Chapter 65: Kabanata 65
"Pinuno!" sigaw ng kapapasok pa lamang na lalaki. Nakita ko sa isang butas na napahawak pa siya sa kanyang tuhod dahil sa pagod, halatang siya'y tumakbo mula pa sa malayong lugar. "Mayroon pong humukay sa labi! Ang ulo't katawan ng bangkay ay nawawala!"
"Paano iyon nangyari?! Sino ang naglakas-loob na hukayin ang labi ng isang bangkay?!" galit na sigaw ng kanilang pinuno. Nagbulungan rin ang kanyang mga kasamahan na hindi makapaniwala sa kanilang mga narinig. Napatingin akong muli kay Prinsipe Jobel, tunay na wala siyang anumang kaalam-alam. Sigurado akong ang bilanggo ang kanilang tinutukoy na nakita kong pinugutan sa piitan, at ang tinatawag nilang pinuno ang siya ring gumawa nito. Napansin kong wala ang Heneral na noo'y siya ring nasa piitan. ito'y nakapagtataka.
"Hindi po namin alam, pinuno! Limang metro ang lalim ng hukay, bagama't nagawa pa rin nila itong mahukay. S-sigurado ho ba kayong tunay nilang inilibing ang bangkay?" nagtatakang tanong nito at bakas din sa kaniyang pananalita ang takot. Kung tutuusin, mayroon naman siyang punto. Maaari ngang hindi sinunod ng mga guwardiya-sibilang ipinag-utos ng kanilang pinuno dalawang gabi na ang nakararan nang ako'y mailagay sa piitan.
"Ipatawag niyo ang mga guwardiya-sibil na itinalaga ko noon! Hanapi ninyo sila!" malakas na sigaw ng kanilang pinuno.
"N-ngunit wala pong umaamin, pinuno," nanginginig na sagot ng lalaki na mistulang maiihi na sa takot. Sino ba naman kasi ang taong hindi matatakot sa taong may lakas na loob na maghiwalay ng ulo ng tao mula sa kanyang katawan?!
"Mga punyeta! Mga walang silbi! Hanapin ninyo sila!" pagmumura nito na ikatinginan namin ni Prinsipe Jobel. Nakarinig na naman ako ng isang taong nagmamadaling pumasok sa loob ng sunog nang bahay. Mula sa maliliit na butas ng pader ay nakita kong napahawak pa ito sa dibdib dahil sa pagod at rinig na rinig ang paghihingalo nito nang humarap sa kanilang pinuno.
"M-mayroon pong natagpuang kabayo ng Kastilyo sa kalapit na gubat, maaari pong mayroong nagmamanman sa atin!" anunsyo nito na mas lalong ikagalit ng kanilang pinuno, kinuha pa nito ang nananahimik na sumbrero ni Prinsipe Jobel at tinapak-tapakan. "Puting kabayo." Agad kaming nagkatinginan ni Prinsipe Jobel sa isa't isa na tila ba nagsisisihan kung sino ang nag-iwan kay Perlo sa labas. Namilog ang aking bibig nang mayroon akong maalala, naalala ko na agad na lang akong bumaba kanina nang hindi man lang ito itinatali.
"Lagot ka sa'kin," walang boses nitong paalala. Hindi ko man ito narinig ay bakas sa kanyang bibig ang bawat bigkas na kanyang sinabi. Napakamot pa siya sa kanyang noo dahil sa inis. Agad ko namang iniiwas ang aking tingin dahil ako naman talaga ang may kasalanan. "Patay ka sa akin."
"Hulihin ninyo ang nagmamay-ari nito." Humakbang siya nang isang beses at napatigil. "Pagkatapos ay iharap siya sa akin bago ang pag-usbong ng dilim. Siguraduhin ninyong tama ang pagbabaunan ninyo ng patalim." Dali-daling tumakbo ang lalaki palabas ng bahay, susubukan ko sanang sumilip sa durungawan ng bahay ngunit pinigilan ako ni Prinsipe Jobel kaya't hindi ko na lamang tinuloy. Maaari akong mapamahamak sa aking gagawin. Nababahala ako na mayroong simpleng mangangaso ang matagpuan nila sa kalapit na gubat at ang siyang posibleng sasalo sa aking pagkakamali. Nais kong gumalaw, nais ko silang pigilan, nais kong mailigtas ang buhay ng lahat ng tao. Ngunit wala akong magawa man lang, wala akong kapangyarihan upang gawin iyon.
