Chapter 26
Baseball. Hindi ko naman talaga gusto ang manood ng laro pero napilitan akong samahan si Hanson dahil manonood daw siya ng laro ni Yui. Magkalaban ang 4D at 4E sa laro at kasali si Yui sa team. Kanina pa nga ako nababagot habang nakahalukipkip na nakaupo sa baitang ng grandstand. Tahimik lang din si Hanson sa tabi ko kaya mas lalo lang akong nabagot.
Naisipan kong magbukas ng topic.
"Hans?"
"Hmm."
"Kilala mo ba si Ate Sidine?"
"Sidine Malarie?" Kumunot ang noo niya pero nanatili ang tingin naglalarong team sa gitna ng grandstand. "Batchmate."
"Mabait siya." Ngumiti ako at humalumbaba. Tinukod ko ang siko sa hita at pinanood si Yui. "Nakilala ko siya last year. Nang mangampanya sila sa classroom namin. Ambait niya. Tapos, ang ganda pa ng buhok. Maitim na tipong walang kupas na itim. Saka... noong prayer time, ang ganda ng dasal niya. Hindi ko nga alam na pwede pala 'yon? 'Yong dasal na hindi memorize. 'Yong dasal na galing sa puso?" Bumaling ako sa gawi niya. "Hans?" tawag ko.
Pero hindi na siya nakatingin sa ibaba. Pantay na ang tingin niya. Nang tingnan ko ang tinitingnan niya, nakita ko 'yong babaeng pamilyar. Sera yata ang pangalan. Kasalukuyan na siyang bumababa ng grandstand.
"Han -"
"Dito ka lang, Ash."
"Pero -"
"Babalik ako," sabi niya sabay tayo at nagmadaling bumaba ng grandstand.
Tiningnan ko ulit ang babae pero wala na siya. Napalunok ako. Dahan-dahan akong tumayo at tinanaw kung nasaan na si Hanson. Palabas na siya ng grandstand. Mabilis akong bumaba at dumaan sa gilid. Hindi ko inaalis ang tingin kay Hanson. May hindi siya sinasabi sa akin. Alam ko 'yon. Ramdam ko. Pero wala akong lakas para magtanong sa kaniya kung anong bumabagabag sa kaniya. Kung bakit natutulala na lang siya minsan tuwing kasama ko siya.
Napatingin ako sa langit. Makapal at maitim ang ulap. Nakagat ko ang labi at tumakbo palabas ng grandstand. Luminga ako at nakita ko si Hanson sa malayo. Tumakbo ako palapit sa kaniya pero huminto nang magsalita siya.
"Sera."
Agad akong nagtago sa likod ng poste. Umihip ang hangin kasabay nang paglingon ni Sera sa kaniya. Napalunok ako sa ganda ni Sera.
"Ba't nandito ka?" tanong ni Sera.
Bumuntong-hinga si Hanson. "Next month, matatapos ang first sem. Gusto kong magpaalam sa 'yo."
Nangunot ang noo ko sa sinabi ni Hanson. Magpaalam?
"Magpaalam?" takang tanong ni Sera. Hindi ko alam kung matutuwa ako dahil nakuha niya ang reaksyon ko o hindi. "Bakit? Magta-transfer ka?" dagdag niyang tanong.
"Titira na sa Cebu ang pamilya ko. Doon na rin ako magka-college."
Cebu. Parang narinig ko na ang pangalan na 'yon. Nagbaba ako ng tingin at inisip kung saan ko narinig ang pangalang 'yon. Napakurap ako nang pumasok sa isip ko 'yong sinabi ni Tita Merivic na lugar sa Pilipinas na gusto niyang puntahan kapag nakapagtapos na siya ng college. Napatitig ako kay Hanson. Lalayo na siya?
"Pwede ba kitang mayakap?" sabi niya.
Napakurap na naman ako nang makita kong mahigpit niyang niyakap si Sera. Napahawak ako sa dibdib at tahimik silang pinagmasdan.
Kumalas si Hanson at hinagkan sa noo si Sera. "Salamat, Sera."
