Chapter 7: Miss Lucia

"Ano nga pala ability mo?" tanong ko kay Nach. Kasalukuyan kami ngayong nakaupo sa sahig habang nagrereview para sa quiz namin bukas lalo pa't wala kaming makukuha na +10 since hindi naman kami pumasok kahapon. Nandito siya ngayon kasi kinuha ng mama niya yung mga gadgets niya at bored na bored siya sa bahay nila.

Sumabat si Kright. "X-ray vision." Katulad ko ay nagrereview din siya habang kumakain ng banana chips. Sa pagkakaalam ko ay may quiz din siya bukas sa English. Nang malaman niya na nagpunta dito si Nach ay naisipan niya ring pumunta dito. Hanggang sa maging sina Ethan at Riz ay sumunod na rin dito.

Nilingon ko siya. " E ikaw? Anong ability mo?" Tanong ko sa kanya. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam ang mga ability nila maliban kina Riz at Ethan.

Ngumiti siya sa akin. "Invisibility." Nanlaki ang mga mata ko sa pagkamangha. Matagal ko na kasing pinapangarap na magkaroon ng ganoong ability tapos tatambay sa mall at kukuha ng mga pagkain nang libre.

"Kaya mo bang humawak ng mga bagay habang invisible ka?" tanong ko. Bukod sa pagkuha ng mga pagkain sa mall, isa sa pinapangarap kong magawa habang invisible ay ang magpanggap na multo at takutin ang mga nakaaway ko.

Proud na proud siyang ngumiti sa akin. "Siyempre oo! Hilig ko nga noon ay takutin ang mga teacher ko na may planong ibagsak ako. Pati na rin ang magpunta sa girls' restroom tap----" napatigil sa pagsasalita si Kright nang takpan ni Riz ang bibig niya.

Namumula ang mukha ni Riz habang tinatakpan ang bibig ni Kright.

"TMI! TMI! TMI!"

"hmpf hmpf" nagpupumiglas si Kright sa pagkakahawak ni Riz sa bibig niya. Agad naman siyang binitiwan ni Riz.

Nilingon ni Kright si Riz. "D*mn! Plano mo ba akong patayin ha?!" galit na sigaw niya. Hinihingal siya habang nagsasalita.

Umirap si Riz. "Wala. Pero kung ipagpapatuloy mo yung sinasabi mo kanina, papatayin talaga kita." Nalukot bigla ang mukha ni Riz. "Eww! Tingnan mo nga ang ginawa mo! May laway! Yuck!" Nandidiri siyang nilingon ako.

"Aspen! Saan ang banyo niyo?!" sigaw niya.

Halos mapatalon ako sa sigaw niya.

"Katabi ng kusina! Nandoon!" Pati ako ay nagpapanic na rin.

Agad siyang pumunta doon. "Ugh! I hate you Kright! I'm gonna kill you!" Kahit nasa banyo siya ay dinig na dinig namin ang sigaw niya.

Nagsalita si Kright. "Ano nga pala yung pinaguusapan natin?" Kahit pinagbantaan siya ni Riz ay nagawa niya pa ring ngumiti.

"Tungkol sa mga ability niyo. Ano nga pala ang ability ni Athena?" curious na tanong ko.

"Chlorokinesis." sagot ni Ethan na seryoso sa pagsusulat. Paniguradong nagdodrawing lang ang isang iyan. Mas marami pa nga ang mga drawing niya kaysa sa mga sinulat namin.

"C-Chlorine?" Grabe naman ang ability ni Athena. Chlorine. Katakot baka bigla akong lasunin. Simula ngayon ay hindi ko dapat kalabanin si Athena.

Malakas na humalakhak sina Kright at Ethan. Hindi rin nakaligtas sa paningin ko ang paggalaw ng mga balikat ni Nach habang nakayuko siya.

"Huwag ka nang mahiya Nach. Ilabas mo na yan. Baka mamaya magkalat ka pa rito e." Pagkasabi ko nun ay humalakhak na rin si Nach. Sa kanilang tatlo ay siya ang may pinakamalakas na halakhak.

Unti unti na rin silang huminahon samantalang ang pesteng si Nach ay pangiti-ngiti pa rin na halatang pinipigilan ang pagtawa.

Tumikhim si Kright. " Chlorokinesis yon Aspen hindi chlo---pfft hahaha.." sinamaan ko siya ng tingin nang magsimula siyang tumawa ulit.

Sumabat si Ethan na may seryosong mukha pero halatang gusto ring tumawa.

"Chlorokinesis. It is the ability to mentally and physically summon, control and manipulate plants and vegetation. Sa madaling salita, kaya ni Athena na kontrolin ang mga halaman." Paliwanag niya.