"Pinuno! Nalaman niyo na ho ba ang malaking balita sa Dacia?" tanong ng isang lalaki sa kanilang pinuno. "Si Scorilo na ang naghahari sa Kaharian ng Dacia! (Romania)"
"Alam ko. Isa siyang dakilang lider ngunit sana'y mapaghandaan niya ang kanyang magiging katunggali, ang Imperyo ng Roma," sagot ng kanilang pinuno na animo'y palaging mayroong natatanggap na liham na nagmumula sa Hilagang Europa. "Ano kayang nangyari kay Comosicus? Isa siyang mataas na pari sa Dacia, bakit niya inihalili si Scorilo? Wala akong tiwala kay Scorilo, ipapamana lamang niya ang kanyang trono sa kanyang magiging anak." Nagtawanan ang mga kalalakihan dahil sa sinabi ng kanilang pinuno.
"Ang kanyang anak na si Decebalus?!" sigaw ng isang lalaki. "Tiyak na pagakalipas ng ilang dekada ay babagsak na ang Dacia! "
"Manahimik ka riyan, maaaring umabot ang iyong sinasabi patungo sa Hilagang Europa," paalala ng kanilang pinuno. Nakahinga ako nang maluwag nang isa-isa na silang lumabas ng bahay, maging si Prinsipe Jobel ay napakalma rin. Sumakay na ng karwahe ang pinuno na agad ring sinundan ng mga guwardiya-sibilsa kanilang mga kabyo. "Hanapin niyo siya," bilin ng pinuno bago ito umalis lulan ng karwahe. Sumilip ako sa maliliit na butas ng bahay, papalayo na sila. Napansin kong gamit ng isang guwardiya-sibilsi Perlo na siyang tunay na pagmamay-ari ni Prinsipe Jobel.
"Anong ginawa mo kay Perlo?" bungad sa akin ni Prinsipe Jobel at bakas sa kanyang mata ang galit na para bang umaapoy na ito. Dali-dali siyang lumabas at pinulot ang kanyang sumbrero, ipinagpag pa niya ito sa kanyang palad upang matanggal ang alikabok nito. "Kailangan pa bang idamay ang nananahimik kong sumbrero?!"
"Kasalanan mo kasi, bakit mo ito iniwan?" tanong ko. Hindi niya ako inimik at agad na lumabas ng bahay. Isinuot niya ang kanyang sumbrero at napahawak sa kanyang baywang. Nasa kanyang harapan ang malawak na bukirin at ang makulimlim na kalangitan. "Sa tingin mo, sino ang nagsimula ng sunog na ito?"
"Hindi ko pa batid. Ang tanging alam ko lamang ay nagsimula itong masunog nang namalagi rito ang nakatakas na bilanggo," saad niya habang nakatalikod pa rin sa akin. "Inuulit ko, sino ba si Ester? Siya ba'y iyong kilala?"
"P-paano mo nalaman ang kanyang pangalan?" Nagtataka ako kung bakit niya ito nakilala sa gayong hindi niya naman ito nakausap man lang nang isang beses. Lumabas na rin ako ng bahay at umupo sa isang malaking tipak ng bato. Malakas ang preskong hangin na nagpapalipad sa aking palda, napapagalaw rin nito ang aking buhok na animo'y isang isdang lumalangoy sa karagatan.
"Nalaman ko sa isang guwardiya-sibil" Tinanggal niya ang kanyang sumbrero nang mas kumalimlim at mas lumamig ang simoy ng hangin. "Ang ganda ng panahon, hindi ba?"
"Sinasabi mo bang naiibigan mo ang ulan?" Tumango siya.
