Chapter 66: Kabanata 66

"Tunay ngang nakakatakot. Kinilabutan ako dun ha?" biro ni Prinsipe Jobel. Nais ko na sana siyang sikuhin ngunit mabilis siyang nakailag. Humalakhak pa siya sa tuwa resulta ng paglabas ng kanyang mga biloy sa kanyang magkabilang pisngi. "Nagbabadya nang umulan." Inilahad niya ang kanyang mga palad at tumingala sa langit na para bang sinasalo ang bawat patak ng ulan.

"Wala ka bang kinatatakutan?" tanong ko. Napahinto siya saglit at lumingon sa aking gawi. Nagiging madilim na ang paligid dahil sa naghaharing mga makakapal na ulap, ramdam ko na rin ang kasing lamig ng nyebeng simoy ng hangin na dumadampi sa aking binti. Napatingala rin ako sa langit, nagbabadya na ngang bumuhos ang ulan. Maraming grupo ng mga ibon ang nagliliparan sa kalangitan patungo sa kanilang mga tahanan. "Mayroo ba?"

"Depende." Tinaasan ko siya ng kilay dahil sa kanyang sagot. Sino ba naman kasi ang matinong tao ang sasagot ng ganoon sa isang simpleng tanong? Napayakap ako sa aking sarili dahil sa lamig ng hangin, nanginginig na ang aking mga braso. Para bang natulala ako nang mayroong makapal na tela ang bumalot sa aking likuran. "Uulan na, hindi mo pa nais sumilong?"

Tumango na lamang ako at tumayo. Hinawakan ko rin ang telang nasa aking likuran upang hindi ito malaglag sa lupa. Nang lumingon ako sa kanya, napagtanto kong tinanggal niya ang pang-ibabaw niyang damit upang ibigay sa akin. Hindi na lang ako umimik.

"Kumain ka na ba? Tara, ililibre kita," saad niya at nag-unat-unat ng katawan. Napansin kong nasa kanya na ang pilak niyang korona, ngunit nakasilid lamang ito sa kanyang bulsa. Nang mapansin niyang nakatingin ako rito, napatingin rin siya sa kanyang bulsa. Agad niyang ipinasok ang kanyang kamay sa kanyang bulsa at hinugot ang korona roon. "Ah oo. Hinanap ko ito kaninang umaga rito. Nasa akin rin ang iyong gintong payneta."

"Maaari ko bang mabawi ito?" tanong ko. Kinapa niya ang kanyang kaliwang bulsa at hinugot ang gintong payneta roon. Hindi ko maintindihan ang aking sarili kung bakit ba nais ko itong mabawi, tila ba kailangan ko ito. Marami pang mga tanong ang konektado sa paynetang iyon, kailangan kong mahanap ang mga kasagutan.

Akmang ibibigay na niya ito sa akin nang agad niya itong binawi sabay sabi, "Oo nga pala. Saan mo ito nakuha?"

"Sa hardin ng Kastilyo," sagot ko. Natataranta ako dahil lumalakas na ang simoy ng hangin, para ba akong linalamon nito. "Sa gabing nagtungo tayo sa bahay-inuman. Ang gabi kung kailan naganap ang krimen sa Kastilyo." Pakiramdam ko ay hindi pa natatahimik ang isipan ni Prinsipe Jobel dahil sa kakulangan sa mga sagot sa kanyang mga katanungan, marami pang mga bagay ang hindi pa natutuklasan.

"Bakit mo ito napag-isipang gamitin gayong hindi mo naman ito pagmamay-ari?" Sinasabi ba niyang isa akong magnanakakaw? Mali bang gamitin ang mga bagay na iyo nang napulot at wala naman nang umaangkin nito? "Hindi naman sa ginagawa kitang isang magnanakaw, ngunit ako'y nagtataka lamang." Sa una pa lang naman ay pinag-isipan mo na ako nang masama!

Tinawag mo akong isang espiya!

