Chapter 18
Mas lalo akong nilugmok nitong mga araw. Magkasunod-sunod na bagsak ang nakuha ko sa weekly summative tests. Idagdag pa ang pag-aaway nina Mama at Tito Boy. Gusto ni Mama na humanap ng trabaho si Tito Boy pero lagi nalang dinadahilan ng huli na walang tumatanggap sa kaniyang kompaniya.
Sa totoo lang, ayoko nang umuwi sa bahay. Mabigat ang hangin sa loob dahil sa tensiyon sa pagitan nina Mama at Tito Boy. Isinugod pa sa ospital si Lola dahil biglang inatake sa puso. Tuloy, halos hindi na umuuwi si Mama dahil sa pag-o-overtime.
Ako 'yong nasasaktan para sa kaniya. Nagpapakahirap siya para ipantustos sa mga taong dapat sana tumutulong sa kaniya, kaso naging palamunin pa sa bahay.
Si Tito Pol, nakahanap nga ng trabaho pero isandaan lang ang naiuuwi kada araw. Ilang kilo ng bigas lang ang nabibili niya, pero dahil doon kaya nagkaroon ng pag-asa sa mga mata ni Mama. Naisip ko ring... ayos na 'yon kaysa wala.
"Twinkle... twinkle... little Math." Bumuntong-hinga ako. "How I wonder what you got. Up above the board so high. Giving answers I don't find."
Napaangat ako ng tingin nang may biglang tumawa. Nakita ko si Gernalie kasama si Hanson. Tumatawa siya habang naiiling ang huli.
"Jowain mo si Math. Baka maturuan ka no'n," biro ni Gernalie.
Ngumuso ako. "Ilang beses ko nang sinubukan. Ayaw niya talaga sa akin. Pinapahirapan niya ako!"
"Maybe you don't get the concept," singit ni Hanson.
Napatingin ako sa kaniya. "Anong ibig mong sabihin?"
Humakbang siya palapit saka naupo sa tabi ko. Sumandal din siya sa puno at tinanaw ang mga estudyanteng naglalakad sa soccer field. "Teachers may give us formula to get the answer as quick as possible, but they don't teach the concept."
"Ha?" Nangunot ang noo ko. "Di ko pa rin gets."
Nakita ko sa gilid ng mata ang pag-upo ni Gernalie sa damuhan - sa tapat ko. Bumuntong-hinga si Hanson at bumaling sa akin. Tumitig siya sa mga mata ko. "They teach us how to solve the problem using formulas, but they neglect the concept. In basic mathematics, the most important thing to understand is the concept - or the idea of what is what or how it works. In other words... application."
Application? Mas lalong tumaas ang kuryosidad ko sa sinabi niya. Nakita ko rin sa gilid ng mata ang pag-upo nang maayos ni Gernalie.
"Application..." bulong ko. "Yong pag-apply ng formula sa problem?"
Ngumiti si Hanson. "What do you think is the best... applying formula to solve the idealistic math problem, or applying the problem with formula in real world?"
"Ha?" Mas lalo akong naguluhan.
Natawa siya. "Ibig kong sabihin, Ash... ang pag-apply ng formula sa totoong buhay. Kagaya ng integers..." Ngumiti siya. "Negative plus negative is equal to negative. Umutang ka ng limang piso, that is negative five, at umutang ka pa ng tatlong piso, that is negative three... negative five plus negative three is equal to negative eight. Hindi mo pwedeng gawing positive eight dahil umutang ka ng dalawang beses."
"Ah." Nawalan ako bigla ng sasabihin habang pinoproseso ang sinabi niya. Saka umikhim ako. "Kaya pala... palagi akong wrong sa bagay na 'yan. Akala ko negative plus negative is positive."
"Sa multiplication 'yon," sabi niya. "Yan ang sinasabi ko. Pwede kitang bigyan ng formula para madali mong i-solve ang isang math problem... pero hindi mo kailanman maintindihan kung bakit 'yon ang sagot. Ang resulta, nawawalan ka ng interes sa Math kaya hindi mo maso-solve ang higher level math problem dahil hindi mo nakuha ang basic concept no'n."