"Masarap sa pakiramdam ang nadadala ng ulan sa sinumang tao. Ang malamig nitong hangin, ang maharmonya nitong mga patak, at ang katahimikang nabibigay ng kidlat at kulog. Tunay na katangi-tangi." Kung tutuusin, iba't iba ang opinyon ng mga tao rito, at hindi kami magkatulad. Nakakapanindig-balahibo ang mga kidlat, nakakapaso ang bawat patak ng ulan, at ang ingay nito ay nagbibigay ng pagkabingi sa akin. "Bakit ka takot sa ulan?"
"Akala ko ba alam mo na?!" gulat kong tanong at tinaasan siya ng kilay.
"Hindi pa nga," pangungulit niya. Akala ko talaga ay batid niya na, wala naman yatang masama kung ikukwento ko. "Nais kong malaman. Nais kitang mas makilala." Tumalikod siya at humarap sa akin. Tinanggal niya rin ang kanyang sumbrero at dahan-dahang lumapit sa aking kinauupuan. Napatingala ako dahil sa kanyang katangkaran, nasisilaw ako dahil sa malamlam na liwanag ng araw. Naramdaman ko ang pagtulo ng malamig na patak ng ulan sa aking binti, tumingala ako upang masdan ang dumidilim nang kalangitan. Tumabi siya sa aking pagkakaupo at isinuot sa akin ang kanyang sumbrero.
Kaharian ng Pinileo (9 CE)
"Elersa! Pumasok ka na rito! Magsisimula nang umulan!" sigaw ni Bersa sa loob ng kanilang tahanan. Abala siyang naghihiwa ng mga sangkap para sa kanyang ilulutong panghapunan. Napapunas pa siya sa kanyang noo dahil sa tumagaktak na pawis. Sa hindi inaasahan ay nahiwa niya ang kanyang hintuturo na kanyang ikainis, agad niyang binitawan ang hawak niyang kutsilyo at napasandal sa hapag. Kasalukuyan ring inaayos ng kanyang anak na babae na si Saira ang bintana ng kanilang tahanan.
"Opo, Ina! " sigaw ng batang si Elersa. Abala siyang naglalaro ng mga pinagtagpi-tagping mga dahon at sanga sa isang masikip na daluyan ng tubig sa harapan ng kanilang bahay. Umiihip na nang marahan ang malamig na simoy ng hangin na nagpapagalaw sa malulusog nitong mga buhok. Nang mapansin niyang darating ang malaking agos ng tubig sa daluyan ng tubig, agad niyang kinalabit si Taniel na nakatayo sa kanyang tabi. "Kuya Taniel, paligsahan tayo! Kung sino man ang mahuhuling barko, ibibigay niya ang kanyang pasalubong sa magwawagi!"
"Anong ibig mong sabihin?" tanong ni Taniel. Napansin rin niya ang papalapit na malaking agos ng tubig sa daluyan nito dahilan upang mamuo ang malaking ngiti sa kanyang mga labi. "Sige ba! Akin na ang iyong barko upang sila'y aking pagsabayin." Mabilis na iniabot ni Elersa ang kanyang arka sa kanyang nakatatandang kapatid habang taimtimm na naghihintay sa susunod na mangyayari. "Isa. . . dalawa. . . tatlo!"
Magkasabay na binitawan ni Taniel ang dalawang arka sa tubig na agad ding itinangay ng malaking agos ng tubig. Mas nauna ang gawang barko ni Taniel kaya't dali-dali siyang tumakbo upang panoorin ang paglalakbay nito sabay sigaw, "Elersa! Sundan mo ako!" Mabilis na tumayo ang batang si Elersa at sinundan ang kanyang kapatid sa gilid ng daluyan ng tubig. "Nauuna ang akin!" sigaw ni Taniel.
"Isa kang huwad! Mas nauna mong binitawan ang sa iyo!" reklamo ni Elersa kahit pa man nasaksihan niya mismo ang pagbitaw ng kanyang kapatid sa kanilang mga barko. "Ayun! Nauna na ang sa'kin!" Napangiti ng todo si Elersa. Naunahan nga ni Elerssa ang kay Taniel, napakamot naman sa ulo si Taniel dahil sa inis. Patuloy silang tumatakbo habang sinusundan ang kani-kanilang mga laruan.
