Chapter 22

Nag-resign si Tito Pol sa trabaho niya para mag-apply sa isang bukas na restaurant na malapit lang sa bahay. Natanggap siya kaya naging payapa ang bahay sa loob ng ilang araw. Kahit na hindi nag-uusap sina Mama at Tito Boy, nakakahinga na ako nang maluwag dahil hindi na gano'n kataas ang tensiyon. Nakalabas na rin ng ospital si Lola kaya heto ako ngayon, pinapakain siya ng sopas.

"Laura," tawag ni Lola.

Binaba ko ang mangkok at nag-angat ng tingin sa kaniya. "Bakit po, Lola?"

"Ayos ka lang ba? Mukhang matamlay ka."

Napakurap ako. Saka ngumiti nang malapad. "Stress lang sa school, 'La. 'Wag niyo akong alahanin."

Bumuntong-hinga siya. "Pasensya na Laura, ha? Ikaw 'yong naiipit sa pagitan ng mga Tiyohin at Tiyahin mo. Sadyang walang mahanap na trabaho ang Tito Pol at Tita Karol mo. Saka nag-aaral pa sina Merivic at Reide."

"Ayos lang, 'La." Nagbaba ako ng tingin. "Nasanay na po ako. Saka, may trabaho na si Tito Pol kaya matutulungan na niya si Mama."

Nabigla ako nang maluha si Lola. "Laura, pasensya na kung naging pabigat kami sa 'yo ng Lolo mo, ha? Mahirap nang tumayo sa kalagayan kong 'to. Malabo na rin ang mata ng Lolo mo." Ngumiti siya. "Pero hayaan mo, dadating din ang oras naming dalawa. Kapag dumating ang araw na 'yon, tiyak kong makakawala ka na sa bigat ng pasanin."

"La..."

"Basta mag-aral ka nang mabuti, Laura. May natitira pa kaming pensyon ang Lolo mo. Magagamit mo 'yon kapag magkokolehiyo ka na."

"Lola -"

"Basta 'wag mong sukuan ang mga anak ko, Laura. 'Wag mong sukuan ang mga Tiyohin at Tiyahin mo. Kahit na palagi ka nilang pinagsasabihan pero lahat ng iyon ay para sa kapakanan mo.

Ayaw ng Tito Boy mo na maging magasta ka, ayaw ng Tita Karol mo na mapariwara ka kaya mahigpit siya sa 'yo. Ang Tita Merivic mo naman, gusto ka lang turuang maging responsable. Alam kong wala kang problema sa Tito Pol mo dahil mabait sa 'yo ang panganay ko. Samantalang ang Tito Reide mo naman..."

"Anong meron kay Tito Reide, 'La?"

Huminga siya nang malalim. "Hindi namin tunay na anak ang Tito Reide mo, Laura. Kaya siguro may pagkapasaway dahil ramdam niyang naiiba siya. Pero kahit na gano'n, mahal na mahal pa rin namin siya ng Lolo mo."

Napakurap ako. "Ampon po si Tito Reide?"

Tumango si Lola. "Natagpuan namin siya sa kagubatan. Kinuha namin siya at inaruga. Kapag dumating ang oras na mawawala na kami ng Lolo mo, sabihin mo sa kaniya ang totoo. At sabihin mong mahal na mahal namin siya."

"La..." Lumunok ako. "Para po kayong naghahabilin. 'Wag ho kayong ganiyan."

Ngumiti lang siya at marahang inabot ang tuktok ng ulo ko. "Kung magkakaroon man ako ng mga apo na hindi ko maabutan, 'wag mong kalimutang ikaw ang pinakapaborito ko sa lahat, Laura."

"L-Lola..."

"Simula nang mamatay ang tatay mo, pinakita mo sa akin kung gaano ka katatag. Nakita ko kung paano ka lumaban kahit na hirap ka nang ipanalo ang laban. Ramdam ko ang pagod mo pero hindi ka pa rin sumuko, apo. Salamat at patuloy ka pa ring lumalaban hanggang ngayon..."

Napalunok ako sa sinabi ni Lola at marahang napangiti. Inayos ko ang pagkakahiga niya saka nagpaalam na lalabas na ng kuwarto niya. Sinulyapan ko pa si Lolo na mahimbing na natutulog sa kabilang parte ng kama.

Lumabas ako ng kuwarto at dinala ang mangkok sa ibaba. Nakasalubong ko si Tito Reide sa kusina. Natigilan din siya nang makita ako. Ngumiti ako at nilampasan siya. Nagpunta ako sa lababo at hinugasan ang mangkok.

