Chapter 21
Nanalo siya. Nanalo si Hanson bilang Mr. Intramurals! Gusto ko siyang puntahan agad para i-congrats pero natuod ako sa kinatatayuan nang makita ko kung gaano karaming babae ang lumapit sa kaniya para magpa-picture. Napaiwas ako ng tingin. Gusto kong ako ang unang mag-congrats pero naunahan na ako.
Napabuga ako ng hangin at pumihit. Napasinghap ako nang bumungad ang mukha ni Yui. Seryoso ang mukha niya pero nang magtama ang tingin naming dalawa ay ngumiti. "Hi," bati niya.
"May kailangan ka?" tanong ko.
Nagkibit-balikat siya. "Gusto mo bang sumabay ng lunch? It's my treat."
Napatitig ako sa kaniya. Pero biglang may dumamba sa akin kaya napasubsob ako sa dibdib niya. Maagap niyang hinawakan ang balikat ko para hindi ako matumba. "Laura," tawag niya.
Mabilis akong umatras at umikhim. "Salamat pero pupuntahan ko pa si Hanson." Pumihit ako at naglakad palayo.
Hindi na siya nagtangkang sundan o pigilan ako. Napabuga ako ng hangin at nag-angat ng tingin. Saktong nakita ko sa harap si Hanson. May kasama siyang dalawang babae at isang lalaki. Pamilyar 'yong lalaki pero parang kilala ko na 'yong dalawang babae. Si Cara at Sera yata ang mga 'yon.
Napalunok ako habang tinititigan si Hanson. Naka-suit and tie pa rin siya, saka may ilang hibla ng buhok na bumagsak sa noo niya. Pormal siyang tingnan sa suot at naalala ko bigla ang sinabi niya na Business Administration ang kukunin niya sa college.
Nang minsang nai-search ko sa internet ang tungkol sa kursong 'yon, nalaman kong kurso 'yon na nagtuturo kung paano i-manage ang isang negosyo. Saka, halos suit and tie ang palaging suot ng businessman. Bagay na bagay nga sa kaniya.
"Han -" Nahinto ako sa pagtawag nang biglang natawa 'yong babaeng Sera yata ang pangalan.
"Ang ganda mo talaga! Kahit hindi ka nanalo, proud pa rin ako sa 'yo," sabi ni Cara at kumalas sa yakap.
"Hindi naman ako naghabol sa korona," sabi ni Sera.
Napangiti si Cara maging 'yong kasama nilang lalaki. Tumingin ako kay Hanson at nakita ko ang kakaibang ngiti sa mga labi niya. Nakatitig siya sa babaeng kausap ni Sera. Napalunok ako.
Siya ba ang dahilan kung bakit iniiwasan na ako ni Hanson? Bumaling ako sa babae. Nakangiti siya at panaka-nakang tumitingin sa lalaking kasama nila, saka kay Sera. Nang tumingin siya kay Hanson, hindi na ako nakapagtimpi. Mabilis akong lumapit sa kaniya.
"Talaga? Wow! Sobrang galante ng Lolo Zion, a?"
Inabot ko ang buhok niya at hinila. Impit siyang napahiyaw. Mas lalong sumama ang loob ko at mariin siyang sinabunutan. Naramdaman ko na lang ang mariing hawak ng dalawang kamay sa mga braso ko. Hinila ako ng kung sino palayo kay Cara. Hinila ng lalaking tinawag ni Zion si Cara palapit kay Sera.
Marahas akong huminga at pumihit. Bumungad sa akin ang madilim na mukha ni Hanson. Magkasalubong ang dalawang kilay niya at humigpit ang hawak niya sa mga braso ko. Mariin ang titig niya sa mga mata ko.
Nanlabo ang paningin ko. "Siya ba, Hans? Siya ba ang pinalit mo sa akin?!"
Mas lalong humigpit ang hawak niya sa braso ko. "Stop it, Ashlee." Pumikit siya at huminga siya nang malalim, bago nagmulat at seryosong sinalubong ang tingin ko. "Say sorry to her."
Napaigik ako sa higpit ng hawak niya, pero tinikom ko ang bibig at sinamaan siya ng tingin. "No!"
Pakiramdam ko, nahinto sa pagdaloy ang dugo ko dahil sa higpit ng hawak niya sa mga braso ko. Tinulak ko siya. Hindi siya natinag. Tinulak ko ulit siya kasabay ang paglapat ng mga ngipin. Doon lang yata siya natauhan at mabilis na pinakawalan ang mga braso ko.
Napalunok ako nang kumirot ang puso ko. Hindi ko akalaing magagawa niyang saktan ako. Huminga ako nang malalim at nagpalipat-lipat ng tingin kay Hanson at kay Cara. "Kaya pala iniiwasan mo ako dahil may iba ka na!" sigaw ko para hindi ako maluha sa harap niya.
"Ashlee," tawag ni Hanson. "Cara is my friend. Now, be a good girl and apologize."
Apologize? Gusto niya akong humingi ng tawad kay Cara? Nanubig ang mga mata ko. Sinulyapan ko si Cara bago bumaling ulit kay Hanson. "Hans please... mahal kita." Lumunok ako at huminga nang malalim. "Bumalik ka na sa akin... please?"