"Hindi kaya!" depensa ni Taniel. Itinaas niya ang kanyang kamao dahil nalagpasan ng kanyang barko ang barko ni Elersa na napalamutihan rin ng ilang maliliiit na bulaklak. Dali-dali ring bumawi ang barko ni Elersa at nabunggo ang kay Taniel dahilan upang magpaikot-ikot ito sa ibabaw ng tubig at tuluyan na ngang linamon hanggang sa hindi na muling matagpuan. Lumiko na ang barko ni Elersa at hindi na rin muling nasilayan. "Sinuwerte ka ngayong araw. Umaasa akong walang iuuwing pasalubong si Itay galing sa Dagat."
Napalingon ang dalawang magkapatid nang marinig nila ang sigaw ng kanilang ina mula sa loob ng kanilang kusina, "Elersa, Taniel!" Agad na dumungaw si Bersa sa durungawan ng kanilang kusina at itinaas ang mahaba t malapad na pamalo. Nagkatinginan ang magkapatid at bakas sa kanilang mukha ang pangamba. "Sabi kong pumasok na kayo! Ang titigas ng inyong ulo!"
"Malayo pa ang karwahe ngunit naririnig ko na ang boses ng inyong Inay." Huminto ang sinasakyang karwahe ni Lerid sa harapan ng kanilang tahanan, dali-dali siyang lumundag na tila ba nagagalak na niyang mahagkang muli ang kanyang pamilya, Namutawi sa bibig ng magkapatid ang abot-taingang ngiti na animo'y mapupunit na ang kanilang kagiliw-giliw na mga pisng. "Bakit niyo kasi ginagalit ang inyong Ina?"
"'Tay!" sabay na sigaw ng magkapatid at kasing-bilis ng kidlat na tumakbo sa kadarating na ama. Tinanggal ni Lerid ang suot nitong sumbrero at naglupasay upang salubungin ang yakap ng kaniyang mga munting anak. Sumunod ring bumaba sa karwahe ang kanyang panganay na si Jabar bitbit ang ilang tsokolate na binalot sa makapal na tela. Umalis na papalayo ang karwaheng sinakyan at bumalik sa direksyong pinagmulan nito.
"Nakakamangha!" sigaw ni Elersa habang sinusubaybayan ang pagtakbo ng puting kabayo sa mabatong daan. "Lumilipad ba iyon, Itay?"
"Oo, anak! Linipad namin ang bawat ulap sa kalangitan!" biro ni Lerid sa kanyang walang kamuwang-muwang na bunso. Lumabas naman si Bersa sa kanilang bahay at napasandal sa kanilang pinto nang may ngiti. Palagi niyang idinarasal na ligtas na umuwi ang kanyang asawa sa tuwing mayroon itong malayong pinupuntahan, lalo na ngayong sumama ang kanyang panganay na anak. Kumaway si Lerid sa pinakamamahal niyang asawa sabay ngiti. "Halina kayo! Pumasok na kayo, darating na raw ang malakas na bagyo."
Pagsapit ng hapon, nagsimula nang kumilimlim ang kalangitan at naghahari na rin ang nakabibinging hangin. Walang tigil na nagsasayawan ang mga puno na pumapaligid sa kanilang tahanan at maging sa kalapit na mga kabahayan. Nagsimula nang bumagsak ang mabibigat na butil ng ulan sa bubungan ng kanilang bahay, ang malakas na hampas ng hangin ay pumapasok sa loob dahilan upang mamatay ang ilang lampara na nagbibigay ng liwanag sa loob.
"A-ang lamig, 'Nay," nanginginig na reklamo ni Jabar. Hindi mapakali si Lerid na kanina pa palakad-lakad sa loob ng kanilang bahay, mas nanaisin niyang hindi matulog hanggang hindi natatapos ang bagyo. Kailangan niyang protektahan ang kanyang pamilya, iyon ang tanging nasa kanyang isipan. Mahimbing nang natutulog ang tatlong pinakabatang anak nila at ang mahigpit na yakap lamang ni Bersa ang nagbibigay ng init sa kanyang mga anak. Nababalot man sila ng makakapal na tela, ngunit hindi pa rin ito sapat upang sila'y mainitan.
