Chapter 25: Kabanata 25: Ang Katotohanan

Yngrid

NAGTAYUAN ang balahibo ko ng makita ko ang mga tao sa simbahan. Kahit iilan lang sila ay kitang-kita naman ang saya sa mga mata nila. Nagulat naman ako ng may tumabi sa akin at ng tingnan ko ito ay tuluyan na akong naiyak dahil sa lahat ng taong makakasama ko ngayon ay si Manang na hindi ko narinig ng kahit anumang salita.

“M-manang,” naiusal ko na lamang at pinahiran niya ang luha ko na ngayon ay tuloy-tuloy ang pagdaloy pero mas lalo pang nanlambot ang tuhod ko ng yakapin ako ng Mama ni Devron ngayon ay naiiyak na nakatingin sa akin.

Ibig sabihin ay alam na pala nila ang plano ni Devron at ako na lang ang hindi nakakaalam. Mukhang ako yata talaga ang may araw ngayon at hindi si Devron na ngayon ay nasa unahan at katabi si Mr Montecillo na nababakas rin ang saya sa mukha.

“Ma’am Montecillo,” pagtawag ko matapos niya akong yakapin at sabay sila ni Manang na humawak sa braso at nagsimula ng maglakad papunta sa unahan. Nginitian ko naman si Gelene na ngayon ay umiiyak kaya mahina akong natwa.

“Simula ngayon ay Mama mo na ang itawag mo sa akin. Pasensya ka na, Yngrid kung sa ganitong paraan ka kinuha ni Devron. Mahal na mahal ka lang talaga ng anak ko at ayaw ka niyang mawala kaya nagawa niya ito,” paliwanag niya kaya tumango ako at matamis na ngumiti.

“Hindi niyo naman po kailangan humingi sa akin ng pasensya, ginusto ko rin po ito dahil mahal ko po ang anak mo po. Kahit sino po siya ay patuloy ko pa ring mamahalin si Devron kagaya ng pagmamahal na ibinigay niya po sa akin.” emosyonal kong sagot kaya saglit kaming tumigil dahil pinahiran niya ang luha na tumutulo sa pisngi niya.

“Yngrid, anak. Kung ano man ang mangyari sa susunod na araw sana ay pagkatiwalaan mo ang anak ko. Kilala ko si Devron, ginagawa niya ito para mailayo ka sa kanila at hindi muling guluhin pa. Kaya sana, pagkatiwalaan mo ang anak ko sa susunod niyang gagawin sa’yo,” pangaral sa akin ni Mama ni Devron kaya kahit naguguluhan ay tumango ako at hindi ko na namalayang nasa harapan na pala kami ni Devron.

Mahigpit na hinawakan ni Devron ang kamay ko at sabay naman kaming napatingin sa Ama niya na ngayon ay seryoso ang mukha pero kitang-kita ko naman na masaya siya lalo na sa anak niya na ngayon ay nakikipagtagisan ng tingin dito.

“Devron, alam kong kaya mo na pero sana ay hindi mo na hahayaang mawala pa ulit si Yngrid katulad ng ipinangako mo sa Ama niya noong nabubuhay pa ito.”

Nang sabihin ‘yon ng Ama ni Devron ay nabingi naman ako at hindi makapaniwalang napatitig sa kanila. Kilala nila si Papa? Paano? Hindi kaya sila ang tinutukoy sa akin ni Papa na sila ang pamilyang pinagtatrabahuhan niya dati?

“I will Pa. Hindi ako naninira ng pangako,” ganti naman niya at ngumisi ito sabay tapik sa balikat. Nanigas naman ako sa kinatatayuan ko ng sa akin naman dumako ang paningin niya kaya awkward akong ngumiti.

“Welcome to the family, Yngrid. Pasensya ka na kung sa ganitong paraan ka kinuha ng anak ko pero mahal na mahal ka nito.”

Matapos niyang sabihin ‘yon ay umalis na siya sa harapan namin kaya muli akong napatingin kay Devron habang nagsasalita ang pari sa harap namin. Marami akong gustong itanong sa kanya pero hindi ko alam kung saan magsisimula. Nang mapansin niyang nakatingin ako sa kanya ay mahigpit niyang hinawakan ang kamay ko.

“I will explain everything later, baby.” Pakiusap niya at wala na akong nagawa kundi tanggapin ang kapalaran na kakaharapin ko sa buhay ng mga Montecillo. Sa dami-rami ng sinabi ni Father ay ang exchanging vows lamang ang naintindihan ko kaya ngayon ay pareho na kaming nakaharap sa isa’t-isa ni Devron na may hawak na ngayong singsing.

