Chapter 18: Kabanata 18: Sino Ka?

Yngrid

PAREHO kaming natigilan ni Devron sa naging tanong ko. Nakita ko ang takot sa mga mata niya sa kauna-unahang pagkakataon. Nanginginig niyang hinawakan ang pisngi ko at mas hinapit pa ang bewang ko para mapalapit sa kanya.

“Devron,” paos kong wika pero pinagdikit niya ang noo naming dalawa at marahang hinaplos ang sugat ko sa balikat kung saan ako nadaplisan ng bala kaya lumamlam ang mata ko sa ginawa niya.

"Sino ka ba talaga?" Muli kong pagtatanong kaya mariin siyang pumikit. Pakiramdam ko ay natatakot siyang marinig ko ang tunay niyang pagkatao pero hindi ko muna siya huhusgahan. Kailangan kong malaman kung sino ba ang lalaking nagugustuhan.

"Dev," malambing kong pagtawag at sa wakas ay binuksan niya na ang mata niya na ngayon ay matapang ng nakatingin sa akin.

"Hindi mo magugustuhan kung sino ako, Yngrid," aniya kaya tumango ako at marahang hinaplos ang pisngi niya dahilan para mas lalo pang humigpit ang pagkakakapit niya sa bewang ko.

"Handa akong makinig, Devron. Handang-handa, hindi kita huhusgahan. Gusto kitang makilala, gusto kong malaman kung sino ka ba talaga… bago ako sumugal sa'yo." Ang panghuling sinabi ko au halos bulong na lang dahil hindi pa ako handang umamin sa nararamdaman ko.

Gusto ko munang makilala si Devron ng sobra, gusto kong malaman kung bakit naging isa siya miyembro ng mga Mafia. Gusto kong malaman kung bakit niya ginagawa ito. Gusto ko siyang kilalanin hindi bilang isang Amo kundi ang lalaking handa akong sumugal para lang iparamdam sa kanya ang nararamdaman ko.

"I'm one of them, Yngrid. Pumapatay ako ng tao, demonyo ako pagdating sa mga ganiyang bagay. Kapag nakasalubong ko ang mga kaaway ko, handa kong ibaon ang bala ko kahit saan mang parte ng katawan nila. Pinapatay ko sila, pinapahirapan ko sila base sa mga nagawang kasalanan nila." Panimula niya kaya taimtim naman akong nakinig.

Ibang-iba ang Devron na nakikita ko ngayon, matalim ang mata at madilim ang mukha. Kitang-kita mo kung gaano siya kagalit sa mga taong gumagawa ng mga kasalanan na hindi na katanggap-tanggap dito sa lipunan.

"Wala akong sinasanto pagdating sa kamatayan, Yngrid. Lahat ng gumagawa ng mali sa akin, pagbabanta at iba pa ay nilalabanan ko ng patas pero kahit kailan ay hindi ako pumatay ng inosente, Yngrid. Hindi ako kailanman pumatay ng mga inosente," pag-amin niya tumango ako at sinuklay ang buhok niya gamit ang kamay ko para kumalma siya kahit papaano.

"Simula ng maging isa ako sa kanila, tinanggap ko na lagi kong kasama si Kamatayan. Kada lalabas ako at kahit saan man ako magpunta ay alam kong anumang oras ay handa nila akong kalabanin kahit kapalit pa ng buhay nila. Pero mas naging maingat na ako sa pag-uwi simula ng makilala kita, Yngrid."

Nabalot ng pagtataka ang isip ko ngayon sa sinabi niya, hindi ko alam kung bakit ako ang naging rason. Kaya imbis na magtanong pa ay hinayaan ko siyang magsalita. Ang boses niya na seryoso ngayon ay kumalma, ang mga mata niya ng matalim ngayon ay naging malamlam. Hindi pa rin niya binibitawan ang pagkakayakap sa bewang ko at mas lalo pa akong niyakap.

“Palagi na akong nag-iingat kasi may dahilan na ako para umuwi ng ligtas sa bahay. May dahilan na ako para magpatuloy pa dito sa ginagawa ko dahil kailangan kitang protektahan lalo na at alam nilang ikaw ang kahinaan ko, Yngrid. Ikaw lang, kaya hayaan mong iparamdam ko sa’yo kung gaano kita kamahal.”

Halos manlambot ako sa huling sinabi niya kaya hindi ko maiwasang mamuo ang luha sa mga mata dahil sa mga oras na ito ay handa na rin akong sumugal. Kahit alam kong delikado siya ay susugal ako pero hindi pa ito ang tamang panahon para umamin sa kaniya. Tanggap ko siya kung sino siya pero wala pa akong lakas ng loob para aminin ang nararamdaman sa kanya.

“Yngrid, alam kong magulo ang buhay ko pero handa kong harapin ang lahat dahil nakita na kita at nakakasama. Hindi ko na hahayaang mawala ka pa sa akin, hindi ko na hahayaang masaktan ka pa nila. Hindi ko hahayaang makuha ka nila. Hindi ko hahayaan, Yngrid. Makikipagpatayan ako, Yngrid.”

Ang mga lumalabas na salita sa mga bibig niya ay delikado at seryoso. Punong-puno ito ng pagbabanta kaya hindi ko na kinaya at hinaplos ang pisngi niya para pakalmahin siya, masyadong nakakataba ng puso ang bawat salitang sinasabi niya.

“Dev…” Tanging ‘yon na lang ang nasambit ko ng magaan niya akong halikan kaya wala na akong nagawa kundi ang tugunan ‘yon. Kahit man lang dito ay maparamdam ko sa kanya ang nararamdaman ko.