Sinindihan ni Lerid ang lampara na malapit na ring maubos ang langis, masusi niyang sinusuri ang bawat haligi ng tahanan kung mayroon bang dapat ikabahala. Malakas pa rin ang hampas ng hangin dahilan upang halos wala nang makita si Lerid sa labas ng kanilang tahanan, ang lahat ay natatakpan ng makakapal na butil ng ulan. Kaliwa't kanan rin ang malalakas at nakabibinging mga kulog at kidlat dahilang muling masilayan ang tila isang iglap na pagbalik ng umaga. Napahinto si Lerid sa paglalakad nang mapansin niya ang isang liwanag sa tapat ng kanilang tahanan. Mabusisi niya itong tinitigan at sinuri.
Nanlaki ang kanyang mga mata at hindi makapaniwala sa kanyang nakita, nakita niya ang kanyang ama na naglalakad sa gitna ng malakas na bagyo. Hawak nito ang isang lampara na mayroong takip, nanganganib na rin itong mamatay dahil sa lamig ng paligid. Nagmistulang isang mandirigma ang kanyang ama na nakikisagupaan sa mabangis na panahon.
"I-itay?" tanong ni Lerid sa kanyang sarili. Dali-dali niyang kinuha ang kanyang diyaket sa loob ng kanilang silid na hindi napapansin ng kanyang asawa't mga anak. Nagtungo siya sa kusina upang magsindi ng mga nakaimbak na lampara at inilagay ito sa loob ng isang sisidlan upang hindi mamatay dulot ng ulan. Agad na humampas ang malakas na hangin nang siya'y lumabas, muli niyang inilibot ang kanyang paningin inaasahang masungpungang muli ang kanyang ama.
"Itay!" muling sigaw ni Lerid nang makita niya ang liwanag sa kalayuan. LInabanan niya ang mababangis na hangin na animo'y siya ay pinipigilang makalapit sa kanyang ama, ngunit hindi siya sumuko. Tinahak niya ang maputik na bukirin sa abot ng kanyang makakaya. Muling sumiklab ang malakas na kidlat sa kalayuan dahilan upang masunog at matumba ang punong tinamaan nito. Dahil sa liwanag ng kidlat nakita niya ang taong matagal na niyang hindi nakita, ang taong kanyang kinasusuklaman, ang taong naging hadlang sa kanilang pagmamahalan ng kanyang asawa. Ngunit mas namitawia ang kanyang pag-ibig, hindi maipagkakailang ito pa rin ang kanyang ama.
Naalimpungutan si Elersa nang hindi niya maramdaman ang yakap ng kanyang ina, malubha siyang nilalamig. Nag-aalipana ang kulog sa paligid dahilan upang siya'y matakot at mas magising. Hinahanap niya ang braso ng kanyang ina ngunit hindi niya ito mahanap, madilim ang loob ng silid dahil sa pagkaubos ng kanilang langis. Bumangon si Elersa at paika-ikang naglalakad palabas ng kanilang silid, nanlalamig na rin ang kanyang mga paa.
"Inay?" tanong ni Elersa, hinahanap niya ang kanyang Ina. Madilim ang loob ng tahanan at tanging ang liwanag na nagmumula sa mga kidlat sa labas ang pumapasok sa loob. Napansin ni Elersa ang dalawang taong nakahawak ng lampara sa labas ng kanilang tahanan, lumapit ang bata sa durungawan ng kanilang tahanan upang kumpirmahin kung ano ito. Nakatayo lamang ang dalawang tao sa gitna ng maputik at madilim na bukirin, hindi ito lubos maunawaan ni Elersa.
Napatulala at laking gulat ni Elersa nang agad na sinuntok ng isang lalaki ang kanyang kasama, nabitawan nito ang hawak nitong lampara at napasubsob sa putikan. Akmang tatadyakan na ng lalaki ang kasama nito nang agad nitong dinakma ang patay na lampara at ibinato sa kanyang mukha. Nagsisisigaw ang lalaki dahil sa hapdi nito, maging ang naisamang putik. Tanging ang malakas na ulan lamang ang muling humugas sa putik na bumalot sa kanyang mukha. Muling nagbangayan ang dalawa, hindi sila makuntento.