Napasinghap lang ako nang pagpihit ko ay nakita ko si Tito Reide na matamang nakatitig sa akin. Umikhim ako. "May problema ba, Tiyo?"

"Kailan ka pa natutong maglagay ng kolorete sa mukha?"

"Ha?" Napahawak ako sa pisngi. Napapitik ako ng daliri nang maalala ko ang ginawa ko kanina. "May contest kasi sa school, Tiyo. Nalimutan kong maghilamos."

"Maghilamos ka bago pa makita ni Ate Karol ang pula mong mga labi," sabi niya habang nakatitig sa mga labi ko.

Natutop ko ang bibig at agad pumihit. Binuksan ko ang gripo at naghilamos. May inabot na panyo si Tito Reide na agad kong tinanggap. Pinunasan ko ang mukha at nag-angat ng tingin kay Tiyo. Nakatitig siya sa akin. May mali ba sa mukha ko?

"Tiyo?" taka kong tawag sa kaniya.

Umikhim siya. "Ilang taon ka nga, Laura?"

"14 po."

Tumango siya. "Mas matanda ako ng isang taon."

"May problema ba, Tiyo?"

Umiling siya at bumuntong-hinga. Inaya niya akong lumabas ng kusina. Tumango ako at takang sumunod sa kaniya. Nakakapanibago ang pagiging kalmado niya. Ah, naalala kong kalmado rin siya nang minsang ginamot niya ang sugat ko.

Pero kakaiba ang pagiging kalmado niya sa araw na 'to.

TUMAWA si Tito Boy. Ngumisi si Tita Karol habang napaikhim si Tito Pol. Napailing naman si Mama habang sumimangot si Tita Merivic. Si Tito Reide... panaka-nakang tumitingin sa akin kaya nagbaba ako ng tingin.

"Alas! Nakakuha ka ng trabaho, Pol?" natatawang saad ni Tito Boy. "Swerte!"

"Nasa hapag tayo, Kuya," saway ni Tita Merivic.

Umiling si Tito Boy at tinaas ang basong may lamang tubig. "Dapat magsaya tayo. Hindi lang si Nora ang may trabaho ngayon."

"Dapat 'kaw din sana, Boy."

Tumingin si Tito Boy kay Mama. "Aba, Nora. Ilang taon na akong naghanap ng trabaho pero ayaw nilang tumanggap ng isang de-kalibreng kargador na tulad ko. Aba, hindi sila kawalan kaya pwe. Isaksak nila ang job hirings sa poste."

"Kuya," natatawang tawag ni Tita Karol. "Kaya ayaw nilang tumanggap sa 'yo kasi hanggang langit ang kahambogan mo."

Nagtawanan sila. Napailing na lang ako at yumuko para itago ang ngiti sa mga labi ko. Sumubo ako ng kanin. Dinig ko ang ingay ng kubyertos.

"Wala ka bang planong maghanap ng trabaho, Karol?" tanong ni Mama.

Nagkibit-balikat si Tita Karol. "May target ako ngayon, Ate. Isang kompanya." Humagikgik siya. "Gwapo ng HR Manager."

"Baka naman landi 'yan," bulong ni Tita Merivic.

Pinektusan siya ni Tita Karol. "Sumasabat ka pa. Kumain ka nga lang diyan," ismid niya.

Napailing si Tita Merivic at sumubo ng kanin. "Basta ako, matapos ko lang 'tong college life, luluwas ako papuntang Pilipinas. Gusto kong mapuntahan 'yong palaging bukambibig ng kaklase kong lugar doon. Cebu raw."

"Tapusin mo muna ang college bago ka mangarap diyan," sabi ni Mama. Bumaling siya kay Tito Reide. "Ikaw naman Reide, anong kukunin mong kurso sa college?"

"Civil Engineering," tipid na sagot ni Tito Reide.

Tumango si Mama at bumaling naman sa akin. "Ikaw, Laura? Kumusta ang grado mo sa Tyrant?"

Napahinto ako sa pagnguya. Mabilis kong nilunok ang pagkain at inabot ang baso. Nilagok ko ang tubig sabay baba ng baso sa mesa. "Ayos lang, Ma. Na-maintain ko 'yong scholarship kaya wala pa ring problema sa tuition."

"Wala ka bang ibang bayarin? Pansin kong hindi ka humihingi ng extrang baon sa akin."

