Kabanata 64

Magkita tayo sa Dagat Gora sa pagsapit ng hapon.'

-Prinsipe Aelino

Napakurap ako nang dalawang beses pagkatapos kong basahin ang liham mula sa Kastilyo. Hindi ko batid kung ano ba ang dapat kong maramdam, dali-dali ko itong tinupi nang tatlong beses at isinilid sa aking bulsa. Napalingon-lingon pa ako sa paligid habang minamasid kung may tao ba sa paligid.

"Kanino raw nanggaling?" Halos mapatalon ako sa gulat nang agad na lumitaw si Taniel sa aking likuran. "Nagmula ba sa Kastilyo?"

"Wala ka nang pakialam 'don," pagsusungit ko. Para bang nanlamig ang aking katawan nang agad niyang dinukot ang papel mula sa aking bulsa, dali-dali ko siyang hinarap at pilit na inaagaw ang liham. Hindi niya dapat iyon makita! "Akin na 'yan! Ibalik mo sa akin sabi!" Pilit kong inaabot ang papel ngunit patuloy pa rin niya itong itinataas dahilan upang hindi ko ito maabot. Kahit gaano pa kataas ang aking talon sa maaabot ng aking makakaya ay hindi ko pa rin ito maabot.

"Tingnan nga natin. . ." Akmang bubuksan na niya ang nakatuping liham ngunit agad kong nasiko ang kanyang tiyan. "Aray naman!" Dali-dali siyang napahawak sa kanyang tiyan at agad ko namang hinugot sa kanyang kamay ang liham.

"Sabi kasing huwag mong tingnan. 'Yan tuloy, iyan ang napalo mo," pang-iinis ko. "At hindi ko naman sinadya iyon, tunay lang talagang nakikiayon ang tadhana." Ngunit nakokonsensya pa rin ako sa nangyari kahit hindi ko naman iyon sinasadya. Tiyak na siya'y lubhang nasaktan.

"Kahit kaunting silip lang naman kasi, ang damot mo. Nagseselos tuloy ako," pagsusumamo niya. Para siyang isang aso sa lansangan na naghihintay ng pagkain sa mga dumaraan habang nakatingin sa akin. Hindi ko maiwasang mapatawa. "Pasilip na kasi!" Akmang lalapit na siya sa akin upang agawin ang liham ngunit agad ko siyang itinulak. Napahakbang siya nang tatlong beses palikod at bumangga sa aparador dahilan upang ito'y mayugyog. Nanlaki ang aking mga mata nang makita ko sa taas ng aparador ang binigay niyang payneta! Nagpapaikot-ikot pa ito at malapit nang mahulog nang ilang beses.

"Aray! Ano 'to?!" Dinamdam niya ang kanyang ulo dahil sa malakas na pagbagsak ng payneta, hindi ko na alam ang aking gagawin. Akmang lalapit na ako sa kanya nang nauna na niyang kinuha ito at napatulala na lamang siya, Taimtim niya itong tinititigan na para bang may malalim na iniisip. "Kailangan mo pa ba itong itago ito sa isang sagradong lugar?" Kinunotan niya ako ng noo.

"Hindi ha! Hinahanap ko nga kanina dahil pinahiram ko kay Ate Saira, kaya salamat dahil iyong natagpuan," pagsisinungaling ko. Dali-dali kong hinablot ang payneta, at muling isinilid sa aking bulsa. "Aalis na po ako ha?" Paika-ika akong naglakad palabas ng silid. Nakita ko naman si Ate Saira na nagmamadaling naghihiwa ng mga sangkap, nag-aalalang maabutan siya ng aming magulang. Dumating kami kanina nang wala sila at nais niya raw maibsan ang kanilang galit kaya't siya na ang magluluto. Maririnig mo pa ang mahinang himig ng kanyang boses at hindi matigil na ngiti. Para bang kahit mahiwa na ang kanyang daliri ay mananatili pa rin siyang nakangiti.

"Hindi pa ba dumating sina Inay? Saan kaya sila nanggaling?!" sigaw kong tanong kay Ate Saira. Napabuntong hininga ako nang hindi siya sumagot na para bang mayroong malalim na iniisip. Nagmukha tuloy akong estatwang walang kabuhay-buhay. Napalingon ako sa labas ng aming tahanan, sa ilalim ng puno ng pili. Tila ba anumang oras na ako'y timitingin roon ay naaalala ko si Nilo.

Natagpuan ko na lamang ang aking sariling naglalakad palabas na para bang mayroong pwersang humihila sa akin sa ilalim ng puno ng pili. Napatigil ako ng makita ko ang karwaheng mabagal na dumaraan sa kalayuan, dala nito sa likuran ang mga sunog na mga tabla, haligi, mga kagamitan, at mga hindi matukoy na bagay. Namilog ang aking mata at tumindig ang aking balahibo nang makita ko ang tatlong bangkay na natatakpan ng makapal na tela. Lumabas rin ang nangingitim at sunog na kamay ng isa dahil sa walang tigil na pagyugyog ng karwahe dahil sa mabato at hindi patag na daan.