“Dev, ang totoo niyan ay hindi ko alam ‘to kaya hindi ko pa alam kung ano talaga ang sasabihin ko sa’yo sa mga oras na’to,” panimula ko kaya nagtawanan naman ang nasa paligid ko miski siya kaya nagpatuloy ako. “Pero sa mga oras na’to at sa araw-araw na dumadaan sa ating dalawa, palagi mong tatandaan na mahal na mahal kita. Kung dumating man ang panahon na paghihiwalayin tayo ay ikaw pa rin ang hahanapin at pipiliin ko araw-araw dahil mahal na mahal kita.”

Saglit akong tumigil dahil pakiramdam ko ay may nakabara sa lalamunan ko kaya pinalis naman niya ang luhang tumutulo ngayon sa pisngi ko. Kagaya ko ay pinipigilan rin ni Devron na maiyak sa harapan naming lahat.

“Hindi ko man alam kung ano ang susunod na mangyayari sa atin pero handa akong samahan ka. Sabay tayong lalaban,” matapos kong sabihin ‘yon ay nanginginig kong isinuot ang singsing at nang siya naman ang magsasalita ay rinig na rinig ko ang malakas niyang pagsinghap.

“Iiyak na ‘yan!” Rinig kong pang-aasar ni Iris pero mabilis lang siyang sinamaan ng tingin ni Devron at muling tumuon sa akin ang paningin niya kaya nginitian ko siya kahit papaano ay mabawasan ang kaba na nararamdaman niya.

Kung sino pa ang lakas loob mag-aya ng kasal ay siya pa ‘tong kinakabahan. Iba ka talaga, Devron.

“Noong una kitang makita sabi ko sa sarili ko na ikaw na nga. Kaya ang ginawa ko ay nagpapapansin ako sa’yo na hindi mo alam. Minsan kapag hindi mo ako napapansin ay naiirita ako kasi iniiwasan mo ako pero kapag naman napansin mo na ako ay abot langit na ang kilig na nararamdaman ko,” pag-amin niya kaya napuno ng asaran ang loob ng simbahan at doon ay nangunguna si Iris at Gelene dahilan para matawa ako.

“Kuya, ang lakas pala ng tama mo kay Yngrid!”

“Ang haba naman ng buhok mo, be. Ikaw na!”

“Hanggang sa hindi ko na mapigilan ang sarili ko na ipakita ko sa’’yo kung gaano kita kamahal. Wala eh, talagang tinamaan ako sa’yo kaya talagang tinapangan ko ang sarili kong umamin pero mas masaya pala kapag nalaman mong mahal ka rin pala ng taong mahal mo. Alam mo bang umiyak pa ako kay Mama nong sinabi mong mahal mo rin ako, Yngrid.” Bakas ang hiya sa boses niya kaya nanlaki ang mata ko at napatingin kay Mama na ngayon ay tuwang-tuwa sa pag-amin ni Devron.

“Oo nga, sa sobrang tuwa ko non. Umiyak ako ng umiyak kay Mama kasi sa wakas… minahal rin ako ng babaeng mahal ko. At kung anuman ang mangyari at dadating sa ating dalawa, handa kong bitawan ang lahat mahalin at protektahan ka lang, Yngrid. Mahal na mahal kita ng higit pa sa inaakala mo.” Pagtatapos niya ng vows niya at napapikit na lang ako ng mariin niyang patakan ng halik ang kamay ko kung saan niya nilagay ang singsing.

Sa hinaba-haba ng senaryo at pagmimisa na ginawa sa amin ni Father ay napuno ng palakpakan at hiyawan ang loob ng simbahan. Kahit iilan lang sila ay ramdam na ramdam ko ang suporta at pagmamahal nila sa amin ni Devron. At hindi ko aakalin na ang lalaking mahal ko ay napangasawa ko na ngayon.

Iba pala sa feeling. Para kang nakalutang sa langit.

“You may now kiss the bride.”

MATAPOS ang biglaang kasal na naganap ay dumiretso kami dito sa isang resthouse na pagmamay-ari nila Sebastian. Ang sabi ng mag-asawa ay magrelax daw muna kaming dalawa bago ulit magkagulo. Hindi ko nga alam kung seseryosohin ko ba o hindi ng sabihin ‘yon ni Iris.

Habang pinagmamasdan ko ang maliwanag at bilog na buwan dito sa bintana ay naramdaman ko naman ang pagyakap ni Devron sa likuran ko kaya isinandal ko ang ulo ko sa dibdib niya at sabay naming pinagmasdan ang buwan na ngayon ay tumatama ang liwanag sa direksyon namin.

