Chapter 33: Pangungulila

Napaingos si Rowan. Napasulyap siya sa kaniyang cell phone. Hindi nga pala niya pinalitan ang wallpaper noon. Iyong selfie na kuha niya noong Halloween ang nandoon. Si Tinker Bell pa siya at si Batman si Lucian.

Hinaplos niya ang nakasimangot na mukha nito sa ilalim ng maskara.

“Gago ka! Ang guwapo-guwapo mo talaga pero galit pa rin ako sa ‘yo!” Saka inilagay niya iyon sa ibabaw ng mesita.

Napasandal siya sa sofa na nasa sala ng kaniyang bahay. Kahit saan siya tumingin ay ang mukha ni Lucian ang nakikita niya.

“Humingi ng tulong si Reina dahil in-embezzle ng anak niya ang pera ng kompanya nila at si Lucian ang hiningan niya ng tulong. Ayaw niyang mawala ang lahat ng iniwan sa kanila ng asawa niyang namayapa na. Dahil nga kaibigan ni Lucian ang patay nang asawa ni Reina, he promised to help her. Noong nakita mo sila, he just comforted her and nothing else.”

Naalala niya ang sinabi ni Marion sa kaniya. Iyon daw sana ang paliwanag ni Lucian sa kaniya na ayaw niyang pakinggan. Lumabas na lahat mula sa bibig niya na ayaw niya itong makitang muli at iyon na nga ang ginawa ni Lucian.

Gayunpaman, araw-araw pa rin siyang pinapadalhan nito ng mga bulaklak. And somehow, she wished he said something even in a note. Kaya lang ay walang kalakip ang mga iyon. Mga bulaklak lang na pulang carnations.

‘O, ano na ngayon ang pinag-iinarte mo? Pakipot ka pa. Sinabi na nga niya ang dahilan niya pero ayaw mong paniwalaan? Ano ka na ngayon? Eh, ‘di tanga!’ pinagalitan niya ang sarili.

Nauntag siya mula sa kaniyang iniisip nang marinig ang putukan sa labas.

‘Pasko na nga pala ngayon.’

Pero heto siya, nakamukmok sa kaniyang bahay. Inimbita siya ni Marion sa bahay nito para doon na magpa-Pasko at nang hindi siya mag-iisa ngunit tinanggihan niya ang kaibigan.

Tumayo siya at sumilip sa bintana. Nakita pa niya ang mga bata sa kalye at ilang mga kalalakihan na nagpapaputok ng fireworks. Binuksan niya ang pinto at sumandal sa hamba. Naamoy niya ang pulbura at usok.

Nakita niyang bigla ang isang pamilyar na kotse pero agad ding nawala iyon na tila namamalik-mata lang siya.

‘Iniisip mo pa rin kasi siya kaya nakikita mo pa siya, Rowan,’ sa loob-loob niya.

Napatingin na lang siya sa fireworks sa itaas. Kahit paano ay napangiti siya. Ngunit napalis iyon dahil sa kaniyang pananabik kay Lucian. Kung sana ay nasa tabi niya ito, wala na yatang mapaglalagyan ang saya sa puso niya.

She missed him so bad!

“I still love you, Lucian. So bad!” nausal niya sa sarili. Nasa dibdib niya nakasapo ang isang kamay.

Inisip niya kung paano niya ito kakausapin ngayon. Hindi na ito tumatawag o kaya ay nagte-text man lang. Hindi man lang siya binati ng “Merry Christmas!” o kaya ay simpleng “Kumusta ka na? You know what? I’ve missed you.” Kaya naman ay naghihimagsik din ang puso niya.

“Kung mahal mo talaga ako, bakit tinitiis mo ako?” inis na malakas niyang sabi sa sarili at saka ibinalibag ang pinto.

Napahugot pa siya ng isang malalim na hininga.

“Merry Christmas, Rowan!” sarkastikang bati niya sa sarili na parang baliw.

***

“Still no news?” malungkot na pansin ni Lee kay Lucian habang siya ay nakatayo sa balkonahe.

Ang kaniyang party ay ginagawa sa bagong landscaped lawn niya. Napakaganda ng mga samo’t saring ilaw na siyang tumatanglaw sa kanilang paligid. Maganda ang napiling portable pond ni Rowan. Meron din itong maliliit na ilaw saka bulaklak.

Sumandal si Lee sa rail nang paharap sa kaniya.

Hindi niya ito pinagtuunan ng pansin. Ang paningin ay nasa maraming ilaw na nasa lawn niya. Napakaliwanag talaga ng mga ito. Maingay ang musika mula sa live band na binayaran niya at tumugtog sa isang makeshift stage. Si Rhenn ang kumuha sa bandang ito. Sikat daw. Siguro nga dahil tuwang-tuwa ang mga bisita niya sa kompanya at ilang mga kamag-anak nila na nandoon sa kaniyang Christmas Party. Alam ng mga ito ang kanta ng banda dahil nakikanta ang mga ito.

“I guess… not too soon,” mapait niyang tugon sa pamangkin. Ilang saglit din ang lumipas bago siya nagsalita.

“You want me to intervene or what? Sabihin mo lang sa ‘kin, Uncle Lucian,” alok ni Lee.

Ngumiti siya nang matipid, tinapik ang balikat ng pamangkin. “No. I can do this on my own, but I appreciate the offer and your concern. Just go and have fun with Raya and Baby Lance. Mukhang papunta rito si Kuya Lucas at hinahanap ako. Malamang may nakikita siyang hindi maganda at pagagalitan ako.”

Nakita niyang napaangat ng tingin ang kaniyang kapatid. Sumenyas pa itong pababain siya.

“See?” dagdag na aniya sa pamangkin.

“Well, then, Merry Christmas, Uncle Lucian!” sabi ng pamangkin at niyakap siya habang tinapik-tapik sa balikat. Kasabay niyon ay ang pagpapaputok ng fireworks.

Napatingin siya nang saglit sa mga iyon. Makulay. Maganda. Maliwanag sa gitna ng madilim na kalangitan. Alam niyang nasisiyahan sana ngayon si Rowan kung nasa tabi lang sana niya ito ngayon. At sana ay ito ang pinakamasaya niyang Pasko sa buong buhay niya, subalit naunsyami iyon.

Inaya na rin lang siya ni Lee na bumaba sa lawn. Batid niyang dapat na makisalamuha siya sa kaniyang mga bisita. He should play the perfect host. Responsibilidad niya iyon.