"A-ang iyong nakatatandang kapatid. Si Prinsipe Aelino, siya ang nag-udyok sa aking isuot ito." Nanlaki ang kanyang mga mata dahil sa kanyang nalaman ngunit naging makalma muli nang mapa-isip-isip. Napahikab siya at hinimas ang kanyang tiyan. "Mayroon bang mali?" Nagtataka ako sa kanyang naging reaksyon.

"Wala naman. Tara na, ililibre kita ng makakain. Nais kong magtungo sa pinakasikat na kainan sa Kaharian ng Pinileo! Tingnan natin kung mahihigitan niya ang mga putaheng aking kinalakihan sa Hirsea." Tinaas niya ang kanyang kanang kamay at itinuro ang bayan, ang direksyon kung saan ang lokasyon ng kainan. Hindi ko lamang alam kung bakit mabilis niyang nalaman at naging pamilyar sa maraming lugar sa Pinileo, maging ang mga masisikip na pasiko-siko at eskinita ay batid na niya rin. Hindi tulad ng kanyang nakatatandang kapatid na buhay-kastilyo lamang, at ang kagubatan at dalampasigan.

Nagsimula na siyang tumakbo sa maiitim na mga damo na nasunog kahapon, nagiging abo pa ang mga ito dahil sa kanyang mabibilis na pagtapak. Napahinto siya at lumingon sa akin sabay sabi, " At hindi si Aelino ang mas nakatatanda." Para bang nabagsakan na naman ako ng napakaraming tanong at pagtataka dahil sa kanyang sinabi. "Ano? Hindi ka ba sasama?!"

"Hindi na! Ikaw na lang!" pagtanggi ko. Tinaasan ko siya ng kilay nang itaas niya ang gintong payneta na animo'y ako'y inaakit. Batid niyang wala na ako sa posisiyon upang sundin ang lahat ng bagay na kanyang sasabihin, kaya ba niya ito ginagamit upang mapasunod ako sa kanya?! Alam ko sa sarili kong kailangan ko ang paynetag iyon, maraming kasagutan ang mabubuksan nito. "Bwisit! Oo na! Sasama na!" Dahan-dahan siyang ngumiti dahil sa aking sagot dahilan upang masilayan ko na naman ang magkabila niyang mga biloy. Tila ba mapupunit na ang kanyang pisngi dahil sa kanyang abot-taingang ngiti, at ang kanyang mga matang tila ba nagkikislapang tubig ng karagatan na natatamaan ng araw.

"Elersa! Bilisan mo!" Napakamot pa siya sa kanyang ulo at para bang pinipigilan ang kanyang pagtawa. Mabilis kong binabagtas ang daan dahilan upang magtalsikan ang mga tubig nito. Napakalakas na ng ulan at ilang metro na lamang ang aking tatakbuhin upang makasilong sa harapan ng bahay-kainan. Nang makasilong ako, agad ko siyang pinaikutan ng mata. "Ang tagal mong tumakbo. Ayan, nabasa ka tuloy."

"Bakit hindi mo ako binuhat?" pang-aasar ko. Binigay niya sa akin ang isang tuyong tela na dali-dali ko ring kinuha. Basa rin ang kanyang buhok at nagkagulo-gulo ito dahil sa ginamit niyang tuwalya. Hindi naman mapagkakailang maganda pa rin ang kanyang dating dahilan upang pagtinginan siya ng ilang kababaihan na dumudungaw na mula sa loob.

"Pumasok na tayo nang uminit na ang ating mga katawan." Binuksan niya ang pinto para sa akin, hindi naman na akong nag-inarte pa upang tumanggi. Agad na sumalubong sa amin ang tahimik na kainan, malimit lamang ang mga taong nasa loob at sa kanilang mga kasuotan pa lamang ay masasabi mo nang nagmula sila sa mararangya at makapangyarihang mga pamilya. Tahimik na nag-uusap ang ilan at isang napakaalumanay na musika ang kumawala sa loob. Tila ba nakikiayon ang musika sa karangyaan ng mga taong nasa loob. Maraming sulo ng lampara ang nasa paligid na nagbibigay ng pambihirang liwanag sa loob. "Doon tayo umupo."