"Wow," manghang saad ni Gernalie. "Saan mo napulot 'yon, Hanson?"
"Experience."
Tumango-tango ako. Baka pwede kong pag-aralan ang concept na sinasabi niya. Marahan akong ngumiti at binaling ang tingin sa field. Naramdaman kong may biglang humawak sa kamay ko. Napatingin ako ro'n at lumakas ang kabog ng dibdib ko habang tinititigan ang mga kamay naming magkasiklop.
"Ah guys, I think kailangan kong umalis." Hilaw na natawa si Gernalie sabay tayo at takbo palayo.
Napayuko ako at kiniling ang mga kamay namin ni Hanson. Dahan-dahan kong inihilig ang ulo sa balikat niya. I heaved a sighed of relief. May munting init na lumukob sa puso ko.
"Don't stress yourself, Ash. I am not forcing you to get on top of your class," bulong ni Hanson.
"Sige lang. Gusto ko ring gawin para sa 'yo." Pinikit ko ang mga mata at dinama ang malamig na hanging humaplos sa pisngi ko. "Gusto kong sumunod sa 'yo sa college. Gusto kitang kasama sa University pero baka hindi na ako makakapag-aral ng college. Kaya... pwede bang... mangako ka, Hans?"
Hindi siya umimik. Napalunok ako at nagpatuloy. "Girlfriend mo naman ako 'di ba? Boyfriend kita. Kaya pwede bang i-date mo ako? Uh, i-surprise mo naman ako. Kahit 'wag na 'yong chocolates at flowers. Basta kasama lang kita, spending time with each other. Gusto kong gumawa ng memories kasama ka." Sunod-sunod akong lumunok nang manlabo bigla ang paningin ko. "P-Pasayahin mo naman, H-Hans."
"Ashlee -"
"Kasi... kasi next year, wala ka na rito. Baka..." Pagak akong natawa. "Baka hindi ko na makakaya pang pigilan ang sarili ko. H-Hans..." Napahikbi ako.
Gumalaw siya. Mabilis niya akong kinabig at niyakap nang mahigpit. Binaon ko ang mukha sa leeg niya at doon binuhos ang luhang ilang araw ko nang pinipigilan.
"B-Bakit gano'n? Kahit anong pilit ko, hindi pa rin ako sumasaya? Natatakot ako. H-Hans, natatakot akong nawala ka sa akin. B-Baka... baka hindi ko na mapigilan."
"Cast your burdens away to Him. Jesus will heal you."
Pinikit ko ang mga mata at yumakap pabalik sa kaniya. Mas mahigpit. Hinagod niya ang likod ko kaya medyo nabawasan ang bigat sa puso ko. Huminga ako nang malalim.
Nanatili kami sa gano'n puwesto nang bigla na lang tumunog ang school bell, hudyat na tapos na ang lunchbreak. Dahan-dahan akong kumalas sa kaniya. Pinahid niya ang luha sa pisngi ko at mariing tumitig sa akin. Hinagkan niya ako sa noo bago siya tumayo at tinulungan akong makatayo nang maayos. Hinatid niya ako pabalik sa B. D building.
Hindi pa rin siya umiimik. Hindi na rin ako nag-usisa dahil nag-sink in na ngayon ang ginawa ko. Nahiya ako bigla. Tumigil kami sa entrada ng hallway. Nilingon ko siya nang umikhim siya.
"Hintayin mo ako rito mamaya. Ihahatid kita sa inyo."
"Pero -"
Tinaas niya ang hintuturo at nilapat sa labi ko. Nahigit ko ang hininga. Ngumiti siya. "Ihahatid kita, Ashlee."