Na-gets ko naman ang sinabi niya.

"Ahh." sagot ko. Kaya pala may rose na nilabas si Athena. Akala ko mahilig lang siya sa mga halaman.

"E si Jethro?" Tanong ko. Sa angas ng dating ni Jethro, paniguradong maangas din ang ability niya.

"Meron siyang healing powers." napakurap ako sa sagot ni Nach.

Napataas ang kilay ko. "Weh?"

Tumango silang tatlo. "Oo. Kaya nga palagi siyang naiiwan kasi kailangan ng gagamot sa amin kapag may nangyaring masama sa amin." Sagot ni Ethan.

"Kaya kung mainis ka sa ugali ni Jethro, hayaan mo na lang. Bitter kasi iyon dahil hindi nakakasama sa mga bakbakan sa amin." sabi naman ni Kright. Hindi talaga ako makapaniwala. Para kasing hindi tugma yung ability niya sa ugali niya.

Naputol ang pag-uusap namin nang dumating si Demi galing sa kusina.

"Tapos na ako magluto. Halina kayo."

Aya sa amin ni Demi. Nakaramdam na ako ng gutom kaya agad na akong naglakad papuntang dining area samantalang nakasunod naman ang tatlo sa akin.

"Teka, nasaan si Riz?" Tanong ni Demi habang nilalagyan ng kanin ang mga plato

namin.

"Nasa banyo. Naghuhugas ng kamay." Sagot ko habang tinititigan ang ulam namin. Adobong manok kasi ang niluto ngayon ni Demi. Isa sa mga paborito ko kaya halos magniningning ang mga mata ko.

"Pustahan tayo Ethan, naligo na sa banyo si Riz." sabi ni Kright habang kumukuha ng ulam.

Sumimangot si Ethan. "Ulol! Ako pa inaaya e alam ko namang kapag natalo ka magtatago ka e!" sabi niya

Nagtaas ng kanang kamay si Kright.

"Promise di ko gagawin. Sige na, pustahan na tayo." halos kilabutan ako nang magpuppy eyes pa si Kright.

"Oh sige na nga. Magkano ba pusta mo?" Tanong ni Ethan habang ngumunguya. Grabe, hindi na nahiya. Sa harap pa ng pagkain nagpuntahan.

"1000. Ikaw ba, magkano iyo?" Nagsimula na rin akong kumain nang mapansing ako na lang ang hindi ginagalaw ang pagkain.

"1000 rin. Basta ang alam ko hindi naligo si Ri--- oh diba? Sabi sa iyo hindi siya naligo e!" Tuwang tuwa si Ethan nang lumabas si Riz mula sa banyo. Tulad ng sabi ni Ethan ay hindi nga naligo si Riz. Pero bakit ang tagal niya sa banyo?

Tinaasan siya ng kilay ni Riz. "Don't tell me pinagpustahan niyo ako?" umupo na rin siya sa bakanteng upuan na katabi ko.

Ngumiti si Ethan. "Edi hindi ko sasabihin."

Umirap si Riz. "Whatever. By the way, nasaan si Kright? Hindi ko pa rin nakakalimutan ang ginawa niya kanina." Agad kaming napatingin sa upuan ni Kright dahil sa tanong ni Riz. Nawala bigla si Kright.

"Hoy Kright! Napakadaya mo talaga!" Nilingon ni Ethan si Riz na kalmado lang na kumakain. "Riz! Tulungan mo nga ako!"

Tumango si Riz. "Hmm okay." Ikinumpas niya ang kanyang kamay dahilan para lumitaw si Kright.

Agad na pinuntahan ni Ethan si Kright.

"Akin na yung 1000!" Inilahad ni Ethan ang kanyang kamay para kunin ang pera.

Kinamot ni Kright ang kanyang ulo bago iabot ang 1000 kay Ethan.

"Tsk. Talo na naman ako." sabi niya. Ang lakas mag-aya ng pustahan e lagi namang talo.

"Kung hindi ka naligo, e bakit ang tagal mo sa banyo?" Tanong ko kay Riz habang nilalagyan ko ng kanin ang plato ko. Pangalawa ko na ito ngayon dahil ang sarap ng luto ni Demi.

Nilunok muna ni Riz ang kinakain bago sumagot. "Sinabon ko kasi nang maigi yung kamay ko saka inubos ko na yung hand sanitizer niyo. Okay lang naman siguro since konti na lang naman ang laman no'n." sabi niya.

Napanganga ako. Konti? Sa pagkakaalam ko ay lagpas pa sa kalahati ang laman no'n. Isa pa, noong Lunes ko lang iyon binili.