"Ah." Umiling ako. "Ayos lang, Ma. Kasya lang naman 'yong baon ko sa ibang bayarin. Isa pa -"

"Nag-part-time ang anak mo, Nora. Nakita ko nang isang araw doon sa malaking bahay. Nagtatanim sa hardin ng Casa Almodez," sabat ni Tito Pol.

Nanlaki ang mga mata ko. "Tito -"

"Totoo ba 'yon, Laura?" tanong ni Mama.

Nakagat ko ang labi at napatango. "Naghahanap kasi sila ng makakatulong sa pagpapaganda ng hardin. Nagpresenta ako para makatulong sa malaking bahay saka makalikom ng pera para sa mga project ko." Nagbaba ako ng tingin. "Sorry, Ma. Hindi ko agad sinabi."

Natahimik ang mesa. Nagkatinginan sila. Nagkibit-balikat si Tita Merivic at nagpatuloy sa pagkain. "At least, nakatulong sa ibang tao."

Huminga nang malalim si Mama. "Basta siguraduhin mong hindi makakaapekto sa grado mo ang ginagawa mong trabaho."

"Naintindihan ko, Ma. Passing grade lang naman ang retention kaya hindi problema sa akin ang pagpasa sa lahat ng subject."

Tumango si Mama at muling nagpatuloy sa pagkain. Napangiti ako at nagbaba ng tingin sa plato. Palihim akong bumuntong-hinga.

Ako na ang naghugas ng pinagkainan. Nanatili si Tito Reide sa kusina. Gusto raw niyang samahan ako habang hinuhugasan ko ang mga plato. Tumulong lang siya nang pinatuyo ko ang mga pinggan. Hindi naman siya umimik kaya hinayaan ko na lang. Nagpaalam lang ako nang matapos na kami sa pagpapatuyo.

"Laura," pigil niya.

Lumingon ako sa kaniya. "Bakit, Tiyo?"

"Kung aayain kitang lumuwas, sasama ka ba?"

"Tiyo?" taka kong saad. "Luluwas ka?"

Bumuntong-hinga siya. "May nagpakilalang babae sa akin. Sabi niya, siya raw ang tunay kong ina. At inaya niya akong sumama sa kaniya papunta sa Alta Sosyedad."

Napalunok ako. Maang ko siyang pinagmasdan. Huminga ulit siya nang malalim at inis na sinabunutan ang sarili.

"Alam kong nahihirapan ka sa bahay na 'to... kaya kung gusto mong sumama sa akin, sabihin mo lang."

"Tiyo... totoo ba 'yan?"

Tumango siya. "May pinakitang DNA test sa akin ang babae. Nag-match. Tinanong ko ang Mama tungkol dito at sinabi niyang ampon lang ako." Huminga siya nang malalim. "Kaya pala kahit anong gawin ko, hindi ko ramdam ang pamilyang 'to. May iba."

"Tiyo." Lumunok ako. "P-Pag-iisipan ko ang alok mo."

Napangiti siya. Nagulat ako nang kinabig niya ako at hinagkan ako sa pisngi. "Sana'y sumama ka sa akin, Laura."

Umawang ang labi ko sa ginawa niya. "T-Tiyo..."

"Laura." Lumunok siya. "Pasensya na. Hindi ko lang mapigilan ang sarili ko. Pero 'wag mo na akong tawaging Tiyo. Tawagin mo na akong Reide simula ngayon."

"Hindi pa alam ni Mama..."

"Sasabihin ko sa kanila. Hahanap ako ng tiyempo. Ayokong magkagulo ang pamilyang 'to bago ko lisanin ang Mama at Papa. Kaya sana, pag-isipan mong mabuti ang alok ko, Laura."

Hindi agad ako nakahulma sa sinabi niya. Ilang minuto akong nakatitig sa kaniya, at halos malunod ako sa lalim ng titig niya sa akin. Napaatras ako. Mabilis akong pumihit at tumakbo papunta sa sala... paakyat sa hagdan at patungo sa kuwarto ko. Pabagsak ko 'yong sinara at napasandig sa pinto. Paulit-ulit akong lumunok. Hindi pwede. Parang Kuya ko na si Tito Reide. Hindi pwedeng magkagusto siya sa akin!

Malalaki ang hakbang na tinungo ko ang kama. Dumapa ako at kinuha sa ilalim ang lubid na gawa sa abaka. Mahigpit ko 'yong hinawakan at tumingala sa kisame ng sarili kong kuwarto.