Dahan-dahan siyang tumalikod at naglakad palayo. Akmang lalabas ako sa pinagtataguan nang bigla na lang siyang humarap ulit kay Sera at nagsalita.
"Gihigugma tika, Sonya Cetera."
Nangunot ang noo ko sa sinabi niya. Ibang lengguwahe yata ang ginamit ni Hanson. Pero parang naintindihan 'yon ni Sera dahil kita ko ang gulat sa mukha niya.
Napakislot ako nang biglang bumuhos ang ulan kasabay ng kulog. Napayakap ako sa sarili at napatingala. Ayaw ko pa namang umuwing basa. Baka magkakasakit ako nito. Akmang pipihit ako nang mahagip ng mata ko ang paglakad ni Hanson pabalik sa kinatatayuan ni Sera.
Nakatayo si Sera ilang metro mula sa akin habang nakatingala at nakapikit. Tinaas ni Hanson ang kamay sa mukha ni Sera para harangan ang tubig-ulan mula sa pagpatak sa mukha ng huli. Pinagmasdan ko lang ang sunod niyang gagawin.
"Sera," bulong ni Hanson na hindi ko masyadong marinig dahil sa malakas na buhos ng ulan.
Nagsalita si Sera pero tinuon ko ang atensyon kay Hanson. Nakatitig siya nang husto kay Sera. Kahit pa nang mag-iwas ng tingin si Sera ay hindi naalis ang titig ni Hanson sa mukha nito. Mas lalong kumabog ang dibdib ko sa kaba. Si Sera ba 'yong tinukoy ni Yui na nagugustuhan ni Hanson?
"Totoo ang sinabi ko. Maniwala ka," sabi ni Hanson.
Bigla na lang tumalikod si Sera. "Wala akong panahon sa mga ganiyan, Hanson."
Napakurap na naman ako nang niyakap ni Hanson si Sera mula sa likuran. "Alam ko. Kaya pinipigilan ko, Sera. Para hindi na ako masaktan nang husto."
Napaatras ako at napayuko. Totoo nga. Si Sera nga ang gusto ni Hanson. Nag-angat ako ng tingin at nakita kong nag-usap na silang dalawa. Hindi ko na narinig ang pinag-uusapan nila dahil mas lalong bumigat ang buhos ng ulan. Sumabay pa ang pamisan-minsang kulog na nagpapakislot sa akin.
Pumihit ako at tumakbo sa ilalim ng ulan. Paulit-ulit akong lumunok. Paulit-ulit ding kumurap para mawala ang panlalabo ng paningin dahil sa nagbabadyang luha. Bakit hindi niya sinabi? Bakit ayaw niyang sabihin sa aking may nagustuhan nga siyang iba? Bakit wala man lang siyang binanggit tungkol kay Sera? At... at hindi niya sinabing aalis siya ng Tyrant King Academy? Na aalis siya ng Venansala?
Huminto ako sa pagtakbo at muling nilingon ang dalawa. Pero hindi ko na sila makita dahil sa hamog na kumalat sa kalsada at sa mabibigat na patak ng ulan. Pakiramdam ko, unti-unting tumagas ang init ng katawan ko. Bigla na lang akong naginig sa lamig. Napayakap ako sa sarili at nagpatuloy sa pagtakbo.
Hindi pa ako nakakalayo nang may humawak sa braso ko at pwersahan akong pinihit. Napahiyaw ako sa gulat at nanlalaki ang mga matang napatingin kay Reide. Oo, si Reide. Napasinghap ako.
"R-Reide."
Ngumiti siya at hinawakan ang batok ko. Kinabig niya ako at niyakap. "I miss you," bulong niya.
Bigla na lang bumilis ang kabog ng dibdib ko sa sinabi niya. Humigpit ang hawak ko laylayan ng coat ng uniporme ko. "A-Anong ginagawa mo rito?"
"Hindi kita kayang pakawalan, Laura. Mahal kita. Mahal na mahal kita kaya please... sumama ka na sa akin."