Bumulong sa akin si Kright. "Ganyan talaga siya. Noong nakaraan nga e inubos niya ang laman ng mini ref ko. Hinahayaan ko lang kasi palagi ko namang nililista yung mga utang niya." sabi niya sa akin.

"Anong pinag-uusapan niyo?" Pareho kaming napatuwid ng upo nang magtanong si Riz.

Kabadong tumawa si Kright. "Ah hahahaha wala lang iyon. Tinatanong ko lang si Aspen kung saan siya kumukuha ng pambayad sa mga gastusin nila dito." Bumilib ako kay Kright sa galing niyang mag-iba ng topic. Mabuti na lamang at naniwala si Riz.

Napalingon silang lahat sa akin.

"Oo nga pala, saan ka kumukuha ng pera? Para kasing wala kang part-time job." tanong ni Riz.

"May mga paupahang apartment sina lolo na naiwan. Si Tita Ysabella ang kumukuha ng mga bayad saka ipinapadala sa akin." Paliwanag ko.

Ang kanina pang tahimik na si Nach ay nagsalita. "Where are your parents? Bakit hindi mo sila kasama?" tanong niya.

"Wala akong magulang. Ang sabi ng lola ko ay may importante lang na ginagawa ang mama ko samantalang ang papa ko naman ay imposibleng mahanap dahil paniguradong nagbago siya ng pangalan." Nanahimik silang lahat dahil sa sagot ko.

Si Ethan ang bumasag ng katahimikan. "Hindi mo ba sinubukang tanungin ang tita mo tungkol dyan? Malamang ay may alam siya dyan."

"Sinubukan ko na rin yan. Kaya lang ayaw din sagutin ni Tita ang tanong ko." sagot ko sa kanya.

Nang mapansin na wala na silang itatanong ay tumayo na ako at nag-inat. "Alas otso na oh. Kailangan niyo nang bilisan ang pagkain dahil magrereview pa tayo para sa quiz natin bukas." Agad naman nilang binilisan ang pagkain. Tumulong ako sa pagliligpit ng mga kinainan namin samantalang sina Kright at Ethan ang naghugas ng mga plato. Si Nach naman ang naglinis ng mesa.

Mabilis din kaming natapos sa pagre-review dahil medyo gets naman namin ang lesson. Ipinahiram ko muna kina Ethan ang kwarto dahil sa kwarto ako ni Demi matutulog.

Kinabukasan

"Aspen! Demi! Tara!" Nagulat ako nang hatakin kami ni Ethan. Recess na namin ngayon at salamat sa Diyos na nakapasa kaming lahat sa quiz ni Sir. Nakakatawa nga lang dahil pare-pareho kaming apat ng score. Napagkamalan tuloy kaming nagkokopyahan.

"Teka! Saan mo ba kami dadalhin Ethan?" tanong ko habang tinatanggal ang kamay niya sa braso ko. Plano ko kasing pumunta sa canteen dahil gutom na ako.

Lumingon siya sa amin na ngiting ngiti. "Nandyan na si Miss Lucia! Galing siya sa Japan kaya malamang ay may pasalubong siya!" Matapos niyang sabihin iyon ay ipinagpatuloy niya ulit ang paghila sa amin hanggang sa makarating kami sa aming club room.

Kinatok niya ang pinto. "Miss Lucia! Nandito na kami!" sigaw niya habang patuloy na kinakatok ang pinto.

Pagkabukas ng pinto ay agad na bumungad sa amin ang isang napakagandang babae. Kung si Athena ay pwedeng ipambato ng Pilipinas, ang babaeng ito naman ay pwedeng ipambato ng planetang Earth.

Inakbayan ako ni Ethan. "Siya si Aspen. Siya ang unang member ngayong school year." Kumaway ako sa babae para hindi awkward. Kumaway din siya pabalik.

Inakbayan din ni Ethan si Demi.

"Eto naman si Demi! Siya yung ikinuwento ko sa iyong bagong member na nakakuha ng kulay gray!" Hindi nakaligtas sa paningin ko ang bahagyang paglaki ng mga mata nung babae pero agad din iyong nawala at naglahad ng kamay kay Demi pero tinignan lamang iyon ni Demi.

Napakamot sa ulo si Ethan.

"Hehehe siya nga pala, siya si Miss Lucia. Siya iyong kauna-unahan miyembro na nakakuha ng kulay gray." kwento niya sa amin. Tinitigan ko naman ang babae na ayon kay Ethan ay si Miss Lucia raw.

Bakit parang pamilyar ang mukha niya?