Agad naman kaming naglakad patungo roon, prinsesenta rin ito ng isang emplayado nang puno ng paggalang.

"Babayaran mo ba ang lahat ng magagastos natin dito? Wala akong dalang salapi, ikaw na ang bahala. Umuulan pa sa labas, hindi ko kayang takbuhan ang bayarin dito," bulong ko sa kanya. Lumapit siya sa akin at bumulong, "Kung hindi mo kaya ang isang bagay, umakto ka na kaya mo ito. Para sa paraang iyon, magiging katotohanan ito." Para bang wala akong naintindihan sa kanyang sinabi, hindi ko kaya ang kanyang pag-iisip. Tumitingin ang ilang kababaihan kay Prinsipe Jobel, ngunit mukhang hindi nila ito namumukhaan. Napansin ko ring tumitingin ang ilang kalalakihan sa akin, lalo na ang mga matatanda!

"Nais mo bang bugbugin ko mga 'yun?" bulong niya ulit sa akin habang nakatingin sa mga kalalakihang wala namang masamang ginawa kung hindi ang tumingin sa akin. "Ano? Ngayon na ba?"

"Napakayabang mo! Para namang magagawa mo," bulong ko nang may tonong pagkainis. Agad siyang lumayo sa akin nang lumapit ang isang empleyado. May ibinigay na ang papel ang lalaking iyon kay Prinsipe Jobel at mayroong ibinulong. Nang marinig ito ng prinsipe, namilog ang kanyang mga mata't bibig na animoy namangha sa kanyang nalaman. Pangiti-ngiti pa siyang tumingin sa akin habang tumatango. Para bang gusto ko nang hilahin ang kanyang damit at tangungin kung ano ba ang sinabi ng empleyadong iyon. Malakas pa rin ang bugso ng ulan sa labas, halos hindi mo na makita ang ilang kabahayan dahil sa kapal ng ulan.

"Mayroon bang bagyo? Bakit ang lakas?" nagtataka kong tanong. Laking gulat ko nang agad niyang itinabi ang kanyang upuan malapit sa akin, gumagawa rin ito ng masingkit na tunog dahil sa pagkagasgas sa makinis na sahig. Sabay-sabay na naagaw ng aming lamesa ang tingin ng lahat ng tao na para bang naistorbo mula sa seryosong mga pakikipag-usap. Nanlaki ang aking mga mata sa gulat nang makilala ko ang ina ni Abela na nakikipag-usap sa isang lalaki sa kalayuan, malapit sa bintana. Nakikipagtawanan pa ito sa lalaking kanyang kausap na animo'y mayroon silang malalim na relasyon

Hindi ko lubos akalaing magagawa iyon ng Ina ni Abela. Batid kong pumanaw ang kanyang asawa noong nakaraang taon, hindi ko akalaing makakahanap ito ng bagong kabiyak sa buhay sa mabilis na panahon. Punong-puno ng kolorete ang kanyang mukha, naitali nang mainam ang mahaba nitong buhok, at ang magarbo nitong kasuotan at mga alahas. Pakiramdam ko ay gusto ko nang gumapang sa sahig at magtago sa ilalim ng kanilang hapag upang malaman ang kanilang mga pinag-uusapan. Natitiyak akong walang kaalam-alam ang nag-iisa nitong anak na si Abela sa kanyang mga ginagawa. Ang pakiki-apid sa asawa ng may asawa.

Agad kong itinago ang aking mukha nang lumingon-lingon ito sa paligid, at namilog na lang ang aking mga mata nang makita ko ang isang supot na kanyang tinanggap sa lalaking kanyang kinakausap. Agad niya itong isinilid sa kanyang bulsa na tila ba takot na makita ng ibang tao.