"Hiyah!" sigaw ng kutsero dahil sa bagal ng mga kabayo. Napansin kong karwahe ng Kastilyo ang gamit nito, sigurado akong inutusan siya ng mga namumuno sa Kastilyo. Pinanood ko lamang ang karwahe habang ito'y dahan-dahang pumapasok sa makapal na kagubatan. Napalingon ako sa aking kaliwa nang tumayo ang kabayo at humalinghing nang malakas, tila ba inaanyayahan niya akong sumakay sa kanyang likuran. Natagpuan ko na lamang ang aking sariling nakangiti

"Dahan-dahan lamang, kaibigan!" sigaw ko at hinaplos-haplos ang balahibo ng kabayo. Hindi ito mapakali at tila ba alam na niya ang kanyang pupuntahan. "Perlo!" sigaw ko dahil hindi pa rin ito tumitigil. Hinampas ko ang siyahan ng kabayo sabay hila ngunit hindi pa rin ito epektibo. Nakahinga ako nang maluwag nang bumagal na ito sa pagtakbo at tumigil sa nais kong destinasyon.

Nagtaka ako nang makita ko ang isang lalaking nakasuot ng malaking sumbrero, nakatayo lamang ito sa harapan ng bahay na katatapos lamang masunog kahapon. Lumapit sa kanya ang kabayong aking sinasakyan at inilapit nito ang kanyang nguso sa likuran nito. Hinaplos ng lalaki ang ulo ng kabayo sabay sabi, "Alam kong tutungo ka rin dito."

"P-prinsipe Jobel. . . " Napatingin ako sa malawak na lupain na nabalot ng alikabok at pagkasunog. Maraming kabahayan ang magkalapit-lapit kaya't mabilis itong gumapang hanggang sa mga pananim. Pamilyar ang lugar na ito sa akin, hinndi ko lamang maalala nang lubusan. "Iyan rin ang aking iniisip."

"Siya ba si Ester?" Napatulala ako sa kanyang tanong. Mula sa kanyang tanong ay naintindihan at naalala ko na ang lahat sa likod ng madilim na umagang iyon, kung paano ako nakatakas. Ang nasunog na bahay na nasa aming harapan ay kung saan namalagi si Ester, nakakalungkot isipin. "Ang bilanggong nakalaya?"

"Opo, Kamahalan." Bumaba na ako ng kabayo at itim na mga damo ang agad na sumalubong sa aking mga paa. "Mayroon na bang puno't dahilan kung paano nasunong ang buong sakahan?"

"Wala." Iyon lamang ang tanging sagot niya. Napansin kong mas umiigsi ang mga salitang kanyang binibitawan, hindi ko alam ang dahilan. Tinanggal niya ang suot niyang sumbrero dahilan upang tumama ang matirik na sinag ng araw sa kanyang mukha. "Kumusta?"

"Ako'y mabuti lang naman." Tahimik pa rin ang paligid at tanging ang himig ng hangin lamang ang siyang naririnig. Napatingala ako sa langit, malamlam lamang ang sinag ng araw at natatakpan ito ng makakapal na mga ulap. Pakiramdam ko ay naghahari ang katahimikan sa pagitan naming dalawa. "Salamat," dagdag ko.

Tumikhim lamang siya at hindi umimik. Nagmayani na naman ang nakakailang na katahimikan sa aming dalawa, hindi ako sanay sa ganito. Hindi ko naman batid na tutungo rin siya rito, napabuntong hininga na lamang ako. Nagsimula siyang maglakad papasok sa nasunog na bahay, gumagawa ng nakabibinging tunog ang mga sunog na kahoy na kanyang natatapakan.

"Ester," mahina niyang bulong. Hindi ko na naiwasang sumunod sa kanya sa loob, tila ba linalamon din ako ng sarili kong kuriyosidad. Pagkapasok ko pa lamang sa loob ay para bang nanginginig na ang aking mga tuhod, napino at abong mga kagamitan ang bumungad sa amin. Ang tahanang ito lamang ang siyang tanging nakatayo sa lahat ng bahay sa bukirin, bagama't karamihan sa lahat ay gawa lamang sa pinagtagpi-tagping mga kahoy. Hindi ka magtataka kung bakit madali itong nasunog. "Ester. . . Sino ka?"

Humakbang ako nang dalawang beses at nakarinig ako ng masingkit na tunog sa hindi ko malamang lugar. Laking gulat ko nang agad na hinila ni Prinsipe Jobel ang aking kamay dahilan upang mas mapalapit ako sa kanyang mukha. Nagkatitigan kami nang matagal ngunit agad ding niyang ibinaling ang kanyang tingin sa aking likuran. Para bang binuhusan ako ng malamig na tubig nang masaksihan ko ang pagkalaglag ng isang sunog na kahoy sa aking kinatatayuan kanina. SIguradong napahamak na ako kung hindi ako nagawang iligtas ni Prinsipe Jobel.