Kahit kating-kati na akong tanungin kung bakit niya kilala si Papa ay hinayaan ko munang ihanda ni Devron ang sarili niya. Gusto kong siya mismo ang magsimula dahil alam kong kaya niya. Naghihintay lang ako ng tyempo na magsalita siya.

“I was 19 years old when I met your father. Richard Dela Fuente is one of the most loyal and trusted bodyguards of my father. They became closest friends at naging close kami dahil mabilis siyang pakisamahan. While your father was doing his job to us, iniiwan ka naman niya kay Mama, sa pagkakatanda ko ay sampung taon ka nong una kitang nakita.” Binasag niya ang katahimikan na namamayani sa aming dalawa ng magsimula siya kaya taimtim naman akong nakinig.

“I was mesmerized by your beauty. Sabi ko, kahit bata pa lang ay maganda na, paano kaya kapag lumaki ka na ay panigurado ng marami ang magkandarapa na lalaki sa’yo. While your father is doing his job there’s an enemy who wants to ruin your father's reputation. Yung mga kaaway namin ay gumawa ng paraan para malinlang nila si Papa at masira ang trabaho ng ama mo sa amin. Ninakawan nila si Papa ng ilang milyon at nilagay ito sa bahay niyo. Dahil sa ginawa nilang ‘yon ay mas lalong nagalit si Papa dahil noong mga oras na ginawa nila ang krimen na ‘yon ay kasama ni Papa si Richard para sa isang misyon. Kaya ang kinalabasan ay hindi naging matagumpay ang ginawa nilang panloloko sa Ama mo at pinuntirya na nila kayo.”

Nang marinig ko ‘yon ay hindi ko maiwasang bumigat ang dibdib ko miski na rin ang paghinga ko. Naramdaman ko naman ang paghaplos ni Devron sa tyan ko na akala mo ay pinapakalma ako kaya nakatulong naman kahit papaano. Habang pinapakinggan ko ang mga salitang lumalabas sa bibig niya ay unti-unting nanunumbalik sa akin ang mga pangyayaring matagal ko ng ibinaon sa limot.

“Nong gabing ‘yon, yun ang gabing hindi ko makakalimutan… ang gabi kung saan humingi na ng tulong ang Ama mo sa amin dahil pareho na nila kayong papatayin. Nang marinig ko ‘yon ay mas lalong umusbong ang galit sa puso ko. Rinig na rinig ko kung paano magmakaawa ang Ama mo na ilayo ka sa mga kaaway namin, Yngrid. Ramdam na ramdam ko ang takot sa boses niya ng mga oras na ‘yon.”

Tumigil siya saglit at nakailang lunok na akala mo ay nahihirapan na siya sa sasabihin niya kaya binaklas ko ang mga braso niya nakayakap sa akin at hinarap siya. Kitang-kita ko ang pagsisisi sa mga mata niya kaya hinaplos ko ang pisngi niya at nagpatuloy naman siya.

“Kahit delikado ay sumama ako para sigurado na ligtas na kayo ng Ama mo. Pero… pero nahuli na pala kami. Si Sir Richard na walang sawa na tumulong at halos ibuwis ang buhay sa pamilya namin ay naabutan na lang namin na isa ng malamig na bangkay. Hinahanap kita pero hindi kita muling nakita pa. Kaya sabi ko, sa oras na makita kita ay hindi ko na hahayaan pang mawala ka, Yngrid. Dahil sa amin, nawala ang mahalagang tao sa buhay mo.”

Matapos ‘yong sabihin ni Devron ay tuluyan na akong napahagulgol at natulos na lang ako sa kinatatayuan ko ng dahan-dahan siyang lumuhod at yumakap sa mga bewang ko. Dahil don ay mas lalong nanikip ang dibdib ko ng maramdaman ko ang pag-iyak niya dahil yumuyugyog ang balikat niya.

“Dev… baby,” paos kong wika at ng akmang itatayo ko siya ay nagmatigas siya at mas lalo pang hinigpitan ang pagkakayakap sa bewang ko.

“Baby… forgive me. Forgive us. Dahil sa magulo naming buhay ay nadamay kayo at nawala ang mahalagang tao sa buhay mo. Sobra ang pagsisisi at konsensya ko sa mga oras na ‘yon, Yngrid. Kaya gagawin ko ang lahat para ipaghiganti ang Ama mo sa pamilya nila Kalista. Sisiguraduhin kong magdudusa din sila kagaya ng kung paano ka magdusa ng dahil sa kanila.”