"Anong tinitingin-tingin mo roon?" nagtatakang tanong ni Prinsipe Jobel. "Gusto mo ba ang lalaking iyon? Sige, papayagan kita." Hindi ko na lamang siya inimik at nagpakatulala na lang ng ilang minuto habang nakatingin sa paligid. Nakakaantok na rin ang napakagandang musika sa loob, na sinasabayan ng malamig na simog ng paligid. Pakiramdam ko ay handa na akong mahulog sa sahig upang roon iidlip ang aking tulog.

Para bang nabuhusan ako ng napakainit na tubig nang dumampi sa aking daliri ang mainit-init na inuming nasa baso. Nariyan na pala ang empleyado, bakit ang tagal? Para bang nabuhayan ako ng kaluluwa nang humigop ako nito, hindi maitatanggi ang sarap nito. Sa pagkakalam ko ay ngayon lamang ako nakatikim nito sa buong-buhay ko. HIndi nga maipagkakailang para ito sa mga mayayaman, tama nga ang sinabi ni Prinsipe Aelino.

Hindi patas ang buhay!

"Masarap ba?" Agad akong napatango na para bang isang batang masunurin. Dahan-dahan siyang napangiti na nakabukas ang labi dahilan upang masilayan ko ang pantay at mapuputi nitong mga ngipin. Agad kong iniwas ang aking tingin, hanggang ba sa kanyang ngipin ay mapapansin ko na?! Naghain rin sila ng mga hindi ko na matukoy na bayariti ng mga prutas, laking-bukid ako ngunit ni isa sa kanila ay hindi ko matukoy. Sa tingin ko ay nagmula pa sa labas ng bansa.

Naghain rin sila ng mga karne na nahiwa na sa maliliit na piraso, para bang diretso na agad sa bibig at hindi na nila hahayaang mapagod ang kanilang mga mamimiling masayang ang oras sa paghihiwa ng mga ito. Malayo sa huling pinuntahan namin na halos mabiyak na ang aming mga panga at ngipin sa tigas ng malalaking tinapay! Napansin ko ang isang pulang tinapay na nasa aking harapan, tunay na nakakaakit ang kulay nito. Hindi ko naiwasang ilapag sa lamesa ang hawak kong baso at kumuha ng isang piraso.

"Eranza . . . " saad ni Prinsipe Jobel nang kumuha ako ng isa. "Masarap iyan. Palaging nagpapabili si Ama ng ganiyang tinapay bago sumikat ang araw." Kaya pala sikat ang tinapay na ito, maging ang Hari ay naiibigan nito. Ngunit hanggang hindi ko ito natitikman, hindi ko masasabi kung masarap ba o hindi. "Mula ngayong araw, nakatikim ka na ng Eranza."

"Nakatikim na ako nito dati." Pinaikutan ko lang siya ng mata habang siya naman ay dahan-dahan lang na isinusubo ang bawat butil ng ubas. Napatawa siya nang mahina dahil sa aking sinabi na akin ring ipinagtaka.

"Hindi mo ba alam? Marami ang hindi totoong tinapay sa paligid. Maaaring tao ang pilit na ginagaya ito ngunit hindi nila makuha ang tunay na lasa nito sa orihinal. Tanging ang kainang ito ang naghahain ng tunay na tinapay sa tunay na resipi at paraan ng pagluluto." Hindi na ako nagpaligoy-ligoy pa at agad itong kinagatan. Pakiramdam ko ay lumulutang ako sa langit dahil sa sarap nito, at tila ba nahuhulog ako sa mga makakapal na ulap dahil sa lambot na bininigay nito. Mayroong matamis na likido sa loob nito na tila ba inilalakbay ka sa kagubatan ng mga mansanas.

"Ito nga ang tunay na Eranza," saad ko habang tulala sa kawalan.

"Mas masarap kaysa sa iyong tinapay, hindi ba?" tanong niya. Awtomatiko na lang akong napatango, batid kong walang kalaban-laban ang akin at napilitan lang ang lahat na sabihing masarap ito.