Chapter 60: Kabanata 60

"Akala ko hindi ka na darating," nababahalang saad ni Taniel. Nakaupo siya sa isang malaking bato sa harapan ng rumaragasang batis. Bumaba ako sa kabayo, pagkatapos ay itinali ito sa isang puno. Napansin kong walang ginamit si Taniel na kabayo, kaya nagtaka ako.

"Nasaan ang iyong kabayo?" Napatigil ako at inilibot ang aking tingin sa kagubatan "Kuya?"

"Kuya?" agad niyang sagot sa akin.

"Opo, Kuya Taniel." Napansin kong napatawa siya sa aking sagot. Mukhang hindi siya sanay na tinatawag ko siyang 'kuya', maging ako. Isang taon lang naman ang pagitan namin, mas nauna niyang nakita ang mundo. Mas nauna niyang nakita si Inay! "Bakit mo po pala ako pinapunta rito?" Ginagawa ko ang aking lubos na makakaya upang magbigay parin ng kaunting respeto.

"Sa totoo lang, wala." Nanlaki ang aking mga mata dahil sa kanyang naging sagot.

"Anong wala?! Pinapunta mo ako rito nang walang dahilan?! 'Eh anong gagawin natin dito? Kung gayon, naaari na ba akong umuwi?" Inirapan ko si Taniel, alam kong pinipigilan niya ang kanyang pagtawa. Nagmumukha siya tuloy isang napaka-bibong bata dahil rito, kay sarap kuruti ang kanyang mga pisngi. "Sayang naman, kay-aga-aga ko pa namang gumising."

"Ang iyong payneta? Nasaan?" Napatingin siya sa aking ulo.

"Ang ibinigay mong payneta? Nasa bahay, inilagay ko sa aparador ni Inay," -napaisip ako ng maaaring idagdag- "hindi naman anumang oras ay kailangan kong magpayneta." Tama! Dapat hindi niya isipin na lubha kong pinahahalagahan iyon ang paynetang iyon, maaaring iba ang tumakbo sa kanyang isip.

"Ah... G-ganun ba," nauutal niyang tanong at napakamot pa sa kanyang ulo. Kita ko sa kanyang reaksyon ang pagkadismaya sa kanyang narinig.

"Oo nga pala, kuya. Nakita kong ginamit ni Ate Jesa kanina! Tunay na bagay sa kanya." Napaisip-isip muli ako ng idadagdag habang naglalakad lakad sa gilid ng batis. "Mas mahaba ang buhok ni Ate Jesa kaysa akin, kaya mas kakailanganin niya iyon."

"Anong ibig mong sabihin, Elersa?" Tumayo na na siya sa pagkakaupo sa gilid ng batis. Para bang kinabahan ako sa kanyang pagtayo. Kunwari akong naglakad papalapit kay Perlo at hinimas hinimas ang balahibo nito.

Napansin kong papalapit siya sa amin kaya dali dali akong nagtungo sa likuran ng kabayo. Kinakabahan ako sa kanyang inaakto.

"Ang ibig kong sabihin... Mas mainam kung ibigay ko nalang kay Ate Jesa ang payneta," pagpapaliwanag ko. Napatingala ako at may nakita akong isang kulay berdeng aprikot. Tinalon ko ito nang ilang beses upang maabot, ngunit hindi ko kaya. Hinihingal pa akong tumingin kay Taniel, "Kaya ko namang bumili."

"Ah... Sa bagay, maaari ka namang humingi sa mga Prinsipe kung iyong nais. Tiyak pagbibigyan ka nila," sagot niya. Inihanda ko ang sarili ko upang tumalon nang mataas. Tumalon ako ngunit hindi parin ito sapat. Laking gulat ko nang agad na tumungo si Taniel sa aking likuran. Matangkad siya sapat upang maabot niya ang prutas na aprikot nang walang kahirap-hirap. Iniabot niya sa akin ito. "Ito, kapatid ko."

"Salamat po, Kuya Taniel," mas binigyang linaw ko ang salitang 'Kuya'. Lumayo ako nang kaunti at tumungo sa harapan ng kabayo upang ipakain ang mansanas. Lumapit si Taniel kay Perlo at hinimas himas nito ang kanyang balahibo.

"Ano ulit ang pangalan ng kabayong ito?" tanong niya. Hindi ko alam kung pinapunta niya lamang ako dito upang tanungin ng maraming bagay.

Sumikat na ang mainit init na sinag ng araw at ang malamig na paligid ay naglalaho na rin. Ngunit ang puno ng aprikot ay ang siyang nagbibigay ng lilim sa amin, maging ang rumaragasang batis na nagpapalamig sa hangin. Napaatras ako nang gumalaw ang kabayo at naglakad papalapit sa gilid ng batis.

"Siya si Perlo." Sinundan ko ang kabayo at linuwagan ang pagkakatali sa kanyang leeg upang mas maging mainam ang pag-inom nito. Nagsimula na nitong dilaan ang malamig na tubig ng batis, para bang ang bawat butil ng tubig ay kanyang ninanamnam. Pakiramdam ko ay nauuhaw na ako dahil sa kapapanood sa kabayo.

"Perlas. Iyon ba ang nagmulan ng kanyang pangalan? Maganda naman," saad ni Taniel. Lumapit rin siya sa batis at naglupasay sa batuhan. Pumulot siya ng bato ay inihagis da malayo. "Kapag ibinigay na sa akin ang kabayong aking hinihiram, papangalanan ko siyang Delpina."Napatayo siya at binuhat ang napakalaking tipak ng bato sa gilid ng batis. Halos mapapikit pa si Taniel dahil sa bigat nito, pilit niya itong inihagis sa batis na gumawa ng napakalakas na pagsaboy sa amin. Mabuti't agad kong naiwas ang aking sarili.

