Chapter 24: Expired Na

“Bakit ba tayo nakatambay rito sa kanto?” paungot na tanong ni Brayden sa kaibigang nasa driver seat. “’Di ba pauwi na tayo?” Nakakunot ang kanyang noo.

“Hinihintay ko si Naomi na dadaan. Mag-o-offer ako ng ride sa kanya.” Patingin-tingin ito sa rear view at sideview mirrors. Sa parehong pagkakataon ay tinambol-tambol nito ang mga daliri sa manibelang hawak.

Napailing-iling siyang naiinis. “Anong oras naman ‘yon lalabas sa tingin mo?”

“Oy, nandiyan na siya, bud!” excited na anitong inignora siya. “Naomi!” tawag nito sa babae.

Nakita sila nito, bakas ang pagtataka at pagkagulat sa mukha. Lumapit sa kanila ang dalagang nakakunot ang noo.

“Bakit? Akala ko ba ay umuwi na kayo?” Bahagyang nakakislot pa rin ang mukha nito.

“Iyan na nga ang sabi ko, eh,” sabi niya sa pinsan ng ex.

Sinapak siya ng kaibigan sa dibdib at napaubo siya. “Ah, Naomi, saan ka pupunta? Sa trabaho? Ihahatid ka na namin,” alok ni Tyke sa dalaga.

Kumibit si Naomi. “Okay. Sige. Iyan pa ba ang hihindian ko? Malilibre pa ako ng pamasahe, eh.” Nakangiti ito at pumasok na saka umupo sa backseat.

Pinaandar na ni Tyke ang kotse at nagmaneho na. Patingin-tingin ito sa rear view mirror nang nakangiti. Napalingon naman siya kay Naomi.

“Ang tagal na rin nating hindi nagkita, ‘no?” sabi nito. “Kumusta na ang… mama mo?” tanong nito sa kanya.

“Okay lang naman,” sagot niya.

“Ah, mabuti naman,” matabang na sabi nito na may matabang ding ngiti.

Napasimangot siya. Parang may laman sa tunog ng boses nito subalit sa opinyon niya lang yata.

“Doon sa restorang ‘yon ka pa rin ba nagtatrabaho?” singit ni Tyke. Nag-make face pa ang kaibigan sa kanya bilang senyales para hindi niya kausapin si Naomi at ito na ang bahala sa dalaga. Kaya naman ay napatingin na lang siya sa labas ng bintana para pagbigyan ito.

“Oo, eh. Ikaw? Playboy ka pa rin ba?” Nakangiti ang dalaga na sinilip ang kaibigan niya sa rear view mirror.

Napaubo silang dalawa at napatawa siya nang mahina. Sapol ang kaibigan niya. Pinandilatan pa siya ni Tyke.

“A-anong playboy? Hindi, ah! Sinong nagsabi niyan? Itong si Brayden o si Gianna?”

Napaismid lang ang dalaga. “May antenna lang ako kaya nalaman ko ang trabaho mo.”

“Hindi, ah! Good boy ako. Marangal din ang trabaho ko bilang investor,” giit ng kaibigan niya.

Ilang flirty exchanges pa ang nangyayari sa pagitan ng dalawa at nagkasundo ang mga ito na magkita sa weekend.

“Hindi date, ah,” pagkaklaro pa ng dalaga bago bumaba ng kotse.

“Okay. Hindi date. Promise. Pero makikipag-date ka rin sa ‘kin pagkatapos,” sabay kindat nito sa dalaga.

Inismiran ito ni Naomi. Pagkatapos ay napalingon ang babae sa kanya. Mukhang nag-aalinlangan ito pero napangiti sa kanya nang matipid.

“Kung… may alam ka lang sana sa nangyari noon, eh,” makahulugang saad nito.

Napakunot-noo siya kay Naomi. “Tungkol saan?”

“Ah, huwag mo ng isipin ‘yon! Baka kasi mumurahin at palalayasin pa ako ni Gianna sa bahay niya kapag may sinabi ako sa ‘yo.” Bumaling ito kay Tyke at tinapik ito sa balikat. “Sige! Salamat sa paghatid. Tanungin mo na lang si Gianna sa number ko.” Nagmamadali na itong umalis patungo sa restoran.

“What was that?” tanong niya kay Tyke.

Mukhang may gustong sabihin si Naomi sa kanya pero hindi nito kayang sabihin dahil sa pinsan. Kaya naman ay napausyuso siya.

Napatitig sa kanya ang kaibigan. Ito rin ay parang nagpipigil lang sa mga salitang gustong bumitiw sa bibig nito.