Mabilis akong kumalas sa yakap niya at mariin siyang tinitigan. Mariing magkalapat ang maninipis niyang mga labi at nagtatagis ang bagang. Nagbaba ako ng tingin. "Pasensya na, Reide. Pero nandito ang buhay ko. Hindi ko kayang iwan sina Mama at mga kapatid mo."
"Hindi ko sila kapatid, Laura. Alam mo 'yan." Lumambot ang ekspresyon ng mukha niya at marahang hinawakan ang balikat ko. "Ayaw mo bang sumama? Dadalhin kita sa Alta. Makakawala ka na sa paghihirap mo sa bahay. Hindi ka na gagawa ng gawaing bahay. Laura, sumama ka na... pakiusap, mahal ko."
Napalunok ako at napailing. "Sorry. Patawad pero ayoko." Tinabig ko ang kamay niyang nakahawak sa balikat ko at pumihit. Tumakbo ako palayo sa kaniya. Rinig ko ang pakiusap na sigaw ni Reide. Umiling ako at nagpatuloy sa pagtakbo palayo.
Takbo. Pagak akong natawa. Palagi lang naman akong tumatakbo sa problema. Huminto ako at huminga nang malalim. Hiningal ako bigla sa pagtakbo.
Tumingala ako sa langit. Patuloy pa rin ang pagbuhos ng ulan at pumasok ang ilang patak sa mga mata ko. Napapikit ako at marahang naglandas ang luha ko sa pisngi.
"Sinabi ko nang pagod na ako, 'di ba?" bulong ko sa hangin. "Bakit... palagi na lang akong hinahabol ng problema? Ayaw Mo ba akong pagpahingain?"
Dumilat ako at matapang na sinalubong ang patak ng ulan. Pero sa pagkakataong ito, wala ni isang pumasok sa mga mata ko. Umawang ang labi ko habang pinagmamasdan ang bawat patak na dahan-dahang bumababa mula sa maiitim na ulap.
"Anong dapat kong gawin para... makuha ko ang pabor Mo?" Nanlabo ang paningin ko. "Anong dapat kong gawin. Sabihin Mo na. Parang awa Mo na..."
Napasalampak ako sa putik dahil nanghina bigla ang mga tuhod ko. Napatingala ako sa langit na hanggang ngayo'y patuloy sa pag-iyak. Parang walang planong tumigil sa pagbuhos.
"I came to You," daing ko. "Lumapit na ako lahat-lahat pero bakit hindi ko pa rin makuha-kuha ang pabor Mo? Nagpakumbaba na ako sa harap Mo pero bakit ayaw akong tantanan ng problema? Bakit? Gusto kong malaman kung bakit. Sabihin Mo sa akin para maintindihan ko kung bakit ganito ang buhay ko. Kung bakit humihinga pa rin ako hanggang ngayon."
Napahugot ako nang malalim na hininga, at dahan-dahang niyuko ang ulo. "Ilang beses ko nang tinangkang magpakamatay, pero sa tuwing gagawin ko na, hindi Mo ako hinayaan. Ilang beses na akong nagtangkang tumalon, maglaslas, lahat-lahat pero sa tuwing tinatangka ko... bigla na lang akong natatakot sa kamatayan." Tumingala ako at huminga nang malalim. "Bakit ba binigyan Mo ako ng takot kung ang gusto ko lang ay mamatay! Bakit? Sabihin Mo kung bakit! Sawa na ako. Sawang-sawa na ako sa buhay na 'to, Hesus!"
Kumulog at kumidlat kasabay ng biglang ihip ng malakas na hangin. Isa lang 'yong ordinaryong hangin... paulit-ulit kong pinapaniwala ang sarili ko. Pero hindi ko kaya. Dahil pakiramdam kong umikot nang umikot ang hangin sa paligid ko. Na parang iniikotan ako.
Napakislot ako nang biglang kumidlat. Tumama ang kidlat sa lupa, ilang metro mula sa kinasasadlakan ko. Nahigit ko ang hininga. Dumagundong ang langit. Kumidlat nang kumidlat. Umihip ang malakas na hangin palibot sa akin.
