Chapter 26: Tyke’s Condo
“Buddy! Tumawag sa ‘kin ang concierge ng condo building ko. May pumasok daw sa condo ko. Tiningnan nila pero wala silang makita. Puwedeng paki-check muna at baka may nawala? May emergency ako kasama si Alex, eh.”
Napakunot ng noo si Brayden sa narinig nang tumawag sa telepono ang kaibigang si Tyke.
“What? Pinasok ang condo mo? May guard doon at CCTV, ah!”
“Kaya nga, bud. Paki-check. Hindi ko pa maiiwan si Alex.”
“Ano ba kasing ginagawa n’yo? At paano ko malalamang may nawawala nga sa unit mo, ha? Hindi ko naman alam kung anu-ano ang mga gamit mo roon na puwedeng mawala, ah. Doon ba ako nakatira, ha? Gago ka talaga, Tyke!” Kung anu-ano na lang kasi ang kabaliwan ng kaibigan niyang ito. Baka ay niloloko lang siya nito at ni Alex para pumunta roon at makipag-inuman lang sa mga ito. Lately kasi ay hindi siya nakipag-inuman sa mga kaibigan dahil palagi silang nagkikita ni Kelly.
“Please lang, bud. Favor lang, o. May gagawin akong pabor para sa ‘yo kung gagawin mo ‘to para sa ‘kin,” pakiusap pa rin ni Tyke.
Napabuga siya ng hangin. “Fine! Dadaan ako sa condo unit mo. Kapag nalaman kong niloloko n’yo ako ni Alex, hindi kayo imbitado sa kasal ko.”
“Huwag naman! Excited pa naman ako sa araw ng kasal mo,” natatawang anito.
Naiiling siya at napangiti.
“Excited ako kung sino ang bride!” dugtong ni Tyke at saka humagalpak na ito ng tawa.
Kumislot ang mukha niya sa biro nito. It hit a nerve. “What the hell, Tyke?”
“Bakit? Sigurado ka na ba talaga kay Kelly?”
“Why not? I already asked her to marry me, and she said yes! She’s going to be my bride, bud!” giit niya.
Tumawa si Tyke sa kanya. “Talaga ba, buddy? Dahil sa nakita ko sa birthday party ni Alex, eh… mukhang iisang babae pa rin ang itinitibok ng puso mo. Si Gianna ‘yon. Huwag mo nang ipagkaila. Tayo-tayo lang naman, eh. Promise, hindi ko sasabihin kay Kelly.”
“What the f*ck, bud? Don’t you ever say a word to her.”
“Sinong her? Kay Kelly? O kay Gianna? Inaamin mo na ba talaga ngayon?” kulit nito.
Pinatay niya ang aparato dahil sa pagkabanas. Ayaw niyang patulan ang kaibigan. He already felt the turmoil inside of him without his friend spelling it out to him. And he was mad!
***
Pagkalabas ni Brayden sa trabaho sa hapong iyon ay dumiretso na nga siya sa condo ng kaibigan. Kinausap niya saglit ang guwardiya. Wala naman itong ideya sa pinagsasabi ng kaibigan kaya nga nagdududa siyang niloloko lang siya ng dalawang kaibigan. Gayunpaman ay tumuloy pa rin siya sa condo unit ng kaibigan sa pang-apat na palapag. Isinumpa niyang pagagalitan si Tyke mamaya kapag nakita niya. Puro lang kasi ito kalokohan.
Ipinihit niya ang seradura ng pinto. Napangiti siya dahil hindi nakasara iyon. Sigurado siyang may hinandang prank ang dalawang kaibigan para sa kanya. Sinadya talaga kasing hindi isinara ang pinto upang makapasok siya nang malaya. Kaya naghanda siya sa sarili kung anuman ang prank na iyon.
“Tyke? Alex? Nasaan kayo? I swear I’ll—” Natigilan na lang siya nang makita niyang nakaupo sa sofa si Gianna at sa harap nito ang center table kung saan may isang bote ng tequila na nakapatong. Sinalubong nito ang kanyang paningin nang may pagtataka.
Napasimangot siya.
Dahil ba sa hindi siya nito makuha kaya ngayon ay bumaling na ito kay Tyke o ano? Biglang kumulo ang dugo niya at bumangon ang paninibugho sa kanyang dibdib.
“What the hell are you doing here?” Brayden demanded. Pagkasara niya ng pinto ay humakbang siyang papalapit sa dalaga. Nagpatuloy naman ito sa pag-inom. “Umiinom ka rito habang naghihintay kay Tyke?”
Anong klaseng babae ang nasa loob ng unit ng isang lalaki, umiinom, at hinihintay ito? And what about her wanting for them to get back together? Was it just a game for her then? Sinubukan lang siya nito?
Right then, his heart was broken into pieces. Again.
He knew it. He would always be hurt by her. She was his f*cking kryptonite! Babalik-baliktarin man ang mundo, hindi na iyon magbabago.
Nagpatuloy ito sa pag-inom na parang walang narinig. Nangalahati na ang bote. Inabot nito iyon para magsalin sa isang baso. Nanonood lang siya rito na nanlilisik ang mga mata. Mukhang hindi pa rin siya papansinin ng babae.
“So, you’re ignoring me now, Gianna? That’s… fine, I guess.” Humakbang siya papalapit dito. Inagaw niya ang basong hawak nito at kinuha na rin ang bote ng tequila. Inilagay niya ang mga iyon sa pinakamalapit na shelf ng display cabinet na nasa kaliwang banda niya. “Pero ayokong malasing ka rito. Tyke is my best friend, and I don’t want to lose that friendship over you. So, either you leave now or I call security,” babala niya sa babae.
Napatawa nang pagak si Gianna. Tumayo ito at hinarap siya. Napansin niyang bahagya itong sumuray. Lasing na nga ito. Subalit pinilit nitong tumayo nang maayos.
“You… you’re a selfish bastard, Bray! You know that?” Dinuro siya nito at sinundot-sundot ng hintuturo nito ang matigas na dibdib niya.
Umasim ang mukha niya. “What? Ako pa ngayon ang selfish? Eh, ikaw nga itong umalis dahil gusto mong maging sikat at yumaman!” pakli niya sa babae.