Hindi makapaniwala si Elersa sa kanyang napapanood, ni hindi nito maigalaw ang kanyang mga matang taimtim na nakasubaybay sa mga ito. "I-itay?"
"Ano bang nagawa ko sa inyong mali?!" sigaw ni Lerid sa kanyang ama, hindi nito mapigilang maluha. Tumayo si Lerid at agad na naiwasan ang malakas na suntok ng kanyang ama. Siya'y nagkamali, hindi ito ang kanyang ama. Ang tunay na ama ay hindi magagawang patayin ang kanyang asawa at maging ang kaniyang mga anak. Ang tunay na anak ay hindi magagawang saktan ang kanyang mga magulang at maging ang kaniyang mga kapatid.
Muling nagsagupaan ang mag-ama at nagpalitan ng mga suntok. Natumba ang ama ni Lerid sa putikan na kanyang ikinagulat, napatingin pa siya sa kanyang mga kamay na animo'y hindi makapaniwala sa kanyang mga nagawa. Napaatras siya papalayo habang nanginginig ang kanyang mga palad at maging ang kanyang mga binti. Natakot siya sa kanyang nagawa, naramdaman na lamang niya ang mainit niyang luha na umaapaw sa kanyang mga mata. Dahil sa pangamba, tinalikuran niya ang kanyang amang nakahandusay sa putikan.
Malayo-layo na rin ang pagitan ni Lerid sa kanyang ama nang muli itong bumangon. Sa gitna ng bukirin ay nakita niya ang isang patalim sa kalayuan, paika-ika niya itong linapitan at pinulot. Nakatalikod si Lerid nang magsimulang tumakbo ang kanyang ama patungo sa kanya hawak ang isang patalim.
Sa hindi kalayuan, hindi maalis ng batang si Elersa ang kanyang mga mata sa labas ng kanilang bahay. Tila ba kinakain siya ng kuriyosidad, pagtataka, at pangamba. Akmang tatakbo na ang kanyang lolo patungo sa kanyang ama nang mabilis na tumama ang kulay pulang kidlat sa kanya. Tila ba lumiwanag ang buong paligid, isang nakabibinging dagundong, at ang kasing-init ng araw ang agad na gumapang sa katawan ng kanyang lolo. Napalingon si Lerid dahil sa gulat, hindi niya maigalaw ang kanyang mga paa. Tanging ang liwanag ng kidlat lamang ang namumuo sa repleksyon ng kanyang mga mata at tila ba tumigil ang oras nang muli silang nagkatinginan ng kanyang ama sa huling sandali.
Akmang tatakbo na si Lerid patungo sa kanyang ama nang mabilis na gumapang ang sanga ng kidlat patungo sa kanya. Agad siyang nawalan ng malay.
"'Tay!" sigaw ni Elersa mula sa bintana. Agad na nagising si Bersa dahil sa kanyang narinig, nangangamba siya dahil sa boses ng kanyang anak na tinatawag ang kanyang asawa. "Itay!" Agad na bumangon si Bersa sa pagkakahiga at mabilis na lumabas ng silid, nakita niya ang kanyang anak na nakadungaw sa bintana.
"B-bakit. Anak?! Nasaan ang tatay mo?!" Muling sumiklab ang maliwanag na kidlat at nanlaki ang mga mata ni Bersa nang makita ang kanyang asawa na nakahandusay sa gitna ng bukirin. Natapakip siya sa kanyang bibig gamit ang nanginginig niyang mga palad. Puno ng takot ang mga mata ni Elersa, hindi siya makagalaw at tila ba wala na siyang naririnig dahil okupado ang kanyang isipan ng maraming bagay. Dali-daling lumabas si Bersa kahit pa man malakas ang ulan, hindi niya alintana ang malakas na hangin na nagpapabagal sa kanyang paglalakad.
"I-itay. . ."