Chapter 25

Kung mayro'n man akong pinagsisihan, 'yon ay ang hindi ko pagtingin sa mabuti. Lahat na lang ng nakikita ko ay masama. Sa bawat sulok ng bahay, tingin ko ay isang selda na nakakapagod. Nakakaumay. Nakakalunod. Hindi ko man lang naisip na sumilip sa gawing mabuti.

Palaging masama ang iniisip ko sa lahat ng Tiyohin at Tiyahin ko. Minsan ko ring inisip na sana mamatay sila. O kaya lumayas. Para hindi na ako mahirapan pa. Nabulag ako sa nakakalunod na emosyon kaya hindi ko nakita kung anong mabuti sa kanila.

Malungkot pala ang bahay kung walang ibang kasama.

At ngayon na wala na sina Lolo at Lola, at wala na rin si Tito Reide, mas lalong tumahimik ang bahay sa tuwing wala sina Mama, Tito Pol, at Tita Merivic. Sabado ngayon kaya walang pasok. Sina Tito Boy at Tita Karol lang ang kasama ko sa bahay.

Nagpaalam si Tita Merivic para magpunta sa University, habang nagtatrabaho naman sina Mama at Tito Pol. Palamunin naman talaga ang dalawang natira sa bahay kaya hindi na ako nagulat nang biglang nagsisigaw si Tito Boy.

"Ayos!"

"Kuya naman. Ginulat mo ako. 'Yan, hindi na pantay ang icing ng cake na bini-bake ko!"

"Pasensya na," natatawang saad ni Tito Boy. "May nakausap akong broker. Sabing gusto raw akong makausap ng amo niya. Baka ako ang gagawing assistant ni kumpareng broker."

"Talaga?" Binaba ni Tita Karol ang lagayan ng frosting at nameywang sa harap ni Tito Boy. "Siguraduhin mong trabaho na 'yan, Kuya. Baka naman bisyo 'yan? Naku, hindi ka na bibigyan ni Ate Nora para sa sugal mo."

Lumuhod ako at sinuksok ang walis tambo sa ilalim ng mesa para makuha ang mga alikabok. Palihim akong nakinig sa pinag-uusapan ng dalawa.

"Hindi 'yan. Natuto na ako. Sus, ikaw ba? Nakuha ka na ba sa ina-aplayan mong kompanya?"

"Hmm... malapit na."

Humalakhak si Tito Boy. "Tingnan natin kung sino ang unang matanggap sa trabaho. Pustahan, ako ang unang matatanggap."

"Ayan ka naman, Kuya. Sabing natuto ka na? Ano na naman 'yang pustahan, ha?"

Humagikgik si Tito Boy saka tumayo. Pasayaw-sayaw siyang lumabas ng pinto habang napapailing si Tita Karol. Napailing na lang ako sa kulitan ng dalawa.

"Laura."

"Ano 'yon, Tita?" Tumayo ako at lumingon sa kaniya.

"Natapos mo na bang labhan 'yong formal attire ko? Gagamitin ko 'yon bukas."

"Tapos na, Tiya."

Tumango siya saka muling nagbaba ng tingin sa maliit na chupon cake. Umikhim siya. "Halika rito, Laura."

Lumapit ako sa kaniya habang nakatitig sa cake. "Tiya, ampanget ng pagkalagay mo sa frosting." Natutop ko ang bibig at nanlalaki ang mga matang nag-angat ng tingin kay Tita Karol.

Ngumuso siya. "Practice lang 'yan. Tikman mo nga," ismid niya saka humalukipkip.

Nagkibit-balikat ako saka kinuha ang tinidor. Tumusok ako sa cake saka dinala sa bibig. Natunaw sa bibig ko ang icing.

"Ano, masarap ba?" tanong ni Tiya.

Kumurap ako. "Icing lang 'yong nakain ko, Tiya. Matamis ang icing."