"Hindi ligtas dito," bulong niya sa akin. Dali-dali akong umiwas ng tingin at humiwalay sa malapitan naming tagpo. "Huwag ka nang bumalik doon." Napakunot ang aking noo dahil sa kanyang sinabi, para bang mayroon siyang ipinapahiwatig. Ang malalim niyang boses ang tanging pumapasok sa aking pandinig.

"Saan ang iyong tinutukoy?" tanong ko habang nakatalikod sa kanya.

"Sa Kastilyo," deretso niyang sagot sa akin at siya'y aking hinarap. "Mapapahamak ka sa Kastilyo, Elersa. Hindi mo alam ang mga bagay na ikapipinsala mo at ng mga taong malapit sa iyong puso. Huwag mong hayaang lamunin ka ng iyong kuriyosidad." Napansin kong seryoso ang kanyang mukha habang nakatitig sa akin. Kahit ano pa ang aking gawin ay palaging nasa aking isipan ang tatlong buhay na nawala simula noong pumasok ako sa Kastilyo, tila ba dinadalaw nila ako sa aking panaginip. Ang hardinero, ang serbidora, at si Mng. Ester. Nananatili pa ring palaisipan sa akin ang katotohanan.

"Papaano nagagawang malunok ng mga mamamatay-tao ang sagana nilang mga pagkain sa kanilang hapag pagkatapos ng mga krimeng kanilang ginagawa? Paano nila nagagawang matulog nang mahimbing tuwing gabi nang wala man lang anumang konsensya? Bakit. . . Bakit hindi patas ang buhay?" sunod-sunod kong tanong at ramdam ko ang panginginig ng aking boses. "Tatlong buhay ang hindi nabigyan ng hustisya! Paano mo nagagawang mamuhay na ipinagtatakpan ang katotohanan?!"

"Elersa," tawag sa akin ni Prinsipe Jobel. Ramdam ko ang nangangatog kong tuhod at ang pananikip ng aking dibdib, hindi ba niya ako naiintindihan? O siya'y nagbubulag-bulagan lamang?

"Hindi mo pa rin naiintindihan ang daing ng mga mahihi---" Nanlaki ang aking mga mata nang agad siyang lumapit sa akin at tinakpan ang aking bibig gamit ang kanyang palad. Pinalibot niya ang kanyang kamay sa aking tiyan na mas lalo kong ikinagulat. Dahan- dahan niya akong itinungo sa loob ng isang sunog na silid ng bahay.

"Tumahimik ka," paalala niya. Ramdam ko ang mainit niyang hininga sa aking leeg, hindi ko magawang igalaw ang aking katawan. Ang mainit niyang katawan ay dumadampi sa aking likuran, nais kong makawala sa kanyang pagkakayakap.

Nakarinig ako ng isang karwaheng tumigil sa harapan ng bahay, maging ang huni ng paa at halinghing ng mga kabayo. Bumaba ang isang tao roon at mula sa huni ng mga metal na sumasabay sa kanyang lakad ay malalaman mong mayroon siyang mataas na posisyon sa Kaharian. Laking gulat ko nang agad nilang pinasok ang sunog na bahay na aming kinalulugaran, walang tigil ang aking pusong nangangamba. Tinanggal ko ang palad ni Prinsipe Jobel sa aking bibig at siya'y pinandilatan.

"Ilan ang namatay?" boses ng isang pamilyar na boses.

"Anim po, isang buong pamilya," sagot ng isang lalaki. Rinig rin ang mga metal na uniporme nila na animo'y may matataas na posisyon sila sa Kaharian. Dinaanan nila ang aming kinalalagyang silid dahilan upang mas bumilis ang tibok ng aking puso.

"Isang sumbrerong nakaligtas sa sunog," tawa ng isang lalaki. Sinamaan ko ng tingin si Prinsipe Jobel, tinaasan lamang niya ako ng kilay. Bakit pa niya kasi tinanggal ang kanyang sumbrero?! Sabay-sabay na nagtawanan ang lahat dahil sa biro ng isa. Malalaman mo na lahat ay kalalakihan dahil sa kompirmasyon sa kanilang mga boses.

"Saan ninyo sinunog ang kanilang mga labi?" tanong ng isang lalaki na sa tingin ko'y kanilang pangulo. Tanging ang kanilang pare-parehong mga uniporme lamang ang aking nakikita mula sa maliliit na butas ng pader, hindi sapat upang makita ang kanilang mga mukha. Naaalala ko ang karwaheng nakita ko kanina, tiyak na naroroon ang labi ng buong pamilya. Mas tumindig ang aking balahibo dahil sa aking mga nalaman, na anim ang namatay dahil sa nangyaring sunog kabilang na si Mng. Ester. Kung susumahin, umabot na sa walong buhay ang nawala dahil sa akin.

"Sa kagubatang ibinilin niyo rin po noong mga nagdaang gabi," sagot ng lalaki. Tanging ang mga hininga at malalakas na kalabog lamang ng aking puso ang siyang naririnig sa loob. Napatingala ako sa Prinsipe, taimtim rin siyang nakikinig sa mga bagay na kanilang pinag-uusapan. Nakarinig ako ng isang taong nagmamadaling pumasok sa loob ng bahay, rinig ko rin ang kanyang paghihingalo.