Napaiyak ako sa takot. Niyuko ko ang ulo at tinakpan ang magkabilang tainga. "Wag... w-wag Mo akong patayin. Takot ako. Natatakot pa akong mamatay. Please, 'wag. Wag po, Panginoon! 'Wag po! Hindi pa ako handa. Hindi ko pa kayang mamatay!" Napahagulgol ako.
Unti-unting humina ang ihip ng hangin. Natahimik din ang langit at naging banayad ang patak ng ulan. Mas lalo akong naiyak. Mas lalo akong lumuha.
"I'm sorry, Lord." Malungkot kong tiningnan ang langit. "Isa lang akong abo. Madaling maubos, madaling mawala. I'm sorry. Hindi kita dapat hinamon dahil makapangyarihan Ka. At ano ba ang laban ko? Isa lang akong hamak na tao, Lord. Makasalanang tao. I'm sorry."
Napahiga ako sa putik. Ilang beses akong humingi ng tawad sa Kaniya. Inilabas ko lahat. Sinabi ko ang mga nagawa kong mali. Inamin ko sa Kaniyang madalas ko Siyang binabalewala, kinalimutan. Inamin ko lahat ng sikreto ko. Inamin kong minsan kong hinangad na mamatay ang sarili kong ina, mga Tiyohin at Tiyahin, maging sina Lolo at Lola. Inamin ko lahat. Inamin ko!
"Patawad, patawarin Mo ako..." hagulgol ko. "Sinisisi ko sa 'yo lahat ng masasamang pangyayari sa buhay ko. Pero hindi ko man lang inisip na Ikaw ang nag-alaga sa akin mula pagkabata. Na patuloy Mo akong inaruga kahit pa labis-labis kong hinangad na kumatok sa pinto ng bahay si kamatayan. Kahit pa lagi akong nagkakasala sa 'yo, Lord. I'm sorry, Lord."
Ilang minuto akong nakahiga sa maputik na lupa habang tulalang nakatitig sa langit na unti-unti nang masisinagan ng araw. Unti-unting nawala ang maiitim na ulap. Unti-unting lumiwanag ang kalangitan.
Ngayon lang bumalik sa isip ko ang napag-usapan namin ni Hanson. At ang realization kong... lumalapit lang ako sa Kaniya dahil may kailangan ako, at hindi para humingi ng tawad. Nagsisi akong hindi ko sineryoso ang sinabi ni Hanson. Dapat pala ay humingi ako nag tawad at iwan ang makasalanan kong buhay.
Dahan-dahan akong umupo at tumingala sa langit. Hindi ko alintana ang makating putik na dumikit sa balat at uniporme ko. Hindi ko inisip kung anong sasabihin ni Mama at mga Tiyahin ko.
Ang nasa isip ko ngayon ay kung paano mamuhay sa kabanalan. O kung makakaya ko bang mamuhay ng may kabanalan?
Dahan-dahan akong ngumiti. Hindi ko kaya, pero walang imposible sa Diyos.
Huminga ako nang malalim at ngumiti sa langit. Naging banayad na ang pakiramdam ko at nawala na ang bigat sa puso ko. Nililipad ako ng pakiramdam na 'yon. Isang... lumalagablab na apoy. Hindi para kay Hanson kung hindi... para kay Hesus. A fire for Him. A love for Him. A commitment to Him.
For Him and Him alone.
Tumayo ako at pinagpag ang uniporme. Dahan-dahan akong naglakad palayo sa lugar na 'yon. At habang naglalakad ako palayo, bigla na lang sumilip ang araw mula sa makakapal na ulap. Napahinto ako sa paghakbang nang tumama ang sinag ng araw sa eksaktong lugar na kinatatayuan ko.
Napatingala ako sa langit. At napangiti na naman. "Thank you for not giving up on me, Jesus."
Lumaki nang lumaki ang parteng nasisinagan ng araw. It was a marvelous light. Light.
The glorious Light shines inside of me. The lonely town of shadows is no more hiding behind my smiles. The Light has overcome the shadow that is with me for years.
And that Light is Jesus.
THE END.
072820. 4. 01P
The End
You finished this book. Find your next story below.