"Laura!" asar niyang sambit. "Yong in-bake ko ang tikman mo. Hindi frosting!"

"Pero Tiya, kalahating-dangkal lang yata 'yong cake. Tapos dalawang dangkal ang icing. Kainin ko muna 'yong icing, Tiya."

Namula ang mukha niya sa inis. Tumalikod siya at nagmartsa papunta sa kusina. "Akala ko ba lalaki ang cake 'pag nilagyan ng baking soda? Aba, peke pala 'yong brand na 'yon!"

Napailing na lang ako. Hindi ko alam kung bakit gusto niyang matutong mag-bake. Pero ayos na siguro 'yon. At least, productive pa rin siya.

MATAAS ang grado ko sa second quarter ng first semester. Hindi ko alam kung bakit ako nakakuha ng above eighty-five sa lahat ng subject. Sa pagkakaalam ko, zero ang nakuha ko sa tatlong summative test. Siguro nahila pataas ng finals.

"Gernalie!" sigaw ko saka tumakbo payakap sa kaniya. "Top 5 ako sa klase!"

"Ha? Totoo 'yan, Laura?"

Kumalas ako at natawa. Pinakita ko sa kaniya ang grade slip saka ranking ng seksyon ko. "Eighty-seven ang GWA ko saka nakuha ko ang Top 5 spot!"

"Wow!" Hinablot ni Gernalie ang class ranking list saka nanlaki ang mga mata. "Totoo nga! Top 5 ka, Laura!  Wow! Paano mo ginawa 'yon?"

Humagikgik ako. "Nagpuyat ako sa finals para sana mapataas ang grado ko, pero hindi ko inakalang makakasali ako sa ranking."

"Aba, congrats friend! Tingnan mo nga, kung hindi ka pa nakakuha ng zero sa summative test, hindi ka magpupuyat sa finals. Tingnan mo, nagbunga ng maganda ang nangyari sa 'yo these past few weeks!"

"Oo nga." Ngumiti ako at hinawi ang buhok na tumabing sa mukha ko. "Ewan ko kung dapat ba akong magpasalamat sa tatlong itlog sa class record ni Teacher o hindi."

Naghalakhakan kami. Saka inaya ako ni Gernalie na magpunta sa canteen. Ngiti akong tumango at sumabay sa kaniya.

"Anong plano mo ngayong semestral break?" tanong ni Gernalie matapos kaming makabili ng orange juice.

Nagkibit-balikat ako. "Plano kong mag-advance study. Saka, makaipon ng pera para ipantustos sa darating na second semester."

"O, maganda 'yan. May bago akong raket ngayon."

Tumingin ako sa kaniya. "Ano 'yon?"

"Naghahanap si Desirie ng makakasama sa bakasyon. Gagawa raw siya ng bagong music video na magfi-feature sa Alta Sosyedad. Nagha-hire siya ng production assistant. Gusto mong sumali?"

Natawa ako. "Kakasabi ko lang na mag-a-advance study ako ngayong sem-break." Sumipsip ako sa straw. "Siguro... pwede akong humalili sa 'yo sa Casa. Ako na lang ang magdidilig at maglilinis sa hardin nina Desirie."

"Oh... magandang ideya nga 'yan, Laura. Sige mag -"

Nahinto sa pagsasalita si Gernalie at nanlaki ang mga mata habang nakatingin sa harap. Taka akong tumingin sa tinitignan niya at maski ako, natulala saglit. Nakahinto sa harap namin si Hanson. Nakatitig siya sa akin.

"Uh, guys? Baka pwede akong... mauna? See yah later!" sigaw ni Gernalie saka nagtatakbo palayo. Naiwan ako kasama si Hanson. Napalunok ako.

"H-Hi?" bati ko sa kaniya.

Ngumiti siya at humakbang palapit sa akin. "Ashlee."