Naramdaman ko na lamang ang malambot na kama sa likod ko kaya napayakap ako sa leeg niya at malalim na halik muna ang ginawa niya sa akin bago pakawalan ang labi ko. Nang tumingin ako sa mga mata niya ay dinampian niya ng mumunting halik ang noo ko at nilagay ang iilang hibla sa likod ng tainga ko.

“Mahal na mahal kita, Yngrid. Hihintayin kong sabihin mo rin sa akin na mahal mo ako. I may be a demon but when it comes to you I will be a saint. I’m a saint when it comes to you, Yngrid.”

…

BUMALIK SA NORMAL ang lahat pero mas naging showy si Devron kaya iba na ang nagiging tingin sa amin ng mga kasambahay lalo na sila Aubrey. Si Gelene at Manang ay tahimik lamang pero alam kong marami silang gustong itanong sa akin.

Mas naging mahigpit ang seguridad dito sa mansyon, mas lalong nadagdagan ang mga body guard na ipinagtataka naman nilang lahat pero ako ay alam ko na kung ano ang dahilan nito. Ayaw na ulit mangyari ni Devron ang nangyari sa akin kaya naging mahigpit siya.

Sa bawat araw na dumadaan ay mas lalong lumalalim ang nararamdaman ko kay Devron. Araw-araw ay pinaparamdam niya na mahal niya ako at ganun din ako sa kanya pero hindi pa lumalabas sa bibig ko ang salitang gusto niyang marinig mula sa akin. Napapikit na lang ako ng maramdaman ko ang mainit niyang braso sa bewang ko hinawakan ko ang kamay niya at tumitig sa mga mata niya.

Mabuti na lamang at nandito kami sa office niya kaya malaya naming ginagawa ang gusto niyang gawin tulad nitong paglalambing niya. Wala talaga siyang pakialam kung may makahuli sa amin, ang mahalaga sa kanya ay magawa niya gusto niyang gawin.

“Bakit Dev?” Mahinahong tanong ko kaya sumiksik ang mukha niya sa leeg ko at inamoy ito. Natawa na lang ako dahil para siyang bata sa ginagawa niya.

"She's here. I'm going to talk to her," paalam niya at alam ko na kung sino ang tinutukoy niya. Mabilis akong umiwas para hindi niya makita na nasasaktan at nagseselos ako. Dahil sa ginawa kong ‘yon ay hinawakan niya ang pisngi ko at ipinagdikit ang noo naming dalawa.

“May tiwala ka naman sa akin, Yngrid ‘diba?” Paninigurado niya kaya hindi ako nagdalawang isip na tumango na ikinangiti naman niya. “Mahal na mahal kita, Yngrid,” aniya kaya napapikit ako at tipid na ngumiti.

“Ma-” Naputol na lang ang pagsasalita ko ng may kumatok sa pinto ng opisina niya kaya doon napabaling ang atensyon namin ni Devron. Gusto ko mang mainis dahil gagantihan ko nasa si Devron pero wala na akong magawa dahil tumayo na siya at mahina akong natawa ng makita ko ang gulat na mukha ni Gelene at mabilis na ngumiti ng makita ako. Kaya kinawayan ko siya.

“Sir, nasa baba po si Ms Kalista hinahanap ka.” Aniya kaya tumingin muna sa akin si Devron kaya tipid ko siyang nginitian. Kitang-kita sa mukha niya na ayaw niya pero dahil pumayag ako ay wala na siyang nagawa kundi ang sumunod.

“Babalikan kita, Yngrid.” Pinal niyang saad at tuluyan ng lumabas.

Nang makalabas na si Devron ay mabilis naman akong nilapitan ni Yngrid na ngayon ay nanunuri na ang mga mata kaya tinaasan ko siya ng kilay at tinawanan.

“Bakit Gelene?”

“Anong relasyon niyo ni Senyorito?” Pagtatanong niya kaya natigilan ako at matagal na napatitig sa mga mata niya. Kita doon ang kaseryosohan kaya hindi ko maiwasang kabahan.

“A-anong ibig mong sabihin?” Nauutal kong tanong at palihim na lumunok. Dahil sa naging tanong ko ay nginisian niya ako at kinurot sa braso kaya napasigaw na ako sa sobrang sakit. Bakit ba ang hilig manakit ng babaeng ‘to.

“Ay be ‘wag ako. Hindi ka makakapag-sinungaling sa akin. Kitang-kita ng mga mata ko na may kakaiba sa inyong dalawa ni Sir. Akala mo hindi ko nakita na hinahalikan ka ni Sir Devron sa garden,” dire-diretsong saad niya kaya nanlaki ang mata ko at tuluyan na talagang hindi alam kung ano ang idadahilan sa kanya.

Nahuli niya na kami.

“Gelene, ‘yung nakita mo sana… sana ay huwag mong ipagkalat sa iba.” Pagmamakaawa ko kaya nginitian niya ako at tinapik sa balikat. Sa paraan niyang iyon ay ipinaparating niya na mapagkakatiwalaan ko siya kaya nakahinga naman ako ng maluwag.

“Mapagkakatiwalaan mo ako dyan, Yngrid. Matagal ko na kayang hinihiling na maging kayo ni Senyorito tapos malalaman ko na magkakatotoo na pala. Magkwento ka naman,” pagpupumilit niya kaya natawa ako at napaisip kung saan ako magsisimula.

Sasabihin ko ba kay Gelene ang lahat? Kaya ko na ba?