"Delpina? Babae ba ang iyong kabayo?" nagtataka kong tanong sa kanya. Napatingin ako sa kanya, maging siya ay nasabuyan rin ng tubig dahil sa kanyang kalokohan. Yumakap ang manipis na damit ni Taniel sa kanyang katawan dahil sa pagkabasa nito.

"May lalake bang Delpina?" Pakiramdam ko ay bumabawi siya sa akin dahil sa payneta, hindi ko maiwasang mapataas ng kilay. "Nag-iisip ka ba, kapatid kong Elersa?"

"Ano?!" Biglaan akong tumayo at masama siyang tiningnan. Sinasabi ba niyang hindi ko ginagamit ang aking isip? Alam ko namang babae lamang ang maaaring gumamit ng pangalang iyon, ako'y naninigurado lamang.

"Sinasabi mo bang hindi ko ginagamit ang aking utak? Ikaw kaya ang hindi nag-iisip!"

"Oh? Pano mo naman nasabi iyan? Naku naman, aking kapatid!" Napahalukipkip na ako sa inis, pakiramdam ko ay anumang oras ay gugustuhin kong itulak na siya sa batis. Pakiramdam ko ay kumukulo na ang aking dugo.

"Alam mong babae ang kabayo, tapos anong ginawa mo?! Nagpahabol-habol ka pa kahapon dito kahit pa man napakalakas ng ulan?! Maaari siyang mapahamak dahil sa iyong ginaga-"

"Ngunit hindi siya napahamak," pagpuputol niya sa akin.

"Kahit na! Babae parin siya! Dapat hindi mo siya sinasama sa iyong mga kalokohan!" hindi ko pagsang-ayon sa kanya. Nanlaki ang aking mga mata at nanbilog ang aking bibig nang biglaan niyang hinubad ang kanyang pantaas.

Ngunit agad ko ring ibinalik sa nagagalit na Elersa ang aking mukha nang mapatingin siya sa aking gawi. Napahalukipkip pa ako at tinaasan siya ng kilay upang iparamdam sa kanya na hindi ako naaapektuhan sa kanyang ginawa.

Ngunit kahit na! Kapatid niya parin ako at wala siyang karapatang mag-eskandalo sa aking harapan. Dapat parin siyang rumespeto sa mga kababaihan! Hindi ko na alam, sa tingin ko'y ako lang ang nagbibigay ng malisya sa nangyayari.

"Sinasabi mo bang mahihina ang mga babae? Paano ka?! Hindi ba't sinundan mo rin kami kahapon? Naku naman, dapat nagisip ka rin na maaari kang mapahamak sa ginawa mong pagsunod sa akin. Babae ka, Elersa." Binasa niya ang kanyang damit sa batis at piniga ito. Humubog rin ang kanyang mga braso dahil sa kanyang pagpiga, sa tingin ko'y mapupunit na ang damit dahil sa kanyang sobrang lakas.

"Sinasabi mo bang mahihina ang mga babae?!"

"Ikaw ang unang nagsabi niyan." Dapat na nga akong tumigil, wala nang patutunguhang maganda ang pakikipag-usap ko sa kanya. Hindi ko rin nais na maibalik ang mga nangyari kahapon nang umaga. Pakiramdam ko ay gusto ko nang bumiyak ang lupa at lamunin na ako dahil sa kahihiyan. Hindi ko alam kung tama ba ang mga pinaggagagawa ko kahapon.

Ngunit sa tingin ko'y tama lang ang aking naging desisyon para sa amin, para sa aming sariling ikabubuti.

Napatigil ako at tiningnan si Taniel. Sa pagkakaalam ko, ako ang nagbigay ng unang pagluha sa kanya. Ako'y napabuntong hininga at kinuha ang atensyon ni Taniel, "Taniel."

"Oh? Ano iyon?" Isinuot niya ang piniga niyang damit.

"May itatanong lamang ako," deretso kong saad. Laking gulat ko nang mapagtantong kanina pa pala wala si Perlo na kanina lang ay umiinom sa batis. Napalingon-lingon ako at namataan siyang natutulog na sa ililim ng puno ng aprikot. Akala ko tuloy ay siya nanaman si Nilo, dahil madalas nakakaidlip ang aking kapatid sa ilalim ng mga puno.

"Ano iyon?" tanong ni Taniel. Napabuntong hininga ako at pinag-isipan ulit ang aking mga sasabihin. Ang mga salitang tumatak sa akin isipan kanina lamang.

"Itataya mo ba ang buhay ng iyong pamilya para sa iyong sariling kagustuhan?" Napatigil siya at para bang pinag-iisipan pa nang matagal ang aking tanong.

"Ano namang klaseng tanong 'yan," napangisi si Taniel at napailing-iling. "Syempre Oo." Nagtaka ako sa kanyang sagot, para bang ginagawa niya nalang isang kalokohan ang lahat ng bagay.

Nakisabay nalang rin ako sa kanyang pagtawa ngunit pinipigilan ang aking sariling pakawalan ang mga tunay na nararamdaman. Mga seryosong tanong, ngunit pinagsasawalang bahala niya lamang. Mga tanong na mula sa puso, ngunit ginagawang katatawanan lamang.

Agad ko siyang tinalikuran, at tumungo na sa kabayo.