Inabot ko ang kamay niya pero tinabig niya ang kamay ko. "I said apologize to her, Ashlee. You hurt her. Just a mere sorry but you can't utter? Is it hard to say it, Laura Ashlee?"
Tumayo ako nang maayos at sinamaan na naman siya ng tingin. "Pero, Hans. She deserve it. Ninakaw ka niya sa akin!"
"She didn't do anything. Stop being pathetic, Ashlee."
Pathetic? Nanginig ang kamay ko sa sakit kaya mariin ko 'yong kinuyom. Ilang segundo akong tumitig sa mga mata niya. Hinanap ko ang malasakit sa itim niyang mga mata pero wala akong makita kahit katiting. Bakit?
Paanong naging ganiyan kalamig ang titig mo sa akin, Hans?
Nakagat ko ang labi at napahikbi. Sinapo ko ang mukha at humagulgol. "Mahal lang naman kita, e. Bakit ba sinasaktan mo ako nang ganito? Hans, nagmahal lang a-ako..."
"You are just a kid."
"But -"
"I don't do pedo. I don't love you, Ashlee. I'm sorry."
Kunot-noo kong tiningnan si Hanson. Naghintay akong bawiin niya ang sinabi pero mariin ang titig niya. Walang alinlangan. Desidido. Malakas ko siyang sinampal. Ramdan ko ang pamamanhid ng palad ko sa lakas niyon.
Umatras ako. Isang hakbang. Paunti-unti hanggang pumihit ako at tumakbo palayo sa kaniya. Ramdam ko ang titig ng mga estudyante sa akin pero hindi ako nahiyang umiyak habang tumatakbo palayo. Sobrang linaw sa isip ko ang titig ni Hanson. At para bang tinutusok ng karayom ang puso ko sa tuwing sumasagi sa isip ko ang malamig niyang tingin, na para bang isa lang akong babaeng tagahanga niya. Kainis!
Girlfriend niya ako at hindi lang basta-bastang babaeng pwede niyang itapon kung ayaw na niya!
"Laura!"
Nakita ko sa gilid ng mata ang paghabol ni Yui sa akin. Mas binilisan ko ang takbo hanggang makalabas ako ng school gate. Tumakbo ako papunta sa terminal ng jeep... at tumakbo pa ako nang tumakbo. Naging malabo ang paningin ko dahil sa nagbabadyang luha. Kumurap ako at huminto.
Nilibot ko ang tingin at nangunot ang noo ko dahil hindi na pamilyar sa akin ang paligid. Lumingon ako at nakita ko si Yui na tumatakbo palapit sa gawi ko. Dapat akong tumakbo pero natuod ako sa kinatatayuan dahil sa pagkamangha.
"Laura," hingal na sambit ni Yui. Huminto siya sa harap ko at napahawak sa magkabilang tuhod. Tumingala siya. "Wag ka nang tumakbo. Baka mapalayo ka nang husto sa Tyrant."
"Nasa'n tayo?"
"Sa Jungle Park."
"Jungle Park?"
Tumayo nang maayos si Yui. "Hindi ka pa nakakapunta rito? Palagi ko 'tong nadadaanan tuwing uwian. Paborito kong pasyalan pagkatapos ng exams."
"H-Hindi." Lumunok ako at nilibot ang tingin. "Ba't mo 'ko hinabol?" Naglakad ako palapit sa isang bench at naupo. Sumunod siya.
"Nakita kitang umiiyak. Gusto lang kitang tulungan," sabi niya at umupo sa tabi ko.
Bumuntong-hinga ako at tumingin sa kaniya. "Ayaw mo ba akong tantanan?"
"I don't have plans to give up."
"Bakit?"
Bumaling siya sa akin at tumitig nang mariin sa mga mata ko. "Because I love you."
Napaamang ako sa sinabi niya. Ilang minuto ko siyang tinitigan, at nanatili siyang nakatitig sa akin. Walang kakurap-kurap. Nagbaba ako ng tingin. "I think nagkakamali ka. Imposibleng ma-in love ka sa tulad ko."
"And why do you think that it's impossible to love you, Laura?"
Payak akong natawa. "H-Hindi totoo ang love. Kalokohan lang 'yon." Nag-iwas ako ng tingin at tinuon ang mga mata sa nagtataasang mga puno sa harapan. "Hindi totoo ang love. Hindi totoo 'yon kaya imposibleng inlove ka sa akin."
Narinig ko siyang bumuntong-hinga. "Kung hindi totoo ang pag-ibig, sumasang-ayon ka sa sinabi ko. Hindi ka mahal ni Hanson... at hindi mo siya mahal."
"Kalokohan lang 'yan." Kumuyom ang kamao ko. "Wala namang love. Ni walang love sa bahay, sa Tyrant pa kaya?" Pagak akong natawa habang nanlalabo ang paningin. Nakagat ko ang labi nang tumulo ang luha ko.
Hindi na nagsalita si Yui. Nanatili siyang tahimik sa tabi ko. Pinikit ko ang mga mata at pinakiramdaman ang paligid. Gusto kong... gusto kong mawala ang sakit. Gusto kong mawala ang bigat sa dibdib ko.
Minulat ko ang mga mata at nagbaba ng tingin sa mga kamay ko. Pinihit ko ang braso at napatitig nang husto sa palapulsuhan ko.