Napatitig ako nang husto sa mga mata niya. Maya-maya pa'y napatango. Lumapad ang ngiti sa mga labi niya at nilapit ang mukha sa akin. Akala ko hahagkan niya ako sa pisngi pero nakontento lang siyang titigan ang mukha ko sa malapitan.
Napalunok ako nang nilayo niya ang mukha. Pumihit siya at walang paalam na naglakad palayo. Napahawak ako sa dibdib at napabuga ng hangin. Para akong hinabol ng isandaang aso sa bilis ng tibok ng puso ko.
PAGKATAPOS ng araw na 'yon, para bang may nagbago kay Hanson. No'ng una, wala namang kakaiba pero ilang araw ang lumipas na lagi niya akong hinahatid sa amin... lumayo siya bigla.
Hindi sa nagri-reklamo ako pero tanging driver na lang ang naghahatid sa akin sa entrada ng eskina. Ang sabi ng driver, may ginagawa pa si Hanson sa school kaya hindi nakakasabay sa paghatid sa akin.
Ayos lang naman kaya lang maski pagpunta sa soccer field, hindi na niya nagagawa. Ilang araw ko na siyang hindi nakakasama at isang beses lang niya akong nilibot sa isang park bilang date naming dalawa. Nami-miss ko na siya.
"Gernalie?" bati ko. Umupo ako sa lilim ng puno at sumandal. "Ayos ba 'yong nakuha mong score sa test?"
"Oo, ayos lang. Nakapasa ako."
"Good."
"May problema ka ba? Unusual na tumawag ka sa lunchbreak. Alam kong nandiyan ka sa soccer field. Sorry, ha? Busy ako kaya 'di kita masasamahan."
Napaikhim ako. "Ayos lang. Sige, ibababa ko na 'to."
Mabilis kong pinatay ang tawag at nagbaba ng tingin sa cellphone. Ewan, hindi ko alam kung bakit tinawagan ko si Gernalie. Noon naman, kontento na akong mag-isang tumambay sa soccer field. Siguro.... wala lang talaga akong magawa ngayon.
Nabagot ako. Nakapagtataka nga. Siguro nasanay akong kasama si Hanson sa field, kaya hindi ko na kayang umupo rito na nag-iisa.
Tumayo ako at humakbang pabalik sa harapan ng Tyrant. Nagpunta ako sa canteen para bumili ng snacks kaso natigilan ako nang makita ko si Hanson sa malayo.
Naglalakad siya pabalik sa M. A building. Namalayan ko na lang na lumiko ang mga paa ko para sundan si Hanson. Bigla na lang kumabog ang dibdib ko sa excitement. Ilang araw ko na siyang hindi nakikita at gustong-gusto ko na siyang mayakap.
Kaso hindi ko siya naabutan, dahil bigla akong natumba nang may dumamba sa akin. Napaigik ako.
"Miss, sorry."
Mabilis akong tinulungang tumayo ng lalaking dumamba sa akin. Nag-angat ako ng tingin sa kaniya at nangunot ang noo ko nang makilala ko siya.
"Yui Sy?" Tumayo ako nang maayos.
Natigilan siya at sinipat ang mukha ko. Bigla siyang tumawa. "Hey, Laura."
Nagusot ang mukha ko. "Pa'no mo nalaman ang pangalan ko?"
"You think."
Napasimangot ako. Muli kong tiningnan ang daan papuntang M. A building pero hindi ko na nakita si Hanson. Napabuga ako ng hangin. Sinulyapan ko pa si Yui bago pumihit at naglakad papunta sa canteen.
"Laura," tawag ni Yui.
Hindi ako lumingon ni huminto. Narinig ko na lang ang mga mabibilis na yabag. Nahinto ako sa paghakbang at nilingon si Yui. Pinagkaguluhan siya ng limang babae. May humahatak sa coat ng uniporme niya. Sinabunutan pa siya ng isa.
"Girls, girls... girls..." natatawang saad ni Yui. Tumingin pa sa akin na parang nanghihingi ng tulong.
Umiling ako, pumihit, at muling humakbang papuntang canteen.