Chapter 2: Kright's Warning
"Teka, akala ko ba Cleaners Club ito? Bakit may Criminal Hunters kang sinasabi? Ano yon?" Takang tanong ko.
Napangiti siya. "Bago ipaliwanag sa iyo ang tungkol doon, may kailangan ka pang gawin bago makapasa." Akala ko ba pasado na ako? Bakit may test na naman?
Bago pa man ako makapagsalita, agad na niya akong hinila papunta sa isang machine. Kulay puti ito. Mayroon itong hugis parisukat na may bakas na kamay.
Sa itaas nito ay may isang arrow at tatlong kulay. Kulay puti, gray, at black ito.
Humarap sa akin si Riz. "Ito ang tinatawag naming MM. Short for motive meter. Dito malalaman kung ano ang balak mo sa club. Kapag puti ang lumabas, ibig sabihin nito ay wala kang balak na masama sa Club. Ibig sabihin naman ng itim ay kalaban ka o may masama kang balak sa Club. "
"E ang gray?"
"Isa lang ang ibig sabihin non. Wala ka sa dalawa."
"Ha?" Ano raw? Wala akong maintindihan.
"Sa madaling salita, nasa gitna ka lang. Hindi ka kakampi o kalaban. Pero may posibilidad ka na maging kakampi o kalaban. Sa totoo lang, nakakatakot ang gray. Dahil hindi namin alam kung kakampi ba sila o kalaban sa future. Ang tanging nakikita lang ng MM ay ang motive mo sa ngayon. Kaya naman minamadali ang pag-upgrade dito." Paliwanag niya kaya naliwanagan ako nang slight. Hindi ko pa rin masyadong gets.
Tinulak niya ako palapit sa machine.
"Sige na. Subukan mo na." sabi niya sa akin.
"Teka, paano ba ito?" Kailangan bang hampasin ito para gumana?
"Ilagay mo lang ang kamay mo dito." Hinawakan niya ang kamay ko saka itinapat sa square na may bakas ng kamay. Agad ko namang inilagay dito ang aking kamay. Maya-maya ay may naramdaman akong mainit.
"Bakit mainit?" tanong ko.
"Normal lang iyan." sagot niya. Maya-maya ay nakarinig naman ako ng mahinang tunog. Nang tingnan ko ito ay nakita kong nakatapat ang arrow sa kulay puti. Agad kong nilingon si Riz na nakangiti sa akin.
"Ibig sabihin nakapasa na talaga ako?" Tumango naman si Riz dahilan para mapatalon ako sa tuwa.
"Pwede mo na bang sagutin ang tanong ko kanina?"
Tumango siya. "Ok---" Naputol ang pagsasalita niya nang pumasok ang isang lalaki. Siya yung nag-alok ng pustahan sa akin kanina. Nakangiti siyang lumapit sa akin.
"Oh ano? Hindi ka nakapasa 'no? Paano ba yan, akin na 500 ko." Inilahad niya ang kanyang kamay.
Ngumisi ako sa kanya. Kita ko ang pagtataka sa kanyang muka.
"Paano ba yan, pasado ako. Akin na 2000 ko." Nanlaki ang mata niya saka tinignan si Riz.
"Teka, sigurado ka diyan? Riz, totoo ba yung sinabi niya?" Tanong niya kay Riz. Tumango naman si Riz sa kanya.
"Oo. Wag mong sabihin na nakipagpustahan ka sa kanya?" bago pa makasagot ang lalaki sa tanong ni Riz ay nagsalita na ako.
"Oo. Nakipagpustahan siya sa akin at natalo siya." Nilingon ko ang lalaki ngunit nagulat ako nang wala na siya. Naluluha kong nilingon si Riz.
"Nakipagshake hands ka ba sa kaniya?" Tanong niya sa akin. Naluluha pa rin akong tumango sa kaniya. Ang daya kasi ng lalaking yon. Ang lakas mag-alok ng pustahan tapos pag natalo, magtatago.
Napangiti si Riz. "Good. " Maya-maya ay pumikit siya at ilang sandali lang ay lumitaw na yung lalaki.
Nakasimangot niyang nilingon si Riz.
"Tsk. Kinontrol mo na naman ako."
Umirap lang si Riz sa kaniya.
"Ibigay mo yung 2000 sa kanya. At wag kang tumanggi. Sinabi niyang nakipagshake hands ka sa kaniya."
Bakit parang big deal ang pakikipagshake hands ko sa lalaking ito?
Sinenyasan ako ni Riz kaya naman lumapit ako sa kanya.
"Ano iyon?" tanong ko. Inilapit naman ni Riz ang bibig niya sa tenga ko.
"Hindi kasi magbabayad si Kright unless nakipagshake hands ka sa kanya bago malaman ang resulta." Bulong niya sa akin napa 'ahh' ako. Kaya pala iritado siyang nakipagshake hands sa akin. Takot matalo.
"At kapag tumanggi ako?" Tanong ni Kright. Mukhang ayaw niya talaga magbayad.
Tinaasan siya ni Riz ng kilay.
"Isusumbong kita kay Pres o kung magmamatigas ka pa, isusumbong kita kay Big Boss." Nagtaka ako nang biglang pagpawisan si Kright. Natatae ba siya?
Napabuntunghininga si Kright.
"Fine. Eto na magbabayad na ako."
Napangiti ako ng malapad nang iabot ni Kright ang pera sa akin. Maya-maya pa ay nagpaalam na si Riz dahil baka may na ibang estudyanteng dumating.
Nginitian ako ni Kright kaya nagtatakang tinignan ko siya.
"Welcome to the Club. I'm Kright Soriano. Sana hindi ka magsisi na sumali dito."
Napangiti din ako. "Ako naman si Aspen Margarita Santos. Aspen na lang ang itawag mo sa akin."
Maya-maya ay nagpaalam na rin si Kright dahil may bagong target raw siya.
Habang naglalakad ako pabalik sa classroom, muli kong inalala ang usapan namin ni Kright kanina.
'Sana hindi ka magsisi na sumali dito.'
Anong kaya ang ibig sabihin ng sinabi niya?