Lumunok ulit ako. Nagrurumentado na naman ang puso ko habang nakatitig sa kaniya. Nag-iwas ako ng tingin at umikhim. "K-Kumusta ka na?"

"I'm good. How are you, Ash?" bulong niya.

Dahan-dahan akong tumingin ulit kay Hanson. May marahang ngiti sa mga labi niya, at kita ko sa mga mata niya ang pananabik. Pananabik? Para kanino? Para sa akin ba?

"M-May kailangan ka?" Pumiyok ako sa huling salita. Umikhim ako. "May kailangan ka ba, Hanson?"

Natigilan siya sa sinabi ko. Maya-maya pa'y napabuga ng hangin. "Wala akong kailangan sa 'yo, Ashlee."

"So... bakit ka lumapit sa akin? Sanay na ako sa mga taong lumalapit lang dahil may kailangan sila sa akin."

Mariing tumitig si Hanson sa mga mata ko. Hindi ko rin inalis ang titig ko sa kaniya. Nabigla ako nang kinabig niya ako at niyakap nang mahigpit. Ilang ulit niyang sinamyo ang buhok ko. "I miss your scent, Ash."

Napakurap ako. Hinanap ko ang init sa puso ko para sa lalaking yumayakap sa akin... pero ang nahanap kong init ay hindi na gaanong nakakapaso. Hindi na lumalagablab na tulad ng dati. Pero kahit na gano'n... may puwang pa rin siya sa puso ko.

Tinaas ko ang kamay sa likod niya at marahang humagod. "Na-miss kita, Hans."

"I've missed you too, Ash. I'm sorry. I'm so sorry for what I've done to you. I'm sorry."

Napangiti ako at napatingin sa asul na kalangitan. "Ayos lang. Sa katunayan, dahil sa ginawa mo kaya marami akong natutuhan. Maraming salamat."

Mabilis siyang kumalas sa yakap at hinawakan ang magkabila kong pisngi. Sinipat niya ang mukha ko. Naghahanap. Ilang minuto pa'y pinaglapat niya ang mga noo naming dalawa. "Sinaktan kita, Ash. Patawarin mo ako. Hindi kita dapat pinahiya sa harap ng lahat. I know... I know that you're so vulnerable and that I shouldn't hurt you but I still did."

Inabot ko ang pisngi niya at hinaplos. Ngumit ako. "May good news ako sa 'yo. Top 5 ako sa kalse."

Natigilan siya. Nilayo niya ang mukha sa akin saka mariing tumitig sa mga mata ko. "You're not kidding?"

"Oo naman. Heto, patunay na nagawa ko ang pangako ko sa 'yo." Inabot ko sa kaniya ang listahan at grade slip. Agad niya 'yong tinanggap at binasa. "Nakuha ko ang Top 5 spot at above eighty-five ang GWA ko. Haaay. Hindi ko alam na dahil lang sa isang Hanson Seda kaya makukuha ko ang spot. Two years ago pa nang huli akong nakasali sa class ranking. Kaya salamat sa 'yo," natatawa kong saad.

Nag-angat siya ng tingin sa akin. Nagulat na lang ako nang bigla niya akong binuhat sa baywang at inikot-ikot. "Hans!" natatawa kong saway sa kaniya. "Nakakahiya!"

Ngiti niya akong binaba. "I know you have potential, Ash. Nawalan ka lang talaga ng self-esteem."

"Sus, sabihin mo, ginawa ka Niyang instrumento para matuto ako sa buhay."

Napatitig siya sa akin kaya ngumiti ako. Ngumiti rin siya at tinapik ang balikat ko. "I'm happy to know that you are not the same Laura Ashlee Alvaro who entered Tyrant last year. You've changed a lot, Ash. You became the better version of yourself."

Umiling ako. "Nope. It's not that best of me yet. God is still molding me to what I should be. It's just the beginning, Hans. The beginning of something great..."

Marahan kaming ngumiti sa isa't isa.