang alas nuwebe ng gabi, medyo hindi na kami busy. Maraming tao sa ground floor, naki jamming sa banda. May mangilan ngilan na tao rito sa taas nakatunghay sa mga nagsisiyahan sa ibaba. Tumayo ako sa gilid ng poste na hindi kita ng CCTV, itinukod ko ang siko ko roon at nakisabay na kumanta sa vocalist.

Mahina lang ang pagkanta ko. Halos ako lang nakarinig sa boses ko. I felt warmth in my hearth. I'm happy habang sinasabayan ng kanta ang tugtog. I missed singing. Nakikita ko ang sarili ko sa vocalist habang kumakanta siya. Ganyan na ganyan ako noon. Masaya, sinasapuso ang bawat pagbigkas ng lyrics ng kanta. Hindi ko namalayan na nakangiti na pala ako habang umaawit

“I can’t wait to see you again. . . singing on the stage.”

“Ay! Putik! E-Ethan.. .” gulat na sambit ko, sa aliw ko hindi ko namalayan ang pagdating niya. “A-Anong ginagawa mo dito?”

Hindi niya pinansin ang sinabi ko bagkus tumabi pa siya sa akin at nakapamulsa habang sa ground floor ang tingin.

“‘Wag mo naman ako ilagay sa alanganin,” mahinang usal ko. “Nakita tayo ni SOM sa CCTV, nagtanong siya sa mga kasama ko at nagtataka siya kung bakit palagi tayong magkasama.”

“I want to hear your beautiful voice again. . . singing my favorite song.”

“A-Anong p-pinagsasabi mo?” komento ko dahil hindi naman iyon ang sagot sa mga sinabi ko.

Saglit niya akong sinulyapan at ibinalik ang tingin sa ibaba. “Ako yung palaging nagpapa-request sayo ng tatlong kanta.”

Napahawak ako sa railings ng biglang nanghina ang mga tuhod ko sa narinig. Nalilito ako. Naguguluhan. Ayaw kong maniwala sa sinabi niya. Paanong siya? Bakit siya?

“I-Ikaw yun?” paniniguro ko.

“Mmm,” lalo akong nanghina ng tumango siya. “Ako rin nagsabi na may ari ng bar na ikaw ang gusto kong makasama ng gabing yun,” my lips parted with disbelief. “Pag-uusap lang sana yun kaya lang,” humarap siya sa akin at pinakatitigan ako. “Hindi ko napigilan ang sarili ko.”

Mabilis niyang hinawakan ang braso ko ng muntik na akong mabuwal sa kinatayuan ko. Kahit nanghihina, tinabig ko ang kamay niya. Parang sasabog ang ulo ko sa mga sinabi niya.

Kung ganun, alam niya ang sitwasyon ko noon? Kaya lagi siyang ang re-request ng kanta at malaki ang tip na binibigay niya. Na ganun nalang siya kabilis magbigay ng pera para sa operasyon ni nanay dahil alam na niya na kailangan ko ng pera. Pero bakit? Dahil sa sex? Kung pag-uusap lang ang gusto niya ng gabing iyon, bakit hindi niya pinilit na pigilan ang sarili niya na hindi kami hahantong sa kama?

I don’t understand. At hindi ko kayang intindihin pa dahil nakatatak na sa isip ko na sex ang kailangan niya. At kaya ako nagpaubaya sa kanya dahil kailangan ko noon ng pera at siya ang makapagbigay sa akin ng malaking halaga.

“Yanie…” ang lambing ng boses niya, nagmamaka-awa ng tabingin ko ulit ang kamay niya saka tinalikuran.

I looked at him blankly. “Pinaikot mo ako sa mga palad mo, Ethan.”