He knew deep inside it was odd. May sekreto ba ang mga ito at hindi niya alam?

“Ang ibig sabihin ni Naomi ay makipag-usap ka nang masinsinan kay Gianna. You might just find some things out. Baka may hindi ka nalalaman kung bakit ka niya iniwan noon.”

He snorted. “Huh! That’s an old story, bud. It was just plain and simple. She wanted money and fame over our relationship. So, wala na kaming dapat pang balikan. I’m moving on—with Kelly!”

“Well… kung desidido ka na, eh. Walang sisihan!” Pinatakbo nitong muli ang kotse at inihatid na siya pauwi.

Somehow, it became a puzzle to him. Agad siyang naligo at nagbihis para pumasok sa trabaho. Naging abala siya sa buong maghapon pero pumapasok pa rin sa isip niya si Gianna at ang halik nito sa kanya sa party.

Nang umuwi siya ay naratnan niya ang katipan sa kanyang bahay.

“Hey. I missed you, babe! Parang ‘antagal nating hindi nagkita, ‘no?” Nakangiti ito sa kanya nang matamis. Hinalikan siya nito sa labi ngunit nasa alaala niyang muli ang halik ni Gianna sa kanya kagabi at kung paano siya tumugon sa babae.

Hell! Gianna was just teasing him then, but it was too much for him. Nayanig na ang marupok niyang pader. Guguho na iyon anumang sandali at makapapasok ulit ang ex sa buhay niya. O nakapasok na itong talaga.

‘You kissed her back, remember?’

“So, nasaan ang regalo mo para kay Alex? Hindi mo kasi ibinigay sa ‘kin kahapon. Disin sana’y ako na ang nag-abot sa kanya.”

“Nakalimutan ko talagang ibigay sa ‘yo kahapon, eh. Nandoon sa kotse ko. Pasensiya na talaga, babe,” paumanhin ng babae na may paglalambing sa tono.

“Sige, ibibigay ko na lang sa kanya sa weekend. Or, kung gusto mo, tayong dalawa na ang bibisita sa kanya sa studio niya,” mungkahi niyang nakangiti.

“Okay!” masayang anito. “Sabay na lang tayo.”

Napatitig siya kay Kelly. Niyakap niya ito. Parang ayaw niya itong bitiwan.

“Hmm… Ba’t parang ang higpit yata ng pagkakayakap mo sa ‘kin ngayon, ha?” puna nitong may panunukso sa mga mata. “May kasalanan ka ba sa ‘kin?”

“Ano? Ba’t mo nasabi ‘yan?” Sa loob-loob naman niya ay nakonsensiya siya.

Oo, nakonsensiya siya. Subalit nang analisahin niya, bakit parang hindi rin siya guilty? It was weird.

“Just pulling your leg, babe,” anang babae. “Ikaw naman, eh. ‘Di ka na mabiro. But… seriously. Parang may marami kang iniisip lately. May problema ka ba o ano? Sabihin mo lang sa ‘kin. I’m willing to listen, you know that.”

Naglakad sila patungo sa pool nang magkahawak-kamay.

“Gusto mo bang buburahin ko ang mga ‘yon?” dagdag nito nang pilya.

‘I need to be grounded. I just can’t let Gianna take me away!’

Iniyuko niya ang ulo at sinakop ang bibig ng kanyang fiancée.

‘Gianna…’ paulit-ulit namang usal ng kanyang puso at isipan. Ramdam niya ang malambot na labi ngunit iba ang nalalasahan niya. It was not as sweet as Gianna’s lips. It was not as hot or passionate. Everything that was not Gianna’s. It was disturbing. And alarming.

Bumitiw siyang bigla sa katipan. He thought he was really kissing his ex, but apparently, he was not. Natatabangan siya. Walang pananabik na nararamdaman sa mga sandaling ito. Sa katunayan nga ay lalo lang itong nagsusumidhi simula nang bumalik si Gianna.

‘Is it because you’re forcing yourself to move on with Kelly? Ah, you’re so pathetic indeed, Bray!’

“Is there something wrong?” banayad na usisa ni Kelly. Nagtaka ito nang dahil sa biglang pagtigil niya.

Napailing-iling siya. Sa isip niya ay napamura siya. He believed this was getting worse, and it was getting out of hand. Fast.

Kahit kasama niya si Kelly ay lalo lang lumakas ang pagnanasa niya para kay Gianna. Parang gamot lang. Nawala na ang bisa ni Kelly. Nag-expire na. Kaya naman ang mga simtomas ay lumilitaw na lang nang basta at mukhang hindi na niya kayang agapan pa.